2027
Halos hindi nagbago ang tangkad ni Ricky, pero bahagyang pumuti ang balat. Nagsusuot na ito ng salamin di tulad noon. Ganoon pa rin ang buhok – medyo kulot. Tinubuan rin siya ng kaunting balbas.
Hindi agad nakilala ni Ricky si Vincent nang lumapit siya rito pagkababa sa pinaradang sasakyan. Nagpakilala si Vincent at nakilala siya ni Ricky. Nagkamayan sila at nagngitian.
“’Musta na?” tanong ni Ricky. “Kanina ka pa naghihintay?”
“Medyo,” tugon ni Vincent. “Mahigit isang oras. Upo muna tayo ro’n.”
Pumuwesto silang dalawa sa tinatambayan kanina ni Vincent. “’Sensya na. Medyo may problema lang si Misis. Di maganda pakiramdam.”
“May asawa ka pala? Di ko alam.”
“Oo, syempre. May asawa ako. ‘Yung computer ko.”
“Loko-loko ka talaga,” sabi ni Vincent saka tumawa.
Tumawa rin si Ricky. “Aba, makakapag-program ba ‘ko sa babae? Medyo may sira na kasi ‘yung computer ko. Halos apat na taon ko nang ginagamit. Pinaayos ko pa kanina bago ako pumunta rito. May bago kasi kaming gagawing laro ni Geoffrey. ‘Yung ka-collab ko lagi. Magaling din siya magdrawing. Magkakasundo kayo.”
“Naalala ko ‘yung ginawa nating laro no’n. Walang’ya ang panget ng drawing ko ro’n sa character. Hirap pa ‘ko magdrawing ng paa no’n.”
“Saka basura pa ‘yung mga program ko no’n. E ngayon, medyo nag-improve naman kahit papa’no. Nalaro mo ba ’yung Trolls vs. Senators? Kami may gawa no’n. Siguado kung naabutan ni Louis at Benjie ‘yon, maaadik sila.”
“Ah, oo. Okay lang siya. Medyo nakaka-enjoy naman. Pero kung ako nagdesign sa mga characters, mas maganda,” pabirong sabi ni Vincent.
“Sige. Minsan collab tayo. Gawa tayo ng malupitang laro. Okay rin ‘yung kikitain do’n. Disente naman.”
“Sige,” inalok ni Vincent si Ricky ng alibaba na kanina pa niya kinakain. “Eto, o. Bayad ko.”
“Kulang pa ‘to sa dami ng kinuha mo sa ‘kin. Mamumulubi ka kung susubukan mong bayaran ‘yung mga inagaw mo sa ‘king sitsirya.”
“Eh eto muna. Utang muna ‘yung iba.”
“Saka ‘kala mo ba di ko nakita no’n nu’ng dumudukot ka sa ‘kin ng fishball. Pasimple ka pa no’n.”
Inalala ni Vincent ang pangyayaring iyon, ngunit walang pumasok sa isip niya. “Kailan nga uli ‘yon? Ano ganap no’n? Alam ko dito rin ‘yun.”
“Nu’ng nag-uusap-usap tayong pito,” bahagyang napahinto si Ricky, “pagkatapos tayong komprontahin ni Jimboy. Dinamayan natin si Benjie. Parang mamamatay si ungas.”
“Oo,” naalala na ni Vincent ang mga detalye nu’ng araw na ‘yon. “Naalala ko na. Lagi mong pinapahinaan ‘yung boses namin. Praning ka.”
“Grabe, ‘no? ‘Kala natin no’n matatapos na lahat. Di natin akalain aabot hanggang ngayon ‘tong problema na ‘to.”
Walang naisip na itutugon si Vincent.
Hinubad uli ni Ricky ang suot na salamin at pinunasan ang mga mata. “Tingin mo ba, Vincent, matatapos na talaga natin ngayon?”
“Hindi ako sigurado,” mahinang sagot ni Vincent. Napupuno na ng pagdududa ang isip niya. “Pero kailangan nating tapusin. Para sa ‘tin at para sa iba na rin.”
“Para kay Paul at Louis.”
“Para kay Miguel na rin.”
“Oo. Para na rin sa kanya.”
May matandang dumaan sa harap nila. May dala itong basket. “Balot?” sabi nito sa dalawa.
“Gusto mong balot?” tanong ni Vincent kay Ricky.
“Hindi ako kumakain niyan. Penoy, wala?”
“Ubos na ho, eh,” sabi ng matandang naglalako
“Pabili na lang ho akong dalawa,” sabi ni Vincent saka nag-abot ng cincuenta sa matanda. “Pakibigay na lang po ro’n sa dalawang binata do’n.” Itinuro ni Vincent ang dalawang pulibing nakaupo sa harapan ng saradong Bakery. Iniabot ng tindero ang sukli, pero hindi na tinanggap ni Vincent.
Pagkatapos magpasalamat at umalis ng matandang naglalako, tinanong ni Ricky si Vincent. “Nagkausap pa ba kayo ni Miguel bago siya mamatay?”
“Oo,” tugon ni Vincent. “Kailan ba ‘yon... 2023 ata no’n. Inimbita ako sa kasal niya.”
“Hindi ka pumunta?”
“Malapit na graduation ng mga Grade 10 no’n, eh. Nag-aasikaso ako ng mga grade ng estudyante.”
“Si paker, hindi ako inimbita, daya,” patawang sabi ni Ricky. “Kailan ba siya namatay? Hindi ko na nabalitaan, eh.”
Nagbukas uli si Vincent ng bagong plastik ng sitsirya. “Wala pa atang isang taon pagkatapos ng kasal niya. Hindi na nga niya naabutan ‘yung panganay niya.”
“Nakakalungkot lang hindi na natin siya nadalaw. Ba’t kaya hindi na tayo nagkita-kita no’n, ‘no? Para ngang nakalimutan ko kayo kasi masyado akong na-focus sa ginagawa ko. Ewan ko kung gano’n talaga kapag matagal hindi nagkita. Nagkakalimutan.”
“Kaya nga, eh. Pumasok nga sa isip ko no’n na magkita-kita tayo. Kaso lagi akong busy sa school. Mahirap makahanap ng libreng oras. Natabunan na ng mga gawin.”
“Ako rin. Gano’n din siguro ‘yung iba. Eh hindi naman masisi. Gano’n talaga.” Nilamukos ni Ricky ang isang plastik ng sitsirya.
“So, totoo nga ba na nakita mo ‘yung lalaki sa Baliuag nu’ng bumili kang mga piyesa ng computer?” tanong ni Vincent.
“Oo. Medyo malaki nga ‘yung pinagbago niya, pero nakilala ko pa rin siya. Alam mo, kahit kailan, hindi ko nakalimutan ‘yung hitsura niya.”
“Ba’t di ka sa SM Pampanga pumunta?”
“Eh wala ro’n hinahanap ko, eh. Out of Stock.”
Naglagay si Vincent ng isang dakot na sitsirya sa kamay saka kinain. “Nakita ka ba niya? Hindi ba kayo nagka-eye contact?”
“Hindi. Sa iba siya nakatingin.” Kumuha si Ricky ng isang plastic ng sitsirya. Binuksan niya iyon at nagbuhos ng ilang piraso sa bibig niya. “Kung sa direksyon ko man siya nakatingin, di niya rin ako makikita kasi tinted ‘tong salamin ng kotse ko.” Bumuntung-hininga si Ricky bago nagpatuloy. “Pakingshit, boi. Kinilabutan ako. Pagkauwi ko, kinandado ko kaagdad ‘yung pinto. May aayusin sana akong program no’n, kaso, ewan. Nawala ako bigla sa mood. Halos hindi ako nakatulog no’n. Hinanap ko agad ang kontak mo. Ewan. Ikaw lang ang unang pumasok sa isip ko na hingan ng tulong. Medyo nahirapan pa akong hanapin ‘yung cell phone number mo. Tatawagan sana kita no’n, kaso shocked pa ‘ko no’n. Halos di ako maka-function.”
“Kailan mo nga siya nakita?”
“Nu’ng araw bago mo ‘ko tawagan. ‘Kala ko nga nagkataon lang na tinwagan mo ako sa gano’ng sitwasyon. Nakita mo rin pala. Medyo naginhawa na ‘ko no’n. Nu’ng sinabi mong lalaban tayo, do’n ako medyo kinabahan. Hindi na kasi ako kasing tapang no’ng dati. Di ko nga sigurado kung talaga bang matapang ako sa simula pa lang.”
“Napilitan ka lang ba pumunta ngayon?” pabirong tanong ni Vincent.
“Hindi, ‘no. Alam ko talagang kailangang gawin. Saka sa susunod sisguraduhin ko nang do’n siya mahuhulog sa ilog na puro buwaya para sureball na patay na. Eh walang nagawa ‘yung itak saka malaking bato. Buhay pa rin ang loko.”
“’Wag mo kasing isiping normal siyang tao. ‘Wag mo siyang maliitin. Isipin mo, somehow, mutated siya. Mahirap patayin. Parang ‘yung ibang mga slasher sa horror movies. Gano’n.”
“Kung ano-ano na nakukuha mo sa mga binabasa mong libro. Ilan na ba nasusulat mong libro? Imposibleng sa dami ng binabasa mo no’n, hindi ka nakapagsulat.”
“Hindi ako naging author.”
“Eh, ano?”
“Teacher.”
“Mainam na rin ‘yan. Pero kung gusto mo talagang magsulat, isingit mo sa time mo. Malay mo maging kasing galing mo si Stephen Hawking.”
“Stephen Hawking?”
“’Yung writer ng It. ‘Yung may clown. Nakita ko lang sa internet.”
“Tangek. Stephen King. Hindi Hawking.”
“Eh gano’n na rin ‘yun.”
Biglang tumunog ang cell phone ni Ricky. Kinuha niya iyon mula sa bulsa. “Si ate. Tumatawag.” Sinagot niya ang tawag at tinapat ang cell phone sa tenga. “Hello?... oh. Ah... sorry nakalimutan kitang sabihan. Emergency lang, eh. Di na ‘ko makakasama... Eh sige kayo na lang... oo. Pasensiya na ‘ka mo... Oo. Sorry talaga. Nakalimutan lang. Sobrang busy ko di ko na naasikaso... sige. Bye.” Naputol ang tawag.
“Ano sabi?” tanong ni Vincent.
“Nakalimutan ko pupunta nga pala kami dapat do’n sa kapatid ni Lola sa Albay. Magkikita sana kami ngayon sa bahay ni Ate. Eh hinihintay ako ngayon. Nakalimutan ko silang sabihan.”
“Ah... Eh pasensiya na ‘ka mo. Naistorbo ko pa ata dalaw n’yo.”
‘De. Okay lang,” sabi ni Ricky saka ibinulsa ang cell phone.
Nagkuwentuahn pa ang dalawa habang hinihintay ang pagdating ni Benjie. Binalikan nila ang mga alaala at nagtawanan habang kumakain ng maalat na itsirya.
----------------------------
Alam niya mula sa puwesto niya na masayang nagkukuwentuhan ang dalawa habang kumakain ng mga sitsirya.
Gusto niya uli bumili ng strawberry ice cream, pero wala siyang barya sa bulsa. Nasa sasakyan pa niya ‘yung wallet niya. Saka na lang siya bibili uli.
Ang tagal ng isa, sabi niya sa isip. Ayon sa narinig niya, dalawa ang pupunta. Isa na lang ang hinihintay.
Ayos talaga ‘yung nabili niya. Salamat sa teknolohiya.