NAKAYUKO AKO HABANG nakatayo lamang sa harap niya at pisil-pisil ko ang mga daliri ko habang hawak ang bag na dala-dala ko. Narito ako sa isang kwarto kung saan pumasok ang aalagaan ko.
“Tsk. Look at me,” utos nito habang nasa gilid siya ng malaki niyang kama na tingin ko ay kasya ang tatlong tao. Nag-angat ako ng tingin sa kanya at tinapangan ko ang loob ko. “D’yan ka sa sofa matutulog,” sabi pa nito kaya napatingin ako sa sofa na malaki naman at parang higaan kaya tingin ko ay kasya naman ako.
“Pero bakit dito? Hindi ba, dapat sa maid’s room ako?” nahihiya kong tanong na kinasalubong ng kilay niya kaya napalunok ako.
“Nurse kita kaya dapat magdamag kang nakabantay sa akin. Ayoko ng tatawagin pa kita ’pag may gusto akong gawin at iutos sa iyo, naintindihan mo?” masungit niyang sabi kaya tumango na lang ako.
Mahabang katahimikan ang namayani kaya bigla akong nailang. Kaya habang hindi naman siya nagsasalita ay nag-isip ako kung gagalaw ba ako sa kinatatayuan ko?
Naiilang na lumapit ako sa sofa at nilapag ang bag ko sa sahig na may carpet.
“’Wag mong ilapag d’yan ang bag mo. Mahal pa ’yang carpet sa bag mo,” sabi niya kaya agad kong binuhat ang bag ko at naghanap ng maaari kong pagpatungan ng bag ko.
May nakita akong table kaya lumapit ako doon at ilalapag ko pa lang sana nang sitahin na naman niya ako.
“Sige, dito na lang sa kandungan ko ang bag ko. Nahihiya naman ako sa mahal ng gamit mo,” inis kong sabi sa kanya habang nakaupo na ako sa sofa at inilagay sa kandungan ko ang bag ko. Pinagdiinan ko talaga ang ‘mahal’ dahil tila pinagdidiinan din niya sa akin kung gaano ako kahirap.
“Tsk. Saan ba nilalagay ang mga damit? May closet doon at doon mo isaksak ang bag mo. Sinisita kita kasi baka masagasaan lang ng wheelchair ’yang bag mo,” sabi niya kaya hindi ako nakapag-react. Umiling-iling siya at pinaandar ang wheelchair palapit sa glass wall na kitang-kita ang kalangitan mula sa pwesto ko.
Nanahimik na siya kaya tumayo na ako para ilagay sa closet ang damit ko.
“Kaloka! Napahiya ako ro’n. Hindi naman niya kasi sinabi agad. Parang ang tanga-tanga ko tuloy,” sabi ko sa sarili habang inaayos ang damit ko sa pagkaka-hanger.
Napatingin ako sa pinto at pinakiramdaman ko siya kung papasok ba dito sa walk-in closet daw niya. Nang hindi ay napangiti ako na lumapit sa closet niya kung nasaan nakalagay ang mga damit niya.
Binuksan ko ang pinto ng closet at halos mapanganga ako dahil sa maayos na pagkakasalansan ng mga damit niya. Binuksan ko ang drawer sa baba, at nandoon pala ang mga brief, boxer, at medyas niya na maayos din at walang kagusot-gusot.
Tumingin muli ako sa pinto dahil baka hindi ko mapansin na nakapasok na pala siya. Nang wala ay kumuha ako ng isang brief niya at iniangat. Halos malaglag naman ang panga ko dahil sa nakita ko na malaki ang brief niya.
Agad kong ibinalik sa lalagyan. Ano bang pumasok sa kokote ko at pinakialaman ko ’yon? Napailing ako na sinara na ang drawer at sinara na rin ang closet. Lumipat ako sa kabila at narito naman ang mga pang-araw-araw ata na damit niya at mga pantulog.
Binuksan ko ang isang malaking drawer na gawa sa salamin at nakita ko na narito ang mga kurbata niya. Masyado siyang perpekto. Dapat pala ay maging maingat ako ’pag ako ang pinag-ayos niya ng mga gamit niya, baka magreklamo pa ’yon.
Napatingin ako sa isang lalagyan at nakita ko na nandoon nakalagay ang mga alahas.
Wow! Mga kumikinang na alahas at tiyak na mamahalin ang lahat ng ito. Marami siyang relo at kwintas. May shades din na iba-iba ang istilo at tatak. Tapos sa dulo ay binuksan ko ang isang de-slide na pinto ng closet, pero hindi pala damit ang laman kundi ang mga nagdadamihan at naggagandahang sapatos na parang sa display sa mall ang pagkakaayos.
Mga mamahaling sapatos iyon at ang mga black leather shoes pa ang ilan na kumikinang dahil sa pagkaka-wax.
Napabuntonghininga ako at pinalibot ang tingin ko sa kabuuan ng closet niya. Dito pa lang sa kwarto na ito ay walang-wala na ako. Ang swerte niya at maganda ang buhay na kinagisnan niya.
“Hay! Ganyan talaga ang life, Hera. Hindi lahat ay sinu-swerte, kaya dapat ka talagang magbanat ng buto,” kausap ko sa sarili ko at napailing na lang ako dahil para akong tanga.
May tumunog na batingting kaya agad kong sinara ang pinto ng lalagyan ng shoes niya at mabilis na lumakad palabas ng walk-in closet.
Eh, kasi tumatawag na si Señorito.
Pinaliwanag niya sa akin na oras daw na magbatingting siya ng ice cream bell ay ibig sabihin lang no’n ay kailangan niya ako. Kaya dapat daw ay malakas ang pandinig ko.
Napatingin ako sa kanya habang kinakalampag niya ang maliit na batingting na hawak niya. Binaba na niya iyon nang makita ako.
“Gusto kong magpunta sa farm. Let’s go,” sabi nito at tumalikod na saka pinaandar ang wheelchair niya para makalabas.
Hindi naman siya nahihirapang lumabas dahil kusang bumubukas ang pinto oras na may tumapat na tao. Agad akong napasunod sa kanya at pumasok siya sa elevator kaya sumunod ako.
“Just press the black button,” utos niya kaya pinindot ko.
Sanay naman ako kapag sumasakay ng elevator sa mall kaya medyo naiintindihan ko siya. Naramdaman ko na bumababa na ang elevator habang tahimik lang kaming pareho.
Nakasuot siya ng maong short at simpleng puting T-shirt habang nakasumbrero at nakasuot ng shades.
In fairness, gwapong lumpo siya. Kahit naka-wheelchair ay ang lakas ng appeal at lumulutang ang kagwapuhan niya.
“I don’t want a crazy nurse. So stop smiling alone,” sabi niya na kinawala ng ngiti ko dahil hindi ko napansin na napapangiti pala ako. Pero, meron bang oras na hindi siya magsasalita ng ingles? Nasisiraan na ako ng ulo sa pag-iintindi ng mga sinasabi niya.
“Huh? Stop at nurse lang naintindihan ko. Ano bang ibig sabihin ng iba?” tanong ko.
“Tsk. Don’t mind that,” sabi niya at lumabas na siya nang bumukas ang pinto ng elevator.
“Tingnan mo ito. Ingles nang ingles, hindi ko nga maintindihan. Aist! Bahala na nga. Oo na lang,” usal ko at agad na sumunod sa kanya.
Nakita ko na yumuko ang ibang katulong na naglilinis. Para silang mga nagtatrabaho sa hotel dahil sa uniform nila pero kasambahay pala sila dito. Tila pinagkagastusan talaga ang uniform ng mga kasambahay.
“Faster,” pukaw sa akin ng masungit na si JP. Napairap ako at binilisan ko ang pagsunod sa kanya.
Paglabas namin ay may sasakyang puti na nakaabang sa labas. ’Yong nakikita ko sa golf. Parang golf cart ba tawag do’n? Oo, gano’n nga siguro.
Yumuko ang dalawang lalakeng bodyguard kay JP at inalalayan nila si JP na sumakay sa golf cart. Ako naman ay nakatingin at nakatayo lang dahil ano naman ang gagawin ko? Aalis siguro siya kaya baka hindi na ako kailangan.
“Ingat kayo, Sir!” sabi ko at kumaway bago ako tumalikod.
“Tsk. You’re coming with me,” sabi niya kaya napahinto ako sa paghakbang. Humarap akong muli sa kanya at tinuro ang sarili ko.
“Ano po? Kasama ba ako?” tanong ko.
“Miss, sumakay na kayo dahil masama na pinaghihintay ang señorito,” sabi ng bodyguard nito.
Naupo ako sa likod niya na may isa pang hilerang upuan. Napaisip ako dahil bakit kaya ito pumupunta ng farm kahit na ganyan ang sitwasyon niya? Tumingin ako sa kanya na nakatingin sa lupain nila na dinaraan namin.
Marami kaming nakikita na namimitas ng mangga habang nadaraanan namin ang manggahan.
Mga yumuyuko ang mga tao nang makita ang sinasakyan namin. Tila gano’n talaga ang paggalang ng mga empleyado rito kay JP.
“Kamusta ang farm, Jay?” biglang tanong ni JP. Pasimple akong tumingin kung sino ba ang kinakausap niya.
“Maayos naman, Señorito. Nasa ayos ang lahat,” sabi ng nagmamaneho ng cart kaya bumaling na lang ako ng tingin sa paligid.
“Good. Inaasahan ko ’yan,” sabi ni JP.
Nalagpasan na namin ang ilang hektaryang lupain ng manggahan.
May nakita naman ako na pastulan ng mga kabayo na mga nakatali habang kinakain ang mga damong nasa paligid.
Huminto ang cart sa isang farm house ng mga hayop. May lumapit na lalake na may hawak na kabayo sa amin. Bumaba ang dalawang bodyguard na kasama namin at binuhat si JP para isampa sa kabayo.
“Saan po tayo?” tanong ng may hawak ng kabayo kay JP.
“Gusto kong makita ang taniman ng mga bulaklak,” tugon ni JP at bumaling siya sa akin. “You just stay here,” sabi nito.
“Po?” hindi ko maunawaang tugon na kinatiim-bagang niya.
“Sabi ko manatili ka lang dito,” sabi nito kaya napatango ako nang maunawaan ko na.
“Opo. Mabuti naman,” sabi ko at halos pabulong ang huli.
“Let’s go,” aya niya sa lalakeng may hawak ng tali ng kabayo. Ang mga bodyguard naman ay sumunod din sa kanya, kaya ako na lang ang naiwan sa farm.
Naghanap ako ng mauupuan at may nakita akong bench sa lilim na puno kaya doon ako nagtungo. Pinagpag ko ang upuan bago ako maupo.
Sumandal ako at nilanghap ang sariwang hangin.
Probinsyang-probinsya at ang ganda pa ng tanawin dito. Puro berdeng kulay ang nakikita ko, kaya hindi nakakapagtaka na malamig ang simoy ng hangin.
“Napakadali lang naman pala niyang alagaan. ’Wag lang magsusungit dahil iyon ang mahirap sa lahat,” sabi ko at napailing ako.
May tumunog na pamilyar na ringtone at nanggagaling iyon sa bulsa ng pantalon ko. Kinuha ko ang phone ko at tiningnan kung sino ang tumatawag.
Si Chard!
Oo nga pala. Meron na akong boyfriend. Kaso, parang wala din dahil parang hindi ko ramdam na may boyfriend ako sa dami ng iniisip ko.
“Chard . . .” tugon ko.
“Hera, bakit hindi mo man lang sinabi sa akin na wala na pala kayo ng mga kapatid mo rito sa lugar n’yo? Nasapak tuloy ako ng tatay mo dahil galit na galit nang maabutan ko,” sabi nito na may bahid ng inis.
“Sorry na, Chard. Umalis na kasi kami d’yan dahil may nangyari kaya hindi ko na kinaya na manatili pa d’yan,” paumanhin ko sa kanya at napabuntonghininga ako.
“Bakit, binugbog ba ulit ng tatay mo ang mga kapatid mo?” tanong niya.
“Hindi. Ibang sitwasyon pero ayokong sabihin pa dahil baka bumigat na naman ang loob ko.”
“Naiintindihan ko, sige, pero sana ipaalam mo naman sa akin ang nangyayari sa iyo. Boyfriend mo ako at nag-aalala rin ako,” nakonsensya na naman ako dahil tila nalungkot siya.
“Sorry, Chard. Marami lang talaga akong iniisip kaya nakalimutan kong ipaalam sa ’yo.”
“Basta sa susunod, ipapaalam mo na . . . Saan nga pala kayo nakatira ngayon ng mga kapatid mo? Gusto ko kayong dalawin ngayon.”
“Nandito lang ako sa Pampanga at nagtatrabaho bilang private nurse,” tugon ko.
“Huh? Private nurse? Paano? Tsaka, bakit hindi mo rin sinabi ’yan sa akin? Ano ba talaga ako sa iyo, Hera? Palagi mo na lang ako ine-echapwera sa buhay mo.”
“E, kasi biglaan lang ang lahat, Chard. Unawain mo naman, na mas importante sa akin ang meron akong maipakain sa mga kapatid ko. Hindi ko naman kinakalimutan na may boyfriend ako, talagang marami lang akong iniisip nitong mga nagdaan.”
“Nasaan ba ang mga kapatid mo? Ikaw, saan sa Pampanga ’yan para mapuntahan ko kayo?” tanong nito.
“Sila Cathy, nasa Home for the Angels. Doon muna sila mananatili habang narito ako sa Pampanga para magtrabaho.”
“Saan nga sa Pampanga ’yan?”
“Hindi ko alam, naka-kotse ako nang magtungo rito.”
“Nakakotse? Sinong naghatid sa ’yo d’yan?” May bahid ng panghihinala at selos ang tono niya nang itanong niya ’yon.
“Si Lovely ’yon, ano ka ba!”
“Lovely? ’Yung classmate natin no’ng elementary?” tanong niya.
“Oo. Siya kasi ang nagrekomenda sa akin ng trabahong ito.”
“Gano’n ba. Akala ko, iba ang naghatid sa iyo.”
“Ang seloso mo. Alam mo naman na wala akong panahon na makipaglandian sa iba. Mas nasa isip ko lang talaga ngayon ay maitaguyod ang mga kapatid ko.”
“Hera, bakit kasi ayaw mo pang tanggapin ang alok ko na magpakasal na tayo? Natatakot kasi ako na baka ipagpalit mo ako,” sabi niya na nangangamba. Dama ko kasi sa tono niya.
“Chard, pasensya na talaga. Pasensya na kung hindi pa ako handa na matali. Ayos na sa akin na magkasintahan lang muna tayo. Saka hindi naman kita ipagpapalit dahil ayoko na saktan ka, kaya ’wag ka nang mangamba,” paniniguro ko rito.
Napabuntonghininga na lang siya at tila hindi pa siya masyadong tiwala sa sinabi ko.
“Hindi mo naman maaalis sa akin na hindi mangamba na baka may sumulot sa iyo sa akin. Maganda ka at madali kang makaakit ng mga lalake. Mahal na mahal kita, Hera. Kaya natatakot ako na baka isang araw, makuha ka na ng iba.”
Napangiti naman ako dahil ramdam ko ang pagmamahal sa akin ni Chard. Kaya nga nang manligaw siya sa akin nang mahigit isang taon ay sinagot ko na siya dahil minahal ko na rin siya.
Mabait si Chard. Medyo nakakaangat siya nang kaunti sa buhay dahil may business na grocery ang magulang niya, habang siya ay nakatapos ng HRM. Kahit na may kaya sila ay nagtatrabaho pa rin si Chard. Balita ko sa isang sikat na bar siya nagtatrabaho. Kaya nga hanga ako sa kasipagan niya.
“Mahal na mahal din kita, Chard. ’Wag ka nang matakot dahil pangako ko na pagkatapos ng kontrata ko ay may oras na ako sa iyo,” sabi ko sa kanya.
“Sigurado ba ’yan?” paniniguro niya kaya natawa ako.
“Oo, pangako. Sige na, baka mauubos na ang load mo,” sabi ko rito.
“Sige, bye. I love you.”
“Mahal din kita. Bye,” sabi ko at binaba na ang tawag.
“Let’s go . . .”
May malamig na tono na nagsalita kaya gulat na napalingon ako. At halos matunaw ako sa hiya dahil nakabalik na pala si Señorito na narinig pa yata ang pakikipag-usap ko kay Chard.
Naglakad na ang kabayong sinasakyan niya palapit sa cart. Hindi ko maunawaan kung bakit tila masama ang awra niya.
Nagkibit-balikat na lang ako at sumunod.
Nang makauwi kami sa mansyon ay sinabi niya na dumiretso raw kami sa kwarto niya dahil gusto niyang magpahinga. Pagpasok sa loob ng kwarto ay doon ako nagkaproblema.
Paano ko siya ihihiga?
“Tatawagin ko lang po ang bodyguard n’yo para ihiga kayo,” sabi ko.
“’Wag na. Tulungan mo na lang ako na lumapit sa kama ko,” sabi niya na salubong pa rin ang kilay at malamig pa rin ang tono kaya lumapit ako sa kanya.
Kinuha ko ang isang kamay niya at pinasampa ang braso niya sa balikat ko.
“Okay, Señorito, pagbilang ko ho ng tatlo, mabilis kayong tumayo,” sabi ko rito. Hindi ito sumagot at hindi pa ako nakakapagbilang ay kumapit na siya nang maigi sa balikat ko at kinaya niyang tumayo gamit ang isang paa niya.
Agad ko naman siyang inilapit sa kama, pero dahil sa bigat niya ay napahiga ako sa kama niya at nadaganan niya ako na kinapikit ng mga mata ko at ikinangiwi ko dahil ang bigat niya.
Dumilat ako at nasalubong ko ang mga mata niya na hindi ko mabasa ang sinasabi habang nakatitig sa akin. Masyado siyang magaling na magtago ng emosyon.
“A-Ah . . . Señorito, pagpapalitin ko po ang pwesto natin. Mabigat kasi kayo,” naiilang kong sabi dahil naunawaan ko rin ang posisyon namin.
Humawak ako sa braso niya na ma-muscle at ang tigas. Tiyak na sapakin lang ako nito ay mahihimatay na ako. Iniwaksi ko na sa isip ko ’yon at binuhos ko ang buong lakas ko para itulak siya ngunit hindi ko magawa.
“Sir, ’wag kayong magpabigat,” sabi ko dahil mas lalo niyang dinadaganan ang katawan ko.
“Do you have a boyfriend?” tanong niya habang ilang iches lang ang pagitan ng mukha namin, kaya amoy na amoy ko ang mabango niyang hininga. Titig na titig sa mukha ko ang malamig niyang mga mata at tila hinahalukay ng tingin niya ang isip ko.
Naunawaan ko ang boyfriend pero nagtataka ako bakit niya tinatanong?
“Opo, Sir,” tugon ko na kinatiim-bagang niya. “Pero bakit n’yo po tinatanong?” tanong ko pagkaraan.
“Nothing,” masungit nitong sabi at pinapagpalit ang pwesto namin. Aalis na sana ako sa pagkakadagan nang humawak siya sa baywang ko.
“Señorito?” takang sambit ko sa pangalan niya.
Binitawan naman niya agad ako.
“Just stay here. I don’t want you to leave this room,” sabi nito at tinakpan ang mga mata gamit ang isang braso niya.
Hindi ko masyadong naunawaan ang sinabi niya pero hindi na ako sumagot pa. Napabuntonghininga ako at tinungo ang sofa saka naupo roon.
Napatingin ako sa kanya na pahalang ang higa habang nakababa ang mga paa sa sahig. Ang lungkot naman ng buhay niya. Bahay at farm lang ang nararating niya. Pero baka nakakaalis din siya ng bahay. Kaso sa nakita ko kanina ay kailangan pa siyang parating buhatin para maisakay sa kabayo o sasakyan.
Napabuntonghininga ako at tumayo. Naisip ko na habang nagpapahinga siya ay dapat na libutin ko ang kabuuan ng bahay nila para ’pag may nais siyang puntahan ay alam ko.
Lumabas ako ng kwarto niya at tiningnan ang bawat pinto ng silid na naiiba sa pintuan ni JP. Maraming kwarto at tiyak na malaki rin gaya ng kwarto ni JP.
Hindi na ako nag-elevator dahil gusto kong bumaba gamit ang hagdan. Para akong prinsesa na bumababa sa hagdan na may red carpet. Bawat pader ay may nakasabit na painting na hindi ko maunawaan ang sinasabi dahil hindi naman ako mahilig sa arts.
Nang makababa ako ay tumingin-tingin ako sa sala na napakaluwang at ang mga gamit ay mamahalin talaga. May chandelier na tila kumikinang kahit na patay ang ilaw. May mga kasambahay ako na nakita na nagba-vacuum at nagtatanggal ng kurtina para palitan.
Napatingin sila sa akin kaya ngumiti ako na ginantihan din nila ng ngiti.
“Miss Vergara.” May tumawag sa akin at may nakita akong medyo maedad na babae na nakasuot din ng maid’s uniform, pero iba ang style ng kanya at tila siya siguro ang mataas ang ranggo dito.
Lumapit ako rito at huminto sa tapat nito.
“Bakit ho?”
“Ikaw ba ang private nurse ni Señorito?” tanong niya kaya tumango ako.
“Kung gano’n, dapat mong malaman ang pwede o maaari niyang kainin. Sumunod ka sa akin,” sabi niya at tumalikod na ito. Agad naman akong sumunod.
“Ayaw ng Señorito na hindi mainit ang mga kinakain niya. Ayaw rin niya sa sibuyas. Iwasan mo rin na pakainin siya ng hipon dahil allergic ang senyorito ro’n,” panimula nito habang narito na kami sa kusina.
Napakalaki ng kitchen. May mga nagluluto na ang gaganda rin ng uniporme pa na busy sa pagluluto pero napatingin sa amin nang pumasok kami. Bigla naman akong nahiya pero sinikap ko na pakinggan ang matanda.
“At dito sa mga inumin na ito . . . dapat sa umaga ay bibigyan mo siya ng brewed coffee. At ’pag wala ng coffee na ganito ay magpasama ka kay Jay sa farm para mamitas. Naiintindihan mo?” sabi nito.
“Opo,” sagot ko at itinatak sa isip ko lahat.
“Hindi mo na poproblemahin ang pagluluto dahil may chef na nagluluto sa mga kakainin niya. Ang gagawin mo lang ay kailangan mo munang tikman bago mo ipakain sa kanya,” tumango naman ako sa sinabi niya. Grabe. Daming arte. Ang dami palang dapat at hindi dapat gawin dito.
“And last thing . . . Tungkol sa pagpapaligo sa kanya,” sabi nito na kinataka ko. ’Wag niyang sabihin na ako ang magpapaligo? “Yes. Ikaw nga,” sabi nito na tila nabasa ang iniisip ko.
“Pero po . . . Hindi po ba masyadong nakakailang iyon?” alanganin kong sabi.
“Bakit ka naman maiilang? Kaya ng senyorito na hubarin ang damit niya pero kailangan mo lang siyang alalayan patungo sa bathtub. Doon siya naliligo kaya dapat nakahanda na ang panligo niya bago ka pa niya tawagin.”
Nakahinga naman ako nang maluwag dahil sa sinabi niya. Akala ko ako pa ang maghuhubad sa masungit na ’yon.
“Anong oras po ba ang pagligo niya?”
“Walang oras. Kapag gusto niya ay sasabihin niya. Dalawa o tatlong beses naliligo ang Señorito kaya dapat palagi mong hinahanda ang pampaligo niya.”
Tumango na lang ako dahil napakaraming arte ng lalakeng iyon. Kulang na lang pala maging maid din ako.
Tumunog ang batingting at alam ko kung kanino iyon.
“Where is she?!” dinig kong sigaw ni JP.
“Puntahan mo na ang Señorito, hinahanap ka na,” sabi sa akin ng matanda kaya agad akong naglakad paalis sa kusina.
Sa may sala ay nakita ko ito na kaharap ang mga maid na nakayuko.
“I said. Where. Is. She?” mariin nitong tanong.
“Señorito?” tawag ko rito kaya agad itong napalingon. Mabagsik ang hilatsa ng mukha nito na tila galit.
“Saan ka nagpunta? Sinabi ko sa ’yo na doon ka lang sa room!” galit nitong sabi.
“Ho? Sinabi n’yo ba ’yon? Parang wala naman. Tsaka tinuruan lang ako ng mayordoma ng mga dapat n’yong kainin,” sabi ko kaya napaiwas siya ng tingin at tumalikod na sa akin.
“Sumunod ka. Maliligo na ako,” sabi nito kaya agad akong sumunod nang umabante na siya patungo sa elevator.
Napabuntonghininga ako dahil grabe pala ito, nawala lang ako saglit ay agad na akong hinanap.
“Faster,” sabi pa nito sa akin kaya agad akong pumasok ng elevator.