Chapter 2
Bagong Buhay
|ANDRASTE|
NAKATAYO ako sa harapan ng isang napakalaking gate ng isa sa mga prestihiyosong paaralan ng high school dito sa lugar. Naririnig ko na itong kinikwento nina Sister dati pero hindi ko akalain na ganito pala siya kalaki at kaganda sa labas. Malayo ang kombento dito sa sentro kaya hindi kami gaanong nagagawi dito.
Bago ang lahat sa paningin ko at malayong malayo sa nakalakhan ko. Mas madaming tao at halos lahat ay makikitang may kaya sa buhay. Ganito pala ang buhay sa sentro, mas maingay kung para sa dati kong tinitirhan.
Mukhang mahihirapan ata ako sa pag-aadjust sa bagong mundong gagalawan ko. Hindi masyadong in-elaborate ni Miss Jean kung ano ba ang ganap ko dito. Ang huli ko lang na natatandaan na sinabi niya ay mag-aral daw ako bilang isang second year junior high sa eskwelahan na ito.
Ni hindi ako nakatuntong ng grade school dahil sa kombento lang ako uma-attemd ng klase kaya nagtataka talaga ako kung paanong nakapasok ako sa ganitong eskwelahan. Basta ang sabi niyang trabahuhin ko ay bantayan ang isang tao. Ipinakita niya ang larawan at sinabi din ang pangalan pero tanging mukha lang ang naaalala ko at hindi ko na maalala pa ang kanyang pangalan.
Kapag nakita ko naman siguro siya ay madali ko ding maaalala. Bigla akong nakaramdam ng kakaiba nang marinig ko ang paligid ko. Sinalakay ako ng kaba dahil sa bagong kapaligiran ko. Madaming nagtatawanan at maingay. Parang gusto ko nang umuwi na lang at bumalik sa ampunan. Bigla kasi akong nakaramdam ng takot dahil alam ko sa sarili kong wala akong kakayahang makihalubilo sa mga tao, lalo na ang mga tao dito sa sentro. Wala pa kasi akong nakahalubilo na nanggaling dito kaya hindi ko alam kung ano ang mga ugali nila.
“Out of the way!” May sumigaw sa aking likuran kaya napalingon ako doon. Nagulat ako nung bigla niyang hinila ang back pack ko na dahilan para mapasabay ako sa pagbagsak niya sa semento.
Napagulong pa ako dahil para akong tumilapon nang mapasama ako sa pagbagsak.
“Man, that really hurts like hell.” Nakadapa pa din ako at nahihirapang bumangon dahil para ata akong nabalian ng buto dahil sa hindi maganda ang pagkakabagsak ko sa sahig.
“Hey idiot perm head,” iritadong boses ng isang babae ang narinig ko sa malapit.
“Oh Carms, could you please help your dear best friend to stand up? I can’t stand up.”
“Mag-isa ka. Tsk.” Nakaupo na ako nang tuluyan sa sahig at tiningnan ang siko ko na may gasgas. Nagdudugo na siya. Maging ang tuhod ko. Para akong naaksidente sa motor sa kalagayan ko ngayon.
“Hey, miss are you okay? Kaya mo bang tumayo?” Habang hinihipan ang sugat ko sa siko ay napansin ko na may biglang naupo sa harapan ko. Nakaupo ito sa kanyang sakong, inangatan ko siya ng tingin at nakita ko ang isang babaeng may nakapasak na lollipop sa kanyang bibig. Mahaba ang mamula-mula at unat niyang buhok. Maputi ang balat, bilugan ang mga mata at may maliit na nunal sa may baba ng kanyang kaliwang mata.
Nang makita ko ang kabuuan niya napansin ko ang kulay dilaw na ilaw na bumabalot sa kanya. Ibig sabihin isa siyang demon slayer.
“Oh my gosh, hindi ka okay. Tinitingnan pa lang kita, I know na hindi ka okay.” Napahawak ito sa aking siko at sinuri. Pati ang tuhod ay sinuri din niya. Sinipat niya din ang kabuuan ko kung meron pa bang ibang sugat bukod sa siko at tuhod ko.
“You’re so stupid! Look what you’ve done.” Tumayo ito at dinuro duro ang lalaking katatayo lang mula sa pagkakaupo sa sahig. May dala itong skateboard na hawak na niya sa kanyang kaliwang kamay. Inaayos ng kanyang kanang kamay ang may pagka-wavy nitong buhok, kahit ang totoo ay hindi na maaayos pa. May bilugan din itong mga mata at may malalim na dimple sa kanyang magkabilang pisngi na lumilitaw kapag siya ay nagsalita. Hindi siya ganun kaputi at hindi din ganun kaitim.
Napatitig pa ako sa lalaki dahil napalilibutan din ito ng kulay dilaw na liwanag na parang dito sa babaeng nasa harapan ko. That means, demon slayer din siya?
“Nakaaksidente ka ng isang kawawang estudyante! You’re so stupid, please die. Ugh!” Iritadong iritadong sabi pa ng babae bago ulit niya ako hinarap at nag-offer ng kamay upang tulungan akong tumayo.
“Miss, let me help you. Sorry for this idiot’s stupidity.”
“I am your best friend, and you’re talking ill about me. That’s so rude Carms.” Sita no’ng lalaki na nanatili pa ding inaayos ang buhok.
“Kaya mo bang tumayo?” Tanong pa nung babae na nagngangalang Carms habang nakalahad pa din ang kamay sa harapan ko.
Tiningnan ko ang kamay niya at ang kanyang mukha. Medyo nag-alangan pa akong tanggapin iyon dahil nahihiya ako. At dahil mukha naman siyang mabait at hindi naman ako pinalaking bastos nila sister ay tinanggap ko na.
“Salamat,” mahinang sambit ko pagkatayo ko at mabilis ko ding binawi ang kamay ko.
“Mauuna na ako.” Nakayuko na akong naglakad paalis na iika ika. Para akong napilayan sa kaliwang paa ko. Sa may ankle kasi masakit kapag iniapak ko.
“I’ll bring you to the infirmary,” nilingon ko siya na nasa kaliwa ko na kaagad at hinawakan ako sa kaliwang braso.
“Hindi, ayos lang ako. Kaya ko na ang sarili ko. Salamat na lang.” Ngiti ko pa para kumbinsihin siya ngunit tanging confusion lang ang makikita sa kanyang maliit na mukha.
Masakit siya, oo, pero walang wala ito sa lahat ng sakit na pinagdaanan ko habang lumalaki ako kaya hindi ko na iniintindi ang mga gantong mga sugat.
“Responsibility ko na tulungan ka dahil sa kagagawan ng istupidong lalaking yan. Please let me,” ngumiti siya sa akin. Iyong tipong nakakapanghikayat talaga. Napakainosente na parang sa isang bata. Naalala ko tuloy sina Toto, Dahlia, Ella at iba pang batang naiwan ko sa ampunan. Bigla ko silang na-miss.
“S-Sige,” pagpayag ko na lang kahit pa naiilang ako. Ngayon lang kasi ako nakapag-interact sa mga tao. Ang ibig kong sabihin, iyong mga tao sa labas ng ampunan.
Maingat niya akong inalalayan at nagtungo kami sa infirmary. Naabutan namin ang isang babaeng balingkinitan ang pangangatawan at hindi katangkaran. Nakasuot ito ng kulay berdeng parang pyjamas na ginagamit ata sa ospital, hindi ko alam ang tawag doon kasi minsan pa lang naman ako nakapupunta ng hospital tapos nakasuot ng kulay puting sapatos. Kulot kulot din ang mahaba nitong buhok na nakatali lamang ang kalahati nito sa kanyang ulo.
“Good morning Nurse Kelly,” lumingon ito at sinalubong kami ng nakakaengganyong ngiti sa labi. Singkit ang mga mata na akala mo isa siyang Chinese at maputi din ang kanyang makinis na balat.
“Oh, ikaw pala ‘yan Miss Melendrez.” Katatayo lang nung huli niyang pasyente no’ng pagpasok namin.
“Do you need something?” Iniaayos na nung nurse ang ginamit niya kanina habang kinakausap pa din kami at nililingon lingon.
“Ito po kasing kasama ko,” nagtinginan kami ni Carms, dapat bang tawagin ko siya sa first name niya kahit hindi naman kami malapit sa isa’t isa? Pero pakiramdam ko, hindi iyon tama. Melendrez ang last name niya, siguro iyon na lang ang itatawag ko sa kanya.
“Maupo ka dito, hija.” Akay akay pa din ako ni Miss Melendrez at nakaakbay ang kaliwang braso ko sa kanya noong dalhin at ipaupo niya ako sa harapan ng lamesa.
“Bakit puro ka gasgas at sugat? Naaksidente ka ba bago magpunta dito?” Sinusuri na nito ang siko ko na puros gasgas at sugat.
“Idiot perm head,” napalingon kami sa kanya dahil sa parang galit niyang boses. Lumabas sa kanyang likuran ang lalaking bumangga sa akin kanina habang nagkakamot sa ulo. Nakahalukipkip si Miss Melendrez at nakakunot noo siyang nakatingin sa lalaki. Ngayon ko lang din napansin may sugat ito sa kanang pisngi, siguro dahil sa pagkakaaksidente namin kanina.
“It’s his fault,” duro niya sa kaibigan at galit na galit ang kanyang mukha na humarap sa amin.
“Mister Armenia, no skate boarding in the school grounds. You know that right?”
“But we are not inside the campus yet. Nasa labas palang kami ng gate.” Protesta ni Mister Armenia.
“Oo nga, pero nasa vicinity ka na ng school no’n at madami na ang mga students na pumapasok.”
“Sorry,” napayuko na lang ang lalaki habang napapakamot sa batok.
“Not to me, but to her. Right, Miss?” Napaangat ako ng tingin kay Nurse na nakangiti na sa akin tapos tumingin ako kay Mister Armenia na napalingon na din sa direksyon ko.
“Ayos lang po. Sanay naman na po ako sa mga gantong sugat, tsaka kasalanan ko din po. Nakaharang po ako sa daraanan. Pasensya na,” napayuko ako para humingi ng dispensa kay Mister Armenia ngunit biglang lumapit si Miss Melendrez sa akin at iniangat ang mukha ko at iniharap sa kanya.
“Don’t do that. Kapag ginawa mo ‘yan, people will look down at you. Kapag hindi mo kasalanan ipaglaban mo. Hindi ‘yung oo ka ng oo kahit ang totoo ay hindi naman talaga. Don’t be afraid to say no. Lalo na sa istupidong lalaking yan.”
“Hey!” Hindi pinansin ni Miss Melendrez ang kanyang kaibigan nang magprotesta ito, imbes ay hinawakan niya ako sa ulo at ngumiti sa akin na walang alinlangan. Tumango ako ng alangan at napayuko muli.
“Sige na, mamaya na kayo mag-usap. Gagamutin ko muna ang sugat niya.” Nag-thumbs up pa si Miss Melendrez sa akin bago nagpunta sa waiting area dito sa loob ng clinic.
“Si Mister Armenia po, hindi niyo po ba gagamutin?” Nakasunod lang ako sa likuran niya.
“Huwag mo na alalahanin si Crimson, ayaw na ayaw niyang pinakekealaman siya. At kinakaawaan.” Crimson pala ang pangalan niya.
Pinapunta pa ako no’ng nurse sa may bed area, pinaupo sa may kama at doon ako ginamot. Nilinisan muna niya bago lagyan ng gamot ang mga sugat ko.
“Kinakaawaan po ba kapag ginagamot?” Natawa siya sa tanong ko.
“Huwag mo na lang isipin yun. Sasakit lang ang ulo mong intindihin ang isang yun.”
“Oh, pati pala uniform mo nabutasan, may extra uniform ka ba?” Umiling lang ako sa tanong niya.
“What’s your name again?”
“Andraste Andrada po,” mahinang sagot ko.
“Andraste? That was one unique name. Do you know where your name came from?” Umiling ulit ako at napaangat ng tingin sa kanya kaya nasilayan ko ang pagngiti niya.
“She’s the goddess of war,” sa tinagal tagal kong nabuhay sa mundo, walang nagsabi sa akin na isa palang goddess ang nagmamay ari ng pangalan ko.
“All done,” masigla niyang sabi matapos niyang lagyan ng bandages ang siko at tuhod ko. Iniaayos na niya ang mga ginamit niya sa paggamot sa akin.
“Are you friends with those two?”
“H-Hindi po,” tumawa siya ng mahina.
“They don’t quite mingle with people, but they do get along with each other kahit na palagi silang nagbabangayan. Pero solid ang samahan nilang tatlo. Ngayon ka lang nila dinala dito, are you new here?” Tumango lang ako sa tanong niya at ngumiti lang siya. Gusto ko sanang magtanong sa sinasabi niyang ikatlong kasama nila pero hindi ko na itinuloy. Sinabihan niya ako na pwede na daw akong lumabas at pumasok na sa klase since mag uumpisa na daw ang klase namin dahil nag-ring na din yung bell ng school.
Mabilis na tumayo si Miss Melendrez pagkabungad ko sa waiting area. Hindi ko na nakita pa si Mister Armenia, siguro dahil ay nauna nang pumasok sa klase.
“Tara na, magsisimula na ang klase.” Pag-aaya niya at nauna nang maglakad pero bago pa man ako makahakbang ay lumingon siya at binalikan ako.
“Oo nga pala, injured ka bakit kita iniiwan. Hahahaha.” Binatukan niya ang sarili pagkasabi nun. Ang weird niya.
Tumanggi ako na magpaalalay sa kanya dahil kaya ko naman talaga ang maglakad mag-isa pero makulit talaga siya kaya ang nangyari ay naka-akbay na lang siya sa akin since mas matangkad naman siya. Hindi ba’t parang baliktad ata? Ako dapat iyong nakaakbay dahil ako yung pilay.
“Oo nga pala, bago ka dito diba? Ihahatid na lang kita sa faculty room bago ako pumunta sa klase ko. By the way, the name’s Carmine Melendrez. Ikaw?” Nakatingin siya sa akin na nakangiti habang naglalakad pa din kami.
“Andraste Andrada,”
“That was one unique name and I like it, parang ikaw.” Ngumiti ito sa akin bago tumingin sa kanyang harapan.
“Anong ibig mong sabihin?” Nagtataka kasi ako sa ibig niyang sabihin dun e.
“I mean, you’re unique like your name. That’s why I like you.”
“Bakit?” Tumawa siya sa tanong ko na tipong hindi kapani paniwala ang tanong ko.
“Bakit naman hindi? I like unique things and unique people. That’s why I like you.” Hinawakan na niya ako sa ulo habang nakangiti na nagpakita ang kanyang buong ngipin. Wala na siyang kinakain na lollipop ngayon.
“Pero kakakilala mo pa lang sa akin hindi ba? Paano mo magugustuhan ang bagong kakilala pa lang?” Bumitaw na siya sa pagkakaakbay sa akin saka siya nagkibit balikat.
“Ewan. Unang kita ko pa lang sa ‘yo ang una kong nasabi sa isip ko, ‘I like this person.’“ Huminto siya sa paglalakad kaya maging ako ay huminto din.
“Paano ba ‘yan. Nandito na tayo.” Napatingin ako sa harapan ko at nakita ko ang signboard sa itaas ng kulay brown na pintuan na ‘Faculty Room’.
“Maiwan na kita dito, bye! Nice meeting you Andraste.” Naglakad na ito palayo habang kumakaway kaway pa.
“See you around,” tumalikod na siya nang tuluyan habang ako ay nakatingin pa din sa papalayo niyang pigura.
Napaigtad ako sa gulat nang biglang bumukas ang pintuan sa aking harapan. Napahinga ako ng malalim nang makahupa sa pagkagulat. Bumungad ang isang babaeng nagtataka ang mukha. Bata pa ang kanyang itsura na hindi tulad sa mga nakikita ko kaninang mga teacher na parang sobrang tagal nang nagtuturo. May dala itong mga gamit sa kanyang kamay at nakasuot ng uniform na pang-teacher na kanina ko pa nakikita sa mga naglalakad na teacher dito sa campus kanina.
“Magsisimula na ang mga klase hija, bakit hindi ka pa dumiretso sa klase mo?” Tanong niya pagkasara ng pintuan ng faculty.
“Ano po kasi..transferee po ako.” Nagliwanag bigla ang mukha niya nang banggitin kong transferee ako.
“Oh, you must be Miss Andraste Andrada?”
“O-opo,”
“Kanina pa kita hinihintay, let’s go.” Ngumiti pa muna siya sa akin saka nag-umpisang maglakad. Kaagad ko naman siyang sinundan na mabagal pa din ang naging paglalakad ko. Masakit pa din kasi yung sakong ng paa ko.
Mabuti na lang at mabagal siya maglakad kaya nakahahabol naman ako sa kanya. Mga limang kwarto siguro ang nilampasan namin bago kami tuluyang nakarating sa silid aralan kung saan ako nabibilang.
Huminto kami sa paglalakad at mabilis niyang pinihit ang door knob ng pintuan saka siya pumasok. Nanatili muna akong nakatayo sa labas at hinihintay ang go-signal ni Ma’am para pumasok na ako.
“Miss Andrada, you may come in.” Nakatingin sa akin si ma’am nang tingnan ko siya. Tapos niya na pala akong banggitin sa buong klase na hindi ko man lang namalayan. Naglakad na ako papasok pero iika ika pa din.
“What happened to your foot?” Tila nag aalalang tiningnan ako ni ma’am nang makita ang paglalakad ko.
“Ayos lang po ako,” ngumiti na lang ako para ipakitang hindi masakit kahit ang totoo ay parang matatanggal na ang paa ko sa sobrang sakit.
“Sigurado ka, hija?” Tumango pa ako pero alangan naman siyang ngumiti.
“Introduce yourself to the class then,” utos niya nang tuluyan na akong makatayo sa tabi niya at humarap sa buong klase.
Ganito pala ang itsura ng classroom sa sentro at ang dami kong kaedad na makakasalamuha ko. Hindi man ako sanay makihalubilo sa mga kaedad ko ay sisikapin kong makibagay sa kanila dahil nakasanayan ko na puros bata ang kasama ko.
“Magandang araw sa inyong lahat. Ako nga pala si Andraste Andrada, kinagagalak ko kayong makilala.” Nag-bow ako sa harapan matapos ko magpakilala. Pero mabilis akong napatuwid ng tayo nang may sumigaw sa pangalan ko.
“Andraste!”