2027
Hindi pa sila nakakalabas ng highway ay nawala na ang sasakyang sumusunod sa kanila. Hindi nila alam kung saan ito lumiko’t bigla na lang nawala. Tumigil na ang mga pagputok ng baril. Inayos na ni Benjie ang pagmamaneho. Nagpatuloy lang siya sa pagmamaneho hanggang sa marating nila ang highway. Nakahinga sila nang maluwag nang makita ang iba’t ibang sasakyan sa daan. Pinipilit ni Benjie na maging kalmado sa pagmamaneho.
Hindi makampante si Ricky. Tiningnan niya ang kalagayan ng sasakyang pinag-ipunan pa niya nang matagal. Daan-daang oras din ang ginugol niya sa pagpo-program para makaipon ng pambili nitong sasakyan. Siguradong hindi lang ang mga salamin ang napinsala. Inaasahan ni Ricky ang maraming tama ng baril sa katawan ng sasakyan. “Ah... pakingshitmaderpaker!” bulalas niya.
“Ang mahalaga ligtas tayo,” sabi ni Vincent.
“Pakyu. Ba’t kasi hindi sasakyan mo ang ginamit?”
“Kami bahala ni Benjie sa pagpapaayos nitong sasakyan mo.”
“Oh, ba’t pati ako?” sabi ni Benjie.
Nang mapakalma ni Ricky ang sarili, tinanong niya si Vincent, “ano na balita kay Jerry? Bakit sa school mo pinaderetso?”
“Basta. Wrong timing kasi siya, eh. Dapat mabilis siyang nakapagdesisiyon, hindi ‘yung hahabol siya.”
“Hayaan mo na. Iba kasi ang dating sa kanya nitong nangyari. Alam mo naman hindi naman siya kasing tapang mo.”
“Saan tayo ngayon?” tanong ni Benjie.
“Sa school. Do’n ko sinabi kay Jerry na sumunod. Susunduin natin siya.”
“HIndi ba delikado kasi mag-isa siya? Baka kung ano ang mangyari sa kanya.”
“Eh hindi naman alam ng gago kung saan ko pinapunta si Jerry. Saka may tiwala ako sa kanya na kaya niya ‘yung sarili niya. Naniniwala akong hindi na siya ‘yung baby ng grupo natin.”
Ilang minuto pang pagmamaneho ay narating na nila ang Colegio de San Ildefonso. Napansin nila ang ilang pagbabago sa panlabas na disenyo eskuwelahan.
“Ano ba ‘yan!” bulalas ni Ricky. “Kulay green? Seryoso. Kababaho naman pumili ng mga tao riyan. Mas maganda talaga ‘yung pula no’n.”
“Grabe,” sabi ni Vincent. “Nakakamiss. Nostalgic.”
May nakita silang dalawang sasakyan malapit sa eskuwelahan. Ang isa ay nakaparada sa paradahan, ang isa naman ay nasa harap lang ng espasyo na ‘yon.
“Alin diyan ‘yung sasakyan ni Jerry?” tanong ni Benjie habang pinaparada ang sasakyan ni Ricky.
“’Yung kulay pula na ‘yon. Nakita ko sa profile picture sa f*******: niya. ‘Yung pick-up na ‘yon, di ko alam kung kanino. Teka...”
Nagkatinginan ang tatlong magkakaibigan. Pinatay ni Benjie ang makina ng sasakyan at bumaba silang tatlo, nagmamadali. Hindi nila makita si Jerry sa paligid. Sinilip nila ang loob ng pulang sasakyan, walang tao. Gano’n din sa berdeng pick-up. Biglang bumalik kay Vincent ang alaala no’ng pumunta sila ni Miguel sa opisina ni Kapitan Jojo. Ito ang sasakyang ginamit ng tuta ni Kapitan. Ito rin ang nakita niya no’ng nasa Police Station sila. Naging sariwa muli ang alaalang iyon. Tila nakalimutan niya ang sasakyang iyon sa loob ng maraming taon at ngayon lang uli nagbalik.
“Sa kanya ‘to,” sabi ni Vincent sa mga kasama sabay turo sa pick-up. Nagtinginan sila. “Naaalala n’yo?”
