Kabanata 5: Uwian

2837 Words
2015 “Tangina neto,” sabi ni Miguel. “Di ka nga mamamatay, bugbog sarado ka naman.” Natuloy ang lakad nila sa palengke para bumili ng fish ball. Walang puwedeng makainan sa lugar na iyon kaya laging sa harap ng convenience store sa bayan sila tumatambay. Hindi naman malayo ang tinatambayan nila sa binilhan nila ng fishball kaya nilakad na lang nila iyon. Bumili sila ng softdrinks at ilang sitsirya para ligal na makapuwesto sa kainan na iyon. “’Tarakyo,” sabi ni Louis. Siya ang may pinakamaraming binili na fishball. Punong-puno ang cup niya ng fishball at ng sarsa. Nangangalahati na rin ang laman ng bote niya ng soft drink. “’Kala ko mamamatay ka na kanina, Benjie.” Napansin ng magkakatropa na bumalik ang malokong ngiti ni Benjie. Halata na ang pagluwag ng pakiramdam nito at saya. Habang walang nakatingin, pinagpalit niya ang cup niya ng fishball sa cup ni Jerry dahil mas marami pa ang fishball nito. Ramdam ng pito ang ginhawa ng kaibigan. Hindi rin nila mapigilang ngumiti. “Ano ba ‘yan, Louis! Sobra pa sa ‘ming anim ‘yang binili mong fishball.” Hindi nakakatawa ang biro, pero tumawa ang mga katropa para makisaya. “Ba’t parang umonti fishball ko?” sabi ni Jerry. “Naniniwala talaga kayo na hindi si Kapitan Jojo ang nagpatumba kay Mang Danny?” pabulong na tanong ni Vincent. Ubos na ang kinakain niyang fishball kaya nagbukas na lang ng isang plastic ng sitsirya. “Loko, hindi,” sabi ni Miguel. “’Pag sinabi nating naniniwala tayong tatay niya ang pumatay kay Mang Danny, lagot tayo sigurado,” sabi ni Paul. “Pakingshit kayo,” sabi ni Ricky. “Hinaan n’yo boses n’yo. Daming tao rito.”  “Naniniwala ka ba Benjie na hindi ka gagasuhin ni Kapitan Jojo? Sigurado ka bang hindi magsusumbong ‘yong si Jimboy?” tanong ni Vincent habang diretso ang tingin kay Benjie. Naramdaman uli ni Benjie ang bigat ng kamay ni Jimboy sa balikat niya, pero sinikap pa rin niya panatilihin ang ngiiti. “Eh medyo ano, medyo naniniwala naman ako sa kanya,” sabi niya sabay kamot sa ulo. “Medyo?” tanong ni Jerry, nagtataka pa rin kung bakit kumonti ang fishball niya sa cup. “Naalala n’yo ba si ano, ‘yung nasa katabi nating seksyon. ‘Yung malaki ‘yung butas ng ilong,” pinalagitik ni Benjie ang mga daliri habang inaalala ang pangalan. “Ano pangalan? ‘Yung semi-kalbo. ‘Yung mukhang unggoy.” “Ah…” sabi ni Paul. “Si ano, si Robert.” “San Juan o  San Pablo?” tanong ni Miguel. “San Pablo. Jobert ‘yung isa. Jobert San Juan.” “Ayon,” sabi ni Benjie. “Si Robert. ‘Yung sinabihan ko no’n na baka masinghot niya ‘ko,” bahagyang siyang natawa. “Kung wala lang ako no’n,” sabi ni Paul. “Baka inupakan ka n’on. Takot sa ‘kin ‘yun, eh.” “Basta ayon. Tingnan n’yo naman kasi. Di ba nakipagsuntukan siya no’n kay Jimboy, pasukan na pasukan ata ‘yon, o second day.” “Ah, oo,” sabi ni Vincent habang pasimpleng tumutuhog ng fishball ni Ricky. “Nu’ng inasar niya na mukhang itlog ‘yung kaklase niya. Si Kim. Tapos akala ni Jimboy siya ‘yung inaasar