Hindi pa man pumuputok ang araw ay bumangon na kaagad si Edwin sa kanilang higaan. Iniwasan niyang magising ang asawang si Frecy upang hindi na ito magtanong at magtaka kung bakit maaga siyang aalis ngayong araw. Maingat siyang naglakad palabas ng kuwarto at maingat na nag-ayos ng kaniyang sarili.
Nang matapos si Edwin ay nagpunta siya sa kuwarto ni Edwin. Maingat niyang binuksan ang pintuan ng silid nito upang hindi ito maglikha ng ingay. Nang mabuksan niya ang pintuan ay masusi niyang pinagmasdan ang inosenteng mukha ni Tom. Hindi maiwasan ni Edwin ang maalala ang mga panahon na ang kaniyang kaisa-isang lalaking anak ay isa pa lamang makulit na bata. Sa tuwing pinagmamasdan niya si Tom ay hindi pa rin siya makapaniwala na malaki na ito at mayroon ng sariling pag-iisip.
Sunod na pinuntahan ni Edwin ay ang kuwarti ni Trisha. Dahan-dahan at maingat niya ring binuksan ang pintuan ng kuwarto, upang silipin ang kaniyang anak na babae. Ngunit laking gulat niya nang makita niyang wala si Trisha sa kaniyang kama.
Walang pag-aatubiling pumasok si Edwin sa kuwarto at nagpunta sa magulong higaan ni Trisha. Dahil sa madilim na ilaw ng lampshade ay hindi niya masyadong maaninag ang paligid. Kinapa niya ang higaan ngunit hindi niya naramdaman ang kaniyang anak. Gusto niya na sanang tawagin si Trisha, ngunit inalala niya na baka magising ang kaniyang asawang si Frecy.
Kahit na malamig ang simoy ng hangin ng madaling araw dahil sa bukas na bintana ni Trsiha, ay nakaramdam pa rin siya ng init sa katawan. Bahagya siyang kinabahan dahil hindi siya sanay na hindi nakikita ang kaniyang mga anak bago pumasok sa trabaho o sa tuwing mayroong lakad.
Inikot na ni Edwin ang kaniyang paningin sa paligid ng kuwarto, ngunit hindi niya pa rin makita si Trisha. Hindi maaaring pumunta ito sa sala o kusina para umihi o dumumi dahil mayroong sariling palikuran ang kaniyang kuwarto.
Nagpasya si Edwin na lumabas na ng kuwarto para hanapin ang anak na babae. Ngunit ang kaniyang puso ay tila tumalon nang makita niyang nakatayo si Trisha sa pintuan ng kuwarto habang nakatingin sa kaniya. Nakasuot pa ito ng dilaw na pajama at dilaw na damit pang tulog. Ang buhok ni Trisha ay magulo pa mula sa pagkakatulog. “Ginulat mo naman ako anak,” saad ni Edwin, habang nakahawak sa kaniyang dibdib. Napansin niya ang tila malungkot na mga mata ng kaniyang anak.
“Ang aga niyo naman po ‘atang umalis,” sabi ni Trisha. Ang tono ng kaniyang pananalita ay halatang bagong gising, ngunit kapansin-pansin ang pagiging malungkot nito.
“May importante lang akong tatapusin sa trabaho ‘nak. Bumalik ka na sa higaan mo. Gusto lang kitang makita bago ako umalis,” sagot naman ni Edwin.
Alam ni Trisha na mayroong tinatago ang kaniyang ama. Pinagmasdan niyang maigi ang kasuotan nito mula ulo hanggang paa. Grey na polo, makapal at mahabang leather jacket, maong na kupas at sapatos na itim. Ganito ang tipikal na kasuotan ni Edwin tuwing umaalis sa madaling araw. Ilang beses niya nang nakikitang umaalis ang kaniyang ama tuwing madaling araw, at hindi iyon alam ni Edwin.
“May tinatago ka ba sa ‘min?” hindi napigilang tanong ni Trsiha. Ang kaniyang mga mata ay nakatutok lamang sa mga mata ng kaniyang ama na tila nag-iisip na ng idadahilan.
“Ha? A-ano namang itatago ko sa inyo anak?” balik na tanong naman ni Edwin.
Bahagyang pumasok ang malamig na hangin mula sa bukas na bintana ni Trisha. Ang samyo ng hangin na iyon ay nagpakilabot sa katawan ni Edwin na para bang kaharap niya ang isang pinakamagaling na hukom. Ang mga ibon sa labas ng kanilang bahay ay nagsisimula na ring umawit kasabay ng pagsilip ng liwanga sa ulap.
Napabuntong hininga si Trisha. Alam niya na mayroong tinatgo ang kaniyng ama. Alam niya dahil sa kaniyang mga narinig. “Narinig ko kayo ni mama no’ng nakaraang gabi na nag-uusap sa kusina. May mangyayari bang masama sa ‘yo?” Ang tono ng pananalita ni Trisha ay matamlay at tila nanginginig. Sinusubukan niyang pigilan ang kaniyang mga labi ngunit hindi niya magawa.
Sandali namang natahimik si Edwin. Hindi niya alam kung dapat niya bang pagalitan ang anak o dapat niya bang kaawaan. Hindi niya alam kung ano ang kaniyang isasagot. “W-walang mangyayaring masama sa ‘kin anak. Mali ka ng narinig,” sabi niya.
“Huwag naman kayong magsinungaling sa ‘min pa! Anak niyo kami! Pagkatapos kong marinig ang pag-uusap niyo ni mama, hindi na ‘yon nawala sa isip ko!” Ang mga mata ni Trisha ay nag-umpisa nang magtubig. Ang kaniya ring boses ay lalong nanginig at bahagyang napalakas.
Sa unang pagkakataon ay naramdaman ni Edwin ang takot sa mga mata ng kaniyang anak. Ramdam na ramdam niya ang mga mata nitong tila nakikiusap sa kaniya. Nakaramdam siya ng awa para sa kaniyang mga anak. Bigla niyang naisip ang buo niyang pamilya. “Paano na lamanh sila kapag nawala ako?” tanong niya sa kaniyang sarili.
Mabilis na lumapit si Edwin sa kaniyang anak. Hinatak niya ang balikat nito at saka inilapat sa kaniyang katawan at niyakap ng mahigpit. Ang pisngi ni Trsiha ay nasa kaniyang dibdib, habang hinihimas niya ang likuran nito. Hindi alam ni Edwin na may kaunting luhang pumatak sa mata ni Trsiha. “Tungkol lang ‘yon sa trabaho ko anak. Walang mangyayaring masama kay papa, pangako ‘yan,” sabi niya.
Kinahapunan, naglalakad si Edwin sa isang mailaw na pasilyo sa loob ng kanilang opisina. Ang sahig at ang pintura ng dingding na kaniyang nilalakaran ay kulay puti na lalong nagbibigay ng repleksyon sa liwanag ng ilaw. Hawak niya ang isang kulay itim na attaché case sa kaniyang kanang kamay habang naglalakad. Ang yabag ng kaniyang paa ang tanging maririnig sa buong pasilyo na kaniyang nilalakaran.
Handa nang umuwi si Edwin para muling makasama ang kaniyang pamilya, hanggang sa marinig niya ang mabilis na mga yabang ng paa mula sa kaniyang likuran. Napahinto siya sa paglalakad at saka lumingon sa kaniyang likuran. Nakita niya ang isa sa kaniyang mga katrabaho na si Venus Callo, na nagmamadaling maglakad habang nakatingin sa kaniya. Nakasuot ito ng mini skirt at blusang puti na may mahabang manggas. Maksi at kulot ang buhok, at may katamtamang hubog ng katawan. Ang malakas na tunog ng kaniyang takong ang nagpatigil kay Edwin sa paglalakad dahil kilala niya at alam niya kung sino iyon.
“Pauwi ka na ba?” bungad na tanong ni Venus, nang makalapit siya kay Edwin.
“Oo, bakit?” saad naman ni Edwin. May kaunting pagtataka sa kaniyang isip dahil ngayon lamang nagtanong si Venus sa kaniya ng ganito.
“Puwede ba akong sumabay sa ‘yo?” tanong uli ni Venus.
Kahit na nagtataka at nag-aalangan, tumango si Edwin. Lalo siyang nagtaka nang magtama ang kanilang mga mata, at mapansing tila mayroon itong gustong sabihin kaya naman hindi na lamang siya nagsalita at sumabay na lamang kay Venus sa paglalakad na parang normal na magkatrabaho.
Pagdating sa parking area ng kanilang opisina, sasakay na sana si Edwin sa driver’s seat nang biglang iharang ni Venus ang kaniyang kamay sa pintuan. Nagulat si Edwin at napatingin sa kaniyang katrabaho. Ngunit sa kaibuturan ng kaniyang puso ay tila alam niya na kung ano ang pakay nito. Alam niya sa pasilyo pa lamang na may gustong sabihin si Venus.
“Huwag mo nang ituloy ang binabalak mo,” sabi ni Venus. Ang kaniyang mga mata ay nanlalaki na para bang natatakot.
“Sinong may sabi sa ‘yo?” walang ganang tanong naman ni Edwin. Malamya ang kaniyang mga mata na may halong pagkairita.
“Hindi na importante ‘yon. Bali-balita na sa buong agency kung anong binabalak mo. Nakarating na rin ‘yon sa mga nakatataas! Pinapayuhan kita bilang kaibigan, Edwin. Huwag mo nang ituloy ‘yan!” Halata sa tono ni Venus ang pagkataranta na parang nagmamadali. Panay rin ang tingin niya sa paligid at sa mga CCTV camera ng parking area.
Hinigpitang maigi ni Edwin ang kaniyang kamay sa hawakan ng itim na attaché case. “Buo na ang desisyon ko. May mga koneksyon ako na tutulong sa ‘kin!” gigil at pigil na sagot ni Edwin.
Bubuksan na sana ni Edwin ang pintuan ng driver’s seat, nang biglang hinampas ni Venus ang kaniyang kamay dito. “Isipin mo ang pamilya mo, Edwin! Kailangan ka nila!” nagmamakaawang sabi nito.
Huminga ng malalim si Edwin na may pagkadismayang nararamdaman sa kaniyang puso. Dahan-dahan niyang hinawi ang nakaharang na kamay ni Venus sa pintuan at saka pumasok sa loob ng kaniyang sasakyan. Pagkaupo niya ay binuksan niya ang bintana ng driver’s seat at muling tiningnan si Venus. “Kailangan ko ‘tong ituloy. Hindi mahihinto ang lahat kung walang gagawa ng aksyon. Isipin mo na para sa ‘yo rin ‘tong ginagawa ko, Venus. Para sa pamilya ko!” gigil na sabi ni Edwin. Kita sa kaniya panlalaki ng mga mata at ang determinasyon sa kaniyang pinaplano.
Gusto pa sanang magsalita ni Venus ngunit pinaandar na ni Edwin ang kaniyang sasakyan. Naiwan siyang nag-iisa sa parking area nang dismayado at panggigigil. Wala siyang nagawa. Hindi niya napigilan ang isa sa pinakamatalik niyang kaibigan. Wala na siyang ibang natanaw kung ‘di ang ilaw sa likuran ng sasakyan ni Edwin na unti-unting lumalayo.
Bumilis ang t***k ng puso ni Venus. Pakiramdam niya’y pinagmamasdan at pinapanood siya ng maraming tao mula sa CCTV camera na nakapaligid sa buong parking area.
Nilagay ni Venus ang kaniyang kaliwang kamay sa bulsa ng kaniyang mini skirt at kinuha ang kaniyang telepono na may modelong Nokia 3210. Pinindot niya ang mga numero at saka inilapat sa kaliwa niyang tainga. “Hello?” sabi niya sa kabilang linya ng telepono. “Tulungan niyo siya.”