Kabanata 3: San Ildefonso

1964 Words
Kabanata 3: San Ildefonso 2027 Nagising si Ariel, ang asawa ni Vincent. Nakita siya ng asawa na nakatitig sa screen ng laptop kung saan naka-type ang mga contact info ng mga tinawagan. Pumasok ito at nilapitan si Vincent na nakapalungbaba sa lamesa. “Ba’t gisisng ka pa?” tanong sa kanya ng asawa. Gulo ang mahaba nitong buhok at halos nakapikit pa ang mga mata. Mapagkakamalan itong multo dahil sa dilim ng opisina ni Vincent. “May ano…” sinara ni Vincent ang Laptop. “May pinapaasikaso lang sa ‘kin ‘yung principal. Ginagawa ko na ngayon. Saka alas-onse pa lang. Maaga pa.” “Ba’t ba nakapatay lahat ng ilaw? Buksan mo ‘yung ilaw rito sa loob. Di ba masakit sa mata kapag nakatutok ka sa Laptop mo? ‘Di ba ayaw mo sa dilim?” Natutukso na si Vincent na sabihin sa asawa ang dahilan ng pagtatago niya, pero ayaw niyang pag-alalahin ito. Sasarilinin lang niya ang sitwasyon. At kung sakaling malaman ni Ariel ang mga nangyayari, may posibilidad na mangialam ito na magiging dahilan ng pagkapahamak nito. “Eh sayang ‘yung kuryente. Taas ng bill natin.” “’Wag mo nga akong pinaglololoko. Wala kang pakialam kung mataas o mababa bill natin. Sige ang paggamit mo ng computer para mag-internet.” “Basta. Hayaan mo na lang nakapatay. Medyo ano… basta. Eh ikaw. Ba’t gising ka pa?” kinusot ni Vincent ang mga mata niya. “Naiihi ako.” “Sige. Matulog ka na pagkatapos, ha. Marami pa akong gagawin.” “Eh ba’t sinara mo ‘yung laptop mo?” “Huh?” “Ano ‘yang tinatago mo?” “Kausap ko si ano... si Patrick.” “Di ba sabi ko ‘wag ka na makikipag-usap sa ex-convist na ‘yon at kita mo naman ‘yung mga kalokohan niya hanggang ngayon.” “Kaya nga sinara ko kasi alam kong magagalit ka.” “Tigilan mo na ‘yan, ha,” hinalikan siya ni Ariel sa labi. “Gunayt.” “Ginight.” Medyo natagalan din si Vincent kinabukasan sa pagkumbinsi sa asawa na may aasikasuhin silang mga teacher sa Aurora kaya mawawala siya ng isang lingo. Hindi niya sasabihin ang totoong pakay ng pag-alis dahil malamang ay pigilan siya ni Ariel. “Kahit tanungin mo pa si sir Philip.” Sinabihan ni Vincent ang kasamang teacher tungkol sa pakay niyang pag-alis at sinabihang sabihing totoo ang pakay sa Aurora kung sakaling tumawag ito  sa kanya. “Ba’t ba kasi walang paabiso ‘yang school n’yo?” “Nagback out daw kasi sa last minute si Ma’m Ilene. Eh kailangan pa raw ng isang kasama. Kaya... ayon.” “Kailan balik n’yo?” “After a week nga.” “Okay na ‘yung mga gamit mo?” “Oo. Nandito na sa bag,” hindi niya puwedeng sa loob ng bag na ito ay may baril din. Hindi niya sinabi  sa asawa niya na binili niya iyon kay Patrick bilang tulong nito sa pagpapagamot sa anak. Kumuha na lang din siya ng pekeng lisensiya kung sakaling makitaan siyang may baril. Wala siyang balak na mangyari iyon. Mukhang nakumbinsi ni Vincent ang asawa. Pinagpraktisan niya ang alibi na ito nu’ng gabi na iyon.“Ba’t ba naka-jacket ka pa, mainit sa labas.” “Kaya nga magdya-jacket eh.” “Saka naka-mask at salamin ka pa. Tapos na ang pandemic. Mag-move on ka naman.” Kung alam mo lang kung sino ang pinagtataguan ko, ipaparetoke mo pa ako. “Basta. Alis na ako. Dadalhan na lang kita ng sushi pag-uwi ko. Tulog pa sila?” “Oo. Gisingin ko na mamaya para gumayak.” “Sige. Sabihin mo na lang sa kanya na umalis ako. Sabihin mo bibilhan ko na lang sila ng laruan.” “Kunsintidor ka talaga!” sabi ni Ariel bago halikan ang asawa. “Ingat.” “’Ge,” sabi ni Vincent saka naglakad palayo. “O!” sigaw ni Ariel nang makitang ibang sasakyan ang gagamitin ni Vincent. “Kaninong sasakyan ‘yan?” “Inarkila ko. May sira ‘yung Ford. Kagabi lang. Bad trip nga eh. Wrong timing.” Inarkila niya ang sasakyan dahil may posibilidad na makilala ng lalaki ang sasakyang gamit niya kagabi. “Ano’ng sira?” “Sa ano... sa makina.” “Aba, malamang.” “Basta. Alis na ‘ko.” “Ingat.” Maagang umalis si Vincent kahit alas-otso pa ng gabi ang usapan nilang magkakaibigan. Dumaan siya sa sandali sa burol ni Louis. Tiningnan niya ang nakahigang bangkay sa loob ng kabaong. Malaki ang pinagbago sa katawan ni Vincent sa mga nagdaang taon. Tiningnan niya ang namumuti nitong mukha. Wala nang emosyon. Blangko na lang. Wala nang buhay. Sinayang ng lintek na kontrata. ‘Wag kang mag-alala, p’re. Kami na bahala sa kanya. Pahinga ka na. Nagpaabot pa siya ng pakikiramay sa nanay at asawa ni Louis na may bitbit pang sanggol. Kamukhang kamukha ng tatay niya. Sa kanyang pagmamaneho, maya’t maya ang lingon niya sa daan. Hindi pa niya nakikita ang lalaki. Kampante siyang hindi siya masusundan nito. Ayos lang sa gabi na sila magkita dahil malayo ang mga tirahan ng iba niyang kaibigan sa Baliuag. Mayro’n pa silang buong araw para asikasuhin ang dapat pang asikasuhin sa trabaho o pamilya. Pero kahit malayo sila, hindi parin sila ligtas. Maaaring sumulpot kung saan-saan ang kamatayan. Sa kanyang biyahe, hindi siya huminto at lumabas ng sasakyan. Nang makarating sa San ildefonso, nadaanan niya ang Colegio de San Ildefonso, ang eskuwelahan nilang magkakaibigan. Bumalik sa kanya ang mga ala-ala. Umalingawngaw sa kaniyang isipan ang kanilang tawanan at ang mga biruang hindi gugustuhing pakinggan ng ibang tao. Hindi niya napigilang ngumiti. Gusto niya sanang puntahan ang loob ng eskuwelahan, pero malamang ay hindi siya papayagan ng guwardiya dahil wala naman siyang pupuntahang estudyante o appointment. Lumabas siya ng sasakyan para mananghalian sa isang kainan sa bayan. Umorder siya ng sisig at dalawang cup ng kanin. Habang kumakain ay hindi nanatili sa isang direksiyon ang kanyang tingin. Nillibot nito ang algid sa anumang banta ng kanilang enemigo. Pero alam niya na hangga’t nakikita pa sa langit ang araw, ligtas siya. Malamang nasa Baliuag pa ang lalaki at hinahanap siya. Imposibleng masundan siya rito sa San Ildefonso ng gano’n gano’n lang. Para sa’n pa ang paggamit niya ng ibang sasakyan? Sinubukan niya uling tawagan ang cell phone number ni Jerry, pero wala pa ring tugon. Sumagi sa isip niya ang posibleng gawin ni Jerry dahil sa takot, pero kailangan niyang magtiwala sa kaibigan na kakayanin nito ang sitwasyon. Lalong mas hinihiling niya na magbago pa ang isip nito. Nang mapalapit na nang alas-otso, bumaba na siya ng sasakyan umupo sa isang monobloc sa tapat ng paborito nilang tambayan noon. Doon siya naghintay ng kanilang pagdating. Nakapatong sa mga hita niya ang kanyang bag. Nakabukas nang bahagya ang zipper nito. Kung sakaling kailanganin, ipapasok na lang niya ang kamay sa loob ng bag saka dudukutin ang baril. Kahit hindi man malamig ang ihip ng hangin ngayon, titindig pa rin ang balahibo niya. Kalahating oras na ang lumipas pagkatapos tumuntong ng alas-otso. Huminto ang ulan. Nag-iwan ng basang daan at malamig na hangin. Nilibang ni Vincent ang sarili sa paggamit ng mga book reviews sa cell phone, pero tinigil din nang mangalahati na ang baterya nito. Nanghihinayang siya na sana pala ay nagdala siya ng isang nobela para malibang ang sarili o kaya’y kuhanin ang mga binukod niyang magagandang essays na sinulat ng mga estudyante niya. Habang siya ay naghihintay sa mga kaibigan ay alisto siya. Palinga-linga siya sa paligid, lalo na sa kanyang likuran. Saglit siyang pumasok sa convenience store at bumili ng isang plastic na alibaba at tubig. Bigla niyang naalala si Ricky, ang lagi niyang inaagawan ng sitsirya. ‘Pag nagkita silang dalawa, ibibili niya ito ng isang kahon ng sitsirya bilang bayad sa lahat ng inagaw niyang sitsirya rito sa mga taong magkakasama silang magtotropa. Bumalik siya sa inuupuan at kinain ang biniling sitsirya. Iba na ang kalidad. Mas masarap at mas maraming laman ang dati nilang kinakain. Labing limang minuto na niyang kinakain ang sitsirya, pero wala pa rin sila. Nagmessage siya uli sa dalawang paparating na kaibigan. Sumuko na siya sa pagkumbinsi kay Jerry. Hindi niya ito puwedeng pilitin ngayong may sarili na itong buhay at may karapatang magdesisyon para sa sarili. Hindi na ito tulad ng dati na magagawa pa niyang pilitin. Nagtaka siya nang may dalawang batang naghahabulan ang napadaan sa harap niya. Gabing gabi na, nasa labas pa kayo. Nag-asaran ang dalawang bata. Isa ito sa mga dahilan kung bakit lumipat siya ng pagtuturo sa High School. Hindi niya kaya ang kulit ng mga bata sa elementarya. “Ah… pandak!”sabi ng hinahabol na bata. “Pandak! Pandak! Unano!” “Lagot ka sa ‘kin,” sabi ng batang humahabol. “Bakulaw!” At nagpatuloy sa takbuhan ang dalawa at nakalayo. May nabunggo pang isang matandang babae ang isang bata. Napahinto si Vincent sa pagnguya sa kinakaing sitsirya. Dito nagsimula ang lahat. Sa pang-aasar. Pero hindi na niya inalala iyon. Ayaw niyang maalala ang naging mukha ng masayahing si Benjie. Parang pipitik ang kaibigan habang nakapatong sa balikat nito ang malaki at mabigat na kamay ni Jimboy. Ayaw na niya makita ulit iyon, lalo na ngayon. Kahit sino sa kanila, ayaw niyang makitang gano’n sila katakot. Pamaya-maya ay tumiwag sa kanya si Ariel. “Hello?” “Hello. Bakit?” “Kumusta na? Nakarating na ba kayo riyan?” “Hindi pa. Nagstay muna kami rito sa isang hotel. Baka bukas makarating na kami.” “Ah... kumusta na? Kumainka na?” “Oo...Nag-u--....ado--...kon---...bee--...,” “Hello, choppy ka.” “Ha--...Bak----...signa---....” “Baka mahina signal diyan. Sige. Tawag na lang uli ako. Bye. Love you,” si Ariel na ang pumutol ng tawag, Epektibo ang pag-eensayo niya kanina ng tunog na choppy sa tawag. Gusto niya munang hindi makausap ang asawa ngayon. Ayaw niyang mawala ang tuon niya sa mga dapat niyang gawin kahit konti. Lumipas pa ang mga minuto at tinawag siya ng kalikasan. Nagsimulang mamuo ang mga butil ng pawis sa noo niya at tumindig ang mga balahibo niya sa braso. Wala pa siyang nakikitang pampublikong palikuran. Napamura siya sa isip. Tumayo siya para pumunta sa convenience store para bumili ng ano mang gamot na makakatulong sa kanya. Napahinto siya sa paglalakad nang marinig niya ang isang sasakyan na pumarada sa maliit na paradahan ng convenience store. Isang Hyundai Venue. Lumang modelo ng sasakyan.  ------------------------- Tama, sabi niya sa isip niya. Tuloy sila ngayon. Sabik na siyang makita silang muli. Magiging sulit ang hirap na dinanas niya para magkaroon ng ikalawang buhay. Sulit ang pagtitiis niya sa daan-daang iniksiyon at operasiyon. Sulit ang paghihintay ng halos labing dalawang taon. Kilala niya ang manggagamot niya na si Doc JR. Salamat kay Doc JR. Salamat sa pagkupkop sa kanya nito nu’ng bata siya. Si Doc JR ang nag-eksperimento sa kanya. Si Doc JR ang dahilan kung bakit siya hindi pangkaraniwan. Pero kahit hindi siya pangkaraniwan, nagawa pa rin siyang matalo. Palpak si Doc JR. Hanggang ngayon. Wala nang kakaiba sa kanya sa kanyang ikalawang buhay. Mahina na siya. Salamat kay Doc JR. Pinatay niya no’ng nakaraang buwan si Doc JR. Natutnaw na ang strawberry ice cream niya. Napatagal ang pagtitingin niya kay Vincent. Napatayo siya nang makita ang itim na sasakyan. Napatanong siya sa sarili kung isa kaya iyon sa grupo nila. Sana nga. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD