Chapter Eight

2141 Words
"You could imagine the life that you wanted, but you couldn't decide the stroke it will take." - Sej "Okay, tingnan ko nga kung may natutunan kayo mga bata sa mga ginawa natin. May itatanong kami ni Miss Jhel at sasagutin ninyo naman," malakas at masiglang pahayag ni Hairah sa mga batang nasa harapan niya. Kasalukuyan silang nasa orphanage. Nagkaroon sila ng story telling kanina at pagkatapos ay gumawa ng iba't-ibang mga activities. Ngkaroon din sila ng palaro na talagang kinatuwaan ng mga bata. At para mas worth it, dapat may natutunan din sila. "Opo!" sabay-sabay na sagot ng mga bata. "Let see," simula ni Jhel. "Ano nga ang isini-celebrate natin t'wing December 25?" Halos sabay-sabay na nagtaasan ang kamay ng mga bata. Tumawag sila ng isang batang lalaki at bibong sumagot ito, "Birthday po ni Jesus na tinatawag nating Pasko." "Tama! Ang galing mo!" aniya sa bata at nilagyan ito ng very-good sticker sa kanang dibdib. "Bakit natin pinaghahandaan ang Pasko?" tanong muli ni Jhel. Isang batang babae ang nagtaas ng kamay. "Yes, Lin?" tawag dito ni Jhel. May name tag ang bawat bata sa orphanage kapag pumupunta sila. Bukod doon, halos kilala na nila ang mga ito dahil sa ilang beses na pagpunta-punta nila sa orphanage. "Pinaghahandaan natin ang Pasko dahil ito po ang Araw ng Kapanganakan ng ating Tagapagligtas na si Jesus," malakas at confident na sagot ni Lin. Anim na taon pa lang bata at isa lang ito sa batang kinakitaan niya ng pagkabibo sa orphanage. "Very good, Lin," puri niya sa bata at nilagyan din ito ng very-good sticker. Tumuwid siya nang tayo at siya naman ang nagtanong. "Dapat ba'y t'wing Pasko lang natin inaalala si Jesus?" Nagtaasan muli ng kamay ang mga bata. Tumawag sila ng ilang bata para sumagot. "Araw-araw nating dapat inaalala si Jesus. Mahal Niya tayo at dapat hindi natin siya inaalis sa puso natin," sagot ng isa sa mga bata. Nakangiting nagkatinginan sila ni Teacher Jhel. Lumapad naman ang ngiti nina Miss Annie at ng iba pang kasamahang volunteers nila. Marami pa silang itinanong at lahat naman ay nakakasagot. Marami sa mga bata sa orphanage ay matatalino at malilikhain. May ilang mga guro na nagtuturo sa kanila sa loob ng bahay ampunan tuwing weekdays ngunit halos kulang ang mga kagamitan nila. Kaya nga hangga't kaya nilang mga volunteers, nagbabahagi sila ng kaalaman sa ibang kapwa guro na nasa loob ng bahay-ampunan at kagamitan na rin para sa mga bata. "At dahil mababait at magagaling kayong mga bata, may inihanda kaming mga regalo sa inyo." Si Miss Annie na ang nag-take over ng matapos sina Hairah sa part nila. "Pero bago iyon,  kakain muna tayo," malakas at masiglang dagdag pa ni Miss Annie. Nagpalakpakan ang mga bata at tila iisang tao na nagsabi ng, “Yehey!” Hindi maiwasang maluha ni Hairah dahil sa sayang nakikita sa mata ng mga bata. Hanggang ngayon, labis ang pagpapasalamat niya dahil dinala ang mga paa niya sa eskwelahan kung saan siya nagtuturo ngayon. Dahil kung hindi, baka hindi rin niya nakilala ang mga kasamahan. Baka wala siya sa kinatatayuan niya ngayon at baka hindi niya nararamdaman ang sayang nararamdaman niya ngayon. O baka hanggang ngayon nakakulong pa rin siya sa mga pader na nilikha niya noon, malungkot at nag-iisa. Iba talaga kapag ang Lord ang nagtakda... ***** Tahimik na nakaupo si Hairah kasama sina Jhel, Raelyn, at Laila sa maliit na teresa ng orphanage. Hindi kalayuan sa kanila ay magkausap sina Miss Annie, Mrs. Sales at ang madre na nangangalaga sa mga bata. "Salamat po, Sister sa pagpapatuloy sa amin dito pansamantala. Wag po kayong mag-alala maaga naman kaming aalis bukas," ani Mrs. Sales. "Wala iyon, kami ang dapat magpasalamat sa inyo. Malaking tulong lahat nang ginagawa ninyo. Nagiging masigla at masaya ang mga bata at naaalis sa puso nila ang mga bagay na wala sila," masuyong tugon ng madre. "Kasiyahan po ng bawat isa sa amin ang mapasaya ang mga bata," kumikislap ang mga mata ni Miss Annie sa saya. "Kung ganoon po, maiwan ko na muna kayo para makita ko kung naihanda na nila ang mga silid na tutulugan ninyo," pamamaalam ng madre. "Sige po. Salamat." Nang makaalis ang madreng kausap ni Miss Annie ay lumapit ito sa kinatatayuan nina Hairah na sinundan naman ng pagpasok nina Sheila, Myrna at Benjie. Ang balak nila ay mag-biyahe na papunta sa sunod na bahay-ampunan na pupuntahan nila pero ginabi sila sa kasalukuyang bahay-ampunan. Inimbitahan sila ng mga bata na sumama sa kanilang daily prayer and sharing na ginaganap t'wing pagkatapos ng hapunan at dahil naghanda ang ibang tagapag-alaga ng orphanage ng pagkain para sa kanila, hindi na nila nagawa pang tumanggi. Ang kinalabasan ay doon din sila magpapalipas ng gabi. Kadalasan, kumukuha sila ng isang kwarto o sa sasakyan na sila natutulog at naghahalinhinan sa pagmamaneho. Pero dahil gabi na, hindi pumayag si Sister na bumiyahe pa sila. "Dito tayo matutulog ngayong gabi?" naghihikab na tanong ni Raelyn. “Nagpahanda si Sister ng kwarto kaya dito tayo matutulog,” tugon ni Mrs. Sales. “Ako po’y sa sasakyan matutulog dahil ng mga gamit,” deklara ni Benjie. Pamilyadong tao ito pero ang ikinatutuwa nila ay nagagawa pa rin nitong sumama sa mga ganoong lakad. Ilang beses na nilang nakilala ang asawa’t anak nito at malaki ang pagsuporta nito sa asawa. “Hindi na. I-lock na lang ang mga pinto. May ituturo sa’yo si Sister kung saan ka pwedeng matulog. Mahaba pa ang biyahe natin bukas kaya dapat makapagpahinga ka.” Si Miss Annie iyon na binalingan naman sila. "Mabuti pa’y sumunod na kayo sa’kin at nang magpahinga na kayo. Maaga pa tayo bukas," marahang utos pa ni Miss Annie. Dala ng pagod ay tahimik na silang sumunod sa mga ito. Naghati sila sa dalawang grupo dahil dalawang kwarto lang ang kayang ipahiram sa kanila. Gayunman, payapang lumipas ang buong gabi. ***** Nakapikit na si Elijah habang sa tabi niya ay nakayakap ang nahihimbing na asawa. Presko ang gabi at malambot na kama ay tila inihehele siya pero hindi pa rin siya dalawin ng antok. Gusto niyang matulog at sandaling kalimutan ang lahat pero tila tinutudyo siya ng antok. Lumalalim na ang gabi ngunit hindi mawala sa alaala niya ang takot, kaba, at paghihirap sa mukha ng asawa. Nagmulat siya ng mga mata at ang madilim na silid ang bumuluga sa kaniya. Binalingan niya ang payapang natutulog na si Yannie at marahang hinaplos ang kulot na buhok nito habang sumasalit ang mga nangyari kanina. "Relax, love, magiging maayos din ang lahat. Maniwala tayong sa pagkakataong ito'y positibo ang balitang sasabihin sa atin ng doktor." Mahigpit na ginagap ni Elijah ang kamay ni Yannie nang maramdamang nalalamig iyon. “Natatakot ako, Elijah,” usal nito at mahigpit na humawak sa kamay niya, tila umaamot ito ng lakas.  Sa pangatlong linggo, pagkatapos nitong makunan ay labis silang nagtaka dahil sa biglang pagbagsak ng katawan nito. Hindi nila inaasahan iyon dahil noong dalawang nakaraang linggo ay nakita niya ang unti-unting pagbabalik ng sigla ng asawa. Nagpapahinga ito, kumakain nang maayos at sa kabila ng lungkot dahil sa pagkawala ng unang supling nila, pinipilit nilang maging positibo kaya labis nilang ipinagtataka ang lalong panghihina nito. Nagkakaroon ito ng spotting after ng raspa operation ngunit ayon dito ay tila lumalala iyon na kung minsan ay sinasabayan ng p*******t ng katawan nito. Iyon ang dahilan kaya nagpasiya silang muling magpa-check up. Ilang araw pagkatapos ng maraming test na isinagawa kay Yannie ay ipinatawag sila ng doctor nito. As they waited, they never stopped praying, hoping the result would say that Yannie’s condition was normal for a woman who had miscarriage. But all of their hopes were gone when the doctor said that there was a cyst growing inside her uterus. The doctor was so sure, yet she advised them to have second opinion. They followed, still hoping that Yannie’s doctor made a wrong diagnosis. However, the result was still behind the door of the doctor’s office. Natigil siya sa pag-iisip nang humilig si Yannie sa kaniya. "Hindi ako mawawalan ng pag-asa, love. Hangga’t nasa tabi kita, hindi ako mawawalan ng pag-asa," bulong nito sa pinatatag na tinig. "Mahal na mahal kita, Yannie at anuman ang maging resulta muli, nandito lang ako sa tabi mo," mabining bulong niya rito at hinalikan ang ibabaw ng ulo nito. "I love you more, Elijah. And I will love you more until my last breath," ganting bulong nito bago pinisil ang kamay niyang nakahawak dito. Napalingon sila ng may biglang lumabas na nurse sa may pinto. "Mrs. Yannie Pelaez," tawag ng nurse habang nakatingin sa kanila, nakapaskil ang masuyo at nakakaunawang ngiti sa mukha. Hindi na nito kailangang magtanong  pa dahil minsan na silang nakilala nito. Tumango siya at iginaya patayo ang asawa. "Hinihintay na po kayo ni Doc sa loob," ani ng nurse habang ibinubukas ang pinto para makapasok sila. Sa loob, sumalubong sa kanila ang hindi bababa ang edad sa 40's na babae. Nakasuot ito ng white lab gown. "Mr. and Mrs. Pelaez," bati nito sa kanila. "Please seat down." Umupo sila sa upuang nasa harap ng table nito. "So, shall we start?" masuyong tanong ng doctor. Nilingon niya si Yannie na nakatingin sa malaking name plate na nasa ibabaw ng table. Dr. Miranda L. Valdez. Sa baba ng pangalan nito ay may nakasulat na, Oncologist. Paulit-ulit nilang nakikita ito pero parang hindi na sila nasanay. "Yannie?" mahinang tawag niya sa asawa bago hinawakan ito sa kamay. "Pwede na tayong magsimula, doc," may pilit na ngiti sa labi na sabi ni Yannie. "Fine then..." simula ng doctor. Hindi na kinaya pa ni Elijah na balikan ang ibang pang nangyari. Hindi na niya kayang balikan kung paanong tila babasaging kristal na nabasag lahat ng pag-asa nila nang sabihin ng doctor ang resulta. Hindi niya kayang balikan kung paanong umagos ang masaganang luha sa mga mata ni Yannie habang nagmamakaawang baguhin ang resulta. Ngunit huli na. Ilan mang doctor ang lapitan nila at bayaran, hindi na magbabago ang resulta. Hindi lang ang pagkakaroon ng anak ang nawala sa kaniya, pati si Yannie ay maaaring mawala. Unconciously, his tears began to fall down. He hugged Yannie tightly as he kept on praying and hoping that God was listening to him. ***** Marahang pinunasan ni Hairah ang pawis niya nang maisakay sa sasakyan ang huling kahon na pinaglagyan ng mga ginamit nila sa activities. Mabilis na lumipas ang tatlong araw nilang service. Kahit pagod at puyat, tila hindi nila alintana iyon. Masaya at masigla pa rin ang lahat. "I'm done," pagod na anunsiyo niya. “Kami rin. Nakapaglinis na kami sa loob,” sabat ni Laila na kasunod sina Myrna at Sheila. "Nagpapaalam na sina Miss Annie at Mrs. Sales sa directress. Punta muna tayo doon,” pag-aaya naman ni Sheila. Tumango siya at sumunod sa mga ito. "Hayy!" Nag-iinat na ani Myrna. “Another mission accomplish.” "Oo nga. Pero kahit gusto ko nang umuwi ay parang mami-miss ko ito," sabi naman ni Laila habang nakatingin sa orphanage. Tumingin din siya sa dalawang palapag na orphanage. Ang kulay off-white nitong pintura at kulay berdeng bubong ay nakikipagpaligsahan sa sikat ng araw. Hapon na ngunit mataas pa rin ang sikat ng araw. “Narinig kong sabi ni Miss Annie sa susunod daw ay baka sa mga batang cancer warrior naman tayo,” pagkukwento ni Myrna. “Naalala ko bigla iyong unang beses na mag-service tayo sa mga cancer warriors sa Lipa. Grabe ang sakit ng ilong ko sa pagpipigil umiyak.” “Hindi lang ikaw, Laila. Nakauwi na tayo pero ang dibdib ko’y parang ang bigat-bigat,” pagkukwento rin ni Myrna. “Kumusta na kaya ang mga batang iyon?” wala sa loob na tanong ni Sheila. “Ilan sa kanila ay tahimik na ngayon,” bulong niya at tumingin sa langit. Sumasalit sa balintataw niya ang mukha ng mga batang dinalaw nila. Marami sa kanila ay wala ng buhok, nakaupo na sa wheel chair, at ang iba’y hindi na makagalaw pero kakatwang payapa ang mga mata nila. Nahihirapan sila pero nagagawa pa rin nilang ngumiti at tumawa na para bang walang masakit sa kanila. Lord, masaya na sila ‘di ba? Mahirap man ang buhay, alam naming may masayang buhay na naghihintay sa kanila. Inalis niya ang tingin sa langit at bahay-ampunan para lang matigil sa paghakbang. May masayang buhay na naghihintay sa kanila… Napakurap siya habang nakatingin sa gusali. Isang imahe ang naglalaro sa isip niya habang nakatingin doon. Bakit bigla itong pumasok sa isip niya? “Uy, Hairah, napano ka?” untag ni Laila. “Ha? Ah wala.” Nagkibit-balikat siya at nagpatuloy sa paglalakad. Lord, naniniwala akong may plano ka sa buhay niya. Pag-ingatan mo siya at ang puso niya. *****
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD