Chapter Seven

2652 Words
“Love is blind, friendship closes its eyes." – Neera Kapur Badhwar Alas-singko pa lang ng umaga ay gising na ang buong pamilya ni Hairah. Maaga siyang aalis ng araw na iyon para sa three-day service nila sa mga batang nasa orphanage. Ang hindi niya inaasahan ay sa paglabas niya ng silid ay maririnig na rin ang maagang pag-aasaran ng kambal. "Ate, si Henry oh, iniaasar na naman ako doon sa kaklase kong nerd," sumbong ni Helena nang makita siyang pababa ng hagdan. "Sinasabi ko lang ang narinig ko,” pangangatwiran ni Henry na nakaupo sa sofa habang hawak ang cellphone. "Wala akong sinabing gusto ko siya." “Hindi ko sinabing may gusto ka sa kaniya. Sinabi ko lang na may date ka—” “Wala nga kaming date,” naiinis ng saad ni Helena bago nagmamartsang pumasok ng kusina. Inayos niya ang towel na nakabalot sa basang buhok at binalingan ang kapatid na lalaki. “Ang aga niyan, Henry,” mahinahong sabi niya. Napangiwi si Henry. “Siya naman kasi ang nagsimula eh. Agang-aga nambubulabog sa kwarto.” “Sabi kasi ni mama, gisingin kita.” Lumabas muli galing kusina si Helena. May dala na itong mug ng umuusok na kape. Mabilis na kumalat sa paligid ang mabangong aroma ng kape. Kaya bago pa makapagsalita si Henry ay sumabat na siya. “Ang aga para mag-away kayo. Natutulog pa ang kapitbahay. Mabuti pa’y tara na sa kusina at tiyak na nakaluto na si mama.” Walang tumugon sa kambal. “Ano?” untag niya. Kumibot ang labi ni Helena at bumalik ng kusina. Tumayo naman si Henry at sumabay sa kaniya papuntang kusina. “Morning,” bati niya sa ama’t ina na nasa kusina. May nakahaing nilagang saging at nilabong itlog. Sa tabi nito ay may katabing dalawa pang mug ng kape sa mesa. Ang nanay nila ay nasa harap ng lutuan at may hinahalo sa isang kaserola. Ang ama niya ay nakaupo sa likod ng mesa, may dyaryo sa harapan habang may hawak na mug ng umuusok pang kape. “May nilagang saging diyan, Esther. Naipagbanaw na rin kita ng kape.” Tinakpan ng ina niya ang kaserola at dumulog sa hapag. “Thank you, ma,” aniya at inabot ang isang mug. Sinimsimsim niya ang laman noon habang tahimik na magkatabing naupo ang kambal. Hindi pa rin nagpapansinan ang dalawa. "Oh, problema ninyong dalawa?" tanong ng mama nila. "Si Henry kasi agang-aga," sumbong ni Helen. "Sinabi ko lang ang narinig ko," pangangatwiran ni Henry. “Kahapon mo pa narinig iyon, bakit ngayon mo inuungkat?” “Ngayon ko naalala eh.” “Ngayon naalala,” ismid ni Helena. “Sabihin mo nang-aasar ka lang talaga dahil maaga kitang ginising.” “Pwede ka naman kasing manggising nang maayos. Para kang megaphone ku—” “Anong—” "Tama na iyan ha," saway ng kanilang ina bago pa makaangal si Helena. “Para kayong mga bata,” aniya at umabot ng plato. Nagbalat siya ng saging at isang nilabong itlog. Nagusot lalo ang mukha ni Helena habang walang reaksyong inabot ni Henry ang isa pang mug ng kape. “Sa susunod, wag na kayong gumising nang maaga kung ganiyan kayo kaliligalig,” banat naman ng ama nila. Isinasara nito ang dyaryo pero nakatingin sa kambal. “Papa!” protesta ni Helena. “Siya lang ang maligalig,” ngisi naman ni Henry sabay subo ng saging. “Parehas kayo!” sabay nilang sabi ng kaniyang ina. Nagkatinginan siya ng kaniyang ina at sabay na napabungisngis. “Hmmmppp!” “Sige ka, Helena. Kapag laging mainit ang ulo mo, tatanda kang madali,” kunwa’y pananakot niya sa kapatid na babae. “Hindi naman kasi iinit ang ulo ko kung hindi ako sisimulan.” “Talaga?” nanantiyang tanong niya. “Ate!” Kinindatan niya ito at sumubo ng nilabong itlog. May pagkakataon talagang gustong-gusto niyang biruin ang kapatid. Ito na lang kasi ang way nang paglalambing niya dahil mga dalaga't binata na ang mga ito. Kapag nangyayari ito, pangiti-ngiti lang si Henry habang si Helena ay may pagkakataong madaling maasar. Siya ang panganay sa kanilang magkakapatid, pangalawa si Harold na 24 years old na at nasa abroad, 20 years old naman ang kambal nilang sina Henry at Helena, at si Hennessy ang bunso nila na may ilang taon na ring namayapa. “Nga pala, Hairah, may sinaing na ako at nilutong adobo. Gusto mo bang magkanin bago umalis?” baling ng ina niya. Umiling siya. “Busog na po ako rito.” “Busog na si ate. Marami na siyang nakaing nilabong itlog,” biro ni Henry. “Dadalawa pa lang nakakain ko.” “Hahanginin tiyan mo, ate.” Mukhang si Helena naman ang nakaisip ng biro. “Mabaho iyan kapag lumabas.” “Naku, sinabi mo pa,” panggagatong ni Henry na para bang hindi sila magkaaway ng kakambal kanina. “Time bomb,” sabat naman ng ama nila. “Nasapol mo, papa,” bulalas ni Henry. “Gross!” maarteng irit naman ni Helena na sinabayan ng pagtakip sa ilong. “Grabe kayo sa’kin,” ungot niya at sa halip na madala sa sinabi ng mga ito ay kumuha ng isa pang nilabon. Gusto niya ng pritong itlog na sinabawan ng kape sa umaga pero mas bet niyang magpapak ng nilabong itlog na may kasamang nilagang saging. “Hala si ate, kumuha pa!” natatawang ani Helena. “Kailangang masabihan sina Miss Annie mamaya.” “Manahimik ka, Henry. Kumain na nga lang din kayo!” Nagkatawanan ang lahat. Mamaya pa ay napuno na ang kusina ng kwentuhan tungkol sa mga balak nila sa darating na Christmas vacation. “Basta, ma, nagsabi na po ako sa inyo ni papa na sa 22 ay may pupuntahan kami ng mga classmates ko,” paalala ni Helena. “Ilang ulit mo na ba iyang sinabi kay mama?” parunggit ni Henry bago pa nakapagsalita ang ina nila. “Mabuti na iyong nagpapaalala at baka makalimutan.” “Mamaya kulele na tenga nina mama sa’yo.” “Baki—” “Nagsisimula na naman kayong dalawa. Kapag palagi kayong ganiyan, walang aalis ng bahay,” mahinahon pero may igting na saad ng ina nila. Tahimik lang ang ama nila pero binibigyan ng makahulugang tingin ang kambal. Tuwing weekend lang sila halos nagkakasabay kumain at madalas pa'y araw nang Linggo lang dahil kapag Sabado ay nasa orphanage siya. Sa gabi, nagkakasabay man sila ay miminsan din lang dahil gabi nang umuuwi ang ama niya galing sa trabaho. Security guard kasi ito sa isang factory. "Nga pala, Hairah. Bakasyon na rin kayo 'di ba?" baling ng mama niya sa kaniya. "Opo.” “Tatlong araw ka mawawala, ate?” “Oo, kaya magbait ka dito, Helena.” "Kailan pala tayo mamimili? O kung gusto mo kami na lang nitong si Helena," suhestiyon ng kaniyang ina. "Pagbalik ko po para makasama ako.” "Wala ng two weeks, ate at Christmas na. Kailangan na nating mamili dahil siguradong maraming darating para mamasko," saad ni Henry habang inaabot ang baso ng tubig. "Sigurado ring puno ng mga tao ang mga tindahan ngayon. Siksikan blues na naman ito," napa-face palm pang wika ni Helen. “At mahabang pila,” dugtong ni Henry. "Maiba ako. Mukhang magpa-Pasko na naman tayong wala si Harold," naiiling na usal ng ama nila. Napatigil ang ina nila sa paghihiwa ng saging habang siya binalingan ang ama. Hindi nakalingat sa kaniya ang pagbanaag nang lungkot sa mga mata nito. Dalawang taon ang contract ni Harold sa Abhu Dhabi bilang engineer pero kailan lang ay sinabi nitong nag-renew uli ito ng kontrata. "Pa, okay lang iyon. Uso naman ang video call," pampasigla ni Helena. “Iba pa rin kung kasama natin siya,” mababa ang tinig na saad ng ina nila. "Siguradong malulungkot si kuya kapag nalaman niyang nalulungkot kayo dahil wala siya dito," pampalubag-loob naman ni Henry. Tiningnan siya ni Helena, humihingi ng saklolo. Nginitian niya ito bago tumingin sa mga magulang. "Uuwi rin po si Harold. Baka mamaya magulat na lang po tayo na nandiyan na siya," nakangiting dugtong niya na bahagyang nagpawala sa lungkot ng mga magulang. Nang matapos silang kumain ay nag-ayos na siya ng sarili. Si Henry ang naghatid sa kaniya sa sakayan sa kanto habang ang mga magulang at si Helena ay tinanaw siya. Alam niyang kaya maagang gumising ang mga ito ay dahil ilang araw na naman siyang mawawala. Isa sa labis niyang ipinagpapasalamat sa Diyos ay ang mainit na pagsuporta ng pamilya niya sa kaniya. ***** “Salamat, Henry. Pwede ka ng umuwi,” saad niya sa kapatid ng maibaba ang travelling bag. May limang minuto na silang nakatayo sa Loading Zone pero wala pa ring dumaraang jeep. Mangilan-ngilan pa lang ang tao sa bayan lalo na’t hindi pa sumasapit ang alas-sais. “Sabi nina papa ay hintayin raw kitang makasakay.” “Okay na ako.” “Sure ka, ate?” “Oo nga.” Wala sa loob na napahikab ito bago nakapagsalita. “S-sige, ate. Mag-iingat ka roon.” “At ‘wag kayo laging magbangayan ni Helena.” Napakamot ito sa batok. “Sige, ate,” anito at nagsimula nang maglakad palayo. Pinagmasdan niya ang kapatid at nang mawala na ito sa paningin ay kinuha niya ang cellphone sa bag at agad na tinawagan si Miss Annie. "Good morning, Miss Annie," bati niya rito nang sagutin ang tawag. "Good morning din. Napatawag ka? On the way ka na ba?" "Hindi pa po. Wala pa akong masakyan. Sa school ba ang diretso ninyo o sa orphanage na?" "Baka sa orphanage na dahil kasama ako nina Jhel." "Ah, kami na lang po ang dadaan ng school para may kasabay sina Teacher Raelyn. Nandoon pa raw po sila." "Sige, basta dapat before 9 ay ready na tayo," paalala nito. "Okay po. Thank you." "Walang problema. Kitakits na lang tayo." "Sure." Napanguso si Hairah nang mapagtantong hanggang ngayon ay wala pa ring jeep na dumaraan. Marami sa mga sasakyang dumaraan ay van, kotse at tricycle lang. Hindi siya pwedeng mahuli. Nakakahiya sa mga kasamahan niya kung siya pa ang male-late. Wala sa loob na napahikab siya. Hindi niya mawasang hindi makaramdam ng antok. Halos gabing-gabi na siya nakatulog at maaga pa rin siyang bumangon. Sa susunod na ilang araw ay magiging routine niya din iyon. "Good morning, Sir." Napalingon siya sa HPG na nagsalita sa gawing kanan niya. May kausap itong dalawang nakaunipormeng pulis. Inalis niya ang tingin sa mga ito at may malungkot na ngiting tumingin siya sa paanan niya. Hindi niya maiwasang hindi maalala si Elijah kapag nakakakita ng mga kapwa pulis nito. Simula nang makakwentuhan niya ito nang gabing iyon hindi na niya ito nakita pang muli. Mahigit isang linggo na rin ang lumipas na hindi niya nakikita ito. Isang pangyayari na hindi niya alam kung ipagpapasalamat ba niya o hindi. Iniiwasan niyang huwag hanapin o isipin ang lalaki pero sadyang mahirap gawin. Napabuntong-hininga siya bago ibinalik ang tingin sa kalsada. Gusto na niyang makasakay at makalayo. Gawin ang kailangan niyang gawin at punuin ang isip ng ibang bagay. Bagama't isinasama niya ito sa mga dasal na maging maayos at matatag ito sa kung anumang pinagdaraanan nito. Ipinagdarasal din niyang sana'y tulungan ang puso niyang makalimot sa nararamdaman para rito. Pero tila hindi madali iyon at kung minsan parang hindi sumasang-ayon ang tadhana. "Good morning, Hairah." Awtomatikong tila may kung anong pumitik sa niya nang marinig ang pamilyar na tinig ng lalaking nagsalita at bumanggit ng pangalan niya. Ang lahat ng antok at lumbay na nararamdaman kanina ay naglaho sa isang iglap. "H-Hi. G-good morning." Hindi niya maiwasang mag-stutter nang lingunin ang lalaki. Kahit saang anggulo ito tingnan ay talagang agaw-pansin ang taglay nitong kagwapuhan. Lalo ngayong nakasuot ito ng uniporme at nakangiti sa kaniya. Sinulyapan niya ang pangalang nasa kanang dibdib nito. Pelaez. "Magbabakasyon ka?" tanong nito sabay sulyap sa mga bag na dala niya. Naputol ang pag-iisip ni Hairah at mabilis na tumanggi."Naku, hindi.” Sinubukan niyang ilihis ang tingin dito. Pakiramdam niya'y kapag nagsasalubong ang mga tingin nila ay malalaman nito ang pinakakatago-tago niyang sikreto. "Hindi ka naman siguro maglalayas," pagbibiro nito. "Of course not," natatawang bulalas niya sabay balik nang tingin dito. Ngiting-ngiti ito na para bang amused na amused ito sa nangyayari. "At least you smile." Namulsa ito bago tumingin sa kalsada. "Huh?" Nagsalubong ang kilay niya habang nakatingin dito pero hindi ito lumingon sa kaniya. "You look sad? May problema ka ba?" Hindi pa rin tumitinging tanong nito. Isang malamig na kamay ang naramdaman niyang humaplos sa dibdib niya. Minabuti niyang huwag pansinin iyon at sumagot nang diretsa rito, "Wala." Sa loob niya'y may bumubulong at nagsasabing sabihing 'ikaw ang dahilan ng kalungkutang ito' ngunit hindi niya kayang gawin iyon at wala siyang balak gawin ang bagay na iyon. Mali, pero heto na naman siya. "May iniisip lang ako kaya siguro nagmukha lang akong seryoso sa paningin mo," pinilit niyang ngumiti nang muling magsalita. Tumango-tango itong ibinalik ang tingin sa kaniya. "Sinabi mo, eh. Pero, saan nga ang lakad?" pangungulit nito. Hindi niya maiwasang lalong mapangiti sa pagiging diretso at tila palagay nitong pakikipag-usap sa kaniya. Geez... Pulis nga ito. Ang daming tanong. "May three-day service kami." "Three-day service? Where?" manghang tanong nito. “Sa mga bata na nasa orphanage.” “Talaga?” Tumango siya bilang tugon. Nakakaengganyong tingnan ang gulat at amusement sa mukha ni Elijah. “Anong ginagawa ninyo doon?” "Nagtuturo kami ng Gospel at nagdadala ng mga donations.” Ilang sandaling hindi nagsalita si Elijah pero bakas sa mukha nito ang pagkamangha. “Kahit sino pwedeng gawin iyon,” nangingiting saad niya rito. “Yeah. Pero bukod sa mga orphanage, saan pa kayo pumupunta?” "Kung minsan ay sa mga nursing home at kung saan kailangan." "Wow! That's nice." Hindi siya nagsalita bagkus ay nagkibit-balikat lang "Ever since, ito na ang pinagkakaabalahan mo?" Pinigilan niya ang kamay na mapakamot sa ulo. Hindi talaga maipagkakailang pulis ito dahil napakagaling niya sa interrogation. "About two years ago na rin. Wala pa akong alam sa mundo dati, eh," makahulugang tugon niya at pasimpleng iniiwas ang tingin rito. Hindi kalayuan ay may nakita siyang paparating na jeep. "I think, I have to go," pamamaalam niya dito. "I can see that." Akmang kukunin niya ang travelling bag pero naunahan siya nito. "Let me," maagap na ani'to. "No," pigil niya. "Kaya ko naman at tsaka magaan lang iyan." "I insist," pagpupumilit nito sabay para ng jeep na parating. Tumigil sa tapat nila ang jeep na wala pang sakay. Iminuwestra ng binata na mauna na siya kaya napipilitang sumakay na siya ng jeep. Nakasunod naman ito sa likuran niya at nang makaupo siya ay isinakay naman ang bag niya. Nagsisimula nang gumana ang imahinasyon niya kaya’t bago pa man tuluyang tumakbo ito patungo kung saan, inisip niya na lang na sapul ay gentleman talaga ito. Hindi siya ang unang tao at babaeng ipinagdala nito ng bag. "Bye. Mag-iingat ka," masiglang paalam nito sa kaniya. Tumango siya pagkaraang magantihan ito ng ngiti. "Salamat. Bye." Umalis na ito mula sa pintuan at prente na siyang umupo. Nabwelo pa lang ang jeep sa pag-andar nang makita niyang sumilip ito sa bintana malapit sa driver. "Manong, paki-ingatan po ang binibining iyan. Kaibigan ko iyan," bilin nito sa driver na lubhang ikinagulat niya. "Aba'y oo naman, boss," natatawang tango ng driver bago pinaandar na ang jeep. Pinoproseso pa niya ang narinig nang muling nagsalita ang driver. "Naku, ma'am masarap maging kaibigan iyang si Sir Eli, 'di ba? Mabait na’y napakamaalaga at maalalahaning tao pa." Bago pa man niya ma-realize ang mga sinabi nito ay tila may sumuntok sa sikmura niya. Kaibigan? bulong ng isip niya. Mapait siyang ngumiti at tumingin sa labas ng bintana. "Opo nga," sagot niya. Kaibigan. Kami'y magkaibigan lang at hanggang doon na lang iyon... *****
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD