Mistress 4

2107 Words
GUSTO ko ng bumitaw... Ang kantang iyon ang pumupuno sa buong silid ni Jasmin. Bukod doon ay ilang mga kantang mapanakit pa ang kanina pa tumutugtog sa kanyang playlist. Pagdating ng chorus ng kanta ay bigla niya iyong sasabayan ng malakas. Soundproof ang kanyang silid kaya kahit magwala siya roon ay hindi maririnig ng mga kasama sa kanyang bahay. O kung marinig man ay anas-as lamang. Hilam na rin sa luha ang kanyang mukha at siguradong namumugto na ang kanyang mga mata. Nang nakaraang gabi ang kanyang kaarawan. Pagkatapos mag-announce ni Ash ng petsa ng kanilang kasal ay nagmistula na siyang robot sa mga sumunod na sandali. Oo at nakapaskil ang maluwang na ngiti sa kanyang labi pero wala na ang kinang sa kanyang mga mata. Puro tango at iling nalang din ang ginagawa niya na napansin ni Ash. Nag-rason nalang siyang napagod siya at tinanggap naman nito. Hindi na rin siya mapakali at maya’t-maya ang pagbabantay niya rito. Ilang beses niyang nakita na kausap nito si Yanni. Ang ganda pa ng tawanan ng dalawa. Pero ang totoo ay gustong-gusto na niya itong sampalin. Gusto niya itong saktan at ipamukha rito ang ginagawa nitong pagtataksil sa kanya. Gustong-gusto niyang hilahin ang kulot na buhok ng babae at ingudngod ito sa semento. Ang kapal ng mukha nito at sa mismong loob pa ng bahay niya nag-quicky ang dalawa! The nerve! Sa lugar pa kung saan ang santuwaryo niya. Pero pilit pa rin niyang pinaglabanan ang sarili. Hindi niya nanaising masira ang kanyang gabi pagkatapos ay nasa tabloid na siya kinaumagahan. Kahit pa gustong-gusto niyang pumatay ng nagdaang gabi. Pero mukhang ininda iyon ng kanyang katawan dahil hinimatay nalang siya bigla habang nasa harap ng mga bisita. Hindi na niya alam kung ano ang mga sumunod na nangyari. Paggising niya ay nasa kanyang kama na siya. Nakabihis at wala ng make-up sa mukha. Mukhang mataas na rin ang sikat ng araw sa labas dahil maliwanag na ang kanyang silid. Bukas na rin ang mga kurtina roon kaya alam niyang umaga na. Sigurado siyang si Nana Kata ang pumasok sa kanyang silid kanina upang tingnan ang kalagayan niya. Pumasok din kanina si Ash at kinumusta ang kanyang pakiramdam. Nagdahilan siyang masama ang kanyang pakiramdam at gusto niyang magpahinga buong araw. Nagpaalam na rin ito. Bukas na raw ito makakabalik dahil may recording pa raw ito mamaya. Pag-alis nito ay ini-lock niya ang pinto ng kanyang kuwarto at nagsimula siyang mag-emote. Umiyak siya ng umiyak at inilabas ang lahat ng sama ng loob na kinikimkim ng nagdaang gabi. Gusto niyang kumprontahin ang binata subalit alam niyang kapag ginawa niya iyon ay siguradong maghihiwalay sila. At hindi niya iyon nanaiising mangyari. Mahal na mahal niya si Ash at handa na siyang makasama ito habang-buhay. Ayaw niya itong mawala. Mas lalo siyang masasaktan kapag iniwan siya nito at pinili ang babaeng iyon. Nararamdaman niyang mahal pa rin niya ito kahit maliwanag pa sa sikat ng araw ang natuklasan niya kagabi. At habang nag-eemote siya ay pinag-iisipan din niya ang susunod na gagawin. Nasa gitna siya ng ‘pagco-concert’ ng marinig ang sunod-sunod na katok sa pinto. “Jasmin, anak... ayos ka lang ba riyan?” naulinigan niya ang boses ni Nana Kata. Si Nana Kata ay matagal na niyang kasama sa bahay. Ito ang mayordoma at siyang personal na nag-aasikaso ng mga pangangailangan niya kapag naroroon lang siya bukod kay Kris. Bago palang siya noon sa showbiz ng makasama niya ito. Simula noon ay hindi na siya nito iniwan. Kasing-tanda ito ng kanyang ina kaya kung ituring niya ito ay parang isang ina na rin at gayundin ito na isang anak ang turing sa kanya. Nasa malayong probinsiya ang mga kamag-anak nito pero hindi ito nakapag-asawa at wala rin itong anak. Kaya ibinuhos nito ang buong atensiyon sa kanya. Agad niyang pinunasan ang mga luha sa kanyang mukha. Umalis siya sa kama at tinungo ang pinto saka iyon binuksan. Kaunting awang lang ang ginawa niya sa pinto. Alam na ng matanda ang ibig sabihin kapag ganoon. Ayaw niyang magpaistorbo o ayaw niyang magpasok sa loob ng kanyang silid. “Jasmin, kumusta na ang ---.” Natigilan ito ng makita ang itsura niya. Binistahan siya nito mula ulo hanggang paa. Isang maluwang na t-shirt na kulay pink na may punit pa sa laylayan, maluwang din na pajama na pantulog ang suot niya. Magulong-magulo ang mahaba niyang buhok. Higit sa lahat, alam na kaagad niyang nahalata nito ang kanyang mukha. Umawang ang bibig nito kasabay ng panlalaki ng mga mata. “Anak.. anong nangyari sa iyo? Bakit ganyan ang itsura mo? Umiyak ka ba?” sunod-sunod nitong tanong. Agad na bumakas ang pag-aalala sa mukha nito. May bumikig sa kanyang lalamunan. Nanginig ang kanyang labi. Nagsimula nanamang mangilid ang luha sa sulok ng kanyang mga mata. Katatapos lang niyang umiyak at ngayon ay heto, paiyak nanaman siya. Salubong ang mga kilay na sumilip ito sa loob ng kanyang silid. “Ang lakas ng tugtog!” bulalas pa nito. Agad itong pumasok sa loob ng silid. Naiwan siya sa pinto na nakayuko at nakalaylay ang balikat. Binalikan siya ni Nana Kata. “Jasmin? Anong nangyayari sa iyo? Bakit ka umiiyak? At bakit ganito kalakas ang patugtog mo. Sobrang lakas! Hindi ka ba nabibingi?” punong-puno ng pagtataka ang itsura nito. Humawak na ito sa isang braso niya ng hindi siya sumagot. “Jasmin?” Dahan-dahan siyang nag-angat ng mukha. Iniwas pa rin niya ang tingin dito pero hinawakan nito ang baba niya at pinaharap siya rito. Nang magtama ang kanilang mga mata ay tuluyang nanginig ang kanyang labi. Unti-unting umalpas ang luhang pinipigilan niya sa harap ng matanda. “N-Nana...” Halos mag-isang guhit na ang mga kilay nito sa magkahalong pagtataka at pag-aalala sa itsura niya. “Jasmin, pakiusap anak. Pinag-aalala mo ako sa ginagawa mo. Ano bang nangyayari sa iyo?” tumaas na ang boses nito. Hindi na niya napigilan ang pag-iyak. Yumakap siya rito at isinubsob ang mukha sa balikat nito. Tuluyang siyang humagulgol na mas matindi pa sa iniyak niya kanina. “Diyos ko... ano ba ang nangyayari sa iyong bata ka...” hinagod ni Nana Kata ang likod niya at hinayaan lang siyang umiyak ng umiyak. “N-Nana... s-si Ash ho....” sabi niya saka humagulgol nanaman. Mas lalo pang nagtaka ang matanda sa sinabi niya pero hindi ito nagsalita. Hinayan siya nitong umiyak. Ilang minuto rin siyang nakayukyok sa leeg nito habang malakas na umiiyak hanggang sa humihikbi nalang siya. Nang bahagya siyang kumalma ay saka lang siya nagtaas ng mukha at humarap sa matanda. Hindi pa man alam ni Nana Kata ang nangyayari sa kanya ay nasa mukha na nito ang awa sa nakikitang itsura niya. Hinawi nito ang maraming buhok na tumabing sa kanyang mukha at pinahid ang luha sa kanyang pisngi. “Ngayon, magsabi ka sa akin. Ano ba talaga ang nangyayari sa iyo? Anong ginawa ni Asher sa iyo?” Nanginginig at naiiyak pa ring nagsalita siya. “S-Si Ash ho Nana... n-niloloko niya ho ako. M-May iba po siyang b-babae.” Pautal-utal at parang batang pagsusumbong niya sa matanda. Umawang ang bibig ng matanda. Ilang sandaling hindi ito nakapagsalita na tila ba nililimi kung tama ang narinig nito sa kanya. Parang hindi rin nito alam ang sasabihin pero sa huli ay nagawa rin nitong magsalita. “Sigurado ka ba riyan?” Sunod-sunod siyang tumango. “P-Pero papaano? Papaano mo nalaman? Parang napakaimopsible. Mahal na mahal ka ni Asher anak. At ikakasal na kayo.” Ikinuwento niya rito ang nakita at narinig niya kagabi. Biglang nagdilim ang paningin ni Nana Kata. Bumakas ang galit sa mukha nito. “Hayop na lalaki! Ang kapal ng mukhang magtaksil sa iyo sa loob pa ng pamamahay mo! Hunghang!” sumunod ay kumawala ang malulutong na mura sa bibig ng matanda. Hindi ito palamura pero dahil sa nalaman nito ay nagawa nitong magmura. Tumaas-baba na rin ang dibdib niya at mukhang handang makipag-away. “Bakit hindi mo siya kinompronta kanina? O kagabi? Para napahiya ang sira-ulong ‘yun sa harap ng mga tao?!” Umiling siya. “Ayoko hong mawala sa akin si Ash Nana. Mahal na mahal ko ho siya.” “Anak ng ---!” muling nagmura ang matanda. Tumigil lang ito ng nagpapaunawa niya itong tiningnan. “Jasmin... Diyos ko...halika nga rito.” Muli siya nitong kinabig at inalo-alo. Sa mga sumunod na sandali ay muli siyang umiyak ng umiyak. HANGGANG kinagabihan ay hindi tumitigil sa pag-iyak si Jasmin. Mabuti nalang at wala siyang trabaho sa araw na iyon. Humingi siya ng isang linggong bakasyon sa kanyang manager na si Mommy Candy upang magpahinga simula ng magbirthday siya. Napagod din kasi siya sa mga promotions na ginawa nila ng mga kasama niya sa pelikula at gusto niyang magpahinga sandali. Tatlong linggo palang ang nakakalipas nang lumabas sa sinehan ang huling movie niya – ang The Forgotten Wife. At swak na swak pa rin iyon sa takilya. Kunsabagay ay wala naman siyang movie na naging flop. Lahat ay umarangkada sa mga manonood at talagang pinilahan sa sinehan. Ang mga kasama niya sa palabas na iyon ay masayang-masaya sa tagumpay ng pelikula. Ganoon din siya. Iyon ay noong bago niya malaman ang tungkol sa panloloko sa kanya ni Ash. Pero ngayon ay walang nakakaalam na nagkukulong siya sa kanyang kuwarto habang broken hearted. Higit sa lahat, masaya ang mga ito sa nalalapit nilang kasal ng nobyo. “Puwede ba?! Tigilan mo na ‘yang pag-iyak. Naaawa na ako diyan sa mata mo eh. Mugtong-mugto na Jas! Hindi na kakayanin ng concealer iyan baka sakali lang na gusto mong malaman. Kumalma ka na please lang!” Tumigil si Jasmin sa ginagawang pagsinga. Sumulyap siya kay Ruru – ang kanyang bestfriend. Oo at marami siyang matalik na kaibigan lalo sa showbiz industry pero si Ruru ang pinaka sa lahat. Ito rin ang itinuring niyang kapatid kahit hindi sila magkadugo. High school palang sila noon sa Baryo Maglinaw ay magkaibigan na sila. Nang pumunta siya ng Maynila upang pasukin ang pag-aartista ay naiwan ito at ipinagpatuloy ang pag-aaral nito. Nang magkolehiyo ito ay sa Maynila na rin ito nag-aral kaya naman magkasama pa rin sila. Naka-graduate na rin ang kaibigan niya. Kung tutuusin ay mayaman ito pero mas kinakarir nito ang pagtatrabaho sa isang foundation para makatulong sa mga batang nangangailangan. Palagi nitong sinasabi na ang kuya nito ang totoong mayaman – si Gene Villacisneros. Inirapan niya ito. “Sa tingin mo kakalma ako? Pagkatapos ng nalaman ko?” pahikbing sabi niya. “Sino ang kakalma sa ganitong sitwasyon? Sige nga! Sabihin mo!” hindi napipigilan ang sariling bulalas niya. Ngumiwi ang kaibigan. Tumigil ito sa paglakad-lakad sa harap niya. Bigla itong na-stress kanina ng ipagtapat niya rito ang natuklasan kagabi. Kagaya ni Nana Kata ay gusto rin nitong sugurin si Ash pero pinigil lang niya ang dalawa. Tatlo pa lamang silang nakakaalam ng lahat at wala pa siyang planong ipaalam sa madla ang mga nangyayari. Saka na kapag sigurado na siya sa gustong mangyari. Bottomline, ayaw pa rin niyang mawala sa kanya si Ash. Hindi niya hahayaang mapunta ito sa iba. At ipaglalaban niya ang binata. Na mas lalong ikingalit ng kaibigan niya kanina ng sabihin niya ang bagay na iyon. “Naiintindihan naman kita, bestfriend. Pero kanina ka pa umiiyak. Luluwa na ‘yang mga mata mo sa kakaiyak mo. Tsaka hindi iniiyakan ‘yang mga ganyang klase ng lalaki. Dapat sa kanila pinapatay! Ang kapal ng mukha ha!” naggigitiran ang mga ngiping pahayag nito. “At ‘yang Yanni na ‘yan. Ke bago-bago pero may sungay na ha. Ano? Pumayag na makipag-quicky sa loob ng pamamahay mo?! Sobrang kapal ng mukha!” tumaas ang dibdib nitong bulalas. Bigla itong lumapit sa kanya. “May kilala akong mangkukulam sa Baryo Maglinaw, Jas. Ipakulam natin ang dalawang iyon. Gusto mo?” Nalukot ang mukha niya. “Hindi naman ako masamang tao, Ruru.” “Oo nga! Pero kung ganyang klase ng tao ang pakikipabagayan mo, Diyos ko po! Makakapatay ako!” sigaw nito. Pinunasan niya ang luha sa kanyang mga mata. Ilang beses siyang huminga ng malalim at pilit kinalma ang sarili. “Huwag ka nang masyadong mag-aalala. Iiyak lang ako hanggang mamaya. Pero bukas. Samahan mo ako.” Maya-maya’y wika niya rito. Nagsalubong ang mga kilay nito. “Saan tayo pupunta?” “Basta. May gagawin lang tayo.” “Anong gagawin natin?” nadududa ulit nitong tanong. “Malalaman mo.” “Kinakabahan ako sa gagawin mo Jasmin. Papatayin mo na ba si Yanni?” Hindi siya sumagot. Unti-unting nawala ang kaamuhan sa kanyang mukha. Tumaas ang isang sulok ng kanyang labi. Alam na niya ang gagawin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD