CHAPTER 7

2111 Words
Hindi lang sa isang TV station nagpa-interview ang tiyuhin ni Aaliyah at ang asawa nito. Sa loob lamang ng isang araw ay tatlong interview ng mga ito ang napanood niya. Hanggang kinabukasan nga ay nakita pa niya uli ito sa TV dahil mayroong replay. Hindi niya tuloy mapigilan na makaramdan ng takot, lalo pa’t ilang beses pinaratangan ng mga ito si Hugo nang hindi maganda. Natatakot siya na baka ibalik siya ni Hugo sa mga ito para protektahan ang iniingatan na magandang pangalan bilang artista. Tulad nga ng sabi ni Gael, bad publicity ito para kay Hugo. At ang bad publicity sa isang artista ay maaring makatulong para mapag-usapan, pero maari ring hindi dahil madudungisan naman ang pangalan. Pagkatapos mananghalian ay nagkulong lang si Aaliyah sa kanyang kwarto. Ayaw niyang makita si Gael dahil baka ipaalala nito ang tungkol sa ginawa ng kanyang pamilya sa ama nitong si Hugo. Sa gitna ng kanyang pananahimik napatingin siya sa larawan nila ng kanyang ama na si Armando. Kinuha niya ito mula sa ibabaw ng drawer na nasa tabi ng kanyang kama at kinausap ito. “Tatay, akala ko po okay na po ako pero hindi po pala. Bakit po gano’n si tito at ang pamilya niya? Kung itrato po ako parang hindi nila ako kapamilya,” sabi niya rito habang tumutulo na ang kanyang luha. “Natatakot po ako ‘Tay. Baka ibalik po ako ni Sir Hugo. Mas gusto ko pa naman dito, kahit na nakakabwisit ‘yung ugali ni Gael. Hindi lang po kasi si Sir Hugo ang mabait sa ‘kin. Pati na rin si Manang Elisa, Ate Minda, at saka sina kuya bodyguard, pati na rin po pala si Ms. Natty. ‘Tay baka naman po pwede n’yong kausapin si Lord d’yan, para hindi ako ibalik ni Sir Hugo kina tito. Ayoko po ro’n.” “Aaliyah…” Napaangat ang tingin ni Aaliyah mula sa hawak niyang picture papunta sa pintuan ng kwarto niya at nakita niya ro’n si Hugo na nakasilip. Binitawan niya muna ang hawak niya at tumakbo siya papunta kay Hugo at saka yumakap. “Sir Hugo!” Ito lang ang nasabi niya at pagkatapos ay humagulgol na siya ng iyak. “I saw their interview and mukhang napanood mo na rin.” Tumingala siya kay Hugo habang umiiyak pa rin. “Sir Hugo, sorry po sa ginawa nila sa inyo. Maawa po kayo. Huwag n’yo po akong ibabalik sa kanila. Ayoko po ro’n. Dito na lang po ako. Gusto ko po sa inyo. Pangako po magpapakabait po ako,” pagmamakaawa niya rito. “Wala akong pakialam sa mga sinabi nila. Hindi kita ibabalik. Hindi ko hahayaan na masaktan ka na naman nila. I promise you that.” “Talaga po?” “Yes.” “Talagang-talaga po?” “Talagang-talaga, Aaliyah,” nakangiti nang sabi ni Hugo sa kanya. “Thank you po! Sobrang thank you po, Sir Hugo!” sabi niya rito habang nagpupunas na siya ng luha. Bigla siyang nabunutan ng tinik nang marinig na hindi siya ibabalik at pababayaan ni Hugo, at hindi ito nagpapaapekto sa mga pahayag na ginawa ng tiyuhin at tiyahin niya laban dito. “Gusto mo ba ng cake? May dala ‘ko ngayon.” “Cake po?! Ay, ayoko po! Ayoko na po ng cake!” “Why?” mukhang nagtataka si Hugo sa matinding pagtanggi niya sa cake na inaalok nito. “Ayoko na po ng bumabara sa lalamunan. Nakakatakot po. Akala ko po susunod na po ako sa tatay ko.” “Are you sure cake ‘yung nakain mo?” “Opo. Cake po talaga. May icing pa nga po. Basta ayoko po muna ng cake.” “Okay,” sabi ni Hugo sa kanya kahit halata pa rin sa mukha nito ang pagtataka nang dahil sa mga sinasabi niya. “Magpapahanda na lang ako ng ibang meryenda kay Minda. Want to join me? Si Gael kasi ayaw lumabas ng kwarto niya.” “Sige po! Sasamahan ko po kayo.” Nauna siyang pinalabas ni Hugo ng kwarto at ito na rin ang nagsarado ng pintuan. Sabay silang naglalakad habang nasa likuran ni Aaliyah ang magkahawak niyang mga kamay. Habang naglalakad ay pasulyap-sulyap siya kay Hugo. Parang lalong gumwapo si Hugo sa paningin niya dahil sa gagawin nitong pagtatanggol sa kanya kung sakaling pilitin ng tiyuhin niya na kunin siya. Pakiramdam niya tuloy ay nasa isang pelikula sila. Si Hugo ang prinsipe at siya ang prinsesa na ililigtas nito sa masamang mangkukulam. “May gusto ka bang sabihin sa ‘kin, Aaliyah?” tanong ni Hugo. Mukhang napansin ata nito ang kanina pa niya paulit-ulit na pagsulyap. “Ang gwapo n’yo po kasi. Gwapo na po kayo sa TV pero mas gwapo pa po kayo sa personal. Tapos mas lalo pa po kayong gumagwapo kasi ang bait n’yo po. May girlfriend po ba kayo ngayon? Promise po, hindi ko po ipagsasabi kahit kanino.” Napangiti si Hugo sa kanya. “May alam ka na ba sa mga gan’yang bagay? Ang bata mo pa, Aaliyah.” “Yung mga classmate ko po may mga crush na.” “Ikaw ba meron na rin?” “Meron po,” sagot niya habang lihim na kinikilig kay Hugo. Hindi nito alam na ito ang tinutukoy niyang crush niya. “Aaliyah, hanggang crush lang muna, ha? Hindi ka pa pwedeng mag-boyfriend.” “Opo. Hindi po. Sana lang po, hindi rin muna siya mag-girlfriend.” “Masyado ka pang bata. ‘Yung nararamdaman mo ngayon, magbabago pa ‘yan, dahil marami ka pang makikilala.” Ngumiti lamang si Aaliyah. Hindi niya masabi kay Hugo na sa tingin niya’y hindi na magbabago ang nararamdaman niyang paghanga rito dahil para sa kanya ay wala na siyang makikita na katulad ni Hugo. “Sir, in-ambush interview po pala kayo ng mga reporters kanina,” sabi ni Ate Minda pagdating nilang dalawa ni Hugo sa kusina. “Kakapanood lang po namin ni Manang sa TV.” “Yeah, and I kept my silence to protect Aaliyah. Kapag nagsalita ako baka mas lalong lumaki ang problema.” “Sorry po uli, Sir Hugo,” nakayukong sabi ni Aaliyah. Hindi niya alam na ganito pala ang nangyari kay Hugo nang dahil sa pamilya niya. “Don’t worry, Aaliyah. Sa tagal ko sa industriya, sanay na ‘ko sa gano’n.” “Ano pong plano n’yong gawin, sir?” tanong ni Ate Minda. “Instead of talking to the reporters, ‘yung tito ni Aaliyah ang kakausapin ko. Wala namang issue kung hindi sila nagpa-interview. Hindi ko sila gagayahin. I’ll resolve this in private.” Napatunganga na naman si Aaliyah kay Hugo habang hangang-hanga. Kulang na lang ay magkaroon ng mga puso sa kanyang mga mata. Para talaga itong knight in shining armor niya na handa siyang ipagtanggol kahit kanino. Kinabukasan din ay agad na pinasundo nito Hugo ang tiyuhin ni Aaliyah, pero hindi ito sumama na mag-isa. Isinama pa nito ang asawa pati na rin ang dalawang anak. Hinatid ang mga ito ng bodyguard ni Hugo sa sala bago ito lumabas muli ng bahay. “Wow! Kung ako si Aaliyah, magpapa-kidnap na nga ako kay Hugo, kung ganito naman kalaki ang magiging bahay ko,” sabi ng pinsan niyang lalaki na si Aaron. Kitang-kita niya ang nakanganga nitong bibig habang manghang-mangha sa malaking bahay ni Hugo, habang nagkukubli siya sa likod ng pader para hindi siya makita ng mga ito. Lalabas lamang siya kapag ipinatawag siya ni Hugo. “Hindi naman siguro masarap ang buhay niya rito. Baka nga ginawa siyang katulong dito, dahil ‘yon naman ang bagay sa kanya,” sabi naman ng pinsan niyang babae na si Glaiza na mukhang nabili na ‘yung sapatos na gusto. “Tumahimik kayong dalawa d’yan. Baka marinig nila kayo. At ‘yung mga linya n’yo huwag n’yong kakalimutan. Dapat tayo ang paniwalaan at hindi ‘yang pinsan n’yo.” “Pinsan? Duh! Hindi ko kamag-anak ‘yon,” maarteng sabi ng pinsan niyang si Glaiza. “Tumigil na kayo. May pababa ata,” saway ng tiyuhin niya sa mga ito. Nakita niya si Hugo na dumating na galing sa itaas. “I’m glad that you accepted my invitation to come here to my house,” nakangiting sabi ni Hugo habang nasa likuran ang mga kamay. “Naku, sir—“ “Let me finish,” putol ni Hugo sa dapat na sasabihin ng kanyang tiyuhin. “Don’t worry, saglit lang ‘to. Hindi na ‘ko magpapaligoy-ligoy pa. Hindi ko ibabalik ni Aaliyah sa inyo,” diretsong pahayag ni Hugo sa mga bagong dating na bisita habang wala na ang ngiti sa mukha. “Sir Hugo, hindi po pwede ‘yan. Kidnapping po ‘yan,” reklamo ng kanyang tiyuhin. “Kami ang pamilya ni Aaliyah, kaya sa ‘min siya dapat. Kung hindi n’yo ibabalik si Aaliyah sa ‘min, kakasuhan namin kayo at hihingan ng malaking danyos.” “Kidnapping? Si Aaliyah ang kusang lumapit sa ‘kin. Napanood n’yo naman ‘yung interview niya ‘di ba? Kaya nga nagpa-interview din kayo. Kitang-kita sa video na nagmamakaawa siya para makausap ako. Gano’n ba ‘yung mukhang na-kidnap? At may hiningi ba ‘kong ransom sa inyo? Sa pagkakaalala ko, ako pa ang nagbigay ng pera sa inyo. One million pesos na para dapat kay Aaliyah, pero kayo ang gumastos at umubos. Hindi na babalik si Aaliyah sa inyo. Galing mismo sa bibig niya na gusto na niya rito.” “Na-brainwash mo siguro ‘yung pamangkin ko! Ilabas mo nga siya! Nasaan ba ‘yung batang ‘yan?! Masasaktan sa ‘kin ‘yan!” “Kung may nagmamanipula rito, kayo ‘yon. You’re trying to turn the situation in your favor by tarnishing our name. Sinisiraan n’yo si Aaliyah, gano’n din ako, kahit na kayo naman talaga ang may kasalanan dito. Totoo naman na nilustay n’yo ‘yung pera na binigay ko, at sinaktan n’yo pa si Aaliyah.” “May pruweba ka?” matapang na sabi ng tiyahin niya na mukhang naghahamon. Mula sa likuran ni Hugo ay may hinagis itong mga pictures sa lamesa. “Those are photos of bruises, and wounds on Aaliyah’s body. May medico legal pa ‘yang kasama, kaya kung ipipilit n’yong inosente kayo, I will use all my connections just to put you and your wife behind bars. Kakasuhan ko kayo ng child abuse for physically hurting Aaliyah at libel for accusing me of kidnapping. Makukulong na kayo, mababaon pa kayo sa utang. Mawawalan ng magulang ‘yang dalawang anak n’yo at hindi ko alam kung ano’ng magiging kinabuksan ng dalawang ‘yan.” “Ang yabang mo! Eh kung ipatumba kaya kita sa mga kilala ko!” banta ng pinsan ni Aaliyah na si Aaron kay Hugo. “That’s grave threat, hijo. Pwede rin kitang kasuhan sa sinabi mong ‘yan. Alam n’yo bang recorded ‘tong pag-uusap natin?” Itinuro ni Hugo kung saan nakapwesto ang mga cctv sa sala ng bahay niya. Hindi nakapagsalita kahit isa sa mga ito pagkatapos ng mga binitawang salita ni Hugo. Sinubukan ng matapang niyang tiyahin na magsalita pang muli pero mautal-utal na ito at walang natapos na salita. “I want you to clear our names. Nagpa-interview kayo para siraan kami, kaya gusto kong magpa-interview kayo uli para bawiin lahat ng sinabi n’yo. At pagkatapos no’n huwag na kayong magpapakita sa akin o kay Aaliyah. Mula ngayon tinatanggalan ko na kayo ng karapatan sa kanya. Naiintindihan n’yo ba ‘ko?” ma-awtoridad na sabi ni Hugo sa mga ito. “O-opo, sir! Bukas na bukas din po mapapanood n’yo kami sa TV. Babawiin po namin lahat ng sinabi namin. Hindi na rin po namin kayo guguluhin,” natatarantang sabi ng tiyuhin ni Aaliyah. “Good. Now leave.” Nagmamadaling lumabas ng bahay ni Hugo ang tiyuhin niya kasunod ang pamilya nito. Pag-alis ng mga ito ay saka lang lumabas si Aaliyah mula sa kanyang pinagkukublihan. “Sir Hugo…” Napalingon ito sa kanya. “Aaliyah… Nakita at narinig mo ba lahat?” Tumango siya. “Opo.” “Come here,” sabi nito sa kanya kaya lumapit naman siya rito. Hinawakan siya nito sa kamay at naupo sila sa sofa. “Mula ngayon hindi ka na nila guguluhin. Kapag sinubukan nila, hindi ako magdadalawang-isip na totohanin ang mga sinabi ko. Kaya wala ka nang dapat ipag-alala.” “Thank you po, Sir Hugo,” sabi niya kasabay ng pagtulo ng kanyang luha. Pinahiran naman ni Hugo ang basa niyang pisngi gamit ang hinalalaki nito. “Huwag mo na ‘ko tawaging Sir Hugo. From now on I want you to call me Daddy.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD