Chapter 8
Binibining Tenshi
|ANDRASTE|
HINDI ko na naman namalayan ang pagdaloy ng oras kaya parang sa isang kurap lang ng mata ay natapos na ang klase. Para akong lutang ngayon dahil lumilipad ang isip ko sa kung saan man. Mabuti na lang ay hindi pa nagbibigay ng mga sasagutan ang mga teachers. Mga takdang aralin lang.
"Are you done?" Inangatan ko ng tingin ang taong nakatayo sa harapan ng lamesa ko. Nakangiti siya sa akin na kadalasan ko nang nakikita sa kanyang bilugang mukha habang may subo itong lollipop. Iyon din ang mukha niya nang una ko siyang makita.
"Ah oo," matipid kong sagot saka na ako tumayo.
"We're going to Lady Tenshi today," tumalikod na siya sa akin at nauna nang naglakad hanggang sa nauna na siyang nakarating sa labas ng pintuan. Huminto siya doon at lumingon lingon na parang may hinahanap.
"Where the hell is that idiot?" Naiirita na namang maktol niya nang madatnan ko siya sa kinatatayuan niya. Napalingon ako sa kabilang direksyon nang may marinig na maingay na tunog papalapit sa amin.
Nakita ko si Crimson sa kabilang direksyon habang nakasakay sa kanyang skateboard at palapit sa amin.
"Bawal ang skateboard sa loob ng campus, ang tigas talaga ng bungo mo." Napahalukipkip si Carmine na nakatayo sa tabi ko nang tumigil si Crimson sa harap namin kasabay ng pag-angat niya nung skateboard at hawak na niya ang kabilang dulo nito.
"Tapos naman na ang klase and besides, wala nang gaanong students roaming around the campus." Pagdadahilan pa ng kulot na lalaking kasama namin.
"Kahit na. Rules are rules. Baka gusto mong maireport sa Prefect of Discipline?" Napapakamot na lang si Crimson sa pangaral ng kaibigan.
"Tara na nga, where going to the headquarters pa."
Pagkalabas namin sa gate ng campus ay bumungad sa amin ang isang kulay puting sasakyan. Mabilis na sumakay si Crimson sa may bandang harap nung sasakyan na ikinapagtaka ko.
"C'mon, dito tayo sasakay." Nakabukas na ang pintuan sa likuran at pinauuna ako ni Carmine na sumakay. Hindi pa ako humakbang paabante dahil nag-iisip pa ako dahil sa nakita kong pamilyar na sasakyan. Kung hindi ako nagkakamali, ito yung sasakyan na pinagsakyan ko nung kinuha ako ni miss Jean sa ampunan. Bakit ito nandito at bakit sasakay sila dito?
"May problema ba?" Nagtatakang tanong sa akin ni Carmine kaya umiling na lang ako at pumasok na sa loob. Inalalayan naman akong makapasok ni Carmine sa loob dahil sa kondisyon ko. Nang makaupo ako nang maayos sa loob ay napaangat ako ng tingin sa salaming nasa harapan kung saan nakita ko ang mata ng driver. Tila nagulat ako nang makita ko kung sino siya. Nakatingin ang driver sa salamin kaya nagtagpo ang mga mata namin. Tumango siya sa akin na parang nagbibigay galang at napansin ko din siyang ngumiti.
Hindi talaga ako pwedeng magkamali. Siya din yung driver nitong sasakyan nung sinundo ako. Umabante na ang sasakyan at nagsimula na kaming bumyahe sa hindi ko alam kung saan. Madaming paliko liko at iba ang daang ito dun sa bahay ni miss Jean. Buong byahe ay balisa ako. Okupado ang isip ng mga katanungang walang makasagot. Pilit pinagtatagpi tagpi ang mga naaalala ko. Naisip kong konektado si miss Jean at ang dalawang kasama ko kasi kilala din ni miss Jean si Haylal. Siya nga mismo ang nagbigay sa akin nang trabaho ko daw na bantayan si Haylal pero ngayon, hindi namin siya makita. Pakiramdam ko ay sobrang madidisappoint si miss Jean kapag nalaman niyang hindi namin makita ang pinababantayan niya.
Gusto ko sana itanong sa dalawa kung kilala nila si miss Jean pero masyadong tahimik ang loob ng sasakyan upang mag-umpisa ng paksang pag-uusapan kaya mas pinili ko na lang na manahimik.
Hindi nagtagal ay huminto ang sasakyan pero wala pang bumababa sa mga kasama ko dahil komportable pa din silang nakaupo. Napasilip ako sa bintana ng sasakyan at tiningnan ang lugar kung nasaan kami. Nagulat ako nang makitang walang ni isang bahay sa paligid. Madaming puno ang nakapalibot. Hindi ko siya napansin nung papunta kami dahil abala ako sa pag-iisip.
May narinig pa akong malakas na ingay galing sa bandang harapan kaya doon natuon ang tingin ko. May bumubukas na sobrang laking gate. Mukha siyang isang makapal na metal na hindi kayang tagusan ng kahit na anong bala ng baril o kanyon. Umabante ang sasakyan at pumasok na kami sa loob.
Pagbungad pa lang sa gate, ay wala akong nakitang ibang tao. Napaisip ako kung sino ang nagbukas ng gate kung wala namang tao.
"Walang guards dito o ibang tao Andraste. Ayaw ni Lady Tenshi na may mga guards sa headquarters. And besides, automatic ang gate kaya kusa siyang bubukas pero makakapasok ka lang kung may appointment ka sa nakatataas. At wala pa ni isa sa amin ang nakakakita sa mukha ni Lady Tenshi. Even our superiors didn't know what she looks like." Parang nabasa naman ni Carmine ang nasa isip ko dahil sa sinabi niya.
"Tara na?" Naunang bumaba si Crimson na nasa tabi ng driver nung pagkahinto ng sasakyan na sinundan naman ni Carmine. Bago pa man ako makalabas ng sasakyan ay nilingon ko pa yung driver.
"Kuya, kayo po yung driver ni miss Jean diba?" Pagkumpirma ko para matahimik na ako. Tumingin ulit siya sa salamin sa taas at ngumiti sabay tango. Parang ang weird ni kuya. Hindi ko na pinagtuunan ng pansin iyon at tuluyan ng lumabas ng sasakyan. Tinulungan naman ako ni Carmine na makalabas.
Pagkalabas namin ng sasakyan, ibinigay niya sa akin ang saklay ko at tinulungan ako makatayo nang maayos kaya nagpasalamat naman ako. Nang maayos ko ang aking pagtayo ay nilingon ko na kung saan nakatingin ang dalawang kasama ko. Bumungad sa akin ang isang maluwang na lupain. Nasa gitna ng lupain ang isang tatlong palapag na bahay. Hindi siya maihahalintulad sa modernong mga bahay sa panahon natin ngayon. Gawa ang tatlong palapag na iyon sa kahoy. Ngayon lang ako nakakita ng ganitong klaseng disenyo ng bahay.
"Isang japanese inspired architecture ang design ng mansion na ito. Matagal na itong nakatayo sa mundo. If I remember it correctly, it was about a thousand years old ancestral house." Para ata akong literal na napanganga dahil sa sinabi ni Crimson. Ang mansion daw ay libong taon nang nakatayo pero bakit ang kondisyon nito ay parang nasa daang taon palang? Nakamamangha.
Nagsimula na silang maglakad kaya sumunod naman ako. Medyo mahaba habang lakaran ito dahil may kalayuan sa kinatatayuan namin iyong mismong mansion. Dumaan kami sa isang tulay na hindi naman kahabaan, natigil ako sa gitnang bahagi ng tulay at pinagmasdan ang ilog sa ilalim nito. Napakalinaw ng tubig. Madami ding isda na lumalangoy at nakatutuwang panuorin. Kapag stress ka ay dito magandang magmuni muni upang ma-refresh ka. Nangiti ako sa napakagandang pakiramdam na idinudulot ng lugar na ito sa akin. Hindi ko maintindihan pero napakapamilyar sa akin ng pakiramdam na 'to. Para kang nasa isang paraiso kapag nasa loob ka na. Kapag nasa labas ka pa lang ng gate ay hindi mo aakalaing ganito pala kaganda dito sa loob.
Nang mapansin kong may kalayuan na ang mga kasama ko ay agad naman na akong sumunod. Matapos tawirin ang gawa sa kahoy na tulay ay tumambad naman sa akin ang napakagandang hardin. Madaming namumulaklak na halaman at madami ding nagliliparang makukulay na paru paro.
Hindi na ako huminto doon kasi hindi pa ako nakakahabol sa mga kasama ko kaya mas pinili ko na lang na sundan sila. Hindi na nila pinagtutuunan ng pansin ang paligid dahil panigurado ay sanay na sila sa magandang lugar na ito. Hindi din nagtagal ay nakahabol na ako sa mga kasama ko pero nang maabutan ko sila ay doon naman sila tumigil kaya maging ako ay tumigil din. Napatingin muli ako sa paligid at wala akong makitang ni isang tao. Kung totoo nga ang sinabi ni Carmine na walang gwardiya o anumang bantay dito, ibig sabihin mag-isa lang ni Lady Tenshi sa malaking lugar na 'to. Nalungkot ako para sa kanya. Oo nga malaki ang bahay mo at maganda ang hardin pero aanhin mo ang ganito kagandang lugar kung nag-iisa ka lang naman? Kung ako ang tatanungin, hindi ako magiging masaya. Dahil mag-isa ka lang sa buhay. Hayy.
Nang bumukas ang pintuan sa mansion, doon ko lang napansin ang sobrang laki ng kulay gintong pintuan. Napakaganda ng disenyo. Wala akong masabi. Pumasok na kami sa loob at doon bumungad sa akin ang napakaraming tao. At kung titingnan silang lahat, masasabi kong mga demon slayer sila. Dahil napaliligiran sila ng kulay dilaw na liwanag. Namangha ako kasi ang dami nila. May mga bata din na katulad namin at meron din yung parang kaedad ni miss Jean. Hindi ko akalaing ganito pala kadami ang mga demon slayers.
"They're the other demon slayers." Hindi ko na sinabing alam ko na sa umpisa na mga demon slayers sila pero mabuti na rin at sinabi ni Carmine bilang kasiguraduhan.
"Ang ilan sa mga yan ay mga bago. And I think kaya sila nandito, magkakaroon ng new team up. As you can see, mas madami ang mga bata na katulad natin kesa sa mga adult na nandito. The adult ones were the superiors at a-assign-an ata sila ng mga trainees nila." Mahabang paliwanag ni Carmine sa akin.
"Ihahatid ka na namin sa room kung nasaan si Lady Tenshi." Nagsimula na silang maglakad papunta sa may hagdanan habang ako naman ay nakasunod lang sa kanila pero ang tingin ko ay nakatuon sa mga demon slayers na nakamamanghang tingnan. Mabagal ang naging pag-akyat ko. Hinawakan ni Carmine ang aking saklay at pareho nila akong inalalayan paakyat. Parehong nakaakbay ang braso ko sa balikat nila at magkatulong sila sa pagbuhat sa akin.
Nang makarating kami sa ikalawang palapag ay hinayaan na muli nila akong maglakad ngunit may pag-alalay pa din. Mahabang pasilyo ang tinalunton namin bago kami makarating sa dulo ng pasilyo, lumiko pa kami sa kanan at naglakad pa muli sa isang mahabang pasilyo. Sa dulong bahagi ay may pintuan. Naunang pumasok si Crimson na sinundan namin ni Carmine. Nagtaka ako kung bakit hindi man lang kumatok si Crimson dahil kabastusan ang hindi pagkatok bago pumasok.
Pero ikinagulat ko na mayroon pa muling isang mahaba at madilim na pasilyo sa loob ng pintuan na 'yon. Nagulat na lang ako nung biglang lumiwanag ang pasilyo. May mga ilaw na nakakabit sa kahoy na pader ng pasilyo. Nagsimula na naman silang maglakad na pinangungunahan ni Crimson na sinusundan ko at nasa likuran ko si Carmine dahil isang tao lang ang kasya sa daanan.
Sa dulo ng mahabang pasilyo ay bumungad sa amin ang isang maluwag na espasyo. Walang ni isang gamit at tanging ang maliwanag lang na ilaw sa kisame ang nandito. Tumigil kami sa paglalakad at nakatayo sa gitnang bahagi ng espasyong iyon. Hindi kalaunan ay naglakad palapit si Crimson sa isang kulay puting haligi ngunit gawa sa isang mukhang tela na pader. Hindi ko alam kung tela talaga siya dahil ngayon lamang ako nakakita ng ganitong estilo.
Nang makalapit si Crimson ay pinanuod lang namin ang mga sumunod niyang ginawa. Bigla itong lumuhod sa may harapan ng telang haligi at yumuko na parang sumasamba.
"Magandang araw Binibining Tenshi, si Crimson po ito ng Armenia Clan. Narito na po siya." Nagtataka man sa mga nasasaksihan at sa aking narinig ay nanatili lang akong tahimik.
Nagulat ako nung biglang lumuhod at yumuko si Carmine sa aking gilid kaya nataranta ako kung dapat ko din bang gayahin ang ginawa nila pero hindi ko alam kung paano dahil baka mawalan ako ng balanse at matumba.
"Maaari niyo na siyang iwanan," mabilis na tumayo ang dalawa at sabay na nag-bow tapos tinalikuran na ako. Bago pa man makahakbang si Carmine papalayo sa akin ay nahawakan ko ang braso niya kaya napahinto siya at nilingon ako.
"Don't worry. You'll be fine, Andraste. We'll be waiting for you outside. Okay?" Ngumiti pa muna siya bago niya tinanggal ang kamay kong nakahawak sa kanya. Matapos nun ay iniwan na nga nila ako ng tuluyan.
Nang maiwan akong mag-isa ay doon na ako sobrang sinalakay ng kaba dahil hindi ko alam ang aking gagawin.
"Huwag kang matakot, Andraste" natigilan ako nang marinig kong banggitin nang isang boses na nagmumula sa kabilang bahagi nitong kwarto ang pangalan ko. Para akong nakaramdam ng paggaan ng aking kalooban. Hindi ko alam kung paano nangyari iyon pero ang boses niya ay may naidudulot na kakaibang kapayapaan sa aking kalooban.
"Halika, pumasok ka." Hindi ako gumalaw mula sa kinatatayuan ko at nag-aalangan. Hindi din ako sumagot dahil hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko.
Napakalambing ng kanyang boses kaya nakakaengganyong sundin ang kanyang sinasabi. Pero mayroon pa ding pag-aalangan sa puso ko.
"Nais ko sanang pumasok ka upang makapag-usap tayo, kung mamarapatin mo." Nangungusap na ang kanyang boses at napakahirap talagang tanggihan. Sinubukan ko muling igalaw ang aking katawan upang makapasok na sa silid at hindi nga ako nabigo. Dahil tuluyan nang sumunod sa akin ang katawan ko at naglakad na nga ako palapit sa may tapat ng manipis na harang sa pagitan namin.
Hindi naman siguro ako mapapahamak hindi ba? Hindi naman siguro ako ipapahamak nina Crimson at Carmine. Nanatili lang akong nakatayo sa harapan ng haliging iyon at hindi na muli pang humakbang. Tiningnan ko pa ang kabuuan ng haligi ngunit hindi ko mawari kung nasaan ang daan papasok.
"Hilahin mo pakanan ang nasa harapan mo," nadako ang tingin ko sa kaliwang bahagi ng haligi at may nakita akong nakausling kahoy na mukhang sinadyang gawing hawakan sa pagbubukas sa silid. Huminga muna ako nang malalim bago ko siya sinubukang hilahin at nagtagumpay naman ako. Pagkabukas ko ay bumungad sa akin ang sobrang lawak na silid. Walang anumang kagamitan at napakalinis tingnan.
Bigla akong kinilabutan nang maisip na walang tao dito pero may nagsasalita.
"Pumasok ka," muntik na akong mawalan ng balanse sa pagkabigla ko nang marinig muli ang boses.
"Huwag kang matakot, narito ako sa kabilang bahagi ng kurtina at natatakpan lamang." Napalibot pa akong muli sa kwarto at totoo ngang may naghahati pang kulay asul na kurtina. Nagkusa ang aking katawan na maglakad papasok kahit na ngayon ay sobra sobra ang kabang nararamdaman ko. Nang makarating na ako sa harapan mismo nang asul na kurtina ay muli kong narinig ang boses.
"Maupo ka," bigla akong nataranta dahil hindi ko alam kung paano kong gagawin ang maupo. Gayong hirap ako sa aking kalagayan ngayon.
"Ayos lang po ako na nakatayo," wala akong narinig na sagot kaya nakabibinging katahimikan ang naghari sa pagitan namin.
"Kung iyan ang nais mo," hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. Dapat ko bang sagutin ang sinabi niya kahit na hindi iyon tanong? Sa sobrang nerbyos ko ata ay hindi ko pa napansing namamawis na pala ang aking anit. Natauhan lang ako nang may tumulong butil ng pawis sa aking pisngi. Maging ang aking palad ay namamawis ng malamig. Para akong natatae na hindi ko maintidihan.
"Nais kong ipakilala mo ang iyong sarili." Panimula niyang muli. Parang nabarahan ata ang lalamunan ko dahil ayaw lumabas ng boses ko. Tumikhim ako, na baka sakali ay lumabas ang boses ko.
"Magandang araw po, Lady Tenshi." Wala akong narinig mula sa kanya kaya nagdiretso lang ako sa pagsasalita.
"Ang pangalan ko po ay Andraste Andrada."
"Andrada?" Mahinhin niyang tanong.
"Hindi ako pamilyar sa pamilyang iyan. Sabihin mo sa akin ang mga nalalaman mo," kumabog ang dibdib ko nang sobrang lakas.
Anong ibig niyang sabihin? Mali bang may alam ako tungkol sa organisasyon nila? Kasalanan bang may makaalam kung ano ang meron dito?
"May problema ba hija?" Lumunok muna ako bago nagsalitang muli.
"W-wala po," nauutal na sagot. Hindi siya muling nagsalita kaya mas lalo akong kinabahan. Ngunit nang mag-uumpisa na ako muling magsalita ay doon ko narinig ang kanyang mahinang pagtawa kaya natigilan ako at natulala nang panandalian.
"Nararamdaman ko kung gaano ka katensyonado ngayon, hija. Huwag kang matakot at kumalma ka lang. Hindi mo kailangang maging sobrang pormal sa akin. Ang nais ko lang ay sabihin mo sa akin kung ano ang nalalaman mo sa organisasyon at nang sa gayon ay alam ko kung ano ang aking gagawin," malambing niyang sagot. Biglang nagpanting sa tenga ko ang huli niyang sinabi kaya hindi ko namalayang pasigaw akong sumagot sa kanya.
"HUWAG!" Halos pumiyok ang aking boses. Mabilis kong tinakpan ang aking bibig nang mapagtanto ko kung ano ang inasal ko. Nanlalaki ang mga mata na nakatingin sa katapat kong kurtina. Wala akong narinig na pagsagot mula sa kabilang bahagi ng kurtina.
"Patawad, binibini. Wala akong intensyon na bastusin ka sa iyong pamamahay." Kumalabog ang kahoy na sahig dahil binitawan ko ang aking saklay na dahilan nang aking pagtumba. Masakit, oo. Pero kailangan kong lumuhod at humingi ng tawad sa kanya.
"Tumayo ka at humarap sa akin. Hindi ba't may karamdaman ka kaya hindi mo magawang maupo? Huwag mong pahirapan ang iyong sarili dahil mas nahihirapan ako kapag nahihirapan ang mga anak ko."