"Umalis ka na dito!" sigaw ni Harry sa kanya.
Napakurap siya sa gulat.
"Huwag na huwag mong dadalawin ang mag-ina ko!"
Hinablot nito ang mga bulaklak na dala niya para sa puntod ni Ashley at itinapon.
Napatili siya nang marinig ang malakas na pagbagsak ng vase.
Mabilis siyang lumuhod para damputin ang mga bulaklak.
"Because of you, Ysa, namatay si Ashley at ang magiging anak namin!" mariing akusa nito.
Katulad noong nasa ospital, puno ng galit ang boses nito. Para bang kaya siyang patayin.
"I'm sorry, Harry. Hindi ko sinasadya ang nangyari," umiiyak niyang sabi habang pinupulot ang mga piraso ng nabasag na vase.
"Aaah!"
Tili niya nang may tumusok sa daliri niya.
Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang dugo.
Napatili siya nang malakas.
Mula kasi sa aksidente, nagsimula siyang matakot sa dugo.
Hemophobia, sabi ng doktor.
Nakita kasi niya mismo ang kaibigan niya—duguan at walang malay sa passenger seat.
"Dugo!" sigaw niya habang nakatitig sa daliri niya.
"What's wrong?" tanong ni Harry.
Luhaan siyang tumingala dito. Nakakunot ang noo nito habang nakatingin sa kanya.
"Dugo!"
Lalo siyang nanginginig sa takot.
"Ysa! Ysa!"
Boses ni Kuya Zandro.
Mabilis na lumapit ang kapatid at pinunasan ang daliri niyang may dugo gamit ang sarili nitong damit.
"It's okay, it's okay," bulong ni Kuya at mahigpit siyang niyakap.
Napahagulgol siya at napatingin kay Harry.
Nakatayo lang ito at nakakunot ang noo habang pinagmamasdan siya.
"It's okay, Ysa," ulit ni Kuya.
Inalayan siya nitong tumayo mula sa damuhan.
"Let's go. Iuuwi na kita."
Nakaalalay pa rin si Kuya sa kanya nang makatayo siya.
Sinulyapan niya si Harry.
Nagtama ang mga mata nila.
"I'm sorry, Harry," mangiyak-ngiyak niyang sabi.
Bumuntong-hininga lang si Harry. Tinalikuran siya nito at humarap sa puntod ni Ashley.
Isa-isa nitong tinanggal ang bawat bulaklak na galing sa kanya.
Ganoon ba siya kagalit ni Harry, hanggang bulaklak niya ayaw nitong madikit sa puntod ni Ashley?
Laylay ang mga balikat niyang sumunod kay Kuya papunta sa kotse.
Pagkasakay niya, muli niyang sinulyapan si Harry.
Nakaupo ito sa harap ng puntod ni Ashley.
Nalungkot siya para dito.
Kung hindi nangyari ang aksidente, masaya sana sila ni Ashley ngayon. May inaabangan na silang anak.
Napakagat labi siya sa bigat ng guilt.
"I'm sorry," bulong niya habang nakatingin pa rin kay Harry.
"Ysa, it was an accident," sabi ni Kuya. "Hindi mo kasalanan ang nangyari."
Bumuntong-hininga lang siya at sumandal sa upuan.
"Let's go, Kuya," mahina niyang sabi at pinunasan ang luha sa pisngi.
---
_After 1 Week_
"Maganda," sabi ni Tintin habang hinila ang isang silk na maxi dress.
Nasa Tragora Mall sila. Namimili siya ng maisusuot sa party sa bahay nila.
May pa-meeting kasi ang Daddy niya sa mga kasamahan nito sa politika, at required siyang humarap sa mga bisita.
Tinawagan niya si Tintin kanina para magpasama. Pumayag naman ito.
Sumama rin sina Jake at Marvin.
Bonding na rin nila. Namimiss na niya ito, lalo na noong nabubuhay pa si Ashley.
Si Ashley ang laging nangunguna sa paglilibot sa mall.
Hindi niya maiwasang malungkot tuwing naaalala niya ito.
"Sige, 'yan na lang," malamya niyang sagot at kinuha ang damit kay Tintin.
Wala siya sa mood mamili. Kung hindi lang kailangan, hindi siya lalabas ng bahay.
"Tapos na ba kayo? Kumain tayo pagkatapos," sabi ni Jake habang yumayakap kay Tintin.
Tumango lang siya at nagbayad na sa cashier.
Matagal na ang relasyon nina Jake at Tintin.
Si Ashley, bago si Harry, may naging boyfriend din na kasama nila sa barkada.
Si Marvin, walang nobya pero kung sinu-sino ang kasama.
At siya, si Alex lang ang naging boyfriend. At manloloko pa.
Nagyaya ang tatlo na kumain sa isang sikat na restaurant sa loob ng Tragora Mall.
Matapos mag-order, nagpaalam siyang mag-CR muna.
Sasamahan sana siya ni Marvin pero tumanggi siya.
Alam niyang may gusto pa rin si Marvin sa kanya. Pero sinabi na niya noon—wala itong maaasahan sa kanya.
At hanggang ngayon, wala pa rin.
Paglabas niya ng restaurant, nabungaran niya si Harry.
Naglalakad ito papalapit sa gawi niya.
Hindi niya makakalimutan ang mukha nito. Ang itim na mga mata nitong parang laging galit.
Ang gwapong mukha na ngayon lang niya talaga napansin nang magkita sila sa sementeryo.
Napalunok siya. Nagdalawang-isip kung tutuloy pa.
Takot pa rin siya kay Harry.
Kinasusuklaman siya nito dahil siya ang sinisisi sa pagkamatay ng mag-ina nito.
Huli na para umiwas. Nakatingin na ito sa kanya.
Tulad ng dati, nanlilisik ang itim na mga mata nito.
Huminto si Harry sa tapat niya, kasama ang isang lalaking kasing-gwapo rin.
Parang hindi siya makahinga.
Sinuri siya ni Harry mula ulo hanggang paa.
Naka-kulay na blusa siya at puting shorts na kita ang binti niya.
Bumalik ang tingin ni Harry sa mga mata niya.
"Hi," alanganin niyang bati. Walang emosyon ang mukha nito.
"Ysa," banggit nito sa pangalan niya. Puno ng pagkasuklam.
Ito ang unang beses na narinig niya ang pangalan niya mula kay Harry.
"What are you doing here? Having a good time while your friend—"
"Harry," putol ng kasama nito. Siniko pa ito.
Alam niya ang ibig sabihin noon.
Nagyuko siya. Hindi niya kayang salubungin ang matalim na tingin nito.
Sabi nga nila, kung kaya kang patayin ng tingin, patay na siya ngayon.
"I'm sorry," bulong niya.
Hindi siya sigurado kung narinig ni Harry. Lagi naman siyang humihingi ng tawad tuwing magkikita sila.
"I don't need your sorry!" malamig na sagot nito.
Marahas nitong hinawakan ang baba niya.
Nagulat siya. Nanlalaki ang mga mata niyang napatingin dito.
"Kung nagsisisi ka sa pagkawala ni Ashley at ng magiging anak namin, puntahan mo ako sa opisina ko bukas," matalim na sabi nito. "May ipagagawa ako sa iyo para mabawasan ang galit ko sa iyo!"
Titig na titig siya rito. Hindi siya makagalaw.
Napalunok siya at naramdaman ang pagkabog ng dibdib.
Kaba? O dahil kaharap niya si Harry Leonardo?
Napansin din niya ang paglagos ng mga mata nito sa katawan niya. Lalo siyang kinabahan.
"See you soon then," sabi ni Harry nang hindi siya makasagot.
Binitiwan siya nito.
At nagpatuloy na ito sa paglalakad.