2015
Walang masyadong ingay sa Baranggay Poblacion ngayong gabi. Makakarinig ka lang ng tunog ng mga kuliglig, kokak ng mga palaka, at paghingal nila. Napagdesisyonan nilang dalawang tao na lang ang gagawa sa plano nila dahil malaki ang posibilidad na makatawag sila ng atensyon kapag silang anim pa ang pumunta. Si Vincent at si Miguel ang dalawang iyon. Maaga silang umalis at nagtago sa stall ng isang nagtitinda ng siomai kung saan wala na ang tindero.
Sira ang mga poste ng ilaw sa kalyeng iyon. Kinalimutan na ng nangampanya at nanalong mayor ng San Ildefonso. Pero napakinabangan ng dalawa ang dilim. Talagang hindi sila makikita sa tinataguan nila. May mga balita na minsan ay naiiiwan mag-isa si Kapitan tuwing gabi. Maaga niyang pinapauwi ang mga empleyado sa baranggay at naiiwang mag-isa sa opisina. Hindi alam ng mga tao kung bakit. May sabi-sabing nagpapadala siya ng call girl sa opisina para magpainit sa gabi, o kaya ay gumagamit ng bawal na droga. Walang gustong kumumpirma. Walang gustong mangialam sa kung ano man ang ginagawa ng Kapitan. Matalino sila para banggain ito.
Naghintay lang ang dalawa, nakasilip sa baranggay hall. Tiningnan ni Vincent ang oras sa cell phone. Mag-a-alas diez na. Bukas ang ilaw ng isang kuwarto na kita sa isang bintana. Ilang oras nang walang dumadaan sa kalye. Walang bahay na malapit sa baranggay hall. Puro mga bakanteng lote na binili ni Kapitan Jojo na balak daw pagtayuan ng isang supermarket at isa pang negosyo.
Makalipas ang ilang minuto pang paghihintay ay nakarinig sila ng tunog ng sasakyan. Isang berdeng pick-up truck ang huminto sa harap ng maliit na baranggay hall. Namatay ang headlights at makina ng sasakyan. Bumaba ang isang lalaki. Inaninag ito ng dalawa.
“Siya ba ‘yun?” tanong ni Miguel.
“Sabi ni Mang Pol, kalbo, medyo malaki katawan. Oo, siya ‘yon,” sabi ni Vincent. Nagbigay ng kaunting liwanag ang ilaw ng isang kuwarto ng baranggay hall. Naaninag nila ang lalaki, pero hindi malinaw sa kanila ang mukha nito. Ang nakikita lang nila ay ang silweta.
“Tangina, parang naalala ko sa kanya si Jimboy. Tingin mo Vincent, buhay pa si Jimboy, at eto siya ngayon?”
“Nakadrugs ka ba. Alam ng lahat na namatay si Jimboy. Hindi lang binurol ni Kapitan. Cremate agad. Kahit ako siguro kung mamatayan ako ng anak, ike-cremate ko na lang para di ko na makita sa loob ng kabaong.”
“Sabagay.”
Lumingon-lingon ang lalaki bago pumasok sa loob ng baranggay hall. “Ano nang gagawin natin?” tanong ni Miguel.
“Kung tama ang hinala ko, mag-uusap sila tungkol sa assassination natin. Kapag umalis na ang lalaki, nasa working hours na siya. Malamang bukas na ulit ng gabi ang balik niya.”
“Sigurado ka bang nakahanda ‘yung apat do’n? Kasama si Mang Pol?”
“Oo. Handa sila. Saka apat sila. Hindi naman sila mga bata. Malalaki na sila, siguro may laban na sila.”
“Eh kapag binaril sila, ede tsoge agad sila.”
“Meelee weapon ang ginamit kay Paul at Mang Danny. Siguradong meelee lang din ang gamit niya. Makalat kasi kapag baril. Maingay. Nag-iiwan ng bala bilang ebidensya. Kaya mas ideal kung kutsilyo lang o kung anong hindi baril, tutal ‘yung mga assignment niya eh hindi naman mga bigating tao. Mga normal na mamamayan lang. Pero syempre, hindi pa tayo sigurado. Tiwala na lang tayo sa kanila.”
“Sabagay. Saka alam ko may Baretta Pistol si Mang Pol. Bigay ng beterenaryo niyang tropa. Gagamitin daw nila ‘yun kung kailangan.”
“Kaya hangga’t magkakasama sila, ligtas sila.”
Halos kalahating oras din nagtagal sa loob ang lalaki bago umalis. Muli ay lumingon-lingon ito sa paligid bago sumakay at paandarin ang sasakyan. Hinintay muna ng dalawa ang paglayo ng sasakyan bago kumilos. Kumirot ang mga binti nila nang tumayo sila dahil sa tagal ng kanilang pagkakaluhod.
Lumabas sila sa pinagtataguan nilang stall ng siomai at tumakbo papuntang baranggay hall. Pinihit nila ang door knob at dahan-dahang binuksan ang pinto. Nang makapasok ay dahan-dahan itong sinara at kinandado.
Inilabas ni Vincent ang tinatagong kitchen knife sa likuran. “Nasa’n na ‘yung sa ‘yo?” bulong ni Vincent kay Miguel.
“Ha?”
“Ano ang dala mo?”
“Dalang ano?”
“Kahit ano.”
“Wala.”
Napa-face slap na lang si Vincent. “Puwede na siguro itong dala ko. Buwiset kasi hindi ka nagdala.”
“Papatayin ba natin siya?”
“Babantaan lang. Kaya nga may dala akong kutsilyo.”
“Eh nakalimutan ko. Sorry.”
Hindi tuluyang nakasara ang pinto ng opisina ni Kapitan kaya may kaunting liwanag ang tumagas mula sa loob niyon. Ang loob ng barangay hall ay may mga lamesa na pinapatungan ng mga papeles. May mga estante na nilalagyan ng mga libro at mga coffee maker. May ilang litrato ng mga empleyado na naka-display sa pader. May larawan ng Mayor. May ilang poon. Sa pinto ng opisina ni Kapitan ay nakadisplay ang pangalan nito. JOSELITO P. GUILLERMO. Sa baba nito ay mas maliit na mga letra. BARANGAY CAPTAIN.
Buniksan nila ang pinto. Nakita nila ang loob, kagaya lang din halos ng mga nasa labas. May ilang file cabinet na pinaglalagyan ng mga dokumento. May mga larawan ng mga opisyal sa pader. May malaking kahoy na lamesa na pinagpapatungan ng ilang kagamitan. May mga estante na pinaglalagyan ng ilng papeles at libro. At may isang bukod na estante na pinaglalagyan ng litrato na naka-frame. Malapit doon ay nakatayo ang kapitan. Manipis ang buhok at maliit ang katawan kumpara sa anak nito. Nakita nila itong umiiyak nang mahina. hawak-hawak ang frame kung nasaan ang litrato ng pinatay na anak.
“Kap?” mahinang sabi ni Vincent.
Lumingon si Kapitan Jojo at lumabas agad sa mukha ang pagkagulat nito. Ibinalik niya ang picture frame sa estante. “Ano’ng ginagawa n’yo rito?”
Sinugod siya ni Vincent at hinawakan siya sa kuwelyo ng polo, hinila, at itinumba sa sahig. Hindi nahirapan si Vincent sa ginawa dahil mas malaki siya sa kapitan at hindi rin kabigatan ang katawan nito. Ipinatong niya ang tuhod sa dibdid ng kapitan at ang isa ay sa mga hita. Itinapat niya ang kutsilyo sa leeg nito. Inutusan niya si Miguel na patayin ang ilaw at isara ang pinto, na agad namang sinunod ng kaibigan.
“Putangina mong hayop ka,” nanggigigil na sabi ni Vincent. Idiniin pa niya ang dulo ng talim ng kutsilyo sa leeg ng nito. “Subukan mong sumigaw, papatayin kita. At h’wag mong asahan na magdadalwang isip ako dahil sa moralidad ko. Pinatay mo kasama namin, kaya hindi ako magsisising gilitan ka rin sa leeg.
Sa isang sulok ay nakatayo lang si Miguel. Hindi siya makapaniwala sa kinikilos ng kaibigan. Hindi ito ang kilala niyang Vincent. Pero naiintindihan niya na kailangang gawin ito ng kaya hahayaan lang niya.
“Walang hiya!” sabi ni Kapitan Jojo. Hirap ito sa pagsasalita dahil sa tuhod ni Vincent na nakapatong sa dibdib nito. Kinilala na ng kapitan ang pito bago ibigay ang assignment sa empleyado niya kaya nang makita niya si Vincent sa pintuan ay nakilala niya agad ito. “Una n’yong pinatay ang anak ko! Mga demonyo!”
“Papatayin niya si Benjie. Kung hindi isa’t kalahating gago ang anak mong patay na at malamang eh nasusunog na sa impiyerno, hindi niya gagawin ‘yon! Kung hindi kami kumilos, malamang patay na si Benjie!”
Nagpumiglas ang kapitan sa kalapastanganan ni Vincent sa banal na alaala ng anak. Pero wala pa rin itong nagawa dahil mas malakas ang binata. “Haoyp! Mga hayop!”
Diniin pa ni Vincent ang kutsilyo sa leeg ng kapitan. Bahagyang bumaon ang dulo ng dalim dahilan ng pagtagas ng dugo sa leeg ng kapitan. “Sabi ko ‘wag kang sisigaw!”
“Hayop ka. Mamamatay ka, sinisigurado ko... hindi ko ia-abort ang assignment ko sa kanya. Hindi mo ‘ko mapapaamin sa mga pulis. Hindi mo siya mapapahanap sa mga otoridad! Kung kilala mo la--”
“Sabihin mo sa ‘kin kung ano ang napagkasunduan n’yo ng hired killer mo.”
“Kung hindi, ano? Papatayin mo ‘ko? Hindi mo kilala ang lalaking ‘yon. Hindi niya hinahayaang hindi matapos ang nasimulan na. Kahit patay na ako, tatapusin pa rin niya ang tungkulin niya. Marunong akong pumili. At wala kang maririnig sa ‘kin.”
“Kapag hindi mo sinabi, papatayin kita—“
Sumabat si Miguel. “Vincent. Hindi b—“
“Tumahimik ka,” sabi ni Vincent at nilingon ang kaibigan. Pagkatapos ay binalik ang tingin sa nahihirapang kapitan. “Papatayin kita. At hindi mo kami makikitang mamatay. Masusunog ka na sa impiyerno kasama ang anak mong demonyo. Gusto mo ‘yon?”
Ilang segundo pa ang lumipas bago nakasagot ang kapitan. “Kahit sabihin ko sa inyo, hindi na mababago ang kapalaran n’yo. Mamamatay kayo.”
“Sabihin mo na lang. Dami mo pang daldal. Kailangan pa naming umuwi nang maaga dahil burol na bukas ng kaibigan namin.”
Tinitigan lang siya ng kapitan. Alam ni Vincent na sa isip nito ay pinapatay siya nito. Sinusumpa. Nilahad ng kapitan ang nilalaman ng kasunduan/kontrata niya at ng lalaki. Pinakinggan itong maigi ng dalawang binata. Kahit hindi komplikado, naghatid pa ito ng lalong takot sa loob nila, pero hindi ito pinahalata ni Vincent.
Nang malaman na ang lahat ng impormasiyon na tingin nila ay kailangan nila, iniwan na nila ang kapitan. Natukso pa si Vincent na tuluyan ito. Hindi kailangan ng mahabang oras para ibaon ang kutsilyo sa leeg nito at laslasin. Hindi niya alintana ang mainit na dugo na titilamsik sa kanya. Magagawa niya ang balak kung hindi lang siya pinigilan ni Miguel. Pinigilan siya ng kaibigan na bumaba sa lebel ng mga diablong kinasusuklaman niya. Hindi siya makapaniwala sa sarili at sa mga bagay na nagawa niya at maaari pang magawa dala ng matinding poot at takot. Hindi niya akalain na aabot sa kasukdulan ang kanyang karahasan kung kakailanganin.