Kabanata 6

4480 Words
HINATAK AKO NI Chard palayo sa mga kapatid ko at kay Jam. Dito niya ako dinala sa likod ng playground. “Hera, tinanggap mo ang trabaho kahit na lalake ang aalagaan mo?” inis niyang kompronta sa akin. “Ano naman kung lalake? Kaya ko tinanggap ang pag-aalaga kay Señorito dahil malaki din ang magiging sahod ko. Chard, alam mo na kahit ano pang trabaho, basta alam ko na makakatulong sa aming magkakapatid ay susunggaban ko,” sabi ko sa kanya. “Pero, Hera, hindi ko gusto ang lalakeng iyon na inaalagaan mo. May nararamdaman akong hindi maganda sa kanya,” aniya na kinailing ko. “Ano ba ’yang pinagsasabi mo, Chard? Hinuhusgahan mo ang tao na hindi mo pa naman kilala. Tigilan mo na nga ang pag-iisip ng ganyan,” sabi ko sa kanya kaya napabuntonghininga siya.  “Hera, sinasabi ko lang ang pakiramdam ko sa lalakeng iyon. Tapos parang pakiramdam ko ay aagawin ka niya sa akin,” sabi niya kaya napangiti ako at mahinang hinampas siya sa braso kaya napaangat siya ng tingin. “Nagseselos ka lang ata, e. Ang dami mo pang sinasabi,” sabi ko sa kanya kaya napakamot siya sa batok niya. “Paano naman ako hindi magseselos? Gwapo, mayaman, at tila hindi lang ang loob ng mga kapatid mo ang kinukuha, kundi pati ang ’yo,” sabi niya kaya lumapit ako sa kanya at hinawakan siya sa mukha. “Alisin mo na ang pagseselos na ’yan, Chard. Malabo ang iniisip mo dahil amo ko lang siya at nurse lang ako. Gusto lang niya na makabawi kaya sana ay ’wag ka nang mag-isip ng iba sa amin,” sabi ko sa kanya kaya napatango siya sa humawak sa magkabilang baywang ko bago ako hinapit palapit sa katawan niya na kinailang ko. “Okay. Sisikapin ko na hindi magselos. Pero sana kapag day off mo, mag-date naman tayo. Matagal na no’ng huli tayong lumabas. Masyado kang nagpapa-miss,” sabi niya kaya napangiti ako at pinisil ang pisngi niya. “Sige. Pero tara na. Bumalik na tayo at baka hinahanap na ako ng mga kapatid ko,” sabi ko sa kanya at inalis ang kamay niya sa baywang ko. Humawak ako sa braso niya kaya napangiti siya at inakay na ako. Pagbalik namin ay sina Cathy at Louie lang ang naabutan namin. Napatingin ako sa paligid para hanapin si Jam pero hindi ko siya makita. “Cathy, nakita n’yo ba ang amo ko?” tanong ko kay Cathy na kinakain ang bigay na pagkain ni Jam. “Hindi ko po alam, Ate. Bigla na lang siyang umalis pagkaalis n’yo,” tugon niya. “Oh, ayan na po si Kuya,” sabi ni Louie at nakaturo sa likod namin kaya napalingon kami. Saan kaya siya galing? Doon din ba siya galing sa pinagdalhan sa akin ni Chard? “Saan ka nagpunta?” tanong ko. Tumingin siya sa kamay ko na nakahawak sa braso ni Chard. Seryoso lang ang mukha niya na hindi ko mabasa. Hindi katulad kanina na maliwanag ang mukha niya. “Kinausap ko lang sina Sister,” sabi niya kaya napatango ako.  Napatingin ako kay Chard nang alisin niya ang kamay ko sa braso niya at nagulat ako nang hawakan na naman niya ako sa baywang. “Salamat sa pagtanggap sa girlfriend ko bilang nurse mo, Dude. Pero suggest ko sa ’yo, tutal ay mayaman ka naman, bakit hindi mo subukan na magpagamot sa ibang bansa? Para hindi ka na rin aasa sa nurse o sa girlfriend ko,” sabi ni Chard na kinataka ko. Ano bang pinagsasabi niya? “No problem,” tugon ni Jam kaya nabaling ako rito ng tingin. Gumagalaw ang panga niya pero ang reaksyon