Nanlaki ang mata nina Benjie at Ricky. Tumakbo sila papunta sa main gate ng eskuwelahan. Nakakandado. Sigurado silang pumasok sa loob si Jerry at ang lalaki. Kung hindi sila makakakilos agad, baka huli na ang lahat. Nakakulong si Jerry sa loob ng eskuwelahan, at nakadepende sa kanyang kakayahan kung paano siya makakapagtago mula sa diyablong nangangaso.
“Boi, may nakita akong cell phone.” Iniabot ni Benie kay VIncent ang nakitang cell phone. May halos hindi mapansing bakas ng dugo sa casing ng cell phone. Pinindot ni Vincent ang power button at lumabas ang lock screen wallpaper. Litrato ng isang lalaki at isang batang lalaki. Pinakita ito ni Vincent sa mga kasama.
“Si Jerry?” tanong ni Ricky. Nakilala nila ang mga pagod na mata ng kaibigan na hindi halos nagbago sa kabila ng nagdaang maraming taon.
Nabalot ng pag-aalala ang tatlo. Nakumpirma ang kanilang paghihinala. Bumalik sila sandali sa sasakyan at kinuha ang kani-kanilang mga baril at itinago para hindi makita ng mga tao sa loob ng mga sasakyan na dumadaan sa highway. Siguradong naghihinala na ang mga ito kung ano ang ginagawa nila sa harap ng eskuwelahan.
“Pa’no sila nakapasok?” tanong ni Benjie. “Kandado itong gate.”
Tinuro ni VIncent ang upuang kahoy malapit sa gate na nakapako sa puno ng mangga. May kaunting butil ng lupang nakahugis na parang talampakan ng sapatos. Ginapang nila ang tingin sa puno. May ilang sangang nabali. Ilan sa mga ito ay may bakas din ng lupa. Dito dumaan ang dalawa para makapasok sa loob ng eskuwelahan.
Sinubukan nila ang tibay ng puno. Nang mapagtantong sapat ang tibay ng mga sanga nito para suportahan ang kanilang bigat, isa-isa silang umakyat. Nauna si Vincent. Nag-alangan siyang tumalon pababa dahil medyo mataas ang babagsakan niya. Pero wala nang oras. Tumalon siya at nagpasalamat sa Diyos na maayos ang pagkakabagsak niya. Sumunod na umakyat si Ricky. Kinailangan pa siyang alalayan ni Benjie paakyat at ni Vincent sa pagbaba. Ginawa nila ito ng tahimik para hindi maagaw ang atensiyon ng lalaki. Huling umakyat si Benjie na basta na lang tumalon at maayos na bumagsak, sanay ang katawan sa mga gantong gawain.
Nasa loob na sila ng eskuwelahang dati nilang pinapasukan kung saan nabuo ang kanilang pagkakaibigan at ang pinag-ugatan din ng kanilang hinaharap na pagsubok ngayon.
Inihanda na nila ang mga armas. Lahat ng armas nila ay may silencer. Tinulungan pa ni Vincent si Ricky na ikasa ang baril at ikabit ang silencer. “Puro ka counter strike no’n, pagkasa lang ng baril, hirap na hirap ka,” pabulong na sabi ni Vincent sa kanya.
Sinuong pa nila ang loob ng eskuwelahan. May mga pagbabago, pero hindi na nila pinag-usapan iyon. Kailangan nilang mahanap si Jerry at tapusin na ang lahat ng ito rito sa loob ng Colegio de San Ildefonso. Bawat hakbang nila ay maingat at mahina. Halos hindi na sila nagsalita. Nagiging gabay nila ang liwanag ng ilang poste ng ilaw para makita nang maayos ang mga daan. Hindi nila tinitigilang lingunin ang paligid.
Sa totoo lang, hindi sila sigurado sa ginagawa nila. Ang kalaban nila ay sanay sa mga ganitong gawain. SIlang tatlo ay mga normal lang na mamamayang may pangkaraniwang mga trabaho. Para na ring pagpapatiwakal ang ginagawa nilang ito, pero mga sarili lang nila ang dapat nilang pagkatiwalaan ngayon.
Pumasok sila sa canteen. Bago ang mga upuan at lamesa. Iniiisa-isa nila ang mga kuwarto. Hinahanap si Jerry. Sinilip nila ang mga classroom ng grade 11. Walang tao sa loob. Nakakandado ang mga pinto.
Umakyat sila sa second floor ng faculty building, sinilip ang mga kuwarto. Pare-parehong kumakabog ang kanilang mga dibdib at nanginginig ang mga kamay na may hawak ng baril, ang pinakananginginig ay ang kay Ricky. Pawis na pawis ang kanyang mukha at basang-basa ang likod. “Kanina pa tayo naghahanap, wala pa rin si—“
Biglang tinakpan ni Vincent ang kanyang bibig gamit ang kamay at sinenyasan sila na tumahimik. May naririnig silang mga hakbang sa hagdanan. May umaakyat sa second floor papunta sa kanila. Inihanda nila ang mga baril. Nakatayo silang tatlo sa corridor, nakaunat ang mga braso at handa ang mga hintuturong kalbitin ang gatilyo. Hinihintay na lang nilang sumulpot ang ulo ng lalaki sa gilid ng pader ng faculty.
“Vincent! Boy!” sigaw ng lalaki sa hagdan.
“SI Jerry ‘yun!” sabi ni Benjie sabay lakad-takbo papunta sa pinanggalingan ng boses. Hindi na siya napigilan ni Vincent. Hindi iyon boses ng kaibigan nila.
Sumunod sina Vincent at Ricky sa papalayong si Benjie, hindi na nila ito mapigilan. “Benjie! Hindi si Jerry ‘yan!”
Huminto si Benjie sa pagtakbo. Nilingon ang mga kaibigan. “Huh?”
Wala siyang proteksiyon. Nasa harap niya ang lalaki sa hagdan. Nakatutok kay Benjie ang baril. Huminto ang mundo niya. Siguradong tapos na siya ngayong gabi. Dalawang putok. Naramdaman ni Benjie ang hapdi sa gilid ng leeg niya, sa ilalim lang ng tainga. Pero hindi niya naramdaman ang isang bala.
Nakahiga siya. Nakadangan sa kanya si Vincent. Naalala niya, bago pumutok ang baril, pinatumba siya ni Vincent. May mga bagong putok ng baril, mahina, galing sa baril ni Vincent. Nakita rin niya si Ricky na nagpapaputok ng baril, pero nakatago pa rin sa pader, hindi nakikita ang binabaril.
Gumaan ang pakiramdam ni Benjie nang tumayo si Vincent. Lumingon siya, wala na ang lalaki. Tinulungan siya ni Vincent na makatayo. Kinapakapa niya ang leeg niya at nakaramdam ng hapdi. May nakapa siyang mahabang sugat. “Ano’ng nangyari?”
“Nakatakas. Pero sigurado akong natamaan ko siya. May tama ka ba?”
Itinuro ni Benjie ang leeg niya. Tiningnan ito ni Vincent. “Daplis lang.” Tinuro niya ang pader na katapat ng hagdan, may dalawang tama ng baril. “Sakto ‘yung pagkakatumba ko sa ‘yo. Mahuli lang ako ng ilang segundo, baka madale ka.”
“Pa’no mo nalaman na hindi si Jerry ‘yon?” tanong ni Ricky.
“Nakausap ko si Jerry. Hindi gano’n ‘yung boses niya. Malalim ‘yung boses kanina. Hindi pang kay Jerry.”
“’Sensya na, Vincent. ‘Kala ko talaga si Jerry,” sabi ni Benjie habang nakadiin ang kamay sa sugat.
“Tara na, hanapin na natin si Jerry. May lamang na tayo kasi natamaan natin siya.”
Bumaba sila ng hagdan at tinapatan ng flashlight ng cell phone ang mga hakbang. May kaunting dugo. Maging sa pader ay may kaunting talsik. “Sana fatal na pagkakatama mo sa kanya,” sabi ni Ricky.
“Malabo. Para siyang hindi tao. Naalala mo no’n? Ginawa na natin ang lahat sa kanya, buhay pa rin. Baka nga kahit pugutan ko ng ulo, makaligtas pa.”
-----------------------------
Dalawang bala na lang ang natitira. Hindi sapat ito para gawin ang trabaho niya.
Muntik na niyang matamaan. Point blank na, eh. Kung di dahil do’n sa isang kasama.
Malas. Tinamaan pa siya. Pero buti na lang at nakatakas pa.
Bawat hakbang niya ay sumasakit ang tama ng bala sa kanya.
Pero hindi siya mamamatay, pangako niya sa sarili.