Chapter 1
Maaga akong bumangon dahil sabi ni Mommy ay luluwas kami ng Manila patungo sa bahay nila Tita Jana.
Siyempre excited akong pumunta ro'n dahil makikita ko na naman ulit ang crush kong si CJ. Matanda sila sa akin ng kakambal niyang si JC ng tatlong taon.
"Stella, halika na!" malakas na tawag sa akin ni Mommy mula sa likod ng pinto.
"Opo!" Isinukbit ko ang bag sa aking likuran saka lumabas na ng kwarto.
Magkatabing nakaupo sa may sofa sina Mommy at Daddy nang abutan ko sila sa sala. Napailing akong nakatingin sa kanila dahil para pa rin silang mga teenager kung maglambingan.
"Nandito na pala ang isa ko pang baby," nakangiting saad ni Daddy at ibinuka nito ang mga braso niya upang yakapin ko siya.
"Daddy naman!" nakaingos kong bulalas sa ama. Naiinis kasi ako sa tuwing tinatawag niya akong 'baby!'
"Dalaga na po ako at hindi na bata!" nakasimangot ko pang turan saka lumapit sa ama upang magpakulong sa mga bisig nito.
Sabay na natawa sina Mommy at Daddy sa aking sinabi.
"Okay! Dalaga ka na nga!" natatawa pa rin saad ni Daddy at ginulo pa nito ang buhok ko.
"Are you ready?" tanong naman sa akin ni Mommy.
"Hindi po ba sasama sa atin si Kuya Raffy?" tanong ko naman kay Mommy.
"Hay naku, may gagawin pa raw ang kuya mo sa school kaya tayong dalawa na lang muna ang pupunta kila Tita Jana mo," sagot naman sa akin ni Mommy.
"Ang pangit talaga ka-bonding ni Kuya!" kunwari ay naiinis kong sabi pero ang totoo ay tuwang-tuwa ang kalooban ko dahil mababawasan ng karamay si JC sa pang-aasar sa akin.
Suplado at malakas mang-asar si JC lalo na kapag kasama nito si Kuya Raffy. Kabaligtaran naman ng ugali ni CJ, kaya mas gusto kong makasama ang binata o mas tamang sabihin ay gusto ko na nga talaga siya.
"Let's go at baka gabihin pa tayo sa biyahe," untag sa akin ni Mommy na siyang pumutol sa aking pag-iisip.
"Mag-iingat kayo sa biyahe, Hon!" Hinapit ni Daddy si Mommy sa baywang saka ginawaran niya ito ng halik sa labi.
"I love you, Hon!" malambing na wika ni Mommy nang maghiwalay ang kanilang mga labi ni Daddy.
"I love you!" tugon naman ni Daddy kay Mommy.
Nakakakilig ang ganitong eksena ng magulang ko. Iyong tipong kahit may edad na sila ay malambing pa rin sila sa isa't isa.
Minsan tuloy ay 'di ko maiwasang mainggit sa kanila at nahihiling ko pa sa isipan na sana ay dumating din kami sa ganoong sitwasyon ni CJ.
Alam kong malabo pang mangyari iyon sa ngayon dahil pareho pa kaming nag-aaral nito at hindi ko pa rin naman siya napapasagot. Pero sa batang isipan ko ay itinatak ko ng si CJ lang ang lalaking gusto kong mapangasawa pagdating ng tamang panahon.
"Wala ba akong kiss mula sa baby ko?" Nagbalik ang atensyon ko kay Daddy ng muli kong marinig ang salitang 'baby."
Nakasimangot na lumapit ako sa ama saka humalik sa kaniyang pisngi.
"Ikumusta mo na lang ako kina Jana at Steven, Hon!" habilin pa ni Daddy kay Mommy.
Muling humalik si Daddy kay Mommy, dahilan para mauna na akong lumabas sa may garahe. Sumakay ako sa loob ng sasakyan at doon ko na hinintay pa si Mommy.
Binuksan ko ang aircon ng sasakyan dahil ramdam ko na ang init ng paligid. Palibasa ay summer na kaya ganoon na lamang kainit.
Sa tuwing sasapit ang summer, ito rin ang panahon na pumupunta kami ni Mommy kila Tita Jana.
Mag-best friend kasi sila at may mga season silang bumibisita sa bawat tirahan ng isa't isa.
Napatingin ako kay Mommy nang sumakay sa driver seat. "Fasten your seatbelt, Baby."
"Mommy!" maktol ko sa ina dahil sa narinig ko na naman ang salitang 'baby!'
"Oops, sorry!" pabebeng sabi nito saka nag-peace sign pa siya sa akin.
Inirapan ko ang ina na tinawanan lamang nito. Pinaandar na niya ang sasakyan at saka pinaharurot iyon paalis ng bahay.
May ilang oras na rin kaming nasa biyahe ni Mommy nang ihinto nito sa isang stop over ang sasakyan.
"Call of nature!" turan pa sa 'kin nito.
"Sa convenient store na lang po kita hintayin, Mommy," ani ko naman sa ina.
"Okay!" Sabay kaming bumaba ng sasakyan pero magkaiba kami nang tinahak na lugar ni Mommy.
Nag-ikot ako sa loob ng convenient store at nakakita ako roon ng libro. Napangiti ako nang makita ang pangalan ng author na isa sa mga paboritong manunulat ni CJ.
"Ikaw ang ipapasalubong ko sa mahal ko," piping usal ko sa sarili.
Nang dinampot ko ang libro, napansin ko ang isang keychain sa may kalapit. Napangiti ako nang mapagmasdan ko iyong maigi.
"Kamukha ni JC ang nakapaloob sa keychain na troll. Kapareho niyang nakabusangot!" natatawang bulong ko sa isipan.
Hindi ko mapigilang mapahagikhik habang ginugunita sa isipan ang itsura ni JC. "Natitiyak kong asar talo na naman iyon mamaya sa akin."
"Stella, what's that?" Napalingon ako kay Mommy saka iniling-iling ang ulo ko sa kaniya bilang tugon.
Tumaas ang kilay ni Mommy at nagdududa ang mga tinging ipinukol sa akin.
"Para kanino iyan?" Inginuso pa niya sa akin ang mga hawak ko.
"Pasalubong ko po kina Kuya CJ at Kuya JC," nakangiwing sambit ko.
Nakangiwi ako hindi dahil sa mga binili ko, kundi dahil sa pagtawag kong Kuya sa dalawang magkapatid. Hindi naman kasi ako kumportableng tawagin silang mga 'kuya!'
"That's nice! But, how about their other siblings?" tanong pang muli sa akin ni Mommy.
Muli akong napangiwi nang maisip ang sinabi ng aking ina. Oo nga pala, may mga kapatid pa nga palang maliliit sina CJ at JC. Bakit nga ba nawaglit sa isipan ko iyon?!
"Pwede po bang ikaw na lang ang bumili ng para sa kanila, Mommy? Hindi ko rin naman po kasi alam kung ano ang gusto nila," pagdadahilan ko sa ina.
Naiiling na nilapitan ako ni Mommy saka ikinunyapit nito ang kamay niya sa aking braso.
"Baby, lagi mong tatandaan na kahit ano pa ang ipasalubong mo sa kanila ay tatanggapin nila. Dahil alam nilang galing iyon sa puso mo," pangaral naman sa akin ni Mommy.
Inakay niya akong maglakad hanggang sa tumapat kami sa may stall ng iba't ibang uri ng sweet foods.
Dumampot si Mommy roon ng sampung pirasong pack ng iba't ibang uri ng biscuit pati na rin ng mga tsokolate.
"Ang dami naman niyan, Mommy!" reklamo ko sa ina.
"Hayaan mo na, minsan lang naman maging bata ang mga anak ni Tita Jana mo." Kumindat pa sa akin si Mommy.
Naitampal ko sa noo ang mga palad ko dala nang nakakakunsuming sagot ng aking ina.
Minsan talaga hindi ko rin maintindihan ang trip ng Mommy ko.