2027
Pati ang henerasiyon ng mga estudyante ngayon ng Colegio de San Ildefonso ay salahula. Halos mahilo na si Jerry sa nakakasulasok na amoy ng banyo na kanyang pinagtataguan. Tingin niya anumang oras ay tuluyan na siyang mahihilo at bubulagta na lang. Pero tinitiis niya ang hirap para manatiling buhay. Madiin pa rin siyang nakahawak sa sugat sa braso. Bahagya nang humupa ang hapdi nito.
Itong banyo ang lagi nilang ginagamit dahil malapit lang ito sa kanilang classroom. Wala na sa pader ang mga sinulat at drinowing nilang kung ano-ano. Napalitan na ng kabastusan ng mga bagong estudyante. Ang pinto ng banyo na iyon ay gawa sa plastic. May butas iyon na mas maliit lang nang kaunti sa bola ng table tennis. Doon siya sumisilip.
Kanina ay napagod na nang husto ang kanyang binti kakatakbo mula sa humahabol sa kanya. Halatang hindi kabisado nito ang loob ng eskuwelahan. May isang daan sa pagitan ng canteen at bodega ang may makipot na daanan papuntang area kung nasaan ang mga building ng grade 12 students. Nahaharangan iyon ng dalawang drum ng basurahan at mga sanga ng puno ng aratilis kaya halos hindi mo makikita ang daan na iyon kung hindi ka estudyante ng eskuwelahan.
Hindi rin agad nakita ni Jerry ang daanan na iyon dahil bukod sa madilim ay matagal na siyang hindi nakabisita rito, pero nang maging pamilyar pa siya sa loob ay bumalik sa kanya ang mga detalye at naalala nga niya ang shortcut. Nagpasalamat siya sa Diyos at hindi pa hinaharangan ang daan na iyon. Nilingon niya sandali ang likuran at saka humakbang sa mga nakaharang na basurahan at hinawi ang mga sanga ng puno. Dahan-dahan siyang tumakbo saka nagtago sa likod ng building ng bodega. Saglit siyang sumulip at nakita ang lalaki na tumakbo, nilampasan nito ang bungad ng dinaanan niya. Hindi siya nakita nitong dumaan sa shortcut. Tinunton niya ang building ng grade 12 at saka pumunta sa isa sa mga banyo na mapalpit do’n at pumasok.
Ngayon, inaabangan pa rin niya ang pagdaan ng lalaki. Plano niya itong gulatin at saka tagain gamit ang hawak na palakol, pero kailangan sapat ang lapit niya sa lalaki, kundi ay mababaril siya nang di man lang nadadampi ang talim ng palakol sa puntirya.
Kumakabog ang dibdib niya at malalim ang paghinga (sa kabila ng panghi sa loob). Naalala niya ‘yung thrill kapag naglalaro sila ng tagu-taguan at siya ang nagtatago. Pero ngayon, isa itong laro na nakasalalay ang buhay. Mataya, patay.
Ilang minuto pa siyang naghintay, at nang makasiguradong hindi na darating ang humahabol, nagdesisiyon na siyang lumabas. Pero bago pa man niya maikilos ang kamay para itulak ang pinto ng banyo, nakarinig siya ng mga mabibilis na yapak, parang tumatakbo. Nanatili siya sa loob, halos hindi na siya humihinga. Nakasilip pa rin siya sa maliit na butas ng pinto.
Nakita niya ang lalaki na tumatakbo, pero umiika-ika rin. Nakahawak ito sa tiyan. Nagpatuloy ito at nilampasan ang tinataguan niya. Naghintay uli siya ng ilan pang minuto, pinapakiramdaman ang paligid, bago buksan ang pinto. Bahagya niyang inilabas ang ulo saka nilingon ang paligid. Nang makitang walang tao, tuluyan siyang lumabas. Nilakad niya ang direksiyon kung saan tumakbo ang lalaki. Nakita niya ang mga patak ng dugo sa lupa na halos di makita.
Sinundan niya ang dugo habang nananatiling alisto, pero ilang hakbang lang ay wala na ang bakas. Hindi niya alam kung pa’no o saan nanggaling ang dugo ng lalaki. Hindi naman siya ang may gawa dahil n’on. Naisip niya na baka may ibang tao sa loob na nakaenkuwentro nito. Malakas ang loob niya na mga kaibigan niya iyon. Nagpatuloy siya sa paglalakad.
Muli niyang dinaanan ang shortcut, pero sa kabilang banda na siya nanggaling. Nang marating ang bungad, nagtago siya sa likod ng mga drum ng basura. Cylinder ang hugis ng mga ito at may maliit na espasiyo sa pagitan ng mga ito. Doon siya sumilip para siguraduhin na wala na ang naghahanap sa kanya. Kailangan niyang maging matalino. Hindi siya dapat sumugod lang dahil limitado ang kakayahan ng sandata niya.
Nang masiguradong walang tao, tumayo siya mula sa pagkakaluhod at humakbang sa mga basurahan. Hindi pa niya naiaayos ang tayo ay nakarinig na naman siya ng isang putok ng baril at kung ano’ng may tumama sa puno ng aratilis. Yumuko siya at hinanap ang pinanggalingan ng putok. Nandoon lang pala ang pinagtataguan, nakaupo sa estatwang bibe na nasa garden. Naghihintay. Umangat siya at tinalon ang mga basurahan. Mali na naman ang pagbagsak niya dahil muling kumirot ang napuruhan niyang paa. Lakad-takbo uli siya sa shortcut na iyon. Hindi na siya puwedeng magtago sa banyo.
Nakarinig siya ng mga mabilis na hakbang sa likuran niya. Alam na ng lalaki ang tungkol sa shortcut na dinaanan niya. Natutukso siyang ibalibag sa humahabol ang hawak niyang palakol, pero malaki ang tsansa na magmintis siya at mawalan ng armas.
Pagkaliko niya sa building ng bodega ay may nakasalubong siyang tatlong tao. Muntik nang mataga ni jerry ng palakol ang isa sa kanila. “Jerry?” sabi ng isa sa kanila. Hawak siya nito sa balikat. “Kami ‘to nila Benjie at Ricky.”
Hindi agad nakasagot si Jerry. Tinuro niya ang likod niya at sumigaw, “hinahabol niya ‘ko!”
Inihanda ng tatlo ang kanilang mga baril. Nakaramdam ng kapanatagan si Jerry. Walang laban ang isang baril sa tatlo. Nagtago siya sa likod ng mga kaibigan. Nakaunat ang mga braso nito hawak ang baril, inaabangan ang pagsulpot ng lalaki, pero hindi ito lumabas. Naghintay pa sila, pero wala pa rin. Kumilos na si Vincent kasama ang isang matipunong lalaki at lalaking kulot na nakasalamin. Alam ni Jerry na si Ricky ang lalaking kulot, pero hindi niya kilala ang matipunong lalaki.
Nagpaputok ng isang beses si Vincent at hindi na nasundan. “Wala. Wala siya,” sabi niya.
“Ano meron sa isang putok na ‘yon?” tanong niya.
“Nagpaputok agad ako pagharap ko sa shortcut, pero wala na siya ro’n. Habulin natin!”
Tumakbo sila sa shortcut at humakbang sa mga basurahan. Naaninag pa nila ang lalaki, pero malayo na. Hinabol nila ito. Nagpaputok ng dalawang beses si Ricky, pero walang kuwenta ito. Patuloy pa rin sa pagtakbo ang lalaki. Huminto ito sandali at nagpaputok. Yumuko silang apat, si Jerry ay halos dumapa sa lupa. Pagtayo nila ay nasa labas na ng gate ang hinahabol nila. Hindi nila ito nasundan ng tingin nang yumukod sila.
Tinungo nila ang main gate ng eskuwelahan. Nakita nilang mabilis sumakay sa pick-up ang lalaki saka umalis.“Pakingshit!” bulalas ni Ricky.
Hindi nila alam kung paano nakalabas ang lalaki. Matataas ang pader. Nanatiling nakakandado ang gate. Pinagtulungan nina Benjie at Vincent na buhatin ang isang mahabang bakal na upuan at nilagay malapit sa pader. Patag na parihaba ang upuan kaya pinatungan pa nila ito ng isa. Nagbuhat uli sila ng isa at inilagay sa tapat nang magkapatong na upuan. Iyon ang gunamit nila para makahakbang sa pader ng eskuwelahan at makababa sa pamamagitan ng punong mangga na inakyatan din nila kanina.
“Tanginang hayop,” sabi ni Vincent. “Wala na. Nakaalis na.” Tiningnan nila ang kalsada. Wala na ang berdeng pick-up.
Nilingon ni Vincent si Jerry at pinakilala ang mga kaibigan at kinamayan sila nito.
“Si Benjie na ba ‘to?” gulat na sabi ni Jerry.
“Oo.”
Nginitian siya ni Jerry. “Ayos ah.” Tiningnan niya ang hawak na palakol. “Pasensiya na. Walang kuwenta ‘tong nabili ko.”
“Ayos nga,” sabi ni Ricky. “Para kang si Jack Torrance.”
“Saka na tayo magkuwentuhan,” sabi ni Vincent. “May dapat pa tayong gawin.”
--------------------------------------
Tuloy pa rin ang pagdurugo ng tama niya, pero ayos lang. Nakaalis na siya. Naiinis lang siya sa sarili dahil Hindi siya nakapagdala nang extrang bala. Naubos niya ang pitong bala ng revolver niya na wala man lang napatay ni isa sa kanila.
Wala naman palang silbi ang pagsuway niya sa isang kondisyon ng kontrata.