bc

Mga Bangungot

book_age18+
9
FOLLOW
1K
READ
dark
scary
horror
like
intro-logo
Blurb

Sampung Bangungot. Sa bawat Bangungot ay nagigising. Ngunit sa bawat pagidlip at panibagong bangungot na naman ang nagaganap. Ito ay isang koleksyon ng mga nakakatakot at kakilakilabot na mga kuwentong maligno.

chap-preview
Free preview
Salamin
Nagising na naman ako sa pag-aaway ng aking mag-asawang kapit-bahay. Lagi kong sineset and aking alarm sa 4:30 ng umaga, ngunit pilit nila itong inuunahan, tila gusto nilang gisingin ang buong baranggay ng 4:15 araw-araw. Ako si Tiffany Cruz, twenty two years old. Marami ang nagsasabing ako ay maganda. Marami sa aking mga kaupisina ang nagtatangkang manligaw ngunit hindi ko sila pinapansin. Hindi ako makaluma o suplada. Siguro, nalilibang pa ako sa pagpapahabol. Ang aking umaga ay nagsimula na naman sa pagtilaok ng aking mga kapit-bahay. Ang aking almusal ay laging mainit na kape lamang na aking binibili sa “Drive-Thru” ng Macdo patungo sa aking opisina sa Makati. Ako ang laging pinaka maagang dumarating sa aming opisina at ang panggabing “security guard” pa nga ay lagi kong inaabutan. Ako ay isang masipag na bank account manager. Isang tipikal na manager, subsob sa trabaho na kinakailangan ko pang magpahatid ng pananghalian sa aking upisina dahil hindi ko kayang ilayo ang aking mga mata sa kompyuter. Si Jerome Torres ay aking kaupisina. Siya ay isang treyder sa aming treasury department. Lagi niya akong inaanyayahang mananghalian pero hindi ko pa siya pinagbibigyan kahit minsan. Siya ay matangkad, disente at dalawang taon lamang ang tanda niya sa akin. Noon ko pa napapansin na siya ay may gusto sa akin, mula pa nang kami ay unang magtagpo sa aming job interview sa tanggapan ng personnel. Dalawang taon na rin kaming nakakapag-usap sa aming coffee room kapag nagkakasabay kaming mag coffee break. Ngunit siya pa rin ay isa lamang kakilala. Hindi ko pa siya itinataas sa level ng isang kaibigan. Pagbabalik-tanaw... Lagi akong nagigising sa kalagitnaan ng gabi dahil sa mga masamang panaginip. Lagi kong nararamdaman ang lamig ng tubig dagat. Ano nga ba ang pakiramdam ng isang nalulunod? Para akong nasusuka pero wala namang mailuwa. Marunong naman akong lumangoy, pero sa pagkakataong iyon, parang hindi ako marunong. Parang hindi naman ako basa pero malamig, sa isang saglit maliwanag biglang didilim. Liliwanag ulit, pagkatapos, dumilim na ng tuluyan. Para akong isang TV na bigla na lamang pinatay. Hindi ko talaga matandaan ang buong detalye ng aking karanasan. Bakit ako nandoon sa gitna ng dagat? Sino ang aking kasama? Ni hindi ko alam kung bakit nagising na lamang ako sa ospital. Nalaman ko na lamang ang mga pangyayari sa kuwento ng isang mangingisda na nagsabing mabuti na lamang daw at nakita niya ako agad. Ako ay pinayagang makalabas ng ospital pagkatapos ng isang araw mula sa aking pagkagising. Balik sa sting kuwento... Huwebes, ang aming upisina ay nagpauwi na ng 2:00 ng hapon dahil sa matinding pagbabaha dulot ng malakas na pag-ulan mula pa noong umaga. Baha na ang mga kalsada at mahihirapang umuwi ang lahat, kaya kami ay pinauuwi na. Madalas naman itong mangyari. Puwede naman akong maghintay sa opisina hanggang tumila ang ulan at bumaba ang tubig sa lansangan, ngunit inalok ako ni Jerome na iwanan ko na lang ang aking kotse sa opisina at siya na lamang ang maghahatid sa akin sa bahay. Delikado raw para sa akin na magmaneho sa ganoong kalagayan ng panahon. Alam ko namang style lamng ito ni Jerome. Hindi naman niya ako maihahatid agad sa aking bahay dahil baha pa at malamang, kami rin ay mapipilitang huminto sa isang lugar upang magpatila ng ulan. Pero ako ay umoo. Siguro dahil kursunada ko ang kulay ng kanyang polo shirt; old rose, ang aking paborito. Sa isang anggulo, medyo kahawig ni Jerome yung gumanap na Superman sa pelikula. Hindi ko alam kung ano ang nangyari pero pumayag akong magpahatid kay Jerome. Sumakay kami sa kanyang kotse. Hindi pa kami nakakalayo, kinailangan na naming himinto sa pinakamalapit na mall dahil masyado talagang matas ang tubig sa kalsada at hindi kakayanin ng kotseng makadaan. Alam ko naman na ito ay mangyayari ngunit ito ay akin lamang hinayaan. Niyakag ako ni Jerome na mag coffee at mag dinner, okey din lahat ito sa akin. Sa totoo lang, lagi kong sinaasabi sa aking sarili na sana mas mahahaba pa ang aming mga coffee break sa opisina para nakakapag-usap kami ni Jerome ng mas mahaba-haba, para ang aming mga pag-uusap ay maging mas intimate. Pero ngayon, sa wakas, napakahaba ng aming pagkakataong makapag-usap at magkakilala. Bigla kong naramdaman ang pagiging isang karaniwang dalaga. Masyado akong nalibang sa pagpapahabol. Siguro dapat ko nang bigyan ng pagkakataon ang aking sarili na ligawan at mahalin. Malalambing ang mga mata ni Jerome, para akong tinutunaw. Kailangan kong maging maganda para kay Jerome, kaya pagkatapos kung maubos ang aking unang tasa ng cappuccino, kinailangan kong pumunta sa ladies room para mag-ayos. Lumabas ako ng coffee shop upang magpunta sa ladies room. Hindi ko ginamit ang ladies room as loob the coffee shop sapagkat gusto kong makapaglakad-lakad, baka sakaling makatiyempo ako ng malaking salamin kung saan makikita ko ang aking buong kaanyuan, mula ulo hanggang paa. Nang ako ay pumasok sa ladies room mayroong apat na babaeng nananalamin at nag-aayos ng kanilang sarili. Ako ay nahihiyang makita nilang nag-aayos din kaya’t ako ay naghugas na lamang ng aking mga kamay, nag-aantay sa kanilang pag-alis upang ako naman ang makapag-ayos. Mula sa salamin, nakita ko silang isa-isang lumabas maliban lamang sa isang babaeng nakatayo lamang doon sa dulo, sa tabi ng pader na tila hindi naman nag-aayos. Nakatayo lamang siya at nakayuko. Ang kanyang mukha ay natatakpan ng kanyang mahabang bohok na kulot-kulot at gulo-gulo. Aking inisip na marahil itong babaeng ito ay tulad ko ring nag-aantay makapag-isa at nag-aantay sa aking pag-alis kaya’t nagdesisyon akong umalis na lamang. Sinara ko ang gripo at nagsimulang magtungo sa hand drier. Ako ay nagulat sapagkat ang babaeng nakita ko sa salamin ay wala pala sa tabi ko tulad ng aking inaakala. Ako ay tumingin ulit sa salamin at nakita ko siyang nakatayo na sa aking harapan, nakatingin sa malayo. Ang aking pagkagulat at pagkatakot ay biglang nalibang ng may apat na babaeng pumasok sa ladies room. Liningon ko sila para malaman kung nakikita rin nila yung babae sa aking harapan, ngunit tila hindi, sapagkat sila ay abala lamang sa pag-aayos ng kanilang sarili. Nang tinignan ko ulit ang babae sa salamin, bigla ito tumitig sa akin at dinamba ang salamin parang gusto niya akong abutin. Sa tinding takot, hindi ko nakitang mabuti ang kanyang itsura. Ang alam ko lamang ay alam niyang nakita ko siya. Nagmadali akong lumabas ng ladies room at sinadya kong iwasan ng tingin and salamin. Hindi ko masabi kay Jerome ang nangyari sa akin sa ladies room dahil ako man ay hindi rin sigurado sa aking nakita. Hindi na ako makasabay sa aming kuwentuhan kaya’t sinabi ko na lamang kay Jerome na gusto ko nang umuwi. Nang kami ay papunta na sa parking lot, bigla kong naisip na sumilip ulit sa ladies room upang patunayan sa aking sarili na ang aking nakitang kababalaghan ay dala lamang ng sobrang pag-inom ng kape. Dumadagundong ang aking puso habang dahan-dahan kong binubuksan ang pintuan ng ladies room. Hindi ko binuksan ng todo ang pinto, sapat lamang upang ako ay makasilip. Nandoon pa rin ang babae sa salamin. Bigla akong napaatras ng ang babae ay biglang lumingon at tumingin sa akin. Alam niyang ako ay babalik. Inaasahan niya ang aking pagbabalik. Tumakbo ako papalayo sa ladies room. Sa aking pagmamadali, nabangga ko pa ang ilang mga taong papunta sa mga comfort room. Sinalubong ako ni Jerome at nabasa niya ang takot sa aking mukha. Ngunit, ng ako ay kanyang tanungin kung ano ang problema, ang tangi kong nasabi, “Jerome, gusto ko nang umuwi, paki hatid mo na ako please.” Hindi ako nakapagsalit o nakapagkuwento sa buong biyahe namin ni Jerome. Si Jerome man ay hindi rin kumibo. Hindi niya alam kung ano ang magandang sabihin sa pagkakataong iyon. Kawawa naman si Jerome. Ang buong akala niya ay meron siyang nasabi o nagawa na hindi ko nagustuhan kaya’t ganoon na lamang ang aking pagkatahimik. Inalok niyang sunduin ako kinabukasan at sabay na kaming pumasok sa opisina. Ako ay tumangi at isinara ko agad ang pinto ng kanyang kotse bago pa siya nagkaroon ng pagkakataong magpumilit. Tuluyan ng dumilim ang buong kalangitan, maulap at nagtatago ang mga bituin. Hindi ko maipaliwanag ang mga pangyayari sa ladies room. Gusto ko mang kalimutan ang aking nakita, hindi ko ito magawa sapagkat tuwing ipinipikit ko ang aking mga mata, nakikita ko ang babaeng nasa salamin. Hindi ko man nakita ng lubusan ang kanyang itsura, naiisp ko siyang sinusubukan akong abutin. At kahit hindi ko naririnig ang kanyang tinig, nababasa ko sa galaw ng kanyang mga labi na tinatawag niya ang aking pangalan, “Tiffany…” Hindi ako nakatulog ng gabing iyon. Pinaglalaruan ako ng aking isip. Aking pinalipas ang buong gabing nakaupo lamang sa aking sofa. Nakabukas ang aking mga ilaw, natatakot pumikit at baka magtagal at makita ko siya ng lubusan. Magdamag akong hindi tumayo sa aking pagkakaupo sa aking sofa. 9:00 na ng umaga ngunit walang akong balak na pumasok sa aming opisina. Sinuot ko ang aking maong na pantalon at sumakay ako ng taxi papunta sa mall upang subukang patunayan sa aking sarili na guni-guni ko lamang ang pinanggalingan ng babaeng iyon sa salamin ng ladies room. Maraming oras ang aking sinayang sa paglalakad ng pabalik-balik mula sa isang dulo hanggang sa kabilang dulo ng bawat palapag ng mall. Sinubukan kong mag-ipon ng lakas upang sumilip sa ladies room. Mayroong pagkakataon na nandoon na ako at halos nahawakan ko na ang door knob ng ladies room ngunit ako ay umatras. Natatakot akong makita kung sino ang nasa loob. Hindi ko pala kaya. Ako ay naglibang-libang at namasyal muna sa isang malaking department store sa loob ng mall. Napakaraming tao noong hapon na iyon. Maraming empleyado ang tumakas sa kanilang opisina upang tumingin-tingin, magsukat-sukat at mamili ng sari-saring mga bagay. Karamihan sa kanila ay mga babae, 50% discount noon ang mga blouse, at tamang-tama, natapat sa araw ng suweldo. Napakaraming mga salamin sa department store, kada ilang metro mayroong salamin kung saan ang mga babaeng namimili ay tumitingin sa kanilang sarili upang malaman kung bagay sa kanila ang kanilang bibilhin. Kung minsan, kahit walang bibilhin nakatingin pa rin sila sa salamin upang makapag-ayos ng kanilang buhok. 3:00 ng hapon, break time na para sa ilang mga sales lady. Isang grupo ng mga sales lady ang nagdaan sa aking harapan upang bumaba sa basement para magmeryenda. Nang nakadaan ang huling sales lady sa kanilang grupo, nakita ko ulit siya sa aking harapan, ang babaeng may suot na madungis na puting damit. Sinusubukan niya akong abutin. Napaka putla niya at ang kaniyang mga mata ay puro itim. Nilingon ko ang aking paligid at napatunayan ko na ang kanyang imahen ay walang pinanggagalingan. Ang babae ay nasa loob ng salamin. Tumakbo ako. Sinubukan kong iwanan ang babae, ngunit siya ay laging lumilitaw sa aking harapan, sa bawat salamin na aking dinadatnan. Tumakbo ako ng paikot-ikot sa loob ng department store at marahil, may mga nag-aakalang ako’y isang snatser o isang babaeng nababaliw. Nilapitan ako ng ilang guwardya at ako ay pinilit nilang pakalmahin. Dinala nila ako sa kanilang opisina. Habang kami ay naglalakad papunta sa security office, nakikita ko ang babae na palipat-lipat sa mga binatana ng bawat tindahan na aming dinadaanan. Ang babae ay nagmamadali, nagsusumikap na makahabol sa akin. Habang ako ay nagpapaliwanag sa manager ng department store, nandoon ang babae sa bintana ng kanyang opisina. Nawawalan na ng pasensya sa akin ang manager at pilit na pinipigilan ang kanyang pagngiti sa aking salaysay. Inaantay niya lamang akong makatapos upang pilitin akong umamin na ang lahat ng aking nabanggit ay guni-guni ko lamang. Nagtapos ang aming pag-uusap ng ako ay inabutan niya ng telepono upang tawagan, kung sino man ang maaaring sumundo sa akin. Isang pangalan lamang ang pumasok sa aking isipan; si Jerome. Mabilis na nakarating si Jerome sa mall at sa security office. Ako ay humingi ng kahit anong bagay na puwede kong itakip sa aking mukha. Ayaw kong makita at makakita ng sino man hanggang makarating sa kotse ni Jerome. Inabot ni Jerome ang kanyang jacket at inalalayan niya ako papunta sa kanyang kotse. Ipinaliwanag ko kay Jerome ang lahat ng nangyari at naniwala naman siya agad. Malamag, kunyari lang iyon. Subalit, kahit ano man iyon, at least, may nakinig sa akin. Umikot-ikot kami ng walang siguradong patutunguan, hanggang kami ay nakarating sa opisina. Kinuha namin ang aking kotse sa opisina. Habang ako ay nagmamaneho pauwi, sinusundan ako ni Jerome sa kanyang kotse upang siya ay makasigurong makakauwi ako ng ligtas. Medyo umuulan pa rin noong gabing iyon. Hindi ako makapagpatakbo ng mabilis dahil malabo ang salamin ng aking kotse at madulas ang mga kalsada. Nang kami ay makarating at huminto sa harap ng aking bahay, sinilip ko si Jerome mula sa aking rear view mirror. Ngunit, ang aking nakita ay ang babaeng maputla. Ang babae ay nakatitig sa aking mga mata mula sa