Ayaw ni Aaliyah na makasuhan ang tiyuhin niya at ang asawa nito kaya nakiusap siya kay Hugo na hayaan na lamang ang ginawa ng mga ito sa kanya. Maghihilom naman daw ang mga sugat at hindi na ito mauulit pa hanggang nasa poder siya ni Hugo. Pero hindi ito kayang palagpasin ni Hugo. Hindi ito magsasampa ng kaso, pero dinala siya nito sa isang authorized medical examiner at nag-request sila ng medico-legal para kung sakaling kailanganin nila’y mayroon silang hawak na ebidensya ng pangmamaltrato kay Aaliyah.
“Bye po, Sir Hugo!” nakangiting paalam ni Aaliyah habang kumakaway pa kay Hugo na pasakay na ng sasakyan nito. Hinatid muna siya nito sa bahay bago dumeretso sa shooting location ng kasalukuyang drama nito sa TV. Isang oras ngang male-late si Hugo nang dahil sa kanya, kaya ilang ulit siyang humingi ng sorry dito. Narinig niya kasi ang pag-uusap ni Hugo at ni Natty na P.A. nito. Hinahanap na raw ng director si Hugo, dahil malapit nang mag-umpisa ang shooting at lahat ng mga kasamang artista nito’y nandoon na sa set. Alam ni Aaliyah na bawat minuto ay mahalaga sa klase ng trabaho ni Hugo dahil may sinusunod itong schedule. Pwede ring masabihan si Hugo na hindi professional kapag na-late sa napag-usapang oras. Buti na lamang at maganda ang reputasyon ni Hugo bilang artista dahil magaling itong makisama sa mga kapwa artista. Madalas itong marinig ni Aaliyah, tuwing may napapanood siyang interview ng mga kasamang artista ni Hugo sa mga palabas sa TV at mga pelikula nito. Puro papuri para kay Hugo ang naririnig niya.
“Bye, Aaliyah!” nakangiti ring paalam ni Hugo, bago nito isarado ang pintuan ng kotse.
Kumakandirit pang pumasok si Aaliyah ng bahay nang hindi niya mapansin ang parating na si Gael. Mukhang hindi rin ‘to nakatingin sa nilalakaran dahil naibagsak nito ang hawak na cellphone.
“Ay, sorry! Sorry, Gael!” natatarantang sabi ni Aaliyah at pagkatapos ay dinampot niya ang nahulog nitong cellphone sa sahig. Inabot niya ito kay Gael at pahablot naman nitong kinuha sa kanya ang cellphone habang magkasalubong ang mga kilay at mukhang mainit na naman ang ulo. “Nasira ba? Patingin ako,” sabi niya habang sinisilip pa ang screen ng cellphone ni Gael.
“Fck off!” sigaw ni Gael at inilayo pa ang hawak nitong cellphone sa kanya. “Pwede ba, magkulong ka na lang sa kwarto mo habang wala si Dad dito? Siya lang naman ang may gusto na tumira ka rito. I don’t want you here. You’re not part of my family and you will never be the sister that I lost, because of him.”
“Sino bang nagsabi na gusto kong maging kapatid mo?” nakapamewang na sabi ni Aaliyah kay Gael. “Kung ikaw lang din ang magiging kuya ko, huwag na lang. Hmp! Sungit mo! Sobrang layo mo sa daddy mo! Gwapo na mabait pa. Eh ikaw, pangit!” mataray na sabi ni Aaliyah at pagkatapos ay padabog siyang umalis at pumanik sa itaas. Hindi niya napigilan na sagutin din nang pabalang si Gael dahil sadyang palaban talaga siya kahit noon pa. Pagpasok nga lang niya sa kwarto niya’y bigla siyang nagsisi sa nagawa niya. Naisip kasi niya na baka pagsimulan na naman ng away ng mag-ama ang nangyaring komprontasyon sa pagitan nila ni Gael.
Dahil dito ay naisip niya na mag-sorry na lang uli kay Gael kahit naiinis siya rito. Pinuntahan niya si Manang Elisa at humingi siya rito ng papel at ballpen. Tinanong rin niya kung nasaan si Gael at sinabi nito sa kanya na nasa kwarto na ito. Pagkabigay ni Manang Elisa ng papel at ballpen sa kanya’y sinulatan na niya ito. SORRY NA. MAGKUKULONG NA AKO SA KWARTO KO. HUWAG MO LANG AWAYIN SI SIR HUGO. Ito ang sinulat niya sa papel at pagkatapos ay isinuot niya ito sa ilalim ng pintuan ng kwarto ni Gael. Hindi niya inilusot ang buong papel at nagtira siya nang kaunti. Napangiti siya nang makita niyang gumalaw ang papel at biglang nawala. Ibig sabihin ay kinuha na ni Gael ang papel na may mensahe niya.
Aalis na sana siya nang may lumabas na papel sa ilalim ng pintuan ni Gael. Dinampot niya ito at binasa ang nakasulat. FCK OFF! Ito naman ang naging mensahe ni Gael para sa kanya kaya bigla siyang napasimangot.
“Napakapangit talaga ng ugali. Tubuan ka sana ng pigsa o kaya tigyawat na may nana,” bulong ni Aaliyah habang naglalakad pabalik sa kwarto niya. Kahit hindi sila nagkaayos ni Gael ay sinunod niya pa rin ang sinabi nito. Nagkulong lang siya sa kwarto at mukhang hanggang bukas na ito dahil alam niya na bukas pa uuwi si Hugo galing sa shooting ng drama nito sa TV.
Kaya lang ay hindi niya pala kayang magkulong nang matagal sa kwarto lalo na nang kumalam na ang kanyang sikmura. Oras na kasi ng meryenda at nagugutom na naman siya, kaya dahan-dahan siyang lumabas ng kanyang kwarto at nang masigurado niyang wala si Gael ay tumakbo siya pababa hanggang sa makarating sa kusina.
Walang tao sa kusina, kaya siya na lang mag-isa ang naghanap ng makakain sa ref. May nakita siyang cake, kaya nilabas niya ito. Kumuha siya ng malaking slice at nilagay niya sa platito. Binilisan na lang niya ang kain para makabalik siya agad sa kwarto niya.
Namumuhalan pa siya nang biglang may nagsalita sa likuran niya. “Para ka talagang daga ‘no? Umaatake kapag walang tao.”
Bigla niyang nalunok ang cake na kinakain niya kaya bumara ito sa lalamunan niya. Hindi niya malaman ang gagawin kaya hinampas niya ng kamay ang dibdib niya. Hindi siya makahinga dahil ayaw matanggal ng cake na nakabara.
“Fck!” narinig niyang sabi ni Gael at sunod na lamang nito’y naramdaman niya ang pagpulupot ng kamay nito sa kanya at dinidiinan na ang sikmura niya. Tatlong beses itong ginawa ni Gael hanggang sa lumabas sa lalamunan niya ang bumarang cake.
“Diyos ko, ano’ng ginagawa n’yong dalawa? Ang babata n’yo pa!” Sabay silang napalingon kay Manang Elisa at bigla namang napabitaw si Gael sa kanya at saka siya itinulak nito.
“Yan kasi, tatanga-tanga. Nabulunan sa cake. Patay gutom kasi,” sagot ni Gael.
“Hindi ako patay gutom! Noong buhay pa ang tatay ko, tatlong beses din naman kami kumain. Mas malaki lang ang ref. n’yo sa ‘min at masa maraming laman, pero hindi kami patay gutom!” sabi naman niya habang matalim ang titig kay Gael at pagkatapos ay pinunasan niya ang kanyang labi na may icing pa ng cake.
“Huwag na kayong mag-away na dalawa. Halika Aaliyah, at sumunod ka sa akin. Tingnan mo ‘yung tiyuhin mo, nasa TV,” sabi ni Manang Elisa at pagkatapos ay hinawakan siya nito sa kamay at marahang hinila hanggang sa makapasok sila sa kwarto ng mga kasambahay. Nakita niya ang nakabukas na maliit na TV, at si Ate Minda na isa ring kasambahay dito sa bahay ni Hugo. Nakaupo ito sa kama at nanonood.
Totoo nga ang sinasabi ni Manang Elisa na nasa TV ang tiyuhin niya kasama pa ang malupit nitong asawa. Nagpapa-interview ang mga ito sa TV station na kalaban ng TV station kung saan may exclusive contract si Hugo.
“Hindi po totoo ‘yung mga sinabi ng pamangkin ko. Hindi po namin siya sinasaktan at lalong hindi namin ginalaw ‘yung perang binigay ni Sir Hugo para sa kanya. Ang totoo po niyan, kaya siya naglayas sa bahay ay dahil ayokong ibigay sa kanya lahat ng pera na binigay ni Sir Hugo. Concern lang naman po kami, dahil baka gastusin niya kung saan-saan at malaman na lang namin na ubos na. Para pa naman po ‘yon sa kinabukasan niya. Para makatapos po siya ng pag-aaral. Hindi ko po sasaktan ang ipapahamak ang pamangkin ko, lalo na po at kami na lang ang natitira niyang pamilya,” sabi ng kanyang tiyuhin na napakalungkot ng mukha.
“Totoo po ‘yon, ma’am. Hindi ko po sasaktan si Aaliyah dahil para ko na po siyang anak. Mahal na mahal po namin si Aaliyah at ayaw namin siyang mapahamak,” umiiyak namang sabi ng kanyang tiyahin. “Kaya po Sir Hugo, nagmamakaawa po kami sa inyo, pakibalik na po sa amin si Aaliyah. Alam po namin na nasa inyo po siya. Huwag n’yo po siyang ilayo sa ‘min. Kidnapping po ‘yang ginagawa n’yo, sir,” sabi pa nito at lalo pang inilakas ang pag-iyak na alam naman niyang arte lamang.
“Hindi po totoo ang mga sinasabi nila! Nagsisinungaling po sila!” Pinabulaanan ni Aaliyah ang mga naging pahayag ng tiyuhin at tiyahin niya.
“Alam namin, Aaliyah. Pang best actor at best actress ang drama nilang dalawa,” sabi ni Manang Elisa habang nakaduro pa sa TV.
“True ka d’yan Manang! Tinawag pang kidnapper si Sir Hugo. Ang kakapal ng mukha!” inis na sabi ni Ate Minda.
“Look what you’ve done, Aaliyah. Ipinahamak mo si Dad,” napalingon siya at nakita niya si Gael na nakangisi. Hindi niya alam na sumunod pala ito sa kanila.
“Hindi nga totoo ‘yung mga sinasabi nila! Ginamit talaga nila lahat ng pera at sinaktan pa nila ‘ko.” Tinaas niya ang manggas ng suot niyang longsleeves. “Tingnan mo! Sa tingin mo paano ako magkakaroon ng ganito kung ‘di nila ‘ko sinaktan?”
“Whatever, Aaliyah. Wala naman akong pakialam sa ‘yo at sa mga problema mo. But, thank you. Dahil sa ‘yo, mukhang pag-uusapan na naman si Dad. Negative publicity nga lang for him.” Ngumisi na naman si Gael at saka umalis habang si Aaliyah naman ay nangingilid na ang luha sa galit kay Gael at sa sarili niyang pamilya.