2015
Patay na si Paul.
Umaga ng Martes nang umalingawmgaw sa baranggay Sapang Putol ang iyak ni Mang Pol. Narinig din ang mga sigaw nito na humihingi ng tulong. Rumesponde ang mga kapitbahay na nakarinig sa sigaw ng matanda. Tumambad sa kanila ang duguang si Paul. May mahabang hiwa sa leeg. Ang kulay puti nitong suot na sando ay naging kulay pula. Pati ang kutson ng hinihigaang kama ay nabahiran ng maraming dugo. Dilat ang mga mata ng binata na parang buhay pa at tumitingin sa multo. Hindi na masyadong sariwa ang dugo, palatandaan na mga oras na ang nagdaan simua nang nangyari ang pagpatay.
Nabalot sa dugo ng apo si Mang Pol dahil sa pagkakayakap niya rito. Hindi napigilan ng mga tao na maluha habang pinakapakinggan ang masakit na iyak ng matanda. Kinailangan pa ng dalawang tao para makalas ang pagkakayakap ng matanda sa bangkay ng binata. Pinakiramdaman pa ng isang lalaki ang pulso ni Paul para makasigurado, pero wala na talaga.
Tumawag ang mga tao ng ambulansiya. Bago dumating ang tinawag, dumating si Vincent dahil tinawagan siya ng isang kakilala sa baranggay tungkol sa nangyari. Hindi na niya na-text ang mga kaibigan niya. Naghilamos siya ng mukha at humalo sa tubig mula sa gripo ang mga luhang kusang dumaloy mula sa mga mata niya. Pagkatapos nito, nagpaalam siya sa mga magulang saka umalis.
Nang makarating, nakita niya ang maraming taong nakapalibot sa bahay ni Paul. Nakaparada na rin sa harap ang isang ambulansya. Pinilit niyang pumasok sa loob habang nakipagsiksikan sa mga tao. Pinuntahan niya ang kuwarto ni Paul. Nando’n ang duguang kaibigang kasalukuyang binubuhat ng mga emergency staff para ihiga sa stretcher. Nabaling ang tingin niya sa umiiyak na matanda, yakap-yakap ang isang matandang babae na umaalalay sa kanya. Nabahiran ng dugo ang kanyang damit. Sa pagitan ng mga iyak ay sinisigaw niya ang pangalan ng apo. Para na ring anak ni Mang Pol ang binata kaya gano’n na lang magdalamhati ito. Hindi napigilan ni Vincent na mangilid ang luha habang pinapakinggan ang tumatangis na matanda. Nilapitan niya ito at hinawakan sa balikat.
“Pasensya na po, Mang pol,” nanginginig na sabi niya. Tiningnan lang siya ng luhaan at namumulang mata ng matanda. Tuluyan nang tumulo muli ang luha ni Vincent na agad niyang pinunasan.
Inilalabas na ng mga staff ang bangkay ni Paul na nakataklob ng tela, isinakay sa ambulansiya saka umalis. Tinanong ng isang babae si Mang Pol kung susunod ba ito sa ospital. Umiling ang matanda at nagpatuloy pa rin sa pag-iyak.
Tinawagan ni Vincent ang mga kaibigan at sinabi ang nangyari. Sinabihan niya ang mga ito na pumunta sa bahay ni Paul para damayan ang matanda.
Nakokonsensya siya. Sila ang may kasalanan ng pagdadalamhati ng matanda.
Kinabukasan ng araw na naligo sila sa ilog sa Bulusukan, kumalat ang balita sa bayan ang pagkamatay ng anak ni Kapitan Jojo na si Jimboy. Walang pulis na dumakip sa kanilang pito. Naghintay sila ng mangyayari. Ang ibinalita ay nalunod si Jimboy ayon sa imbestigasiyon. Ipinagtaka ito ng pito. Baka iba ang sinabi ng apat na kaibigan ni Jimboy. Baka hindi sila sinumbong. Pero malabo.
Kung aksidente ang itinuring na dahilan ng pagkamatay ni Jimboy, walang suspek. Walang dadakpin. Hindi sila makukulong. Hindi sila mapaparusahan ng batas. Kung alam nga ni Kapitan Jojo na silang pito ang dahilan ng pagkamatay ng anak, siguradong siya mismo ang maghihiganti.
Ibig sabihin, kamatayan ang magiging kahatulan nila. Kaya no’ng araw na ‘yon, nagpaalam sila sa mga kasa-kasama nila sa bahay na may group project lang sila. Ang mga kapatid ni Miguel ay iniwan muna sa isang kamag-anak sa parehong baranggay. Ang iba naman ay nagkanya-kanya ng alibi na pinaniwalaan naman ng mga uto-u***g kasama sa bahay.
Ang layunin nila ay magsama-sama dahil delikado kung maghihiwalay sila. Pati no’ng lunes ay magkakasama pa rin sila. Ipinagpaalam nila na sama-sama silang matutulog sa bahay ni Miguel para tapusin ang project. Pero siyempre hindi sila pinayagan kaya napilitan silang magkahiwalay no’ng araw rin na iyon. Lagi silang tinatanong kung bakit lagi silang nagsasamang magkakaibigan at kung bakit kailangan mag-overnight. Pero mga kalokohang dahilan lang din ang naisagot nila. Ayaw nilang aminin ang nagawa nilang kasalanan na ugat ng mga nangyayari ngayon. Alam nilang maling desisyon ang maghiwa-hiwalay, pero wala silang magawa.
At kinabukasan ay nangyari ang nangyari kay Paul.
Agad pumunta ang lima sa bahay ni Mang Pol nang tawagan sila ni Vincent. Wala na ang matanda nang dumating sila. Pumunta ito sa ospital, estasyon ng pulis, at purenarya. Silang anim lang ngayon sa bahay. Iba ang pakiramdam nila ngayong kulang na sila. Parang may isang espasiyo sa puso nila na kahit kailan ay hindi mapupunan.
Halos walang nagsalita sa kanila. Umiyak lang sila nang tahimik. Sinisisi ang mga sarili lalo na si Louis. Hindi siya sinisisi ng mga kaibigan. Balewala na ang plano niyang pag-amin sa ginawang kasalanan para mailigtas ang mga kaibigan. Nabigo na siya sa pagligtas sa isa, siguradong mabibigo siya sa pagligtas sa lima. Pinili ni Kapitan Jojo na parusahan sila ayon sa batayan nito kaysa sa batayan ng batas.
“Pa’no na?” si Jerry ang bumasag ng katahimikan.
“Wala tayong magagawa,” sabi ni Vincent. “May suggestion ako. Hindi ako sigurado kung papayag kayong lahat.” Naghintay siya ng sagot ng mga kaibigan, pero wala siyang natanggap. Hinihintay lang siya ng mga ito para sabihin ang gusto niyang sabihin. “Hindi puwedeng magkahiwalay pa tayo. Kailangan nating umalis nang sapilitan. Iwan natin ‘yung mga kasama natin sa bahay para mailayo sila sa panganib.”
“Saan naman tayo pupunta?” si Ricky ang nagtanong.
“Dito kay Mang Pol. Bale kukuha na lang tayo ng ilang gamit natin. Kailangan ni Mang Pol ng kasama ngayon, at palagay ko dapat niyang marinig ang kuwento natin.”
“Sigurado akong di ako papayagan nina Tita,” sabi ni Jerry.
“Kaya nga sapilitan eh. Buhay natin nakatay rito. Mapanganib kung magkakahiwa-hiwalay tayo. Kailangan nating putulin ang koneksiyon sa mga kasama natin sa bahay.”
“Kailan kami puwedeng bumalik?” tanong ni Miguel.
“Kapag tapos na lahat.”
“Pa’no matatapos? Kapag patay na tayong lahat?”
Hindi agad nakasagot si Vincent. Hindi pa niya naiisip kung paano malampasan ang pinagdaraanan. “Hindi... hindi ko alam.”
“Pulis si ninong,” sabi ni Louis. Lumingon sa kanya lahat. “Puwede tayong humingi ng tulong sa kanya.”
“Puwede rin,” sabi ni Vincent. Ang mga ideya ay sunud-sunod na pumasok sa ulo niya. “Sasabihin natin sa kanya ang lahat ng nangyari. Kung maniwala siya na tayo ang may kasalanan sa pagkamatay ni Jimboy, makukulong tayo, pero siguradong protektado tayo. Alam naman ng lahat kung gaano kahigpit diyan sa presinto sa bayan. Pinakamatinong presinto sa buong Bulacan, sabi ng barbero sa bayan. Ewan ko lang kung totoo.
“Sasabihin natin na may nangha-hunting sa ‘tin at si Kapitan ang may pakana. Kailangan lang natin ng ebidensiya at maayos na paliwanag para makumbinsi natin siyang totoo ‘yung mga sinasabi natin. Kailangan na lang nating mapatunayang si Kapitan ang mastermind. Puwede rin nating hingin ang tulong ni Mang Pol do’n. Kapag napatunayan. Kokomprontahin si Kapitan ng mga pulis, tapos wala siyang ibang magagawa kundi sabihin ‘yung motibo niya ng pagpapapatay sa ‘tin. Kukumpirmahin natin ‘yung sinabi niya. May sala tayo. Makukulong tayo, pero protektado. Saka hindi naman murder ang nangyari, homicide.”
“So, walang ibang ending kundi makukulong tayo?” tanong ni Benjie, salubong ang kilay.
“Oo.”
“Vincent,” mahinang sabi ni Miguel.
“Bakit?”
“Ayan na ata ang pinakawalang kuwentang planong narinig ko.”
“May iba kang suggestion?”
Hindi na sumagot si Miguel.
“Kung effective nga iyon,” sabi ni Louis. “Ako na lang ang makukulong, dahil ako lang naman ang gumawa. Bakit idadamay si Benjie, eh siya ‘yung pinapatay no’n? Saka testigo ‘yung apat na kaibigan ni Jimboy. Hindi puwedeng hindi magsalita ‘yung mga iyon.”
“Kami naman ang walang proteksiyon. Siguradong hindi pa rin kami titigilan ni Kap kahit nakulong ka na.”
“Imposibleng hindi kayo bigyan ng proteksiyon ng mga pulis. Malalaman nilang may banta sa buhay n’yo, hind puwedeng hindi sila kumilos. Saka hindi na malabong makulong si Kap saka ‘yung tuta niya.”
“Walang kasiguraduhan ‘tong plano n’yo,” sabi ni Miguel. “Kahit sabihin mong tulungan kayo ng pulis na sinasabi ni Louis, hindi n’yo kontrolado ang mangyayari.”
Sasagot na sana si Vincent pero nakita nilang pumasok si Mang Pol. Pulang-pula ang mga mata, pero hindi na lumuluha. “Gusto n’yong kape?” tanong nito. Tumanggi sila.
Isa-isa silang nagsabi ng pakikiramay sa matanda. Nagpasalamat naman ito. Alam na alam ni Mang Pol na mahal ng mga kaibigian ang apo niya.
“Baka bukas ang burol,” sabi ng matanda. “Sabi ko hindi ko pa kayang makita si Paul na nakaburol ngayon. Masakit.” Muling nabasa ang mga mata ng matanda, pero pinipigilan nito ang pag-iyak.
“Alam na po ba ng mama’t papa niya?” tanong ni Benjie.
“Sinabihan ko na kanina. Baka bukas makauwi ‘yung papa niya. ‘Yung nanay niya, baka sa isang linggo pa. Pero sabi niya ‘wag na siyang hintayin bago ilibing si Paul. Ayaw rin niya makita si Paul nang gano’n. Nagkasundo ‘yung mag-asawa na dalawang araw lang iburol. Okay na rin sa ‘kin ‘yon. Lalo lang akong masasaktan kapag nakita ko siyang patay.”
‘Pasensya na po talaga sa nangyari,” sabi ni Vincent. “Mang Pol, may sasabihin po kami sa inyo.” Tiningnan niya ang mga kaibigan saka huminga nang malalim. Nakatingin lang sa kanya ang matanda. Sinugo ni VIncent ang natitirang lakas ng loob para ikuwento ng pinagmulan ng mga nagyayari. Mula no’ng naligo sila sa ilog hanggang sa araw bago mamatay ang kaibigan.
Nabaling ang tingin ng matanda kay Louis na naging dahilan ng pag-iyak nito. “Pasensya na po. Ako po ang may kasalanan kung bakit patay na ang apo n’yo.” Tinakip niya sa mukha ang mga kamay at humagulgol.
Nilapitan siya ni Mang Pol at hinawakan sa balikat. “Hindi kita sinisisi. Niligtas mo lang ‘yung kasama n’yo. Hindi ikaw ang may kasalanan. Si Kapitan. Sigurado akong tama ang hinala ninyo. Dalawang malapit sa akin ang pinapatay niya, at kayo naman ang sunod. Tutulungan ko kayo. Siguradong gusto ni Paul na tulungan ko kayo.”
Nagpasalamat sila sa matanda. Hindi nila akalain na kakailanganin din nila ito.
“May plano po akong gawin mamaya,” sabi ni Vincent at inilahad ang planong iyon.
“Delikado ‘yan,” sabi ng matanda. “Pero kung tingin n’yo tama ‘yang gusto n’yong mangyari, suporta lang ako.”