Malakas na tumahip ang dibdib ni Aleigh pagkagising niya kinabukasan nang mabasa niya ang mensahe mula sa hindi kilalang numero. Sa paraan ng text nito ay kilala niya na kung sino ang nagpadala nito sa kanya. Mabilis niyang ikinurap-kurap ang mga mata at nagbabakasakaling guni-guni niya lang ang lahat at kasalukuyan pa siyang natutulog. Nang hindi matanggal doon ang mensahe nito ay mabilis siyang bumangon ng kama, na agad na pinagsisihan niya nang tuluyan nang umiyak at nagising ang anak na naistorbo. “Ale, good morning anak.” malambing na wika niyang ibinaba na ang cellphone at kinarga ang bata, marahan niyang tinapik-tapik at hinaplos ang likod nito. “Tulog ka ulit, sorry sa istorbo ni Mommy.” bahagyang galaw-galaw niya sa ibabaw ng kama upang ihele ang anak na halatang inaantok pa.

