AGAD na isinugod ni Jonas sa ospital si Martin. Takot na takot siya at hindi alam ang gagawin dahil sa ngayon lang niya nalaman ang kondisyon nito.
Ayon sa doktor ay normal lang daw sa isang may meningioma brain tumor ang lumabo o mawalan ng paningin. Ngunit babalik din naman daw iyon. Pinainom ng gamot si Martin at pinagpahinga na rin ito. Hintayin na lang daw nilang bumalik ulit ang paningin ni Martin. Kung kailan iyon ay hindi nito masabi. In-advice din ng doktor na sana ay maisagawa na sa lalong madaling panahon ang operasyon. Kapag daw mas tumagal na hindi naooperahan si Martin ay mas lalala ang kalagayan nito at iyon ang iniiwasan nila na mangyari.
Sa ospital na natulog si Jonas ng gabing iyon. Siya ang mag-isang nagbantay kay Martin. Ayaw na niyang abalahin pa ang mga kaibigan nila. Hindi rin naman pwede ang mga magulang ni Martin.
Nakatulog siya sa upuan sa tabi ng kama ni Martin. Labis ang pagod niya ng oras na iyon.
“Jonas…”
Sa mahinang boses na iyon ni Martin ay agad na nagising si Jonas. Pupungas-pungas siya. Automatic ang ngiti niya nang malaman na nagising na ang nobyo.
Nag-aalala na hinawakan niya ang kamay nito at automatic na lumaglag ang mga luha niya. Agad niyang pinalis ang luha at baka mag-alala pa si Martin kung bakit siya umiiyak.
“N-nakikita mo na ba ako?” tanong niya.
Ngumiti si Martin at marahang tumango. “Oo. Ang cute talaga ng asawa ko… Ikaw ang pinaka cute na asawa sa buong mundo!” anito. Tumawa ito nang mahina.
“Puro ka biro! Akala ko talaga mabubulag ka na, e!” Humihikbing turan niya.
“Hindi iyon mangyayari. Hindi ako mabubulag, asawa ko. `Wag ka nang umiyak, please… Pinanghihinaan ako ng loob kapag ganiyan ka. Ikaw na lang ang pinagkukuhaan ko ng lakas ng loob ngayon, e.”
Kinuha niya ang panyo sa bulsa at pinunasan ang luha. “Sorry. Hindi ko kasi mapigilan. Pagdating kasi sa iyo ay mababaw ang luha ko. Oo nga pala, ang sabi ng doktor ay dapat ka nang maoperahan. ASAP.” Napalunok ng laway si Jonas. “Martin, kulang pa ang pera natin. Nagbigay na sina Summer. Three hundred thousand ang naibigay nila. Malaki na iyon pero kulang pa rin.”
Tumango-tango ito. “Malaki pa pala ang kulang…”
Isang mahabang katahimikan ang namagitan sa kanila. May gustong sabihin si Jonas pero nagkakaroon siya ng alinlangan.
“Martin, ano kaya kung… humingi na tayo ng tulong sa parents mo?” Sa wakas ay nagkaroon siya ng lakas ng loob na i-suggest iyon.
Naiba ang mood ni Martin. “`Ayan ka na naman, e. We already talk about that. Please, ayokong mag-away na naman tayo. Kaya natin ito kahit walang tulong from my family. Alam mo naman na iyan ang pinag-awayan natin bago ako atakihin ng sakit na ito. Jonas, please… Ayoko. Ayoko,” giit pa nito.
“Nag-aalala lang naman ako sa iyo. Nang sabihin mong hindi ka makakita, sobrang nagpanic ako. Hindi ko alam ang gagawin ko. Pero kung iyan ang gusto mo, sige, susundin ko…” aniya.
“Salamat, asawa ko. Naniniwala ako na malalampasan natin itong dalawa. Wala namang ibibigay si Lord na pagsubok sa atin na hindi natin kaya, `di ba?”
Tumango si Jonas. “Oo naman.” Matipid niyang sambit.
“Makukumpleto din natin ang perang kailangan natin sa operation ko…” Hinawakan siya ni Martin sa kamay. “Asawa ko, sorry kung binigyan pa kita ng problema, ha? Imbes na kasal natin ang iniisip mo ay `eto ako at nagkaroon pa ng sakit.”
“Ano ka ba? Wala kang dapat ihingi ng sorry sa akin. Hindi mo iyang ginusto. Walang may gusto na magkaroon ka ng sakit. Ang gusto ko lang ay ipangako mo na magpapagaling ka.”
“Pangako ko iyan sa iyo, asawa ko!” Nginitian pa siya nito nang ubod ng tamis.
UMALIS muna saglit si Jonas sa ospital. Bukas pa kasi maaaring makalabas si Martin. Umuwi muna siya sa apartment nila upang ikuha ito ng damit at kailangan nito. Sa sobrang pagkataranta niya kasi kagabi ay hindi na siya nakapagdala. Bitbit ang isang bag ay lumabas na siya. Saktong isang kotse ang huminto sa tapat ng apartment at mula doon ay bumaba ang mommy ni Martin at si Tanya.
Kinabahan siya nang makita ang dalawa. Baka kasi magtaka ang mga ito kapag hindi nakita si Martin sa apartment nila. Wala pa naman siyang naiisip na idadahilan. Kailangan na agad niyang mag-isip ng palusot.
Dire-diretso ang mga ito sa pagpasok at huminto sa harapan niya.
“Good mor--”
“Tinatawagan ko si Martin pero hindi siya sumasagot. Kaya pumunta na lang kami dito. Bakit patay ang phone ng anak ko? Where is he?” Mabilis na sabi ng mommy ni Martin.
“Good morning po, tita.” Itinuloy niya pa rin ang pagbati bilang paggalang.
“Ah… N-nasa Japan po si Martin ngayon. Tama po! Nasa Japan po. Hindi po ba niya nasabi sa inyo?” Pagsisinungaling niya. Hindi niya alam sa sarili kung bakit iyon ang agad na pumasok sa isip niya.
“Japan?! Anong ginagawa niya doon? Wala siyang nababanggit na pupunta siya sa Japan.”
“Hindi po ba niya nasabi sa inyo? Ipinadala po siya doon ng company nila para sa isang seminar. Three weeks po yata siyang mawawala. Kaya wala po siya dito. Ako lang mag-isa.”
Inirapan siya ni Mara. “Simula nang magsama kayo ng anak ko, hindi na siya nagsasabi sa akin kung ano nang nangyayari sa kanya. Noong sila pa naman ni Tanya ay hindi siya ganiyan! Updated ako palagi sa pangyayari sa buhay ng anak ko before!”
“B-baka po nakalimutan lang po niya. Kahit nga po ako ay nagulat na aalis siya.”
“Baka naman nilalason mo ang isip ng anak ko, Jonas. Sinisiraan mo ba ako kay Martin?” akusa ni Mara.
Mariin siyang umiling. “Naku, hindi po. Never ko pong gagawin iyon!”
“I don’t believe in you! Anyways, wala naman pala dito ang anak ko kaya aalis na lang kami ni Tanya. Pumunta pa naman kami dito para pag-usapan muli ang kasal niyo.” Tumingin ito kay Tanya. “Lets go.”
Palihim na kumaway sa kanya si Tanya. “Bye…” anito sabay ngiti.
“Bye…” tugon niya.
Habang papalayo ang dalawa ay biglang naisip ni Jonas ang kalagayan ni Martin. Napakasakit sa kanya na nakikita niya na ipinapakita nitong okay lang ito kahit hindi naman. Halos mamatay na nga siya sa sobrang nerbiyos habang dinadala niya ito sa ospital kagabi. Talagang kailangan na itong maoperahan. Paano kung hindi sila makaipon ng sapat na pera? Tatagal nang tatagal ang tumor sa utak nito. Paano kung hindi lang partial blindness ang mangyari dito? What if, tuluyan na itong mabulag.
Humigpit ang pagkakapit niya sa bag. Nagtatalo ang isip niya.
I’m sorry, Martin. Pero… kailangan ko itong gawin… Alam ko magagalit ka but I’m just doing this for you! aniya sa kanyang isip.
Papasakay na sina Mara at Tanya sa kotse nang tawagin niya ang una.
“Tita Mara!” Tumingin ang dalawa sa kanya. Binitawan niya ang bag at patakbong lumapit sa mga ito. “T-tita… M-may sasabihin po sana ako sa inyo.”
“Ano iyon? Sabihin mo na at ayokong nagsasayang ng oras.”
“Pwede po bang sa loob na lang ng bahay namin? Tungkol po kay Martin…”
Itinirik nito ang mata. “Tanya, hintayin mo na lang ako sa loob ng kotse. Okay lang ba?”
“Okay lang po, tita…”
Pagkatapos niyon ay magkasama na sila na pumasok sa loob ng apartment. Pinaupo niya ito sa pang-isahang upuan habang nasa harapan siya nito. Paano ba niya uumpisahan? Alam niya na magagalit sa kanya si Martin sa gagawin niyang ito ngunit ito lang ang alam niyang paraang upang maoperahan agad ito.
Huminga muna siya nang malalim bago nagsalita. “Tita, ang totoo po niyan ay wala si Martin sa Japan. Nasa ospital po siya,” deklara niya. “Sorry po kung nagsinungaling ako kanina.”
“What?! Bakit nasa hospital si--” Dinuro siya nito. “Sinasabi ko na nga ba! Hindi ka mapagkakatiwalaan, Jonas! Ikaw siguro ang may kasalanan kung bakit nasa hospital ang anak ko! Hayop ka! Walanghiya ka, Jonas!”
“Tita, hindi po. M-may sakit po si Martin. He has brain tumor--”
“Brain tumor?!” Parang manghihimatay na ito sa sinabi niya.
“Opo. At ayaw po niyang sabihin sa inyo dahil ayaw niyang humingi kami ng tulong sa inyo para sa operasyon niya. Pero wala na po talaga akong malapitan para tumulong sa amin kaya kahit ayaw ni Martin ay lalapit po sana ako sa inyo… K-kulang pa po ang pera na kailangan namin para sa operasyon niya.” Nakayuko niyang sabi. Pakiramdam niya ay napakaliit niya ng sandaling iyon.
Kinalma naman muna ni Mara ang sarili sa pamamagitan ng paghinga nang malalim ng ilang beses. Matapos iyon ay saka ulit ito nagsalita. “My son, okay lang ba siya?”
“Opo. Pero kailangan na po niyang maoperahan as soon as possible. Kaya kung maaari po sana ay tulungan niyo kami financially…”
Tumikhim ito sabay tango. “Sige. Gagastusan ko ang operasyon ni Martin but alam mo na may kapalit ito, Jonas. Alam kong hindi basta-basta ang perang kailangan ninyo.”
Kinabahan si Jonas sa sandaling iyon. Tama nga si Martin sa sinabi nito na kapag lumapit sila sa parents nito ay may hihingin na kapalit ang mga ito. At mukhang alam na niya ang kapalit na hihingin nito.
Napalunok siya. “Ang kapalit po ba ay ang hindi namin pagpapakasal ni Martin?”
“Hindi lang iyon. Gusto ko rin na hiwalayan mo na ang anak ko. Layuan mo na siya. Kapag siguro wala ka na at hindi ka na niya nakakasama ay mawawala na ang kabaklaan ng anak ko na hinawa mo sa kanya. `Wag kang mag-alala, kami ang gagastos ng lahat ng kailangan ni Martin. Magiging payapa ang utak mo dahil gagaling siya. Nagkakaintindihan ba tayo?”
“O-opo, tita. Naiintindihan ko po.” Napakasakit man ay pumayag na lang siya. Para naman iyon sa kaligtasan ni Martin. Handa siyang magsakrpisyo para sa lalaking iniibig.
“Mabuti naman kung ganoon. Gusto ko rin na huwag mong sasabihin kay Martin ang napag-usapan natin. Kunwari ay nalaman ko sa isa niyang kaibigan ang kalagayan niya. At ikaw naman, sasabihin mo kay Martin bago ang operasyon niya na hindi mo na siya kayang pakisamahan dahil sa sakit niya! Sirain mo ang sarili mo kay Martin!”
“Tita, sobra naman yata--”
“Sobra? Ang gusto ko lang ay mawala ang pagmamahal ni Martin sa iyo bago ka mawala sa buhay niya. Sige! Madali naman akong kausap. Kung ayaw mong gawin, bahala na kayo!”
Biglang tumayo si Mara at akmang aalis na ngunit mabilis na humarang si Jonas sa daraanan nito. “Sige na po! Payag na po ako sa gusto niyo!” Naglandas ang luha sa mga mata niya. “Para po kay Martin, gagawin ko ang lahat… Ang gusto ko lang po ay makaligtas siya.”
“Dapat lang na gawin mo ang lahat para sa anak ko! Inagaw mo siya sa amin. Ipinagpalit niya ang marangyang buhay para lang makasama ka, Jonas. Naghirap siya at nagkasakit sa piling mo kaya dapat gawin mo lang ang lahat!” Naniningkit ang mga mata na sabi nito sa kanya.
Wala na siyang nasabi. Umiyak na lang siya nang umiyak sa harap nito.