"Gusto mo bang pumunta sa States?" tanong ng Daddy niya habang nag-aalmusal.
Ilang linggo na mula nang makalabas siya sa ospital. Maayos na rin ang paa niya, kahit hindi pa niya kayang maglakad tulad ng dati. At ang mga sugat naman niya, naghilom na. Nag-iwan lang ng mga bakas sa katawan niya.
"Fernan, hindi maganda tingnan kung aalis ng bansa ang anak mo ngayon," sabi ng Mommy niya. "Alam mo naman na hanggang ngayon siya pa rin ang sinisisi ng fiancé ni Ashley sa nangyaring aksidente."
Sinulyapan niya ang ama na humugot ng malalim na paghinga at tumingin sa kanya.
"Wala namang kasalanan ang anak natin," sagot ng Daddy niya. "Aksidente ang nangyari. Nakita naman sa CCTV na ang SUV ang bumangga sa kanila."
Ilang linggo na rin mula nang mangyari ang aksidente. Pero hanggang ngayon hindi pa rin niya maalala nang maayos ang lahat.
Kwento ng mga kaibigan, hindi daw nahuli ang driver ng SUV na bumangga sa kanila. Tumakas daw ito at iniwan ang sasakyan na hindi naman nakarehistro.
Kaya hanggang ngayon patuloy pa rin ang imbestigasyon. At hanggang ngayon, wala pa ring hustisya para sa pagkamatay ni Ashley at ng magiging anak sana nito.
"I'm sorry po," naiiyak na hingi niya ng tawad sa mga magulang.
Alam niyang binigyan niya ng malaking problema ang mga ito. Nabulabog ang tahimik na pamumuhay nila sa bayan ng San Miguel.
Politiko ang Daddy niya. Sa pagkakaalam niya, balak tumakbo ng ama bilang alkalde ng bayan nila. Konsehal pa lang ito ngayon, pero ngayong taon ay tatakbo na ito.
Alam niyang kaya gustong paalisin muna siya ng ama sa bansa ay para maiwasan na pag-usapan ang aksidente.
Dalawa silang magkapatid.
Si Kuya Zandro, busy sa negosyo nila. May malaking farm sila, ang De Guzman Farm, katabi ng Hacienda Tragora. Sila ang nag-su-supply ng gulay at prutas sa San Miguel at mga karatig bayan tulad ng San Sebastian.
At siya naman, kaka-graduate lang sa kursong Accountancy. Wala pa siyang trabaho. Baka sa farm na lang din siya magtatrabaho.
Tapos nangyari ang aksidente. Kaya ngayon, parang wala na siyang direksyon.
"Kung ako lang talaga, Ysa, gusto kong magbakasyon ka muna sa States," sabi ng ama habang kumakain. "Hintayin lang natin bumaba ang galit ni Harry Leonardo."
"Mapanganib ang mga Leonardo, anak," dagdag nito. "Kung gagamitan nila tayo ng pera, wala tayong laban. Sila ang may-ari ng Leonardo Group of Companies. Halos lahat ng brand ng sasakyan, meron sila sa bayan natin at sa ibang bayan."
Wala siyang idea sa mga sinasabi ng ama tungkol sa negosyo ng mga Leonardo.
Hindi rin niya lubusang kilala si Harry. Halos isang buwan pa lang mula nang ipakilala ito ni Ashley sa kanila. Tatlong beses pa lang yata niya itong nakasama.
Hapon na nang dumating si Kuya Zandro galing sa farm.
Agad niyang nilambing ang kapatid na i-drive siya papuntang sementeryo para dalawin si Ashley. Hindi naman tumanggi si Kuya.
Mula nang makalabas siya sa ospital, dalawang beses pa lang niyang nadalaw ang kaibigan. Nagpapagaling pa rin kasi siya noon.
Ngayon, mukhang fully recovered na siya. Hindi lang talaga siya makakatakbo pa.
"How do you feel?" tanong ng kapatid habang binabaybay nila ang daan papuntang sementeryo.
"I'm okay, Kuya," sagot niya habang nakatingin sa labas ng bintana.
"Good to hear," sabi ni Kuya.
Marahil napansin nitong wala siya sa mood makipagkwentuhan.
Pagdating sa puntod ni Ashley, nagpaiwan muna siya kay Kuya.
Gusto niyang makausap ang kaibigan. Gusto niyang humingi ng tawad.
Hindi naman niya kasalanan ang pagbangga sa kanila.
Ang kasalanan niya lang ay sumama siya kay Ashley para mamili at mag-relax sa Tragora Mall.
Dahil nahuli na naman niya si Alex na may kasamang babae sa VincElla Hotel.
Si Alex ang first boyfriend niya. Niloko siya nito, kaya nakipaghiwalay agad siya.
At sa araw na ‘yon sila naaksidente ni Ashley.
"Ashley," sambit niya sa pangalan ng kaibigan.
Naupo siya sa damuhan at hinaplos ang lapida. Nakasulat doon ang pangalan ng kaibigan at "Baby Angel"—marahil ang batang hindi na naisilayan ang mundo.
Naluha siya. Dahil sa lungkot para sa kaibigan. Para sa batang hindi na nakalabas.
"What the hell are you doing here?!"
Galit na boses ang pumutol sa isip niya.
Nag-angat siya ng mukha.
Galit na mga mata ni Harry ang sumalubong sa kanya.
"Harry," sambit niya.
"Umalis ka rito! You are not supposed to be here! Wala kang karapatang puntahan si Ashley!"
Mabilis siyang hinila nito sa palapulsuhan.
"Aray!" tili niya.
May mga sugat pa siyang hindi pa lubusang natutuyo roon. At dahil sa higpit ng hawak ni Harry, mas lalo siyang nasaktan.
"Umalis ka!" mariing utos nito.
Binitiwan siya nito nang basta na lang.
Hinawakan niya ang kamay na nasaktan at sinulyapan si Harry.
Napalunok siya nang magtama ang mga mata nila.
Naka-itim itong t-shirt at pantalon. Simple lang, pero kitang-kita pa rin ang appeal nito.
Bakás sa mukha nito ang pagod at puyat. Pero gwapo pa rin ito.
Nagulat siya sa naiisip niya. Kaya mabilis siyang nag-iwas ng tingin.
Kaya pala sabi ni Ashley noon, hindi na raw niya pakakawalan si Harry.
Nandun na raw lahat ng hinahanap niya sa isang lalaki.
Siguro tinotoo nga ni Ashley ‘yon. Halos isang buwan lang, buntis na agad siya kay Harry. Nagbabalak na agad sila ng kasal.
Ngayong natitigan niya nang maayos si Harry, masasabi niyang walang babaeng tatanggi sa isang katulad nito.
At lahat ng sinabi ni Ashley tungkol kay Harry... totoo.