Chapter 2

1208 Words
"Hello po, Tita!" Nagmano ako kay Tita Jana saka humalik sa pisngi nito. Inilinga ko ang mga mata sa paligid upang hanapin si CJ, ngunit bigo akong makita. "Dalaga na talaga si Stella!" puri sa akin ni Tita Jana na nginitian ko lang bilang tugon. Kagaya ng madalas na mangyari sa tuwing nagkikita sina Mommy at Tita Jana, nagkwentuhan na ang mga 'to ng kung anu-ano. Ako naman ay pasimpleng hinanap ng mga mata ko sa paligid ang lalaking minamahal ko. Narinig ko ang nag-uunahan sa pagtakbo ng mga maliliit na yabag patungo sa kinaroroonan namin. "Ate Stella!" sabay-sabay na sigaw ng matitinis na boses ng kambal na sina Stanly, Stephen at Steban. "Hello, Cuties!" bati ko naman sa kanila. Hindi ako mahilig sa bata pero para kay CJ, pipilitin kong kahiligan iyon. Napag-alaman ko kasi na mahilig ang binata sa mga bata at plano nitong kumuha ng kursong education. "Ano iyan, Ate Stella?" painosenteng tanong sa akin ni Stanly saka itinuro niya sa akin ang supot na may lamang pinamili namin ni Mommy. "Pasalubong namin sa inyo ni Mommy," tugon ko naman sa bata saka inabot ko sa kaniya ang supot. "Hating kapatid ha!" "Opo!" sabay-sabay nilang sagot sa akin. Nginitian ko sila saka niyakap ko si Stephen na siyang pinakamabait sa kanilang tatlo dahil sa tahimik lamang. "Nasaan pala sila Kuya CJ at Kuya JC?" pasimpleng tanong ko sa mga bata habang tinutulungan ko silang balatan ang mga biscuit na mas pinansin pa nila kaysa sa mga tsokolate. "Nasa study room po sila, Ate Stella," sagot sa akin ni Steban. "Nag-aaral po sila!" ani naman ni Stanly. "Puntahan mo na lang sila roon, Ate Stella," susog naman sa akin ni Stephen. Napangiti ako sa kanilang mga sagot. Tumayo ako mula sa pagkakaupo saka humakbang patungo sa may study room. Sa ilang beses kong pagpunta at pakikitulog dito ay kabisado ko na rin ang pasikot-sikot ng buong bahay na ito. Nasa may tapat na ako ng pintuan nang marinig ko ang malamyos na pag-awit ng kung sino. Dali-dali akong sumilip sa nakaawang na pinto upang makita kung sino ang umaawit. Napanganga ako nang makitang kumakanta si CJ habang sinasabayan naman iyon nang paggigitara ni JC. Kaylamyos ng tinig ni CJ at para siyang anghel mula sa langit na ipinababa rito sa lupa upang maghasik ng kaniyang karisma. "Gosh! Pwede ko bang halikan si CJ?!" natitilihang sigaw ko sa isipan. Bukod sa gwapo na nga ay may angking talento pang taglay ang binata. Tiyak na kahit sinong babae ay mai-inlove ngang talaga sa kaniya. Malakas na tawanan nilang dalawa ang umuntag sa lumilipad kong diwa. "Another one?" Pinatugtog ni JC ang gitara saka muling umawit si CJ. Natutuwang pinanood ko naman silang dalawa mula rito sa may pintuan. "Stella, why you're here? Come inside!" napaigtad ako sa pagkakatayo nang magsalita si Tito Steven. Nilingon ko si Tito Steven na kasalukuyang nakatayo sa aking likuran habang kalong-kalong nito si Stacy na siyang bunsong anak nila ni Tita Jana. Nahinto naman sina CJ at JC sa kanilang ginagawa saka sabay na tumingin sa aming gawi. "Hi!" bati ko sa kanilang dalawa saka alanganing ngiti ang sumilay sa aking labi. "Hi, Stella!" masiglang bati naman sa akin ni CJ na sinabayan pa niya ng matamis na ngiti sa kaniyang labi. "Ano'ng ginagawa mo rito?" nakataas kilay na tanong naman sa akin ni JC. "Ah... Eh..." Bigla akong nataranta sa tanong na iyon ni JC at wala akong maapuhap na isasagot sa kaniya. "Boys, paupuin niyo muna ang bisita ninyo." Pakiwari ko ay sinalo ako ni Tito Steven dahil nakita kong kumindat siya sa akin. Agad na tumayo si CJ saka nilapitan niya ako. "Upo ka muna, Stella!" Gusto kong himatayin sa labis na kilig gawa nang pagkakadaiti ng palad niya sa aking braso. Pakiramdam ko'y biglang lumukso ang puso ko patungo kay CJ ng mga sandaling iyon. Pinagpag pa muna nito ang sofa na kasalukuyang bakante at nasa tabing bahagi naman ni JC. "Thank you!" kiming pasasalamat ko kay CJ nang paupuin niya ako. "Sandali at ikukuha ko lang kayo ng merienda," sabad naman ni Tito Steven. Nang makalabas na si Tito Steven sa may pintuan ay inabot ko kay CJ ang paper bag na may lamang pasalubong ko sa kanila ni JC. "Ano 'to?" nakangiting tanong sa akin ni CJ. "Pasalubong namin sa inyong dalawa ni Mama," nakangiting tugon ko sa kaniya. "Wow! Thank you!" Binuksan nito ang paper bag saka inilabas niya buhat doon ang laman na libro at keychain. Malakas na humalakhak si CJ nang titigan nito ang keychain. Bigla akong nakaramdam ng kaba sa dibdib at lihim kong sinisi ang sarili sa kagagahang naisipang gawin. "I think this is for you, JC!" Inabot ni CJ ang keychain kay JC. Napalitan ng inis ang seryosong mukha ni JC at matalim ang mga matang ipinukol niya iyon sa akin. "Salamat! Pero, hindi ka na sana nag-abala pang bilhan ako ng pasalubong kung hindi rin naman bukal sa kalooban mo," malamig na wika nito. Nakadama ako ng inis sa kaniyang sinabi kung kaya tumayo ako mula sa pagkakaupo saka pinameywangan ko siya. "Bukal sa kalooban ko ang pagbili ng mga pasalubong na 'yan. Mabuti nga at naisipan ko pang bilhan ka," mataray na anas ko sa kaniya. "Wooh! Utang na loob ko pa pala ang pagbili mo ng pasalubong para sa akin," masungit na sambit nito. "Wala akong sinabing ganiyan!" Pinanliitan ko siya ng mga mata saka humakbang ako palapit sa kaniya. "Palibasa, kamukha mo iyang nasa loob ng keychain." "You!" galit niyang sambit saka tumayo siya mula sa pagkakaupo sa may upuan. Nagitla ako sa ginawa niyang paghila sa aking kamay kaya napasubsob ako sa kaniyang dibdib. "Bastos!!!" natitilihang sambit ko na tinugon lamang nito ng malakas na halakhak. Itinakip ko ang dalawang palad sa aking mukha dahil hindi ko na napigilan pang umiyak dala ng sobrang inis. "JC, bakit pinaiyak mo si Stella?" Narinig kong tanong ni CJ sa kaniyang kakambal. "Siya ang nauna!" masungit na tugon lang ni JC. "Tsk!" Narinig ko ang papalapit na mga yabag patungo sa akin. "Stop crying, Stella." Marahang hinila ako ni CJ sa may braso. "And where will you take her?" malamig na tanong ni JC kay CJ. "Kay Tita Ice!" pabulalas naman na sagot ni CJ. "JC, kung gusto mong mapagalitan ni Mama, huwag mo na akong idamay at marami pa akong gagawin ngayong bakasyon. Ayokong ma-grounded ng dahil lang sa kalokohan mo," naiiling na sabi pa ni CJ. Bigla akong nakonsensiya sa narinig na sinabi ni CJ. Kung tutuusin kasi ay ako naman talaga ang nagpasimula ng gulo. "Sorry..." hinging paumanhin ko sa kanila. Nahinto sa paghila sa akin si CJ saka binitawan nito ang braso ko. "It's okay, Stella!" "Your sorry is not enough!" mapang-uyam na wika naman ni JC. Gusto ko na namang maiyak kaya iniyuko ko ang ulo upang itago sa kanilang dalawa ang nagbabantang pagbagsak ng mga luha mula sa aking mga mata. "Enough, JC!" suway ni CJ sa kaniyang kakambal. "Huwag mo na lang pansinin iyang si JC." Muling hinawakan ni CJ ang braso ko. "Let's go, Stella!" Itinaas ko ang ulo saka tumitig sa mukha ni CJ. Lalo lamang tumindi ang pagkagustong nararamdaman ko para sa binata dahil sa mga katangiang taglay nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD