Inip na inip kong pinagmasdan ang guro ko sa harapan. Nangalumbaba pa ako sa ibabaw ng lamesa upang magmukhang nakikinig talaga. Ilang sandali pa ay nakaramdam na ako ng antok. Pasimpleng humikab ako at kunwari ay naglalaro lang ng aking bibig. Isa... Dalawa... Tatlo... Tuluyan nang umikot ang tingin ko sa paligid. Sumasayaw-sayaw na ang ulo ko na parang laruang aso na madalas kong makita sa dashboard ng sasakyan ni Daddy. Tuluyan nang pipikit sana ang mga mata ko ng may bumato sa akin nang binilot na papel. “Sir*ulo iyon ah!” malakas kong bulalas sabay tayo mula sa pagkakaupo. Mabilis kong inilinga ang mga mata ko sa paligid upang hanapin ang kung sinumang nambato sa akin. Wala akong namataang tao sa labas ng bintana kaya tumingin naman ako sa mga kaklase ko. Wala rin akong nak