niya ay malamig habang kalmado lang na nakatingin kay Chard. “Don’t worry, ’pag nakalakad na ako ay baka pagsisihan mo pa ang sinuggest mo,” pagpapatuloy niya. “Bakit naman ako magsisisi? Maganda nga ’yong sinuggest ko sa ’yo,” natatawang sabi ni Chard. “Wala naman. Maganda nga ang sinabi mo. Pero gusto ko lang sabihin na magpakasaya ka ngayon dahil baka isang araw ay mawala na lang bigla ang isang mahalaga sa buhay mo at mapunta na sa akin,” nakangising sabi ni Jam na hindi ko maunawaan. Ano bang nangyayari sa kanila? Kakakilala lang nila ay parang may tensyon na sa pagitan nila. Naramdaman ko ang paghigpit ng hawak ni Chard sa baywang ko. At ramdam ko na tila naalarma siya sa sinabi ni Jam. “Hindi naman mangyayari iyon. Dahil hindi ako papayag,” mariing sabi ni Chard na kinailing lang ni Jam at nagkibit-balikat. “Ano bang pinag-uusapan n’yo at hindi ko maintindihan?” tanong ko. “Miss Vergara.”  Hindi ko pa naririnig ang tugon ng dalawa nang tawagin ako ni Sister Joy. Umayos ng tayo si Chard at binitiwan ang baywang ko para malapitan ko si Sister. Tiningnan ko pa ang dalawa bago ako lumapit kay Sister Joy. “Bakit po, Sister?” tanong ko kay Sister Joy pagkalapit ko at nagmano. “Kaawaan ka ng Diyos,” sabi niya at hinaplos ang ulo ko. “Gusto kitang makausap patungkol sa pag-aaral ng mga kapatid mo,” pagpapatuloy niya. “Ano pong tungkol sa pag-aaral nila?” tanong ko rito. “Agad na prinoseso ang record ng mga kapatid mo sa school na pinasukan nila noon. Kaya nang madala sa amin ang mga record ay agad namin silang sinali sa mga bagong mag-aaral ng orphanage,” nakangiti niyang sabi sa magandang balita na kinangiti ko. “Maraming salamat po, Sister. Hindi ko po alam kung paano ako makakabawi sa pagtulong n’yo po sa akin para sa mga kapatid ko,” nakangiti kong sabi rito habang hawak ko na ang kamay niya. “Walang anuman, hija. Hindi mo na kailangan na bumawi dahil ang pagtulong namin ay walang hinihinging kapalit. Ang Diyos ang dapat mong pasalamatan sa lahat,” nakangiti niyang sabi kaya napangiti ako at napatango. “Opo, Sister. Hindi ko po nakakalimutan na parating magpasalamat sa Diyos. Pero maraming salamat po talaga at kayo ang naging instrumento niya,” sabi ko. “Hindi lang din kami kundi si Ma’am Gabriella. Siya ang bumuo ng ampunan na ito kaya siya ang mas naging instrumento ng Diyos sa lahat ng batang narito,” aniya. Napangiti ako dahil si Ma’am Gabriella nga, ang ina ni Jam. Lumingon ako kung nasaan ang mga kapatid ko, si Chard, at si Jam. Nakita ko na nakatingin lang si Chard at Jam sa mga kapatid ko habang masayang kumakain. Napangiti ako dahil ang mga taong nakikilala ko ay malaki ang naitutulong sa akin. Nagsimula sa pamilya ni Jam at mismo kay Jam ang swerte ko. Kaya pagsusumikapan ko na pagbutihan ang pagsisilbi sa kanya. MALUNGKOT NA YAKAP-YAKAP ko si Cathy at Louie dahil kailangan ko na silang iwanan. Napakaikli ng oras kaya bitin na bitin ako na makasama sila.  “Ate, dalawin n’yo po ulit kami. ’Wag pong matagal dahil baka lalo ka po namin ma-miss,” sabi ni Louie kaya nangingilid ang luha ko na napangiti at hinaplos ang likod nila ni Cathy. “Oo, dadalaw agad ako. ’Pag nag-day off ako, pupuntahan ko agad kayo. Kaya sana, magpakabait kayo rito. Palagi n’yong sundin sina Sister at mag-aral kayong mabuti,” bilin ko sa mga ito at bumitiw ng yakap sa kanila bago ko sila tiningnan. “Naiintindihan n’yo ang Ate?” pagpapatuloy ko. “Opo, Ate,” sabay nilang sabi kaya napangiti ako at tumayo. Hinalikan ko sila nang mariin sa noo bago ko sila muling yakapin. “Aalis na ako. ’Wag na kayong malungkot dahil alam ko na magiging masaya kayo rito at hindi pababayaan nila Sister,” sabi ko sa kanila at bumitiw na ng yakap. Tumingin ako kina Sister Joy. Tumango ito at lumapit kina Cathy. “Mag-iingat kayo, hija,” sabi ni Sister Joy. “Salamat po, Sister. kayo na po ang bahala sa dalawa,” sabi ko rito na kinangiti nito. “’Wag kang mag-alala. Hindi namin pababayaan sina Cathy at Louie,” tugon niya kaya napatango ako at tumingin sa dalawa bago napahinga nang malalim at tumalikod na tsaka marahang naglakad. Napatingin ako kay Chard na nakaupo sa motor niya na nakaparada sa harap ng gate ng orphanage. Napatayo siya nang makalapit ako sa kanya. “Chard, salamat sa palaging pagbisita sa mga kapatid ko. Hindi mo naman kailangan na gawin pa iyon pero salamat pa rin,” sabi ko sa kanya. “Syempre, ang mahalaga sa ’yo ay mahalaga sa akin. Kaya kahit hindi mo sabihin ay bibisitahin ko pa rin ang mga kapatid mo para malaman ang lagay nila habang nagtatrabaho ka,” sabi niya kaya napangiti ako. “Ang swerte ko at napakabuti mo, Chard. Hayaan mo, balang araw ay babawi ako sa ’yo,” sabi ko sa kanya. “Hera, pwede ko bang makuha na ngayon?” bigla niyang tanong at humawak sa dalawang kamay ko na kinataka ko. “Huh? Anong ibig mong sabihin?” “Hera, matagal bago tayo magkita. At gusto ko sana na sa kauna-unahang beses ay mahalikan kita sa labi,” sabi niya na kinakaba ko at medyo nag-alangan ako dahil maraming makakakita. Napalingon ako kina Sister at nakita ko na inaya na nito ang mga kapatid ko papasok. Napahinga ako nang malalim at napatingin naman sa kotse. Nakasakay na kasi si Jam at ewan ko kung pinapanood ba niya kami o hindi. “Hera . . .” pukaw sa akin ni Chard kaya napatingin ako sa kanya. Tumingin siya sa mga mata ko at unti-unting binaba ang mukha. Napalunok ako at pumikit dahil kinakabahan ako na hindi ko alam kung bakit. Dumampi ang labi niya pero napadilat ako nang makita ko ang mukha ni Jam sa isip ko. Hindi pa binibitiwan ni Chard ang labi ko nang makarinig kami ng malakas na busina na galing sa kotse ni Jam kaya agad kong inilayo ang mukha ko dahil sa hiya. “Pasensya na, Chard. Kailangan ko nang umalis,” sabi ko sa kanya na kinangiti niya nang mapait at hinawakan niya ako sa ulo at hinalikan ako sa noo. “Hera, ipangako mo sa akin na hindi mo ako ipagpapalit,” sabi niya na para bang may pangamba siya.  “Ano bang klaseng bilin ’yan. Hindi ko gagawin iyon dahil hindi ko gagawin sa ’yo iyon,” tugon ko kaya napahinga siya nang malalim at napangiti na. “Mahal kita, Hera. Mahal na mahal,” sabi niya kaya napangiti ako at tumango. “Mahal din kita, Chard. Kaya ’wag mo nang sabihin na ipagpapalit kita, ha?” tugon ko kaya tuluyan na siyang napangiti nang malaki at tila nakahinga nang maluwag. “Mag-iingat ka, Hera. Lalo na sa amo mo,” sabi niya na ikinatango ko na lang pero meron sa loob ko na naguguluhan kung bakit niya nasabi iyon. Niyakap ko siya nang isang beses bago ako bumitiw. Tiningnan ko pa siya nang isang beses bago ako tumalikod na sa kanya at naglakad na palapit sa kotse ni Jam. Lumingon pa ako nang isang beses kay Chard nang makarating ako sa harap ng pinto ng kotse. Kumaway ako sa kanya bago binuksan ang pinto at sumakay na. “Let’s go, Manuel,” malamig na tonong sabi ni Jam kaya napatingin ako rito. Nakatingin lamang siya sa labas ng bintana habang kita ko ang paglabas ng ugat niya sa leeg at paggalaw ng panga niya. “Jam, salamat sa pagdala sa akin sa mga kapatid ko. Malaking pagtanaw na utang na loob ko ito sa ’yo,” sabi ko sa kanya.  “Manuel, pakibilisan na lang ang pagmamaneho. Gusto ko nang magpahinga,” sabi niya ngunit kay Mang Manuel. Nagtataka ako sa inaasal niya. Nais ko pa sanang kausapin siya ngunit umayos na siya ng upo at humalukipkip ang mga braso niya sa dibdib niya bago niya ipinikit ang mga mata niya. Napahinga ako nang malalim at tumahimik na lang. Baka nga pagod na siya kaya baka ayaw niya muna ng makakausap. Tumingin na lang ako sa labas ng bintana para malibang naman ako habang bumibyahe pa kami. Pagdating sa Hacienda Estebañes ay agad na sumalubong sa amin ang mga bodyguard ni Jam. Nang huminto ang sasakyan at pagbuksan kami ng pinto ay agad akong bumaba at umikot sa kabila para makatulong sa pag-alalay kay Jam. Nang mapagtulungan na ibaba siya at iupo sa wheelchair ay agad akong lumapit sa kanya. Pero napamaang ako nang paandarin na niya ang wheelchair niya papasok.  Napatingin sa akin sina Ysa at Wena na tila sinesenyasan ako kung ano ang nangyayari kay Jam. Nagkibit-balikat ako dahil hindi ko rin alam kung bakit. Napatingin ako kina Rita at sa dalawang kasambahay na kaibigan niya na natatawa habang nakatingin sa akin at tsaka sila pumasok na sa loob. Napahinga ako nang malalim at agad na ring pumasok para masundan si Jam. Nakita ko na nauna na siyang pumasok sa elevator kaya agad akong nagmadali sa paglalakad ngunit sa lawak ng sala ay hindi ko na siya naabutan. Ano kaya ang nangyayari doon at kanina pa niya ako hindi pinapansin? Wala naman akong naaalala na may nagawa sa kanya? Masaya pa nga kami nang magtungo sa ampunan. Pero bakit simula nang dumating si Chard ay tila nasira ang mood niya?  Ang hirap talaga niyang espelengin. Dapat talaga ay masanay na ako sa paiba-iba niya ng ugali. Nagsimula sa masungit, sumunod ay palangiti, at huli ay galit. Ngayon naman ay isnabero. Wow. Sinakop na niya ang lahat ng ugali. Napailing ako at pumasok na sa elevator nang magbukas ito hudyat na naroon na siya sa kwarto niya. Pagdating ko sa harap ng kwarto niya ay nag-ipon ako ng maraming hangin dahil baka masama na naman ang sumanib sa kanya. Nang makahanda na ako ay humakbang na ako na siyang kusang kinabukas ng automatic sliding door ng room niya. Pagpasok ko ay nilibot ko ang mata ko sa buong paligid para hanapin siya, at nakita ko siya na nakaharap sa malaking bintana na tila malalim ang iniisip.  “Jam, ayos ka lang ba? Akala ko ba gusto mo nang matulog?” tanong ko. Hindi siya sumagot kaya napahinga ako nang malalim at tinungo ko na lamang ang walk-in closet para magpalit ng damit.  Pagkatapos kong mapalit ay lumabas na ako. Suot ko na ulit ’yong kakasuot ko pa lang kaninang umaga na butas na blue shirt at maong short. Paglabas ko ay napatigil ako nang makita na pinapasok ng mga katulong ang mga paper bag na pinamili ni Jam. Pero ang kinataka ko ay dahil mukhang dumami yata iyon. Alam ko, mahigit anim na paper bag lang iyon kanina. “Señorito, narito na ho lahat,” sabi ni Rita na inirapan ako bago nakangiting tumingin kay Jam na nakaharap pa rin sa bintana. “You can leave now,” tugon ni Jam kaya yumuko sina Rita para umalis na, pero si Rita ay inirapan pa muna ako bago siya tumalikod para lumabas na. Lumapit ako sa mga paper bags at binilang ko talaga. “What are you doing?”  Napahinto ako sa pagbibilang at bumaling sa kanya. Nakakunot ang noo niya habang palapit sa akin na sa wakas ay pinansin na ako. “Binibilang ko lang. Nakakapagtaka kasi na maraming paper bags ang narito. ’Di ba mahigit anim lang ang binili mo kanina?” sabi ko kanya kaya nawala ang pagkuno’t ng noo niya. Hindi siya tumugon dahil lumapit siya sa mga paper bags na nasa sahig ang iba at ang ilan ay nasa sofa.  May kinuha siyang tatlong paper bag bago siya tumingin sa akin. Napakaganda ng mga mata niya na maitim ngunit may halong pagka-brown na nagpatingkad sa ganda ng hugis ng mga mata niya. Medyo makapal din ang kilay niya habang ang ilong niya naman ay matangos na kamukha ng ilong ng daddy niya. Mapula rin ang labi niya at ang ganda rin ng korte nito. “Are you done memorizing my face?” Nang hindi ko maunawaan ay ngumisi siya. “Ibig kong sabihin ay tapos ka na ba sa pagsaulo sa mukha ko?” nakangiti na tanong niya kaya agad akong napababa ng tingin sa hiya. Ibig kong lumubog na sa lupa para itago ang kahihiyan ko. Ano ba itong nangyayari sa akin at napatitig ako sa gwapo niyang mukha? “Anyway, all the paper bags is yours,” sabi niya na kinaangat ko ng tingin at napatingin sa kanya. "Huh?”  “Ang ibig kong sabihin ay sa ’yo na ang lahat ng laman ng paper bag na iyan,” sabi niya kaya napaturo pa ako sa sarili ko. “Sa akin? Pero bakit?” takang tanong ko. “Basta, wala nang maraming tanong . . .” sabi niya na nagsungit na naman. “Ang sungit,” bulong ko. “Anong sabi mo?” tanong niya. Umabot pa yata sa pandinig niya ang sinabi ko kanina. “Wala ho. Ang sabi ko po ay ’wag na. Hindi ko matatanggap ’yan,” tugon ko at pagtanggi sa kanya. “Hera, binili ko na ’yan, kaya tanggapin mo. Ayaw mo naman na masayang ang pera ko, ’di ba?” sabi niya na tila pinapahiwatig na ’wag ko nang tanggihan pa. “Pero kasi napakadami ng mga ’yan. Bakit mo naman ako bibigyan ng ganyan karami?” sabi ko ngunit umiwas lang siya ng tingin at lumapit sa mga paper bag. “Kung ayaw mo ay ipapatapon ko na lang,” sabi niya na kinalaki ng mga mata ko. Agad akong lumapit sa kanya at sa mga paper bag nang isa-isa niyang sinisikap na abutin at pulutin ang mga iyon. “Sige na nga. Sayang lang ito kung ipapatapon mo lang. Makawaldas ka ng pera, parang wala lang sa ’yo,” sabi ko sa kanya at kinuha sa kanya ang paper bag at maging ang iba. Hindi siya tumugon kaya napabaling ako sa kanya at nahuli ko siya na nakangiti habang nakatitig sa akin. “Bakit?” “Wala. Napakaganda mo kasi kahit na nagsusungit ka,” sabi niya kaya agad akong napaiwas ng tingin sa papuri niya. “Bolero ka pala. Sige, dalhin ko na ito sa loob,” sabi ko at agad na binitbit ang mga paper bag bago ako tumalikod sa kanya at lumakad na. Pagpasok ko ay napasandal ako sa pader at napahinga nang malalim. Napapadalas yata ang papuri niya sa akin. Tapos ako naman ay mapagpaniwala. Namumula kapag napupuri lang. Napailing ako at iniwaglit ko na iyon sa isip ko. Ayoko nang magpadala sa ganun. Baka maniwala pa ako. Natawa na lang ako sa pinag-iisip ko at dumiretso sa isang table para ilapag ang mga paper bag. Agad kong tiningnan ang isang paper bag at inilabas ang laman. Halos mapanganga ako nang makita na ito ’yong T-shirt na gusto ko sana kaso ang mahal ng presyp. Kinuha ko pa ang laman at kasama no’n ang pantalon. “’Wag mong sabihin na binili niya pa rin ito kahit na ayaw ko?” tanong ko sa sarili at biglang naaalala ang pagbulong niya sa sales lady ng store at ang alam kong sabi ng babae ay ide-deliver daw. Basta iyon. “Kaya pala binulong niya para hindi ko malaman ang binabalak niya.” Tiningnan ko pa ulit ang ibang paper bag. Sobra-sobra itong ginagawa niya sa akin. Natatakot tuloy ako sa maaaring kapalit nito. Umiling ako at hindi ko na dapat siya pag-isipan ng iba. Dapat ay magpasalamat na lang ako sa lahat ng ibinigay niya. Natigil ako sa pag-iisip nang makarinig ako ng kalabog kaya dali-dali kong binitiwan ang T-shirt at agad na tumakbo palabas ng walk-in closet. “Jam!” nag-aalala kong sambit sa pangalan niya nang makita ko siya na napahiga sa sahig matapos niyang matumba sa pagkakaupo sa wheelchair niya. Agad ko siyang nilapitan at itinayo.  “Bakit ka pa nahulog sa wheelchair mo?” tanong ko. “Tatawagin ko sila mayordoma,” sabi ko at hahakbang na sana nang pigilan niya ako sa paa kaya napatingin ako sa kanya. “’Wag na. Ayoko na silang istorbohin. Tulungan mo na lang akong tumayo at ihiga sa kama,” sabi niya kaya wala na rin akong nagawa at sinunod na lang siya. Alangan naman na hindi ko siya sundin. Lumuhod ako at tinulungan siya na maupo sa sahig. Pagkatapos ay kinuha ko ang isang kamay niya at pinatong ko sa balikat ko.  “Dahan-dahan lang, Jam. Humawak ka sa kama para madali kang makaupo,” sabi ko sa kanya kaya itinukod niya ang kamay sa kama kaya dahan-dahan ko siyang inaangat para makaupo na siya. Napapangiwi ako dahil ang bigat niya, pero kinakaya ko para makaupo lang siya. Hinawakan ng dalawang kamay ko ang baywang niya para maangat ko pa siya at para hindi ako mahirapan. “Ayan . . .” sabi ko nang makaupo na siya.  Agad kong inalis ang blanket para makahiga na siya.  “Mahiga na kayo,” sabi ko sa kanya. “Hubaran mo muna ako. Hindi ako sanay na may damit habang natutulog,” sabi niya kaya kinabahan ako. “Huh? Pero bakit ako? Eh, kasi baka—” “’Wag kang mag-alala. T-shirt at short lang,” sabi pa niya. Nag-aalangan ako dahil kahit na iyon lang ang ipinapahubad niya ay nakakahiya pa rin. “Hera, dali na,” pukaw niya sa akin at kinalibutan ako nang hawakan niya ako sa braso. Kaya naman para makalayo sa hawak niya ay ang una kong hinubad ay ang sapatos niya. Nang maalis ko ay napatingin ako sa kanya at nakita ko na malalim siyang nakatingin sa akin. Bigla ay nakaramdam ako ng asiwa sa pagitan namin. Hindi ko alam kung ano ba ang tingin na pinupukol niya sa akin, pero para akong nangingilabot at kinakabahan. “Hubaran mo na ako,” sabi niya na tila pa siya nang-aakit. Iniwaglit ko sa isip ko ang nararamdaman ko. Dapat na bilisan ko na lang para matapos na. Lumapit ako sa gilid niya at hinawakan ko ang dulo ng T-shirt niya. Tinaas ko iyon at ewan ko kung bakit may nginig pa ang mga kamay ko habang unti-unti kong itinataas ang T-shirt niya. Nakita ko ang mabato niyang tiyan na may buhok pa na malilit. Agad akong umiwas ng tingin ngunit napatingin naman ako sa mukha niya. Umiwas din ako at agad na pinagpatuloy ko ang paghubad sa T-shirt niya. “A-Ah J-Jam, takpan muna natin ng blanket ang ibaba mo para maalis ko,” sabi ko habang hindi nakatingin sa kanya. Napakagat ako ng labi dahil nautal pa ako. Siya naman ay natawa pa. “Bakit mo pa nais na takpan? Mas lalo kang mahihirapan n’yan at baka may mahawakan ka pa,” paos at mahina niyang sabi saka natawa. “’Wag na. Ibaba mo na at nais ko nang mahiga,” bulong niya sa tainga ko kaya agad akong lumayo at napatingin sa kanya.  Nakatingin siya sa akin at bumaba ang tingin niya sa labi ko kaya agad akong napaiwas ng tingin at naiilang na hinawakan ko ang belt niya para baklasin. Nang maalis ko ang belt niya ay sinunod ko ang butones naman ng short niya. At pagkatapos ay ang zipper naman niya. Naiilang ako habang ibinababa ko ang zipper niya. Nang maibaba ko ang zipper ay napaiwas na ako ng tingin at humawak sa baywang ng board short niya para maibaba iyon. “Easy. Hawakan mo nang mabuti para maibaba mo nang maayos,” sabi niya at hinawakan ang kamay ko para igiya ako, pero agad kong binawi iyon. “Hindi na. Sige na, ipagpatuloy mo na,” nakangisi niyang sabi na tila natutuwa siya sa nagiging reaksyon ko. Hindi ko na pinansin iyon at lakas-loob ko nang ibinaba ang short niya. Napaiwas pa ako ng tingin dahil nakita ko ang suot niyang puting brief. At hindi ko na dapat nakita pa ang pag-umbok ng bagay na nasa loob no’n. Nang maibaba ko ay kinuha ko ang T-shirt at short niya para sana umalis na ako, pero napatingin ako sa kanya ng hawakan niya ako sa braso.  “Hera, pwede mo ba akong tabihan,” sabi niya. “Naku, hindi pwede, Jam. Sige na, mahiga ka na at aayusin ko lang ang pinamili mo at para maihanda ko mamaya ang pampaligo mo,” tanggi ko dahil hindi naman tama ang nire-request niya.  “Mamaya mo na asikasuhin iyon. Tatabi ka lang naman dahil ayoko ng mabangungot ’pag natulog ulit ako,” sabi niya na tila nagmamakaawa. “Pero kasi hindi—” “Mahihiga ka lang. Wala ng iba,” sabi niya at pinisil ang braso ko. Binitawan niya iyon at pinilit niya na mahiga ako. Tinakpan niya ang ibaba niyang bahagi dahil masyadong expose iyon kaya nakahinga ako nang maluwag. Tinapik niya ang kabilang parte ng higaan nang makahiga siya nang maayos. Kaya kahit na sobra ang ilang at pagtutol ko ay nahiga ako na malayo ang distansya sa kanya. Natawa siya at napailing bago tumingin sa kisame. Diretso lang akong nakahiga at nakatingin din sa kisame. “Alam mo ba na mula nang dumating ka, parang madalang na lang akong bangungutin tungkol sa nangyari sa mga paa ko. Kaya ’wag ka nang mailang kung gusto ko na tumabi ka sa akin,” sabi niya kaya napatingin ako sa kanya. Nakatingin siya sa kisame habang nakangiti. Tila natutuwa talaga siya sa pagdating ko. Kaya naman medyo nawala na ang ilang ko dahil sa sinabi niya. “’Wag mo na kasing isipin pa ang nangyari sa ’yo. Kaya ka binabangungot dahil sa kakaisip mo rin,” sabi ko sa kanya kaya tumingin siya sa akin at sinikap na makatagilid siya ng higa. Tumitig siya sa mga mata ko kaya napaiwas ako ng tingin. “Siguro kapag ikaw ang napanaginipan ko, baka hindi na ako bangungutin. Baka masiyahan pa ako,” sabi niya kaya napatingin ako sa kanya at pilit akong natawa para maalis ang asiwa kong pakiramdam. “Matulog ka na nga. Kung ano-anong pinagsasabi mo,” sabi ko pa. “Akin na ang kamay mo,” sabi niya na kinataka ko. “Huh?”  “Akin na,” pilit niya kaya nalilito man ay inabot ko iyon. Hinawakan ng isa niyang kamay iyon at nabigla ako nang pagsiklupin niya ang mga daliri namin. “Ayan. Para hindi ka umalis habang natutulog ako,” nakangiti niyang sabi at dinala niya ang kamay namin sa dibdib niya.  Hindi ako makapaniwalang napatingin sa kanya. Ngumiti lang siya bago ipikit ang mga mata niya. Napalunok ako dahil sa ginawa niya. Pansin ko rin na lagi akong kinakabahan sa mga galaw niya. Napatitig ako sa mukha niya na napakaamo at napakagwapo habang nakapikit. Titigan mo lang siya ay tiyak na mahuhulog ka na.  Ang swerte ng mamahalin niya. Gwapo na, mayaman, at may kaunting bait. Napatawa ako sa naisip ko at umiling bago ipikit ang mga mata ko nang makaramdam din ako ng antok. Ganitong oras ay talagang aantukin ka. Tapos masarap pa na higaan ang malambot niyang kama. Hindi ko tuloy namalayan na nakaidlip na ako. PARANG MAY MAINIT na bagay akong nararamdaman sa aking labi na tila sinasakop ang buo nito at sinisipsip. Hindi ko mapigilan na mapatugon dahil para akong tinatangay at nilalasing ng bagay na iyon na bago sa aking pakiramdam. May mga mabigat at mainit na bagay rin na humahaplos sa baywang ko at pinipisil ang korte ko. Lalo na nang umabot pa iyon sa dibdib ko na siyang kinadilat ko. Nanlaki ang mga mata ko nang makita si Jam na humahalik pala sa labi ko. Pikit ang mga mata niya habang mapusok akong hinahalikan at pinipisil ang dibdib ko.  Agad akong umalis sa halik niya na kinadilat niya. Nagulat din siya at mas lalo akong kinain ng kahihiyan dahil nasa ibabaw niya ako at nakapagitan pa ang mga binti ko sa magkabilang baywang niya kaya halos nakaupo na ako sa tiyan niya habang nakikipaghalikan. Agad akong umalis sa ibabaw niya na puno ng katanungan. Paano ako napunta roon? Ako ba ang kusang umibabaw sa kanya. Agad akong bumaba ng kama habang nakahawak sa damit ko sa bandang dibdib ko na bukas na pala ang tatlong butones kaya medyo lantad na ang cleavage ko. Hindi ko alam ang gagawin dahil sobrang nakakahiya sa kanya. Ano bang nangyayari sa akin at ako pa ang umibabaw sa kanya? “P-pasensya na . . . H-hindi ko alam ang ginagawa ko,” sabi ko sa kanya habang hindi makatingin sa kanya. “Hindi ko rin alam na ikaw pala ang humahalik sa akin. Pasensya na at hindi ko mapigilan na hawakan ka,” sabi niya kaya napatingin ako sa kanya pero napaiwas ako ng tingin dahil naiilang ako sa titig niya. “M-maghihilamos lang ako . . .” sabi ko at hindi ko na hinintay ang sasabihin niya at agad na akong kumaripas ng lakad patungong banyo. Pagpasok ko ay natulala ako at hindi mapigilan na mapaisip.  “Ano ba? Bakit nasa ganoon akong ayos? Nakakahiya kay Jam. Parang ang dating tuloy ay gusto kong may mangyari sa amin at ako pa ang nag-aaya. Nakakahiya!” sabi ko sa sarili ko at sinabunutan ko ang buhok ko. Napaupo ako habang hawak-hawak ko ang T-shirt ko na sira ang tatlong butones kaya nang bitiwan ko ay lumantad ang dibdib ko at bra. Napadukdok ang ulo ko sa tuhod at napaiyak sa kahihiyan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD