[SIMON]
“ANO BA naman ‘tong mga bigas na ‘to?” tanong ng may-ari ng gumagawa ng bigas na pinagtatrabahuhan ko ngayon. Nasabi ko na nga, sa ngayon ay nagtatrabaho ako sa isang palayan ngayong mga nakaraang araw. Swerte na ako na nasa loob ako ng lugar ng pinagtatrabahuhan ko, naghihiwalay ng palay sa bigas. “Ang sabi ko naman sa inyo, ‘di ba, hiwalayin ang palay sa mga hindi pa nababalatan dito sa bigas? Bakit parang mas inilalagay ninyo pa ‘yong mga palay dito sa milled and husked na bigas pa?”
Napayuko na lang kami. “Pasensiya na po…”
“Hindi ko kailangan ng pasensiya ninyong lahat, ha?” aniya at kumuha ng bigas at itinapon ‘yon sa mga mukha naming. Ayaw na ayaw akong ginaganito ako pero wala akong magagawa, isa lamang akong hamak na trabahador niya. Ayaw na ayaw kong tinatapakan ang pagkatao ko sa mga ganitong gestures… pero nanahimik na lang ako, habang kinukuyom ang aking mga kamao. “Makita ko lang na late kayong lahat bukas, tatanggalin ko na talaga kayo sa mga trabahong ibinigay ko sa inyong lahat. Subukan ninyo lang talaga ako, bukas na bukas, tanggal na kayo sa trabaho ninyo. Gumagabi na kaya umuwi na kayo.”
Tinalikuran niya lang kaming limang trabahador dito bago isinara nang may puwersa ang pinto. Napahinga na lang ako nang malalim. “Ang lakas naman ng apog no’ng matandang dwendeng ‘yon,” ani ng isa kong katrabaho. Gaya ko, nakakapagsalita lang rin siya ng ganito kapag wala na ‘yong boss naming. “Isang suntok lang, makakatulog ‘yan agad. Pasalamat siya at siya ang nagbigay ng trabaho niya sa ‘kin dito, kung hindi natulog na ‘yon sa kamao ko.”
“Pagpasensiyahan mo na muna, Kuya Ben,” ani ko bago isinukbit ang bag sa balikat ko. Ginawa rin nila ang ginawa ko pagkatapos hubarin ang mga uniform at apron na ginamit sa trabaho kanina. “Baka nagkakagano’n lang kasi wala nang asawa.”
“Alam mo, Simon, kaya ko namang magpasensiya pero hindi sa gano’ng tulad ng tao. Hindi ako kasing-bait mo na kayang paglabasin sa kabilang tainga ang mga naririnig galing sa matandang duwende na ‘yon,” aniya. Nag-disagree lang ako sa utak ko. Gaya nga ng sabi ko, gustong-gusto ko na rin suntukin ‘yong boss namin pero pinipigilan ko lang ang sarili ko. “Ibigay mo nga ang secret mo sa ‘min kung paano kontrolin ang emosiyon mo. Parang ang galing mo sa mga bagay na gan’yan, Simon.”
“Oo nga,” dagdag naman ni Jose, isa pa sa katrabaho ko. “Walang duda kaya gustong-gusto ka ng mga babae, hindi lang sa baryo mo pero sa baryong malapit, do’n sa baryo ko. Famous na famous ka do’n, Simon. Gusto mo bang ipakilala ko sa ‘yo ‘yong mga nagkakagusto sa ‘yo do’n?
Napailing ako. “Huwag na, Jose…”
“Ano ba naman, Simon? Lahat kami rito nagtatrabaho na sa sari-sarili naming pamilya tapos heto ikaw, nagtatrabaho hindi para sa asawa mo, kung hindi para sa nanay mo…”
“Pamilya ko rin naman ‘yon, Kuya Ben,” sagot ko lang sa kaniya. Wala lang talaga pa akong planong magpamilya ngayon, at wala pang dumadating. “Kailangan ko nang umuwi sa ‘min, mga kuya. Bibili pa ako ng ulam namin.”
Hindi rin naman naging mahirap sa ‘kin ang pag-uwi sa baryo namin kahit na ang lugar kung saan ako nagtatrabaho ay sa kabilang baryo pa. Marami namang tricycle sa ‘min dito na nagsisilbing transportasiyon ng mga tao papunta sa kabilang mga baryo.
Nakita ko si Evan sa harapan ng bahay namin na tila hindi mapakali. “Evan,” tawag ko sa kaniya. Ramdam ko ang gulat sa kaniya no’ng tinawag ko siya. “An aga-aga pa, ah, sinusundo mo na agad ako. Sa’n punta natin? Bibili lang muna ako ng ulam namin…”
“Simon…” aniya at lumapit sa ‘kin. Napatingin ako sa bahay namin na tila sarado at walang ilaw sa paligid nito. Naputulan ba kami? Nagbayad naman ako last month, imposible namang mangyari ‘yon. “Simon, buti na lang at nandito ka na. May kailangan akong sabihin sa ‘yo, Simon…”
Tinignan ko lang siya. Mukha ngang seryoso siya. “A-Ano bang nangyayari, Evan?”
“Simon, may kailangan akong sabihin sa ‘yo. Huwag ka lang sanang mabibigla sa sasabihin ko,” aniya. Mas lalo akong kinakabahan sa idea na ipinuputol niya pa ang dapat niyang sabihin kaysa sabihin na lang ‘yon ng isang diretsahan. “‘Yong nanay mo, dinala sa ospital.”
“Ano?” ani ko na tila mawawalan na ng lakas ang tuhod para makatayo pa. “Kailan? Saan dinala si nanay? Bakit daw? Puntahan na natin ngayon, Evan…”
Kaagad akong dinala ni Evan sa kotse niya at kaagad rin namang minaneho ‘yon. Bakit naman kaya dinala sa ospital si nanay ngayong araw? Kinakabahan tuloy ako. “Huwag kang masiyadong kabahan, Simon…” ani Evan bago tinapik ang balikat ko. “Masakit daw ‘yong dibdib ng nanay mo kanina kaya kaagad kong dinala sa ospital. Mas mabuti na kung mas maagang maaagapan, ‘di ba? Kaya dinala ko kaagad do’n. Ang kaso naman, no’ng makarating siya sa ospital, parang may naging komplikasiyon pa ata. Kailangan kang kausapin ng doctor dahil ‘yong asawa ng nanay mo ay wala naman daw maintindihan at may mga kailangan pirmahan na waivers.”
“Kailangan daw ba ng operasiyon sa lagay ngayon ni nanay?” tanong ko habang tumitingin lang sa labas. Ayaw kong ipakita kay Evan na kinakabahan na ako sa mga naiisip ko. “Malayo pa ba ‘yong ospital na ‘yon Evan? Gusto ko nang makita ang nanay.”
“Pasensiya na, may traffic dito banda, pero rush hour kasi. Maghahanap ako ng ibang ruta para makapunta agad tayo do’n sa ospital,” sagot ni Evan. Nagpapasalamat ako na may kaibigan akong tulad ni Evan na maaasahan ko sa mga oras na ganito. “Huwag ka munang mag-alala masiyado, Simon. Hindi ‘yan maganda pati sa kondisyon mo.”
“Hindi nga maganda sa kondisyon ko pero sino ang nasa ospital? ‘Yong nanay ko. Kahit na ilang beses mo ‘yan sabihin sa ‘kin, Evan, mag-aalala ako at mag-aalala ako. Hindi ‘yon mawawala sa ‘kin lalo na nang malaman ko na nasa ospital ang nanay ko.” Tila natahimik si Evan sa mga pinagsasabi ko. Kapag ganito talaga na nag-aalala ako, ganito ako magsalita. “Pasensiya ka na.”
Hindi na lang ako umimik habang nasa buong biyahe kami papunta ng ospital. Nang makarating rin kami sa ospital, hinintay kong i-park ni Evan ang kotse niya bago pumasok sa ospital. Dumire-diretso na lang kami na pumasok sa loob ng ospital dahil alam naman na ni Evan kung nasaan ang kwarto ni nanay. Nakita ko siyang humawak ng doorknob ng isang kwarto kaya kaagad ko lang siyang sinundan doon.
Ang tanging bumungad sa ‘kin nang bumukas ang pinto ay si nanay na nakahiga sa kama habang si tatay ay nasa tabi niya. ‘Yong mga kapatid ko raw ay naiwan muna sa bahay nila, sabi ni Evan. “Nay,” ani ko bago kumaripas ng takbo papunta sa nanay ko na nakahiga sa kama ng ospital. “Nay, anong nangyari? Nabalitaan ko na sumisikip daw ang dibdib mo. Sana tinawagan mo na lang ako.”
“Ayaw ko naman ngang pumunta dito pero nagpumilit si Evan na dalhin ako dito. Itong best friend mo na ang nag-alala sa ‘kin para sa ‘yo,” sagot ng nanay. Tinignan ko lang siya, mukha namang okay siya, pero sigurado akong ayaw niya lang na makita akong nag-aalala sa kaniya. Pero kahit naman na sabihin niyang huwag akong mag-aalala sa kaniya, mag-aalala at mag-aalala ako sa kaniya. “At saka, ayaw ka naming istorbohin sa pagtatrabaho mo. Nai-stress ka na nga sa pagtatrabaho, dadagdagan pa namin ‘yang stress na nararamdaman mo.”
“Tama ang nanay mo, Simon,” dagdag pa ni tatay. Halata ko rin na galing lang sa trabaho si tatay. Tumatanda na sila pero kumakayod pa rin ang tatay para lang may maitulong sa mga gastusin sa bahay. Hindi kasi siya nakikinig kapag sinabi kong magpahinga na lang siya sa bahay at hayaang ako na lang at magtrabaho, kesyo hindi rin naman daw siya matatahimik sa bahay kung ganoon. “Kinaya naman naming dalhin ang nanay mo papunta dito sa ospital, sa tulong nitong si Evan…” Tumingin ako kay Evan na nakangiti lang sa nanay at tatay ko. Hindi niya alam kung ilang beses akong nagpapasalamat sa kaniya sa oras lang na ito. “Sumikip lang naman daw ‘yong dibdib ng nanay mo at inakala naming masakit lang talaga ang dibdib niya pero mukhang mas masahol pa do’n.”
Huminga ako nang malalim. “Ano daw ba ang sabi ng mga doctor?”
“Ikaw ang hinahanap ng doctor na kakausapin daw, Simon,” sagot sa ‘kin ni Evan. Tinignan ko siya. Puwede naman nang kausapin na lang si nanay at tatay, ‘di ba? Bakit ako pa ang kailangan na kausapin ng doctor? “Hindi sinabi sa ‘min kung ano ang dahilan bakit ikaw daw ang gusto niyang kausapin pero pumunta ka na lang daw doon sa opisina niya.”
Tumango na lang ako. “Evan, kumain na ba ‘yong mga kapatid ko no’ng umalis sina nanay at tatay papunta dito? Baka gutom na sila…”
“Huwag kang mag-alala sa kanila, Simon,” sagot ni Evan at tinapik ang balikat ko. “Hindi naman sila pababayaan do’n ni nanay sa bahay. Marami pa namang stock ng pagkain do’n sa bahay. Bubusugin sila ng nanay doon sa bahay.”