2015
“Pakshet ka, boi!” sigaw ni Ricky matapos agawin ni Vincent ang sitsirya niya.
“Isang alibaba lang. Damot mo, poon!” sabi ni Vincent. Isa ito sa mga pang-asar ni Vincent kay Ricky dahil hindi ito katangkaran at medyo maitim. Kulot din ang buhok, parang kay Sto. Nino.
“Okay lang poon. Kesa naman sa ‘yo. Mataba. Tapos wala pang leeg!”
“Hoy. Mas mataba pa sa ‘kin si Louis. Saka ano naman kung walang leeg?”
“Walang leeg saka malaki ulo,” asar ni Ricky sabay tawa.
“Bugok. Poon!” wala nang ibang maisip na pang-asar si Vincent.
Naghihintay sila sa ilalim ng punong acacia ng oras ng uwian. Malawak ang square ng Colegio de San Ildefonso kung nasa’n sila nag-aaral. Magkakalayo ang mga building. Bukod-bukod base sa curriculum. May mangilan-ngilang estudyante ang palakad-lakad sa labas. Karamihan ay kaklase nila Vincent. Maagang dinissmiss ang section nila ng guro, pero ang pinayagan lang lumabas ay ‘yung mga nakatapos sa activity. Pero ang oras ng pagbukas ng gate ng eskuwelahan ay alas kuwatro. Halos apat na pung minuto pa sila maghihintay. May ilang teacher ang napapadaan sa harap nila at tinatanong kung bakit nasa labas na sila sa oras ng klase.
“Eh, maaga po kami pinalabas ni sir Joaquin,” laging sagot nila.
Parehong na-low bat ang cell phone nila kaya wala silang magawa kun’di ngumata ng sitsirya at maghanap ng ibang pagkakaabalahan. Nililibot ng mga mata ni Vincent ang paligid. Iniiwasan niya ang tingin ng mga hindi kakilalang kaeskuwela. Ayaw niya sa mga hindi niya kilala. Si Ricky naman ay abala sa pag-aral ng mga codes na nakasulat sa notebook niya.
“Ano ba ‘yan,” sabi ni Vincent. “Pahinga mo nga ‘yang mata mo, boi. Puro ka programming.”
“Eh wala akong magawa eh,” sabi ni Ricky. “Pakshit kasi ‘yung guwardiya. Matigas.”
“Ginagawa lang niya ‘yung trabaho niya. ‘Pag pinalabas niya tayo nang maaga nang walang consent galing sa principal eh siya ang mananagot ‘pag naaksidente tayo.”
“Tigilan mo ako sa mga s**t mo. Ba’t ba ang tagal n’ung lima?”
“Tinatapos pa ‘yung mga activity. Mga boang kasi. Nagpa-petiks-petiks. ‘Kala nila madali lang ngayong sem.”
“Oo nga. Mga tamad,” sabi ni Ricky saka tumawa.
“’Wag ka mayabang, tukmol. Pinakopya lang kita.”
“Pakyu.”
Nagulat si Vincent nang may mahinang humampas sa ulo niya.
“Ala ‘to,” sabi ni Miguel. Nasa likod niya si Louis. “Hindi ako pinakopya!” Sa kanilang pito, si Miguel ang pinakamatipuno dahil banat ito sa trabaho no’n sa construction na ngayon ay hininto na niya.
“Umabot ka ng grade 12 nang puro kopya lang?” tanong ni Vincent.
“Eh ba’t si Rickyboy pinakopya mo?”
“Hindi ako nangopya, pakingshit ka.”
“Wala ka na bang ibang maisip na mura?” sabi ni Louis. “Try mo ‘yung mga tagalong.”
“Nasa’n na ba sina Benjie?” tanong ni Ricky.
“Nauna nang lumabas sa ‘min ‘yun. Kasama ni Benjie si Jerry saka si Paul. Ba’t ba wala pa rito? Baka di kayo nakita?”
“Alam naman nila kung sa’n kami mahilig tumambay,” sabi ni Vincent.
“Eh bahala sila. Maiwan sila.” Nagplano ang magtotropa na kumain sa paborito nilang fishbolan na makikita sa palengke saka nila kakainin sa harap ng isang convenience store sa bayan kung saan sila madalas tumatambay pagkatapos ng klase. Naging tradisyon na nila ‘yun tuwing uwian. Minsan di nila nagagawa dahil sa absent ang isang miyembro o kailangang umuwi agad.
Nakita ni Miguel ang tatlo, papunta sa kanila. “’Yun na pala sila.”
Nang makalapit ang tatlo, napansin nilang walang ngiti sa mga labi ni Benjie. Parang hindi normal iyon. Si Benjie ang kenkoy ng tropa. Laging may bagong biro kaya nakangiti. Minsan, may balak lang mamuwiset. Pero ngayon alam nilang may mali kay Benjie. Malungkot na may halong pag-aalala ang ekspresyon ng mukha nito. Parang namatayan ng alagang aso.
“Sa’n kayo galing?” Tanong ni Vincent. Kumpleto na silang pito. Nakaupo sila. Apat ang kasya sa mahabang bangko. Tatlo ang nakaupo sa bato na pangdisenyo sa landscape ng eskuwelahan.
“Umihi lang kami ro’n sa likod,” si Paul ang sumagot. Ang pinakamatanda at pinakamatangkad sa tropa.
“Kadiri talaga kayo!” sabi ni Ricky. “Kaya pala ang panghi ro’n minsan ta’s di nagbubuhos!”
“May submarine sa inidoro,” si Jerry ang sumagot. Ang pinakamahinhin at pangalawa sa pinakamatanda. Puwedeng masabing ang pinakamatino sa magkakatropa. “Salahula ‘yung mga gumagamit.”
Sa kanilang kuwentuhan ay hindi nagawang magsalita ni Benjie. Siya ang pinakamadldal at maraming kuwento, kaya hindi sanay ang tropa sa katahimikan nito.
“Ba’t tahimik ‘tong si Benjie?” tanong ni Vincent. “Confirmed ba na may AIDS ka?”
Si Paul uli ang sumagot. “Eh si bugok kasi. Inasar na Damulag si Jimboy.” Si Jimboy ang kilalang siga ng eskuwelahan. Maraming takot sa kanya di dahil sa tapang nito. Hindi rin dahil sa apat niyang ka-resbak, kundi dahil sa tatay niyang si Kapitan Jojo. Maraming naghinalang si Kapitan ang nagpatumba sa kakompetensiya nito sa eleksiyon dalawang taon ang nakalipas. Siya rin ang sinisisi sa pagkamatay ni Mang Danny, isang mabait na magsasaka sa bayan ng San Ildefonso. Habang nagmomotor ang matanda, aksidenteng nabunggo nito si Jimboy. Humingi ang matandang magsasaka ng dispensa sa pamilya ni Jimboy. Hindi na pinalala pa ang gulo dahil kaunting galos lang tinamo ng binata. Pero makalipas ang mahigit isang lingo, natagpuan si Mang Danny sa loob ng bahay, wakwak ang leeg, naliligo sa sariling dugo. Nang malaman ito ng mga tao, pinaghinalaan nila si Kapitan Jojo. Pero walang ebidensya laban sa kanya. Bale wala ang pagsampa ng kaso ng pamilya ni Mang Danny.
Dahil sa insidenteng ito, natakot na rin ang mga tao kay Jimboy. Wala nang gustong lumapit sa kanya. Malaking palaisipan kung bakit may mga kaibigan pa siyang handang sumama sa isang demonyo. Malamang ay dala ng takot na baka pagdiskitahan sila kapag lumayo sila.
Kaya naiintindihan nila kung bakit gano’n na lang katahimik si Benjie. Halata na ang panginginig ng mga kamay niya. May mga butil na rin ng pawis na namumuo sa noo niya. Nangingilid na ang kanyang luha.
“Akala niya kasi mahina ang bulong niya,” sabi ni Paul. “Nadamay pa kaming dalawa ni Jerry.”
“Si Benjie kasi eh,” sabi ni Jerry. Hindi nila masisi si Jerry sa paninisi kay Benjie dahil hindi rin ito sanay sa gulo. Natatakot din siya gaya ni Benjie. Gano’n din si Paul, pero sinisikap nitong hindi ipahalata.
Ang oras ng paghihintay ng uwian ay puno sana ng tawanan at lokohan, pero hindi nila nagawa iyon ngayon. Para silang nagluluksa.
“Pa’no na ‘yun, boy?” sabi ni Benjie, nanginginginig ang boses. “Yari ako nito.”
Hindi agad nakasagot ang anim niyang kaibigan. Malaking dagok ito sa kanila, maging sa apat na nakaligtas sa banta ni Jimboy.
Tila naparalisa siya nang maramdaman ang mabigat na kamay na pumatong sa balikat niya. Lumingon siya at parang nakita na niya ang Diablo. Nakita rin ng anim kung sino ang nakatayo sa likod ni Benjie. Napatayo sila mula sa kinauupuan nila, maliban kay Benjie na hindi pa rin halos makagalaw. Hindi maka-isip ng sasabihin ang magtotropa. Alam nilang malaki ang posibilidad ng paglala ng problema kapag binuka pa nila ang mga bibig nila.
Wala ang apat pa na kasama ni Jimboy. Nag-iisa lang siya, pero iba ang dating nito sa pitong magkakatropa. Nasa harap nila ang sumbungerong anak ng diablo. Malaking tao si Jimboy. Mas malaki siya sa karamihan ng mga estudyante at guro. Kayumanggi ang kulay ng balat at makinis ang ulo. Para siyang pinoy version ni Dwayne Johnson. Pero sa kabila ng laki ng katawan nito, hindi lingid sa isip ng iba ang liit ng utak nito. Pero hindi na nakakapagtaka kung bakit nakatuntong pa siya ng kolehiyo sa kabila ng maliit na kapasidad sa pag-aaral.
Sa kanilang pito, si Benjie pa ang nagkaroon ng tapang na magsalita, “Jimmiboy. Hindi nam—“ Bumigat sa balikat niya ang kamay ni Jimboy kaya napahinto siya sa pagsasalita. Pakiramdam niya nabali ang buto niya. Gustong sumaklolo ng anim, pero hindi sila dinapuan ng lakas ng loob.
“’Wag kang mag-alala,” sabi ni Jimboy. Hindi kapani-paniwala ang binigkas nito. “Hindi ako magsusumbong kay tatay Kap. Hindi ako gano’n.”
Hindi napigilan ng pito na guminhawa ang pakiramdam. “Jimboy,” sabi ni Jerry. Hindi inaasahan ng lahat ang pagsasalita nito. Alam nilang maraming lakas ang ginagamit ni Jerry sa pagbigkas ng bawat salita. “Um… ano..”
“Putangina ka tumahimik ka,” mariin na sabi ni Jimboy. Hindi pa rin naaalis ang tingin nito kay Benjie.
Nilingon ni Vincent ang paligid. Tinitingnan kung may guro kahit sinong staff ang puwedeng sumaklolo sa kanila. Wala silang tagapagligtas ngayon. Ang guwardiya naman ay tulog.
“’Wag kayong maniniwala sa sabi-sabi na mamamatay tao sa tatay kap,” sabi ni Jimboy. “Puro kagaguhan lang ‘yung sinasabi ng mga ungas na ‘yon tungkol sa kanya. Naniniwala ka ba na si tatay kap ang pumatay kay Mang Danny, ha Benjie?” Lalo pang dumiin ang hawak nito sa balikat ni Benjie. Nagsimula na itong kumirot.
“Hindi,” mahinang sagot ni Benjie.
“Tangina lakasan mo,”
“Hindi.”
“Kayo? Naniniwala kayo,” bumaling ang tingin ni Jimboy sa anim. Nanlalaki ang mga mata nito’t nakangisi.
Umiling sila. Si Ricky ang may pinakamalakas na iling.
Muling bumalik ang tingin ni Jimboy kay Benjie. Hindi pa rin siya umaalis sa puwesto kanina. “Kaya ikaw, putanginaka,” bahagyang niyugyog ni Jimboy ang balikat ni Benjie. “’Wag kang matatakot kay tatay Kap. Hindi ka aanuhin no’n. Sa ‘kin ka matakot. Ako ang bubugbog sa ‘yo. Humanda ka. Hintay-hintay na lang.”
Bumitaw si Jimboy sa balikat ni Benjie saka umalis. Si Miguel ang agad na lumapit kay Benjie at tinapik ito sa balikat. “Okay ka lang?”
Hindi makapaniwala ang anim sa ngiti na gumuhit sa labi ni Benjie.