Ang malakas na tunog ng alarm clock ang nagpadilat sa mga mata ni Tom. Linggo ngayon at wala silang pasok sa paaralan. Nakalimutan niyang patayin ang kaniyang alarm clock dahil sa sobra niyang antok sa paglalaro ng computer kagabi. Kaya kahit ayaw niya pang bumangon, ay napilitan siyang tumayo para patayin lamang ang maingay niyang orasan.
Padabog niyang hinampas ang maingay na alarm clock nang nakapikit. Alam niya kung saan iyon nakapuwesto kaya hindi ito naging problema sa kaniya. Matapos niyang patayin ang orasan ay pipikit-pikit siyang bumalik at dumapa sa kaniyang kama. Gusto niyang bumalik sa kaniyang pagkakatulog ngunit narinig niyang bumukas ang pintuan ng kaniyang kwarto.
“Bumangon ka na riyan, Tom! Tanghali na!” Narinig niyang sigaw ng kaniyang ate Trisha.
Umungot lamang si Tom at saka lalong tinaklob ang makapal at puti niyang kumot sa kaniyang ulo habang nakadapa. Sa mga ganitong pagkaktaon ay ayaw niyang maistorbo sa pagtulog lalo na kung wala naman silnang pasok. Si Trisha ang madalas manggising sa kaniya lalo na kapag inaabot siya ng tanghali.
“Kanina pa kami tapos mag almusal tapos ikw nakahilata pa riyan!” sigaw uli ni Trisha. “Bumangon ka na kasi aalis daw tayo!”
Kahit na nakataklob ng kumot ang ulo, napadilat bigla si Tom. Bigla siyang mayro’ng naalala.
Napabalikwas bigla si Tom sa kaniyang higaan at dali-daling tumingin sa kalendaryong nakasabit sa kaniyang pader. Ngayon ay mas naalala niya na kung anong araw ang mayroon ngayon. Ngayon ang araw ng kasal ng anak ng kaibigan ng kanilang ama. Ang ibig sabihin lamang nito ay makikita niya ulit si Heidi, ang bunsong anak ng kaibigan ng kanilang ama at ang nakababatang kapatid ng ikakasal na babae.
Si Heidi ang nag-iisang crush ni Tom mula no’ng sila ay nasa elementarya pa lamang. Si Heidi ang nag-iisang babae na gusto niyang ligawan pagdating ng panahon, dahil sa mala-intsik na mukha nito at mala-anghel na boses kapag umaawit.
“Ngayon na ba ‘yon?” tanong ni Tom sa kaniyang ate, habang nakatulala sa kaldendaryo.
“Oo ngayon na! Kaya bumangon ka na riyan at mag intindi ka na ng sarili mo,” sagot naman ni Trisha. Pagkatapos ay agad itong lumabas ng kwarto ni Tom, dahil maging siya ay hindi pa rin nakakapag-ayos ng kaniyang sarili.
Sinuot ni Tom ang itim na coat and tie na binili ni Frecy para sa kaniya. Kahit na medyo masikip ay pinilit niya pa rin itong suotin dahil gusto niyang mapansin siya ni Heidi. Bumagay ang kasuotang ito sa kaniyang clean cut na buhok at medyo malusog na pisngi. Pumares din ang itim na coat and tie na ito sa kaniyang maputing balat.
Habang nakaharap sa salamin, lumapit sa kaniya si Trisha na dala ang isang piraso ng putting rosas at saka iyon ay inilagay sa bulsa ng kaniyang coat and tie sa bandang dibdib. Hindi nilingon ni Tom ang kaniyang ate. Aayusin niya sana ang pagkakalagay ng puting rosas sa kaniyang dibdib, ngunit nadismaya siya nang malaman niyang atipisyal na rosas lamang ito. “Ano ‘to?” tanong niya.
“Bulaklak eh! Ano bang tingin mo riyan?” pabalang na sagot naman ni Trisha, habang hinihimas-himas ang kaniyang buhok na inayos mismo ni Frecy.
“Alam kong bulaklak ‘to, pero bakit artificial? Gusto ko ‘yong tunay! Pag binigay ko ‘to kay Heidi, baka sabihin niya plastic ang pagtingin ko sa kaniya,” saad naman. Tom, habang pinoporna ang sarili sa harapan ng salamin na may paghawi pa ng buhok.
“Ang arte mo naman! Kung ayaw mo niyan, maghanap ka ng white rose sa labas!” tugon naman ni Trisha sa sinabi ng kaniyang kapatid.
Si Trisha ay nakasuot naman ng blue-green gown na lampas ng isang pulgada sa kaniyang tuhod. Mabuti na lamang at makinis at maputi ang balat ni Trisha kaya hindi siya naiilang na makita ang kaniyang binti. Kahit na medyo hindi siya sanay sa mga ganoong kasuotan ay napilitan siyang suotin ito alang-alang sa kaniyang ama.
May mga kaunting palamuti ring nakakabit sa buhok ni Trisha na tila mga perlas na kulat puti. Ang gamit niyang hikaw na gawa sa pilak ay pagmamay-ari ng kaniyang ina. Ang suot niya namang lipstick ay halos kasing kulay na ng dugo, na mas bumagay naman sa kaniyang mga matang may malalaki at maiitim na balintataw.
Sabay-sabay na umalis ang buong pamilya sa kanilang tabanan. Lulan ng kanilang sasakyan, nakarating sila sa simbahan kung saan gaganapin ang kasal. Nanunang bumaba si Edwin na nakasuot pa ng itim na shades. Bagay na bagay sa kaniyang tindig ang suot niyang itim na tuxedo at leather shoes na kakulay ng kahoy.
Si Frecy naman ang sunod na bumaba mula sa front seat ng kanilang sasakyan, habang suot ang mahabang gown na kakulay ng kay Trisha. Nakasuot siya ng malaking sumbrerong puti na anino’y isang italyana.
Huling bumaba ang magkapatid mula sa passenger seat. Sa sobrang init ng tirik ng araw ay napapikit na lamang si Trisha, dahil hindi niya maiwasang masilaw dahil sa repleksyon ng liwanag sa kalsada. Samantalang si Tom naman ay tila hindi nakakaramdam ng init. Tumayo siyang parang isang matanda at matipunong lalaki sa gilid ng kanilang sasakyan, habang iniikot ang paningin sa paligid. Sinusubukan niyang hanapin ang dalagang si Heidi.
Hindi naman maiwasang mapangiti ni Trisha dahil sa inaasal ng kaniyang kapatid. Bihira niya lamang kasi itong makitang pumorma kagaya ngayon, at nangyayari lamang ito kapag alam niyang makikita niya si Heidi. “Baka maduling ka kakahanap sa Heidi mo,” sabi ni Trisha sa kaniyang kapatid, nang mapansin niyang palingon-lingon ito sa paligid.
Hindi sumagot si Tom. Tumitig lamang siya sa kaniyang ate saka muling inikot ang tingin na parang hindi niya narinig ang sinabi ni Trsiha.
“Pumasok na tayo,” biglang sabi naman ni Edwin sa kaniyang mga anak at asawa. Tila isa siyang artistang naglalakad papasok ng simbahan, dahil sa nakakalusaw na tingin ng mga taong nasa paligid.
Sa loob ng simbahan, nahanap na ni Tom si Heidi. Nakaupo ito sa pinakaunang hanay ng mga upuan dahil isa pala ito sa mga abay ng ikakasal. Inayos ni Tom ang kaniyang upo at ang kaniyang katawan. Maging ang kaniyang buhok ay inayos niya gamit ang kaniyang kamay. Ngunit ilang minuto na ang nakalilipas ay hindi pa rin ito lumilingon sa kaniya. Tila hindi niya nakikita at naririnig ang pari na nagsasalita sa harapan, dahil sa kakatitig kay Heidi.
Samantalang si Trsiha naman ay nakatingin sa kaniyang mga magulang na nakaupo sa hanay ng mga ninang at ninong, habang nakikinig sa sermon ng pari. Hanggang ngayon ay hindi niya pa rin makalimutan ang kaniyang mga narinig sa kusina tungkol sa kaniyang ama. “Ano kayang problema ni papa?” muli niyang natanong sa kaniyang sarili.
Hindi sanay na maglihim si Trsiha sa kaniyang pamilya. Ito na ata ang unang pagkakataon na mayroon siyang nalalaman na hindi niya sinasabi kay Tom o sa kaniyang mga magulang. Naisip niya rin kasi na mayroon din palang tinatago ang mga ito sa kanilang dalawang magkapatid.
Ngunit hindi na natiis ni Trsiha ang mga tanong sa kaniyang isiip. Alam niya sa kaniyang sarili na kailangan at may karapatan si Tom na malaman kung ano ang kaniyang narinig kagabi. Kaya naman kahit na abala si Tom sa pagtitig kay Heidi, ay siniko niya ito sa tagiliran. Napabalikwas ito sa kaniya at sinabing, “bakit na naman?!”
“May sasabihin ako sa ‘yo,” sagot naman ni Trisha.
“Ano ‘yon?” tanong ni Tom, habang nakatingin pa rin kay Heidi na abala naman sa pakikipag-usap sa katabing abay na babae.
“Narinig ko sila papa at mama kagabi na nag-uusap,” pabulong na sagot ni Trsiha, habang nakatingin sa kaniyang mga magulang.
“Eh ano naman kung narinig mo?” tanong uli ni Tom, nang hindi nililingon ang kaniyang ate.
“Pakinggan mo nga muna ako!”
“Nakikinig ako!”
“Tumingin ka sa ‘kin!” Ngunit hindi pa rin lumilingon sa kaniya si Tom. Hindi na napigilan ni Trsiha na kurutin sa tagiliran ang kaniyang kapatid. Kahit na makapal ang suot ni Tom ay naramdaman niya pa rin ang balat nito sa dulo ng kaniyang daliri.
“Aray!” Dahil sa lakas ng boses ni Tom ay napatingin sa kaniya ang pari at si Heidi.
Agad na napayuko si Tom dahil sa sobrang hiya. Ngunit na imbes na magalit siya sa kaniyang ate ay tila natuwa pa siya nang dahil lamang sa tumingin sa kaniya si Heidi. Hanggang sa wakas ay hinarap niya na rin si Trisha nang nakasimangot. “Ano ba kasi ‘yon?!” pabulong na tanong niya.
“Feeling ko nasa panganib buhay ni papa,” diretsahang sagot naman ni Trisha.
Hindi alam ni Tom kung ano ang mararamdanan niya. Ang saya na kaniyang nararamdaman ay biglang napalitan ng takot sa loob lamang ng isang iglap. Higit sa lahat, ngayon niya lamang ding nakita ang kaniyang ate na tila mayroong nangangambang mga mata. Bago ito sa kaniya dahil kilala niya ang kaniyang ate Trisha.
“Narinig mo ba ‘ko?” taas kilay na tanong ni Trsiha. Natulala kasi si Tom na para bang nakakita ng isang multo.
“Oo.” tatango-tangong sagot ni Tom. “Bakit mo nasabi ‘yan ‘te? Anong mga narinig mo?”
“Narinig ko na parang pinipigilan ni mama si papa. Hindi ko lang alam kung ano ‘yon, hanggang sa marinig ko si mama na umiiyak. Parang pinipigilan niya si papa. Hindi ko alam kung bakit,” paliwanag ni Trisha.
“Ano namang magiging problema ni papa sa trabaho?”
“Hindi ko pa alam sa ngayon. Pero ang sigurado ako, dapat nating bantayan si papa. Tulungan natin si mama na pigilan si papa kung ano man ‘yong pinag-uusapan nila,”
Natulala naman ang batang si Tom. Ang totoo ay hindi niya alam kung ano ang kaniyang isasagot tungkol sa kaniyang narinig. Ang saya na kaniyang nararamdaman ay bigla na lamang naglaho.
Matapos ang kasal ay patuloy pa rin na nagbulungan ang dalawang magkapatid tungkol sa narinig ni Trisha mula sa kanilang mga magulang. Pagdating nila sa reception ng kasalan ay halos hindi nila maialis ang kanilang mga mata kay Edwin. Parehong minamanmanan ng magkapatid ang bawat kilos ng kanilang ama lalo na sa tuwing ito ay mayroong kinausap.
Nahalata rin ni Tom ang pagiging balisa ng mga mata ng kanilang ina. Batid niya na mayroon itong iniisip at mayroon itong hindi sinasabi sa kanilang dalawa. Alam niya iyon at nararamdaman niya iyon sa kaniyang puso.