AWTOMATIKONG napabalikwas ng bangon si Fiony nang maalimpungatan. Paano ba naman siyang hindi magugulat ay gumulantang sa kaniya ang malakas na tugtog ng radyo. Bukod pa 'yong tunog na nanggaling sa telebisyon at ang sobrang alinsangang paligid. Paglibot pa ng kaniyang mga mata ay nakita niya ang nakakadiring hitsura ng silid na kinaroroonan niya. Yeah, nakakadiri 'yon para sa kaniya dahil hindi man lang pinturado o napatungan man lang ang hollow blocks na dingding.
What even shocked her ay nang makita ang suot niyang damit. Hindi na niya suot ang uniform na suot niya kagabi. Bagkus ay 'yong kupas na t-shirt na mukhang basahan at bulaklaking short na lampas sa tuhod niya. Kinapa niya ang mga panloob niya. Nandoon pa rin naman. Ngunit hindi niya maiwasang hindi kabahan. Nasaan siya ngayon? Bakit siya naroon? Sino ang nagdala rito sa kaniya? Sino ang nagpalit ng damit niya? Nagahasa ba siya?
Inalala niya ang nangyari kagabi. Oh God! Did the 'old' guy take her?
"Oh, buti gising ka na!"
Isang matandang babae ang bumungad sa kaniya. Yari sa kahoy ang pinto ng silid na kinaroroonan niya.
Tinitigan muna niya itong maigi. Who is she?
"Kumain ka na, 'Neng. Tanghali na," nakangiti pang sabi nito sa kaniya.
Dahan-dahan siyang bumangon. Pero agad niyang hinanap ang kaniyang bag.
"Nakasabit sa gilid ang gamit mo," anito na tila nahulaan ang kilos niya. Tumingin siya sa itinuturo ng mga mata nito. Dinampot niya nga ang bag niyang nakasabit sa may pako sa may gilid ng dingding.
And the tiny particles coming from the hollow blocks fell and touched her porcelain skin. Ew! Diring-diring pinagpag niya iyon.
Nakatingin pa rin sa kaniya ang may edad na babae. "Pasensya ka na, 'Neng. Hindi kasi kami mayaman gaya mo. Kung gusto mo kumain bago ka umalis meron sa mesa," anito muli. "At ang uniform mo pala, tuyo na. Saglit at kukunin ko." Umalis na ang matanda.
Lumabas siya ng silid at tumambad sa kaniya ang isang batang maliit na naglalaro ng jipjipan. Bukas ang tv at nakatodo pa yata ang volume. Tapos iyong kalapit na bahay pa, akala mo may party sa lakas ng patugtog ng radyo.
Where the hell am I?
Lumilibot ang kaniyang mga mata. May hinahanap. Nasaan iyong lalaking tumulong sa kaniya kagabi?
"Pst!" tawag niya sa atensyon ng batang sa tantiya niya ay mga pitong taong gulang.
"B-Bakit po?" tanong nito.
"Nasaan ang Kuya mo?" tanong niya.
"Kuya? Sino po sa kanila? Si Kuya Dexter o Kuya Luis?"
"Iyong pinakamatanda."
"Ah si Kuya Dexter po? Nasa labas po eh. Naglalaro ng Pogs."
Napakislot siya. What is 'Pogs'? Anyway kung naglalaro ito, isa lang ang ibig sabihin no'n. Hindi kapatid ng batang ito ang lalaking hinahanap niya.
Malamang ang tatay? Oh my gosh!
"E-Eh... nasaan ang tatay mo?" tanong niya ulit sa bata.
"Nasa palengke po. Kasama ni nanay."
"Ah gano'n ba?" Umiling-iling siya. "Pero alam mo ba kung saan nagwo-work ang tatay mo?"
Tumango ang bata. "Opo. Doon po sa may maraming beer."
Napakislot siya. Confirmed. Napabuntong-hininga na lang si Fiony. Quite disappointed. So may asawa at pamilya na nga ang kaniyang 'knight in shining armor'? Nakakapanghinayang naman. Akala niya ay binata pa ito. Akala niya may pagkakataon siyang makipagkilala rito nang walang malisyang mamamagitan sa kanilang dalawa. Huwag na lang pala. Balik na lang ako kay Steve.
Pero gusto niya pa ring magpasalamat dahil sa ginawa nito. Kung hindi dahil sa tatay nito, malamang kung saan na siya dinala ni Carl.
"O!" Dumukot siya sa wallet niya ng isang daan at ibinigay sa bata.
"S-Sa akin po ito?" hindi nito makapaniwalang tanong.
"Oo. Sa pagsagot sa mga tanong ko."
"Ay! Thank you po! Yehey! May pambili na akong bagong tsinelas."
Napangiti na lang si Fiony dahil sa kakaibang tuwa sa mga mata ng munting bubwit na iyon. Binigyan niya lang naman ito ng barya para sa kaniya. Wala kasi siyang cash sa wallet maliban sa isang daang iyon. Magwi-withdraw pa siya mamaya.
"Nay, Tay, may pambili na ako ng tsinelas!"
Napatingin siya sa labas kung saan mabilis na nagtatakbo ang bata. Napakislot si Fiony nang makita ang lalaking kasama ng isang 30s na babae na may bitbit na bayong. The man was tall and lean. Kayumanggi ang kulay ng balat, nakasuot ng lokal na t-shirt at long maong shorts. Ito ba iyon? Iyong lalaking tumulong sa kaniya? Mukhang nasa forties na at... ew! Not the face she was expecting.
"Kanino galing?" tanong nito sa anak.
"Sa kaniya po. Kay... ate."
Napatingin sa kaniya ang mag-asawa. Naiilang naman siyang ngumiti. Hindi niya makuha kung ano'ng sasabihin.
"Gising ka na pala," puna sa kaniya ng lalaki.
"O-Opo. M-Maraming salamat po sa pagtulong sa akin kagabi," kiming tugon niya.
"Ay hindi ako!" mabilis na depensa nito. "'Yung katrabaho ko iyon. Dito ka lang pinatulog dahil walang space doon sa inuupahan niya."
"Po?" maang niya. Mulagat ang mga mata.
"Oo. Pero sabi niya, huwag daw sabihin. Pero baka kasi isipin mo ako, 'yon. Lagot ako sa misis ko." Tumawa pa ito nang sikuhin ito ng asawa. "Ikaw naman! Alam mong ikaw lang forever love ko," hirit pa nito sa asawa.
"Kumain ka muna bago ka umalis," bilin ng babae sa kaniya.
"S-Sige po." Ngunit hindi siya interesado sa kung ano'ng ilalaman niya sa kaniyang tiyan. Ang nasa isip na niya ngayon ay ang lalaking tinutukoy ng tatay ng bata. Who's that guy? Nang makabalik ang matandang babae na nanay pala ng tatay ay dali-dali na siyang nagpalit. "Puwede po bang magtanong?" aniya nang makalabas na ulit siya ng kuwarto at nagtungo sa kusina.
"Ano iyon, Ineng?" ang matanda ang unang tumugon.
"Saan po nakatira iyong lalaking nagdala sa akin dito. Gusto ko lang po sanang magpasalamat." Pero sa loob-loob niya ay excited na excited na siyang makita ito. Sana naman hindi pa pamilyado ang isang iyon para hindi naman awkward sa kaniya.
"Tara, ituturo ko sa 'yo," sabi ng matanda na humawak pa sa balikat niya. Lumabas sila ng pinto. "Dito sa hilerang ito. Iyong ika-apat na pinto mula rito sa bahay namin. Doon siya nakatira. Basta 'yong pinto ng inuupahan niya, may nakadikit na sticker ng kandidato. Kulay violet. Nakuha mo ba, 'Neng?"
Tumango-tango siya. "Opo. Maraming salamat po."
"Talaga bang hindi ka kakain? Nagluto pa naman ako."
"Mamaya na po. Pupuntahan ko muna siya. Anyway, maraming salamat po sa pagpapatulog sa akin dito sa bahay n'yo. Tatanawin ko po iyong malaking utang na loob."
"Wala 'yon. Eh mabait din kasi ang nagdala sa 'yo rito. Kaya hindi ko siya natanggihan kaninang madaling araw. Kaibigan din iyon ng anak ko."
"Pasensya na rin po kayo kung nag-iinarte ako kanina."
"Ay wala 'yon. Naiintindihan ko, anak-mayaman ka eh."
"Babawi po ako sa susunod," habol niya pa.
"Sige na. Hindi naman ako nanghihingi ng kapalit. Ganito kami rito, nagtutulungan."
Tuluyan na ngang nagpaalam si Fiony sa matanda. May galak sa kaniyang puso dahil sa magiliw na pagtanggap nito sa kaniya. Pero mas nagagalak siya ngayon sa pupuntahan niya. Ano kayang hitsura ng lalaking iyon? Kapag hindi pang-boyfriend ang hitsura, bibigyan niya na lang ng pera. Pero kapag pasok sa standards niya at walang sabit, aba, instant in a relationship agad sila.
Sunud-sunod na huminga muna nang malalim si Fiony para alisin ang kaniyang kaba nang nasa tapat na siya ng pinto na tinutukoy ng matanda kanina.
Sinimulan na niyang kumatok. Noong una ay tatlong beses lang ngunit walang sumasagot. Kaya nagsunod-sunod iyon. Itinapat niya rin ang tenga sa may pinto upang pakinggan kung may ingay ba mula sa loob. Wala. Kaya mas nilakasan niya pa ang pagkatok.
"Sino ba 'yon?"
Nabuhayan siya ng loob nang finally ay marinig ang tinig ng isang lalaki mula roon. Ngunit hindi siya sumagot. Bagkus ay kumatok na lang ulit.
"Ano ba 'yon-" Biglang bukas ng pinto.
Pareho silang natigilan ng lalaki nang magkakitaan na sila ng mukha. Parang tinulos sa kinatatayuan si Fiony dahil hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakikita. The guy was wearing a white sando and a simple short. Gulo-gulo ang buhok at halatang bagong gising. Ang lapad ng balikat, ang ganda ng katawan. Pero hindi roon talaga siya totally naka-focus. Kung hindi sa mukha nito. It was...
"Oh my God!"