aking rear view mirror. Alam na niya kung saan ako nakatira! Napasigaw ako at tinakpan ko ang aking mga mata. Nang napayuko ako, tumama ang aking ulo sa businahan ng manibela. Agad-agad tumakbo si Jerome at inabutan niya akong umiiyak. Pinilit niyang hawakan ang aking mga kamay, tanggalin sa pagkakatakip sa aking mukha upang ako’y kanyang makausap, ngunit ayaw kung tanggalin ang aking mga kamay at buksan ang aking mga mata. Sinamahan ako ni Jerome noong gabing iyon. Tinakpan niya lahat ng mga salamin sa aking bahay ng mga tuwalya at masking tape. Habang ginagawa ni Jerome ang lahat ng ito, ako ay nakaupo lamang sa aking hapagkainan habang ang aking mga kamay ay nakatakip pa rin sa aking mga mata. Nang ako ay pumunta na sa aking living room, dinatnan ko si Jerome na nanonood na ng TV, nakaupo sa sofa. Nang Makita ako ni Jerome na papalapit, pinatay niya ang TV. Nang mawala ang imahen ng palabas, lumitaw muli ang babae sa screen ng TV. Ako ay napasigaw muli at agad namang tumayo si Jerome para ako ay yakapin. Doon ko naisip na sayang ang aking mga pinalampas na pagkakataon. Ito ang mga bagay na dapat matagal ko nang ginawa. Noon ko pa sana hinayaan ang aking sarili na mahalin at alagaan. Sana nangyari ang mga ito sa mas masayang pagkakataon. Nang lumuwag na ang aking dibdib, sinubukan ni Jerome na humanap sa internet ng ano mang bagay na maaaring makapagbigay linaw sa aking mga nararanasan. Hinanap niya sa Google ang lahat ng artikulong may kaugnayan sa salamin, white lady, at doon siya nakakuha ng posibleng kasagutan sa mga pahinang may kaugnayan sa mall na aming pinuntahan. Ayon sa isang artikulo, mayroong isang madre na nagwala doon sa mall na iyon. And madre ay bigla na lamang dumampot ng isang silya at inihampas ito sa lahat ng salamin na kanyang nakita at naabot hanggang siya ay napigilan ng mga security guard. Siya as si Sister Emma Fonacier na ngayo’y naninirahan at nananatili na lamang sa loob ng St. Mary’s Convent. Nabasa ni Jerome ang aking naiisip. Alam niyang wala akong balak na matulog noong gabing iyon, kaya ako ay kanyang niyakag na magpunta na sa kombento na kinaruruunan ni Sister Emma upang doon na maghintay ng pagsikat ng araw. Matanda na si Sister Emma, sa tangos ng kanyang ilong tila mestiza, medyo Espanyol. Nanginginig na ang kanyang tinig at medyo paos na ang boses, parang bumubulong na lamang. Hindi na siya nakasuot ng damit na pang madre. Ang suot niya ay isang makapal at malaking kumot na nakapatong sa kanyang ulo at nakabalot sa buong katawan, tila isang may sakit na giniginaw o may ketong na ayaw magpakita ng balat. Ang tanging makikita lamang ay ang dulo ng kanyang ilong, bibig at mga kamay. Madilim ang kanyang silid. Wala na ngang bintana, mayroon pang mga itim na kurtina na nakasabit sa bawat pader. Ang tanging ilaw ay nanggagaling sa isang lumang lampshade na nakapatong sa kanyang maliit na lamesang pinagkakainan. At ang tanging hangin ay nanggagaling sa isang maliit na electric fan sa sahig. Dalawampu’t dalawang taon na siyang nakakulong sa kanyang silid mula noong siya ay hinuli sa kanyang pagwawala doon sa mall. Siya ay aming dinatnang nag-aagahan, isang tasang kape. Hindi kami ni Jerome nagkaroon ng pagkakataong magpakilala o batiin man lamang si Sister Emma dahil nag-umpisa na kaagad siyang magsalita ng tuloy-tuloy. Ang sabi niya, "Alam ko kung bakit kayo nandito. Noong ako ay bata pa, nahulog ako mula sa ikalawang palapag ng aming bahay habang kami ng aking mga kaibigan ay naglalaro. Yung mga tulad nating namatay at nakabalik pa ay nakakakita ng mga bagay na hindi nakikita ng mga ordinaryong tao. Nakikita natin yung mga taong hindi buhay ngunit, hindi pa rin naman patay, mga kaluluwa na hindi pa nakakatawid sa kabilang buhay, at nakikita rin nila tayo. Noong ako’y bata-bata pa, mayroon akong nakitang isang babae, at nakita rin niya ako.” Bigla akong sumabat. Sinabi ko kay Sister Emma na marahil ang aking nakikitang babae ay yun ding nakita niya noon. At sinabi ko rin sa kanya na ako ay sinusundan ng babaeng iyon kahit saan ako magpunta. Napayuko si Sister Emma at kanyang sinabi, “Sinubukan kong basagin lahat ng salamin na aking nakita dahil sunod siya ng sunod sa akin. Takot na takot ako noon, napakahina ng aking loob. Hinabol ko siya at binasag ko ang lahat ng salamin na kanyang kinalalagyan, umaasang mababasag ko rin siya, pero nandoon pa rin siya, nakatingin sa akin, pilit akong inaabot. Tinanong ko si Sister Emma, “Paano niyo po napahinto ang babaeng sumusunod sa inyo?” Ang sagot niya, “Hindi ko kinaya, kaya binunot ko ang aking mga mata para hindi ko na siya makita.” Doon lamang namin ni Jerome napansin na wala na pa lang mga mata si Sister Emma, dalawang butas na lamang na itim na may bakas ng natuyong dugo. At pagkatapos niyang haluin ang kape, nakita ko ulit ang babae sa kanyang makintab na kutsarita. Nakatingin sa akin. Pagkatapos ni Sister Emmang humigop ng kape tinanong niya kami, “Bakit kayo natigilan, nandito ba siya ngayon?” Ako ay tumayo at nagmadaling lumabas sa kuwarto. Si Jerome ay hindi nakapagsalita sa kanyang mga narinig at nakita. Sumakay kami sa kotse ni Jerome. Nararamdaman kong ayaw niya akong dalhin muli sa mall ngunit alam niyang hindi niya ako mapipigilan. Kung dati, ako ay tumatakbong papalayo at umiiwas sa babaeng iyon, pero ngayon, ako naman ang buong loob na susugod sa kanya upang matapos na itong mga kababalaghang ito. Ang mall ay punong-puno na tao noong Sabadong iyon. Napakaraming tatay, nanay at mga bata ang gumagala, sumunod na araw pagkatapos ng suweldo. Naghahalo ang malakas na tugtog mula sa iba’t ibang mga tindahan na tila nakikipagpaligsahan ng palakasan, sinasabayan pa ng promo jingle ng mall. Marami ng nakapila sa mga fast food. Napakakapal ng tao, nagsisiksikan, nagkuwekwentuhan, halo-halo ang tunog at iba-iba ang pinupuntahan. Hindi ako kayang sabayan ni Jerome habang ako ay sumisingit sa daloy ng mga tao. Ang aking paglalakad papunta sa ladies room ay hindi gaya ng dati na tila takot at nag-aalinlangan. Ako ay sumusugod na parang mandirigmang sigurado sa sarili at matapang. Ngunit kahit buo and aking loob, ang aking bawat hakbang ay mabigat. Pero tulad noong ako ay nalulunod, nakikipaglaban ako sa aking takot. Ang aking bawat hakbang ay tagumpay laban sa sunod-sunod na pagsubok na tumitindi habang ako ay papalapit ng papalapit sa ladies room. Nakikita ko ang babaeng nasa salamin na susumusod sa akin, tumutulay sa bawat salamin ng tindahan, habang nakatutok ang kanyang mga mata sa akin. Meron akong nakatapat na mamang naka sun glasses, nakita ko rin ang babae sa kanyang salamin. Naiwan ko na si Jerome ng tuluyan at ako’y buong tapang na pumasok sa ladies room. May mga babaeng nakahilera sa harap ng salamin, nag-aayos ng kanilang mga mukha at buhok. Pinilit kong isiniksik ang aking sarili upang aking harapin ang babaeng nasa salamin. Hinahampas niya ang salamin mula sa loob. Ibig niyang makalabas. Ibig niyang makalaya. Inabot ko ang kanyang mga kamay. Lumusot ang aking mga kamay sa salamin at nahawakan ko ang kanyang mga kamay, basa, madulas, ngunit ang babae ay kumapit ng mabuti sa aking mga kamay. Mayroong pumipigil sa kanyang makalabas, kaya’t ginamit ko ang aking buong lakas sa paghatak ko sa kanya. Napasigaw ang babae ng siya’y aking mahugot mula sa salamin. Bigla na lamang dumilim nang ako ay mahulog at tumama ang aking ulo sa sahig. Napakadilim, ngunit may ilaw na nanggagaling mula sa salamin. Nang ako ay sumilip sa salamin, nakita ko ang babae na nakahiga sa sahig ng ladies room. Walang lumalapit sa kanya. Ang mga babaeng kanina lang ay masayang nag-aayos ng kanilang sarili ay tahimik na nakatayo sa dalawang gilid ng ladies room. Ang babae ay hindi gumagalaw at parang hindi na rin humihinga. Bigla kong nakitang pumasok si Jerome sa ladies room at lumuhod sa tabi ng babae. Pinakiramdaman ni Jerome kung may pulso pa ang babae. Biglang, niyakap ni Jerome ang babae at siya’y nagsimulang umiyak. Aking hinampas ang salamin ngunit ito’y hindi ko kayang basagin. Sinisigaw ko ang pangalan ni Jerome ngunit hindi niya ako naririnig. Pumasok ang dalawang security guard at pinalabas ang lahat ng nasa ladies room. Makailang sandali, may mga pumasok na pulis at iba pang nakaputi upang ilabas ang bangkay ng babae. Ang pinakahuling lumabas ay isang pulis na sumilip sa bawat toilet. Siya ay humarap sa salamin. Ako ay umasang baka nakita niya ako, ngunit nagsuklay lamang siya ng buhok. Hindi niya man lang ako napansin. Paglabas ng pulis bigla na lamang dumilim. Kapag laging madilim, bale wala ang oras. Hindi ko alam kung gabi o araw, wala akong panukat sa haba ng panahon. Nagkakaroon ako ng pagkakataong mag-isip, ngunit naubusan din ako ng iisipin. Ilang ulit ko na ring isinasalaysay ang kuwentong ito sa aking isip. Bigla na lang akong ginising ng biglang pagliwanag sa ladies room. Nag-umpisa na namang magsipasok ang mga kababaihan na walang tigil sa pag-aayos ng kanilang mga mukha at buhok, mga bagay na perpekto at hindi na kailangang ayusin. Napakababaw ng kanilang iniintindi, ngunit kahit iyon man lamang ay hindi ko na kayang intindihin o gawin, liliwanag, didilim. Narito ako ngayon sa likod ng salamin, pinagdadaanan lamang ng mga tingin. Isang babae na dati’y nililingon at tinititigan. Ngunit ngayon, ay uhaw na uhaw sa pansin. Liliwanag…, Didilim…, Ako ay natatakot na dumating ang pagkakataong lagi na lamang madilim at ako ay naririto pa rin. Ngunit sandali, ito na ang pagkakataon aking pinakahihintay…., ang batang babae na iyon ay tila nakatitig sa akin.

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

The Ballerina's Downfall

read
81.6K
bc

The Reborn Woman's Revenge: WET & WILD NIGHTS WITH MY NEW HUSBAND

read
176.5K
bc

MAGDALENA (SPG)

read
30.4K
bc

Brotherhood Billionaire Series 6: Honey and the Beast

read
96.2K
bc

MAYOR DUX: My Brother Is My Lover

read
164.3K
bc

His Obsession

read
104.3K
bc

The naive Secretary

read
69.8K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook