MATAPOS lang ang tatlong araw ay napaoperahan na si Martin at naging matagumpay naman iyon. Nag-a-undergo na rin ito ng therapy nito para tuluyan na itong gumaling.
Masayang-masaya si Jonas dahil mabilis ang paggaling nito. Nakikita niya ang improvement kay Martin matapos nitong maoperahan.
Nang tanungin siya nito kung saan siya kumuha ng kulang na pera, sinabi niya na humingi siya ng tulong sa gobyerno at iba pa niyang kakilala kaya wala na silang aalalahanin sa gastos. Sinabi niya na hanggang matapos ang therapy ay kayang-kaya na nilang magastusan dahil sa meron na silang sapat na pera. Ngunit lingid sa kaalaman nito ay ang parents nito ang gumastos ng kulang.
Nasa ospital pa rin ng araw na iyon si Martin pero bukas ay lalabas na rin ito. Ayon sa doktor ay kailangan pa rin nito ng regular check up at tuloy-tuloy na therapy.
Palaging nakabantay dito si Jonas upang asikasuhin ito. Sinasamantala na niya ang araw na magkasama sila dahil alam niya na nalalapit na ang pagkawala niya sa buhay nito dahil sa kasunduan nila ng nanay ni Martin.
Masakit ngunit kailangan niyang tumupad sa kondisyon ni Mara.
“Martin, kumain ka na at para makainon ka na ng gamot mo.” May dalang isang mangkok ng sopas si Jonas para sa nobyo.
“Asawa ko, ang swerte ko dahil ikaw ang ibinigay sa akin ng Diyos. `Wag na wag mo akong iiwanan, ha? Nakaligtas nga ako sa tumor pero baka ang pag-iwan mo sa akin ang ikamatay ko.”
Natigilan si Jonas sa sinabing iyon ni Martin habang sinusubuan niya ito ng sopas. Hindi niya alam pero tila nagpaparinig ito sa kaniya. Ngunit alam niyang imposible iyon dahil wala itong alam sa naging usapan nila ng nanay nito.
Sorry, Martin. Alam kong kapag nalaman mo ang lahat ay magagalit ka sa akin, piping sabi ni Jonas sa utak.
Isang pilit na ngiti ang sumilay sa labi niya. Paano nga ba niya masasabi dito na kailangan na niya itong iwanan?
“Oo naman. Hindi kita iiwan, Martin…” Pagsisinungaling niya. “P-angako.” Parang may kung anong bumara sa lalamunan niya nang sambitin niya iyon kaya nabulol siya ng bahagya.
“Panghahawakan ko iyan, ha. Thank you rin kasi hindi mo ako pinabayaan. Talagang gumawa ka ng paraan para maoperahan ako. Don’t worry, oras na bumalik ang lakas ko ay tutulungan kitang magbayad sa mga utang natin.”
“`Wag mo nang isipin iyon. Saka alam mong gagawin ko ang lahat para sa iyo.”
Ngumiti nang matamis si Martin at pinisil ang kamay niya.
Nag-init ang gilid ng mga mata niya. Anumang sandali ay lalaglag na ang luha niya. Alam niya na maiiyak siya kaya naman nagdahilan siya na bibili lang siya ng tubig dahil nauuhaw siya. Pumayag naman si Martin. Paglabas niya ng hospital room nito ay doon na siya napaiyak.
Hinayaan niyang umagos ang kaniyang luha sa pag-asang mababawasan ang bigat sa kaniyang dibdib.
Kinalma muna niya ang kanyang sarili bago nagdesisyon na bumalik sa loob. Ngunit nang bubuksan na niya ang pinto ay bigla niyang nakita ang mommy ni Martin na papalapit. Hindi na siya tumuloy sa pagpasok dahil alam niyang siya ang sadya nito.
“Good morning po, tita. Kumusta po kayo?” Bati niya dito nang nasa harapan na niya ito. Hindi pa rin naaalis ang paggalang niya kay Mara.
Tinaasan siya nito ng isang kilay. “Bakit nandito ka pa? `Di ba, ang sabi ko sa iyo ay iwanan mo na ang anak ko! Hindi ka ba marunong tumupad sa usapan?” Mataray nitong sabi.
“Wala po kasing mag-aalaga sa kaniya. Tita, ang alam po kasi ni Martin ay hindi niyo alam ang nangyari sa kanya kaya kung pwede lang po sana ay huwag muna kayong magpakita sa kanya.”
“Pinapaalis mo ba ako, Jonas?! How dare you! Wala ka talagang galang!” Mataas ang boses na tanong nito.
Sunud-sunod ang pag-iling niya. “H-hindi po, tita. Nagkakamali po kayo ng pagkakaintindi. Bawal po kasi kay Martin ang ma-stress. Kakagaling lang po niya sa operasyon. Alam kong naiintindihan niyo po ako.”
Tumahimik ito ng sandali. “Okay. Sige! Hindi muna ako magpapakita sa anak ko hangga’t hindi siya tuluyang magaling. Pero tumupad ka sa usapan natin, Jonas! Napakalaking halaga ng pera ang inilabas namin para dito!”
“Hindi ko po nakakalimutan ang napagkasunduan natin, tita. Tutupad po ako sa pangako ko. Wala kayong dapat ipag-alala. Iiwanan ko si Martin… Bigyan niyo lang po ako ng one week. Ibabalik ko na siya sa inyo…” Pinigilan niya ang kanyang pagluha.
“Mabuti naman! Aba! Dapat lang na tumupad ka, Jonas!” At walang paalam na tumalikod ito at naglakad paalis.
Pumasok na siya ulit at ngumiti siya agad kay Martin. Nakita niyang ubos na ang sopas nito. “Wow! Kaya mo nang kumain mag-isa? Sana hinintay mo na lang ako…” aniya sabay upo sa upuan sa tabi ng kama nito.
“Kaya ko na naman. Saka para hindi ka na napapagod. Hindi ka na nakakapagsulat dahil sa pagbabantay sa akin, e. Sorry, Jonas.”
“Okay lang. Wala naman akong deadline ngayon. Saka huwag kang mag-sorry… Ginagawa ko ito dahil mahal kita. Obligasyon ko ito dahil partner kita. Basta, ang gawin mo ay magpagaling ka. Kahit iyon na lang ang kabayaran mo sa ginagawa ko para sa iyo. Gusto kong bumalik na iyong dating Martin na malakas at masigla.”
“Opo. Magpapagaling na… Halika nga dito… Kiss mo ako!” Paglalambing ni Martin sa kanya.
Pinagbigyan naman niya ito. Hinalikan niya ito sa labi. Bigla naman siyang niyakap ni Martin. Damang-dama niya ang pagmamahal nito sa kanya.
I am so sorry, Martin… bulong niya sa kanyang sarili.
“Mahal na mahal kita, asawa ko!” Madamdaming wika ni Martin.
MABIGAT ang dibdib na isinara ni Jonas ang kanyang laptop. Nasa apartment siya ng gabing iyon. Sina Summer muna ang nagbabantay kay Marin sa ospital dahil ilang gabi na raw siyang walang maayos na tulog. Baka siya daw naman ang magkaroon ng sakit sa ginagawa niya.
Kahit sina Summer ay hindi alam ang ginawa niyang pagsasakripisyo. Ayaw niyang may ibang makaalam bukod sa kanila ng mommy ni Martin. Baka kasi sabihin nina Summer kay Martin kapag nalaman ng mga ito.
Nakatulala lang si Jonas. Ilang minuto na lang at hatinggabi na ngunit mailap pa rin ang antok sa kanya kahit dama na niya ang pagod at antok.
Katatapos lang niyang makipag-chat sa kaibigan niya na nasa Japan na si Sandy. Isa itong supervisor sa isang manufacturing company doon. Ayon dito ay kailangan na kailangan ng company ng mga ito ng factory worker. Pumayag naman siya sa gusto nito at sa susunod na buwan ay aalis na siya. Asikasuhin lang daw niya agad ang mga requirements. Hindi naman daw mahirap ang trabaho niya dahil puro machine na ang gagawa doon. Tapos malaki pa ang sweldo.
Ang pagtatrabaho sa ibang bansa ang pinaka huling bagay na gagawin niya noong ayos pa ang lahat. Kahit hindi naman malaki ang kita sa pagsusulat at sapat lang iyon ay walang problema sa kanya. Kasama naman niya kasi si Martin at malapit pa siya sa pamilya niya. Pero iba na ang sitwasyon ngayon. Kailangan niyang lumayo na.
KINABUKASAN ay nailabas na ng ospital si Martin. Binigyan sila ng doktor ng schedule kung kailan dapat bumalik si Martin ng ospital para sa therapy nito. Paguwi nila sa apartment ay napansin agad ni Martin ang pananahimik niya kanina sa biyahe hanggang sa makauwi na sila.
“May problema ka ba, asawa ko? Baka may hindi ka sinasabi sa akin, ha.”
“Pagod lang siguro, Martin. Gusto mo ba munang magpahinga muna?”
“Ayoko,” anito at naglalambing na niyakap siya nito. “Gusto muna kitang yakapin. Kanina pa kita gustong yakapin sa ospital, e.”
“Martin, p-pagod ako… Pwede bang magpahinga muna tayo?”
Nagtaka si Martin nang alisin niya ang braso nito na nakapulupot sa kanya.
“Okay. Sige… M-magpahinga ka muna.” Nakita niya sa mata nito ang labis na pagtataka.
Iniwan niya si Martin sa salas habang siya naman ay pumasok sa kwarto. Patagilid siyang humiga at doon ay umiyak siya. Kailangan na niyang idistansiya ang sarili niya kay Martin para hindi aging ganoon kasakit para dito ang paghihiwalay nila. Ipaparamdam niya dito na hindi na niya ito mahal.
Isang linggo na lang ang meron siya para makasama ito at napakasakit na nakikita na niya ang pagtatapos ng kanilang pag-iibigan.
Maya maya ay naramdaman niyang may humiga sa tabi niya. Mula sa likod niya ay niyakap siya ni Martin at inabot ang kamay niya. Mahigpit nitong hinawakan iyon.
“Sorry kung masyado kang napapagod sa akin, asawa ko… Hayaan mo, magpapagaling agad ako para hindi mo na ako inaalagaan. Hmm… Two weeks na lang pala at ikakasal na tayo. Tinext ko si mommy kanina. Ang sabi ko, hindi na natin kailangan ang tulong ni Tanya. Ewan ko pero pumayag naman agad siya. Umalis na rin naman daw si Tanya. Nasa Australia na daw ito… Good news iyon kasi hindi ka na magseselos. Isa pa, asawa ko…”
Nagkunwaring humihilik si Jonas kaya naman hindi na itinuloy ni Martin ang pagsasalita. Isang halik sa noo ang naramdaman niya bago ito lumabas ng kwarto.
Bumangon si Jonas. Isinara niya ang pinto at ni-lock iyon.
Kumuha siya ng ballpen at papel. Gagawa siya ng goodbye letter para kay Martin.
Habang nagsusulat siya ay panay ang patak ng kanyang luha. Inilagay niya kasi doon na hindi na niya mahal si Martin kaya kailangan na nilang maghiwalay. Sinulat din niya na pagod na pagod na siya sa relasyon nila, na hindi pa rin naibabalik ang tiwala niya dito. Lahat ng iyon ay kasinungalingan na kailangan niyang gawin bilang pagtupad sa napagkasunduan nila ng mommy ni Martin.
Matapos iyon ay itinupi niya iyon at inilagay sa ilalim ng kama.
NANG mga sumunod na araw ay naging abala sina Summer, Benj at Dion. Ang mga ito ang nag-aasikaso para sa kasal nila ni Martin. Meron na silang venue at may magkakasal na rin sa kanila. Sa beach kung saan nag-propose si Martin gaganapin ang kasal nila.
Kasalukuyang nasa apartment nila sina Summer at gumagawa ang mga ito ng invitation. Hindi naman iyon ganoon karami dahil ang mga kaibigan lang nila na nakakaintindi sa relasyon nila ang imbitado.
“Naku! Excited na ako sa kasalang ito! Two grooms and a wedding!” Pumapalakpak pang sabi ni Summer.