Simula
NAEVIA’S POV
Dalawang taon na nang mawala si Papa at dalawang taon na rin simula nang umalis si Mama ng bansa at sumama kay Kuya Theon sa Amerika. Masama ang loob sa akin nina Mama dahil sa ginawa kong pakikipagrelasyon kay Rhaziel, pero mas lalong sumama ang kanilang loob nang malaman na sa kabila ng sampung taon na pagsasama namin ni Rhaziel at pagkakaroon ng dalawang anak ay hindi niya pa rin ako magawang pakasalan.
“Hay Naku, Naevia. Sadyang bulag ang pag-ibig, ano? Bakit hindi ka pa rin mapakasalan ng lalaking iyan? Dalawa na ang anak ninyo, ilang taon na lang ay nasa high school na si Melody pero hanggang ngayon ay ganyan pa rin estado ng relasyon ninyo. Ano, magiging bastardo ang mga apo ko? Aba, Naevia. Kung ganyan lang din mas mabuti pa na hiwalayan mo na ang lalaking iyan,” sermon na naman sa akin ni Mama nang tumawag ito sa akin.
“Ma naman. Wala pa pong sapat na ipon para sa kasal, at saka hindi naman kailangan iyon. Mabait naman si Rhaziel at responsableng ama at asawa, sa sampung taon namin na pagsasama ay hindi ko pa naman ito nakitang nagloko at naibibigay niya naman sa amin ang mga pangangailangan namin,” pagtatanggol ko sa aking asawa kahit na ako man ay umaasang yayayain niya rin ng kasal.
Kahit sino namang babae ay naghahangad ng isang kasal, hindi man engrande ang mahalaga ay legal na sa batas at masasabi mong asawa mo na talaga siya.
“Bahala ka na nga, malaki ka na Naevia. Basta huwag mong sasabihin sa asawa mo ang tungkol sa bahay sa Batangas, ha? Binili iyan ng Papa mo sa iyo at kabilin-bilinan ng Papa mo bago siya namatay na ibibigay niya lamang iyon sa iyo kapag ikinasal na kayo ni Rhaziel,” bilin sa akin ni Mama na tila ba sumuko na sa pagpapangaral sa akin dahil kahit anong sermon at pangaral ay tila hindi ko naman ito pinapakinggan.
Naiiling na lang sabay napabuntong hininga na lamang ako nang patayin nito ang tawag.
Wala ngayon ang aking asawa dahil nasa Manila ito nagtatrabaho at sa bahay ng kanyang Tiyahin ito pansamantalang naninirahan. Tuwing weekend lamang ito umuuwi sa amin pero diretso naman ang padala nito. Nasa bahay kami ng kanyang mga magulang nakapisan dahil wala pang sapat na kakayahan si Rhaziel na maipagpatayo ng bahay pero okay lang naman sa akin iyon at walang kaso kahit pa medyo may mga ugali ang kanyang mga magulang pati na ang nakababatang kapatid. Hindi ko rin naman magawang magreklamo dahil nga mahal ko si Rhaziel.
Bakasyon ng mga bata sa eskwela at nagpasya akong dalawin ang bahay sa Batangas. Agad akong naligo at nagbihis, maging ang aking mga anak na sina Melody at Rowan ay balak kong isama.
“Oh, saan na naman ang punta niyong mag-iina? Alam ba iyan ni Rhaziel?” tanong na bungad ni Lea nang makita niya kaming mag-iina na nakagayak.
“Tinawagan ko na siya kanina at pumayag naman si Rhaziel. Dadalawin ko lang ang kaibigan ko pero baka bukas na kami makauwi, birthday niya kasi,” sagot ko sa kanya na tinaasan lamang ako ng kilay saka umalis. Maya-maya pa ay ang biyenan ko namang babae ang dumating at muli akong tinanong kung saan ako pupunta. Naging magalang pa rin ako sa kanila kahit na halos ayaw nila akong paalisin.
“Aalis ka? Sino na ang magluluto ng kakainin namin? Walang magpapakain ng mga baboy,” sunod- sunod na sabi ng Mama ni Rhaziel ngunit magalang ko lang itong sinagot.
“Isang araw lang naman po kami aalis, Ma. Pupunta lang po kami sa Ninang ni Rowan,” magalang kong sagot saka nagpaalam na bago pa humaba ang usapan at hindi na kami matuloy pa.
Mahigit dalawang oras din ang aming naging biyahe mula Laguna pa-Batangas dahil sa traffic. Una kaming pumunta sa bahay ng aking matalik na kaibigan na si Selene na nakatira lamang sa city at doon ko iniwan ang aking mga anak bago ako nagtungo sa Valle Sereno kung saan naroroon ang bahay na binili ng aking ama na ilang beses na pinaupahan para mapakinabangan kahit papaano.
“Naevia! Naevia, ikaw na ba iyan?” tawag sa akin ng isang babae nang papasok na ako sa gate. Nilingon ko ito at nabungaran ko si Mrs. Clara Devereux, ang nakatira sa tapat ng aming bahay.
“Tita Clara, kayo po pala. Kamusta na po,” nakangiti kong tanong dito.
“Buti naman at nakilala mo pa ako. Kamusta ka na?” tuwang-tuwa na bati nito sa akin.
Simula nang mabili ang bahay na ito ni Papa ay naging kapitbahay na namin ang mga Devereux at tuwing bakasyon ay madalas na narito kami kahit na nasa City ang aming tunay na bahay noon na amin ng ibinenta. Naging kaklase ko rin ang panganay nitong anak na si Dravian kung kaya mas naging malapit ito sa akin.
“Heto po, may dalawang anak na. Si Dravian po, kamusta na?”
“Ayon, palagi na lang wala rito sa bahay. Busy sa trabaho kaya hanggang ngayon ay wala pa ring asawa. Mabuti ka pa at may mga anak na,” turan nito sa akin na aking ikinangiti.
Habang nagkukwentuhan kami ay pumasok na ako sa loob ng aming bahay upang siyasatin ang kabuuan gaya ng naging utos ni Mama. Halos dalawang taon na rin kasi nang hindi ito napuntahan dahil si Mama ang nangangalaga nito noong naririto pa siya.
Pagpasok ng bahay ay napakalinis nito, may mga iilang kasangkapan at may lumalagaslas na tubig mula sa banyo.
Napakunot ang aking noo.
“Tita, may nangungupahan ba dito? Hindi nasabi sa akin ni Mama?” tanong ko rito.
“Nakalimutan kong sabihin sa iyo, hija. Si Dravian ang pansamantalang nangungupahan dito, ayaw niya kasing tumira sa bahay dahil maingay daw ako kaya sinabihan ko na si Sarah,” ani Tita Clara. Pagkatapos nitong magsalita ay siya namang pagbukas ng pinto sa banyo.
“Ma, naman. Sinabi ko na nga sa inyo na huwag kayo basta-basta pumapasok dito. Kaya nga umalis ako sa bahay dahil sa ingay niyo, gusto niyo bang sa ibang lugar na ako mangupahan.” Isang baritonong boses ang aking narinig mula sa banyo at lumabas ang isang lalaking nasa 6’2 ang taas. Hindi ko mapigilang mahigit ang aking hininga nang makita kung gaano ito kagwapo ngunit mas lalo akong kinabahan nang makitang tanging tuwalya lamang ang nakatakip sa kanyang ibabang bahagi ngunit hindi pa rin nito naitago ang pagkabakat ng kanyang armas habang ang kanyang katawan ay tila nang-aakit dahil sa basang katawan nito lalo na sa kanyang dibdib na hindi ko man lang nakita kay Rhaziel.
“Naevia? I-Ikaw na ba iyan?” tanong nito sa akin na nagpakurap sa akin.
Agad akong napatalikod bago pa man niya mapansin ang pagkamula ng aking mukha dahil sa pagkapahiya.
“Dravian, ano ba iyan! Magbihis ka nga sa itaas, nakakahiya kay Naevia!” sermon ni Tita Clara sa kanya.
“Sorry, I’ll gonna change first.” nagmamadali itong umakyat patungo sa kwarto.
“Pasensya ka na, Naevia. Mahina kasi ang tulo ng tubig kapag nasa itaas na kaya sa baba siya naliligo. Ganyan din ang ginagawa namin sa bahay, eh,” ani Tita Clara.
“Okay lang po. Hindi rin naman po ako magtatagal, pinapasilip lang sa akin ni Mama itong bahay. Akala ko po kasi ay walang nakatira kaya pumunta ako pero mukhang nasa maayos na estado naman po ang bahay kaya aalis na po ako,” paalam ko rito.
“Teka, aalis ka na? Dito ka na mananghalian. Sayang naman ang punta mo rito,” maagap na pigil nito sa akin.
Wala akong nagawa kung hindi pagbigyan ito dahil ngayon lang naman ako nagpunta rito.
Iniwan niya ako sa bahay namin at pumunta sa kabilang bahay para magluto nang bumaba na si Dravian at sinamahan akong libutin ang bahay.
Tahimik ang aming naging paglilibot sa buong bahay, damang-dama mo ang pagkailang sa aming pagitan. Maliban sa kamustahan ay wala na yata kaming napag-usapan.
Habang nasa hapag-kainan ay tanging si Tita Clara ang nagsasalita. Sumasagot naman ako kapag kinakausap ako pero mas madalas na nakangiti at tumatango na lang ako dahil sa hiya.
“Mauna na po ako, Tita. Naiwan ko po kasi ang mga anak ko kina Selene sa poblacion,” paalam ko kay Tita Clara.
“Ganoon ba. Sana sa susunod dalhin mo ang mga anak mo rito para naman makilala namin.”
“Sige po, Tita.”
“Mag-iingat ka, ha? Teka, Dravian. Ihatid mo na si Naevia kina Selene para hindi na siya mamasahe,” ani Tita Clara.
“Tita, huwag na po.”
“Ano ka ba, ngayon lang naman. Sige na, Dravian. Ihatid mo na, mag-iingat ka sa pagmamaneho. Huwag kaskasero, ha,” bilin pa ni Tita Clara. Wala akong nagawa kung hindi ang sundin ito.
Habang lulan ng sasakyan ni Dravian ay tanging sa bintana ako nakatingin dahil hindi ko pa rin maiwasan ang mailang kahit pa naging magkaklase kami noong high school. Sa kabila ng tahimik na paligid ay hindi nakaligtas sa aking paningin ang panakaw nitong tingin simula pa kanina noong nag-iikot kami sa bahay.
Ilang minuto pa ay narating na rin namin ang bahay ni Selene.
“Thank you sa paghatid,” nahihiya kong sabi.
“Walang problema,” maikli nitong sagot.
Pababa na ako ng kotse nang bigla niya akong tawagin.
“Naevia!” mahina nitong tawag na aking ikinalingon.
Sandaling nagkasalubong ang aming mga mata. Dama ko na may gusto itong sabihin ngunit una itong nagbaba ng tingin.
“Bakit?” tanong ko sa kanya.
“Wala, wala naman. I just wanted to say, "It's nice to see you again.”
“Same, masaya ako na makita ka ulit.” Ngumiti ako rito saka bumaba ng kotse nito.
Habang papalayo ang kanyang kotse, hindi ko maiwasang tumatak sa aking isipan ang kanyang gwapong mukha maging ang kanyang magandang pangangatawan na dati ay patpatin. Gwapo na ito noon pero hindi ko inaasahan na mas gagwapo pa ito ngayon.
May asawa ka na, Naevia. Hindi ka na dapat nag-iisip pa ng ibang lalaki bukod sa asawa mo.