ni Robert.” “Oo. Ode nagsuntukan sila. Curious George laban kay Humpty Dumpty. Tingnan n’yo, pinatumba ba ni Kapitan Jojo si Robert?” Umiling ang ilan sa kanila. “Kung gano’ng dahilan lang, eh hindi naman siguro ako pagdidiskitahan ni Kapitan. Hindi naman ikamamatay ni Jimboy kung asarin ko siyang damulag.” “Pakshit ka ‘wag mo kalimutan nadamay pa sina Paul at Jerry,” sabi ni Ricky, hindi namamalayan ang pagkonti ng fishball niya sa cup. “Eh kasi naman,” sabi ni Louis, “bugbog si Robert. Olats. Talagang hindi na niya papatumba pa si Robert. Eh kung bugbog sarado ni Robert si Jimboy, baka do’n magkaproblema.” “Eh ‘yon na nga eh,” sabi ni Benjie. “Tingin mo ba kakayanin ko ‘yung si Jimboy? Eh parang The Rock ‘yun. Kung nabugbog niya ‘ko, kami pala nina Jerry at Paul,” binatukan siya ni Paul. “Ede tapos na. Wala nang problema pa.” “Siraulo talaga nito. May sayad,” sabi ni Miguel, wala nang halong pambibiro. “Hindi ka nga mapapatay ni Kapitan Jojo…” “Pakingshit ka, Miguel. Hinaan mo.” “Hindi ka nga mapapatay ni Kapitan Jojo,” mas mahinang sabi ni Miguel. “Mapapatay ka naman sa bugbog ni Jimboy. Sigurado ka bang hahayaan ka na lang niyang mabuhay?” “Grabe naman ‘yon. Hindi naman siguro ga’nong kasamang tao si Jimboy. Saka tingnan mo nga si Robert, buhay pa. Inagaw nga ‘yung girl friend mo.” “Gago,” sabi ni Miguel sabay sampal nang mahina kay Benjie. “Nagdyi-gym kahit papa’no si Robert. Eh ikaw napakapayat mo. Isang bahing mo lang, kalas ‘yang mga buto mo.” “Eh nandito naman sina Jerry at Paul. Sila bahala sa ‘kin.” Binatukan ulit siya ni Paul at initsahan ng isang piraso ng fishball. Pansin ng anim na medyo matamlay si Jerry. Ramdam nila ang takot nito. Mas takot pa ito ngayon kaysa kay Benjie na sanay sa gulo. “Basta di ubrang gano’n,” sabi ni Vincent. Di na siya dumudukot ng fishball kay Ricky. “Hindi puwedeng papabugbog ka lang. Ano ka, masokista?” “Saka pito tayo,” sabi ni Louis. “Kaya natin ‘yun.” “Di ubrang papatol tayo. Iiwas lang. Pero dapat magkakasama pa rin tayong pito para safe.” “Badtrip ka kasi, Benjie, eh. Mukhang madadamay pa kaming apat,” paninisi ni Miguel. “Sinabi niya ba sa ‘yo, Benjie, kung kailan?” tanong ni Vincent. “Hindi sinabi. Hindi naman kanina nu’ng lumabas tayo ng gate. Di naman tayo binalingan no’n. Malamang bukas.” Nagkuwentuhan pa sila ng kaunti, wala nang kinalaman sa problema nila. Pinahintulutan nila ang mga sarili na sumaya nu’ng hapon na ‘yon. ‘Pagkatapos ng ilang minuto pang tawanan at kuwentuhan, naghiwalay na rin sila ng landas. Magkasabay umuwi si Louis at Miguel dahil pareho sila ng baranggay. Madalas wala sa bahay ang mga magulang ni Miguel dahil may trabaho. Ang kasama lang niya sa bahay ay ang dalawang batang kapatid na siya na rin ang nag-aasikaso. “Nag-uwi ka kuya ng isaw?” tanong ng anim na taong kapatid na babae ni Miguel na si Lyka nang makita ang kuya na umuwi. “Hindi,” tugon ni Miguel. “Sarado sila ngayon eh.” “Sayang naman,” malungkot na sabi ng bata. “Ano ulam natin ngayon?” “Magluluto na lang ako ng itlog.” “Ay kuya, ako na ang magluluto. Di ba marunong na ‘ko?” “Ako na, Lyka. Baka mapaso ka pa.” “Sige na nga.” Inalis ni Miguel ang bag sa likod at umupo sa sofa saka binuksan ang TV. “Oy, kuya, ba’t ngayon ka lang umuwi?” tanong ng walong taong kapatid na lalaki ni Miguel na si  Andrew. “Tigilan mo na muna ko’t pagod ako,” tamad na tugon ni Miguel. “Barado uli ‘yung inidoro.” “Ah, leche.“ Nag-iisang anak si Louis. Kasama niya sa bahay ay ang tatay niya. Kasalukuyang wala ang nanay niya dahil lumuwas ito para dumalo sa libing ng isang kamag-anak. “Nagfishball ba uli kayo?” tanong ng tatay ni Louis nang makita siya nitong umuwi. Kasalukuyan nitong inaayos ang washing machine nilang nasira. “Opo,” tugon ni Louis. “DI ba sumusobra ata pagkain n’yo ng fishball? Baka naman magkasakit na kayo niyan. Subukan n’yo namang kumain ng iba.” “Eh nasanay na lang kami na laging fishball, eh.” Pumasok si Louis sa kuwarto niya’t nagbihis. Nang lumabas ay sinabihan siya ng tatay niya. “Pasaing na nga, Louis. Pakihugasan na lang ‘yung kladero sa lababo.” “Apat uli?” “Oo. Bukas pa uwi ng nanay mo. Do’n na siya matutulog kina tita Imelda.” Ang lima pang natitira ay magkahiwalay ng baranggay. Umuwi na rin sila sa kanya-kanyang tahanan. Umuwi si Ricky sa bahay ng lola kung sa’n siya kasalukuyang nakikitira. Naabutan niya ang lola niya na nagtitiklop ng mga damit. Lumapit siya rito’t nagmano. “Ba’t ngayon ka lang?” “Nagfishball uli kami, eh.” Binaba ni Ricky ang bag niya sa lamesa. “’Wag mong ipatong diyan at madumi pa ‘yang mesa. Hindi ko pa nalilinis.” Kinuha ni Ricky ang bag niya’t pinasok sa kuwarto niya. Doon na rin siya nagbihis. Nang makalabas ay tinanong siya ng lola niya. “Gusto mo raw bang umuwi sa Sabado?” “Bakit? Ano meron?” “Eh nag-aaya ‘yung ate mo ng swimming. Kakasuweldo lang, eh.” “Eh hindi na ‘ka mo. Mapapagod lang ako.” Si Jerry naman ay ulila sa ina at kasalukuyang nakikitira sa mga tito’t tita kasama ang dalawang pinsan. Naabutan ni Jerry ang dalawang halos kasing edad na babaeng pinsan na abala. Ang isa ay gumagawa ng assignment, at ang isa ay naghihiwa ng mga gulay. “Wala sila tita?” tanong niya sa mga ito. “Wala. Bumili ng bagong electric fan,” tugon ng gumagawa ng assignment. Hinubad ni Jerry ang polo at umupo sa sofa. “Jerry, may gagawin ka ba ngayon?” tanong ng pinsan niya sa kusina. “Wala naman, Bakit?” “Patulong naman akong maghiwa nitong mga gulay.” “Sige sige. Magbibihis lang ako.” Ang inuwian naman ni Vincent ay ang umampon sa kanya at mga kinikilala niyang mga magulang. Ayon sa kuwento ng mga ito, natagpuan lang si Vincent sa isang basurahan sa Quiapo. Sumikat daw ang kuwento na iyon nu’ng 1997. “Sa susunod agahan mo uwi, ha,” sabi ng kinikilalang nanay ni Vincent nang makita siyang umuwi. “Opo. Nagkayayaan lang uli sa fishbolan. Nasa’n si papa?” “Nasa tindahan pa. Marami raw customer, eh.” Ibinaba ni Vincent ang bitbit na bag at umupo sa sofa. “Magsasaing pa ba ‘ko?” tanong niya. “Hindi na. Magra-Rafael’s Pizza na lang daw tayo.” Si Paul naman ay umuwi sa tintirhang bahay ng lolo. OFW ang ina niya at ang tatay ay nadestino sa malayong lugar. Hindi pa alagain si Mang Pol. Malakas pa ang katawan nito’t nagtatrabaho. “Ano ‘yang dala mo?” tanong ng matanda sa apo. Nililinis nito ang case ng koleksiyon niya ng mga CD ng mga pelikula. “Tinumis, ‘lo. Ubos na raw ‘yung chicken curry eh,” tugon ni Paul. “Magluluto sana ako ng pritong talbos ngayon eh.” “Bukas na lang. Almusal.” Pumasok si Paul sa kuwarto niya’t nagbihis. “Kakain na ba tayo, ‘lo?” “Maaga pa. Wala pa atang ala-sais.” Si Benjie ay ulila sa ama at ang nanay at kuya lang ang kasa-kasama. Kamamatay lang ng tatay niya no’ng nakaraang taon. “Nagmerienda uli kayo sa bayan?” tanong ng nanay ni Benjie sa kanya nang makauwi. “Oo, ma,” tugon ni Benjie. “May natira pa ba diyang banana cake? Medyo gutom pa ‘ko, eh.” “Tingnan mo riyan sa ref kung meron pang natira ‘yung kuya mo.” Binuksan niya ang ref at nakita ang nangalahating banana cake na nasa tray. “Kuya! Kakainin mo pa ba ‘to?” “’Yung alin?” nasa loob ng kuwarto ang kuya niya. “’Tong banana cake.” “Sa ‘yo na.” Kinuha iyon ni Benjie sa loob ng ref at kinain. -------------- “Aba, ano na naman ang nabasag mo?” tanong ng nanay ni Benjie sa kanya. “O baka naman may inorder sa do’n sa online shop na hindi mo kayang bayaran. Nakalimutan ko pangalan. Basta, sinasabi ko sa ‘yo, kuku’nin ko sa baon mo ‘yung pambabayad ko.” “Grabe naman ‘tong si Mama,” sabi ni Benjie. Nakagayak na siya papuntang eskuwelahan. “Porque nangyakap lang may kailangan agad?” “Eh kasi naman ngayon mo lang ginawa. Kakaiba, eh.” “Eh wala. Naisip ko lang yakapin ka,” pinipilit pigilan ni Benjie ang patulo ng luha. Ayaw niyang umiyak, lalo na sa harapan ng nanay niya. “Bawal ba?” “Eh siguraduhin mong magiging consistent ka,” hinalikan nito si Benjie sa pisngi. “Ingat ka.” “Bye.” Pakiramdam ni Benjie, ito na ang huling pamamaalam niya. Tingin niya ay nag-ooverreact lang siya, pero malakas ang pakiramdam niya na tatapusin na siya ni Jimboy. Hindi pangkaraniwan si Jimboy. Hindi niya ito puwedeng ihalintulad sa pangkaraniwang bully. Buhay ang maitataya rito. Masama rin ang tingin niya sa sarili dahil sa kawalan ng pagtitiwala sa mga kaibigan. Hindi siya mapanatag kahapon kahit sinigurado ni Vincent na sila ang bahala. Sumakay siya ng jeep papuntang eskuwelahan. Ang araw na ito ay ilan sa mga bihirang araw na papasok siya nang maaga. Madalas siyang late sa school. Sinadya niyang agahan ngayon para hindi niya maabutan sa labas ng eskuwelahan si Jimboy. Madalas din ma-late si Jimoy sa klase, nauuna lang nang kaunti kay Benjie. Napansin niya na wala si Jimboy sa labas ng eskuwelahan. Iilang estudyante lang na hindi niya kilala. Ayos. May ilang oras pa siya para maikondisyon ang sarili. “O, maaga ka ata ngayon?” bati sa kanya ng guwardiya ng eskuwelahan. “Eh maaga pong nagising, eh.” “Alam ko kahit maaga kang magising eh late ka pa ring papasok.” Tumawa si Benjie. “Ba’t n’yo alam?” Iilan pa lang ang estudyante sa loob ng eskuwelahan. Halos isa’t kalahating oras pa bago magsimula ang klase ng mga estudyante. Hinahanap niya ng tingin si Jimboy. Sigurado siyang hindi siya sasaktan nito sa loob ng eskuwelahan, kaya ligtas pa siya sa ngayon. Mamayang uwian siya dapat mag-alala dahil malamang ay aabangan siya ni Jimboy sa labas. Nakita niyang nakatambay sa ilalim ng silong ng puno ng Acacia si Vincent, nagbabasa ng libro. Pangkaraniwan na ito tuwing umaga sa Colegio de San Ildefonso. Tila hindi kumpleto ang kapaligiran sa loob ng eskuwelahan kung walang lalaking malaki ang ulo at walang leeg ang nagbabasa ng libro sa ilalim ng silong ng Acacia. Madalang siyang maunahan ng ibang estudyante sa puwesto na iyon. “Ano na naman ‘yang binabasa mo?” tanong ni Benjie nang lapitan si Vincent at tabihan siya sa bangkô. “Fifty Shades? Maganda movie n’on. Hehe.” “Tukmol,”mahinang sabi ni Vincent. Nilagay niya sa loob ng bag ang binabasang paperback copy ng Pet Sematary ni Stephen King. Kadalasan ay hindi siya namamansin kapag nagbabasa, pero ngayon, espesyal ang umaga. “Ano. Oks ka pa?” “Bakit?” “Eh, di ba, bubugbugin ka ni Jimboy?” “Oo. Kaya nga ako pumasok nang maaga para di ko siya maabutan sa labas ng gate.” “Natatakot ka pa rin ba?” “Eh sino ba namang hindi matatakot. Pero okay na ‘yon. Kaysa naman mamatay.” “Alam ba ng mama mo?” “Ba’t ko naman sasabihin? Baka ano pang mangyari. Baka magsumbong pa sa baranggay ‘yon o magsampa ng kaso. Ano tawag do’n? ‘Yung binabantaan? Treat?” “Threat,” sabi ni Vincent. “Tingin mo ba papayag kami nang gano’n lang? gagano’nin ka lang? “Kung gusto n’yong mapalala ang gulo, di kayo papayag at mangingialam pa kayo. Kung gusto n’yo matapos na agad, eh hindi na kayo mangangailam.” “’Wag ka ngang masyadong makasariling tukmol ka,”may inis na sabi ni Vincent. Diretso ang tingin nito kay Benjie. “Hindi lang naman kasi ikaw ang madadamay. Kung ikaw, masokista ka at okay lang sa ‘yo ang mabugbog, isipin mong iba sa ‘yo ‘yung dalawa.” Nawala sa isip ni Benjie na damay nga pala si Paul at Jerry. Ang dalawang pinakamatino sa tropa. “Eh pa’no nga. Baka kung ano pa’ng mangyari.” “Basta tayo’ng bahala. Pito tayo. Lima lang ata sila. O apat. Basta. Lalaban tayo kung hindi tayo makakaiwas. ‘Pag nagbanta na si Jimboy na papatayin niya tayo, o ipapapatay sa demonyo niyang tatay, saka tayo humingi ng tulong sa pulis. Di puwedeng wala silang magagawa.” “Pero, ano…” “’Wag na nga muna nating pag-usapan ‘to. Nauurat lang ako, pucha. Magbabasa muna ako. Manood ka muna ng p**n sa cell phone mo.” “Kung mama mo ang mama ko, puro latay ‘yang bibig mo. Saka di na ako nanonood ng bastos. Good boy na ‘ko,” umupo si Benjie sa tabi ni Vincent. “Kumusta na kayo ni Ariel?” “Wala akong pakialam sa kanya. Magsama silang dalawa ng ungas na Kenneth na ‘yon.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD