Mistress 5

1893 Words
“ANO bang ginagawa natin dito mga Ate? Kanina pa tayo dito pero nakatingin lang kayo sa unahan eh.” Mula sa unahan ay sabay na tumingin si Jasmin at Ruru ng magsalita si Kris. Nasa backseat ito ng kotseng kinalululanan nila. Alas sais palang iyon ng gabi. Kaninang alas nuwebe ng umaga ay bumalik si Ruru sa bahay nila dahil sa usapan nilang lalabas sila ngayong araw. Bihis na siya ng dumating ito. Isinama niya si Kris dahil nasanay na siyang lumakad na kasama rin ito. Nang umalis sila sa bahay niya ay kotse ng kanyang kaibigan ang ginamit nila. At simula kaninang umaga ay nakasunod na sila kay Ash pag-alis palang nito sa condo nito. “Stay put ka lang diyan girl. May mission tayo ngayon.” Si Ruru ang sumagot. Tumingin si Kris sa kanya. Matipid siyang tumango rito. Napansin na nito kagabi pa ang pamumugto ng kanyang mga mata. Wala pa siyang sinasabi kay Kris tungkol sa nangyari pero maaaring may hinala na ito base sa nakita nitong itsura niya. “Eh Ate Jas, ano ba talaga ang nangyari? Bakit kanina pa natin sinusundan si Kuya Ash? May nangyari ba sa inyong dalawa?” Huminga siya ng malalim. Inalis ang tingin dito bago sumagot. “Malalaman mo rin mama----.” “Palabas na siya!” anunsiyo ni Ruru na pumutol sa mga sasabihin niya. Bigla siyang tumingin sa unahan. Nakita niya si Ash kasama ang bandmate nito. Palabas sa isang gusali na kinaroroonan ng studio kung saan nagre-rehearse ang banda nito. Dapat ay pupuntahan siya nito pero tinawagan na niya ito kanina at nagdahilan na maaga siyang matutulog dahil masama pa rin ang kanyang pakiramdam. Kagabi, nang sabihin niya kay Ruru na alam na niya ang gagawin niya ay susundan niya si Ash. Gusto niyang malaman ang mga ginagawa nito kapag hindi sila magkasama. Sumingit ang mukha ni Kris sa pagitan nila ni Ruru. “Saan kaya pupunta si Kuya Ash ngayon?” tanong nito. Pasakay na ang nobyo sa kotse nito. Habang ang mga kasama nito ay nagkanya-kanyang sakay na rin sa mga service ng mga ito. “Siyempre susundan natin ulit siya.” Si Ruru na ginalaw na ang manibela ng lumarga ang sasakyan ni Asher. Sinundan nga nila ang sasakyan ng nobyo. Habang ginagawa iyon ay hindi na tumitigil ang kaba sa kanyang dibdib. Pakiramdam niya ay sasabog siya anumang sandali sa tuwing maiisip na magkikita ito at ang babae nito. “Girl, ayos ka lang?” tanong sa kanya ni Ruru. Saglit itong sumulyap sa kanya habang nagmamaneho. “Hindi ko alam. Para akong hihimatayin.” Nininerbiyos niyang tugon. Nanlalamig din ang kanyang mga kamay. “Bakit ba kasi ginagawa pa natin ito? E alam mo naman na ang totoo? Wala ka ng kailangang pruweba.” “G-gusto ko lang makasiguro.” Kinagat niya ang ibabang labi. nagbabakasakali pa rin kasi siyang guni-guni lamang niya ang nakita. “Diba nga nakita mo na sila kagabi? Ano pa bang kasiguruhan ang gusto mo?” “Anong nakita niya kagabi?” singit ni Kris. “Ate Jas, anong nakita mo kagabi?” bumaling ito sa kanya. “Si Kuya Ash at Yanni ba?” Nagkatinginan sila ni Ruru. Pagkuwan ay humarap siya kay Kris. “Anong alam mo sa kanilang dalawa?” sumigid ang kirot sa kanyang dibdib. Kung may alam ito tungkol sa dalawa ay hindi siya namamalikmata lang. “Wala naman Ate. Pero kagabi ilang beses ko silang napansin na nagtitinginan at nagsesenyasan. Parang may kung anong usapan pa nga ang mga tinginan nila eh.” Muli silang nagkatinginan ni Ruru. Humampas ito sa hawak na manibela. “Lintek na lalaking iyan! Bigyan mo lang ako ng go signal at ipapakulam ko talaga siya!” si Ruru. Bigla itong prumeno ng mag-red ang stop light sa unahan. Dahil hindi nila iyon inaasahan ay muntikang sumubsob si Jasmin sa dashboard habang si Kris naman ay sa pagitan ng upuan nila. Mabuti nalang at mabilis silang nakahawak. “Ru! Magdahan-dahan ka naman.” Nakangiwing sabi niya. “Pasensiya na. Nanggagalaiti talaga ako sa lalaking ‘yun! Hayop siya!” humigpit ang hawak nito sa manibela. “Bakit ba pinapatagal mo pa ang sikreto ng mga ‘yan? Kung ako sa iyo ibubulgar ko sila para matapos na ang pangarap nilang sumikat. Ang kakapal ng mukha!” “OMG! Parang may ideya na ako sa nangyayari!” bulalas ni Kris. “Please Kris. Sa atin lang muna ito.” Mabilis niyang sabi. “Ayoko munang may makakaalam na iba.” “Pero Ate, tama si Ate Ruru. Bakit hindi mo siya kinompronta? Dapat sa kanila mapahiya.” Mahina siyang sumagot. “Mahal ko siya. At kahit ganoon ang ginawa niya ay ayaw ko pa rin siyang masira sa mga tao. Sayang ang career niya. Ayoko siyang masaktan.” Nagkatinan si Ruru at Kris sa rearview mirror pagkatapos ay sabay ding tumingin sa kanya. “At huwag akong tingnan ng ganyan. Hindi niyo maiintindihan dahil hindi niyo pa naranasang magmahal ng totoo.” Humalukipkip siya. “Pakshet ‘yang sinasabi mong pagmamahal na ‘yan kung sinasaktan ka na pero wala kang ginagawa!” marahas na sabi ni Ruru. “Lintek na pagmamahal yan! Hindi ‘yan healthy okay? Kaya dapat sa ganyang klase ng pagmamahal, kinakatay!” Nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga. “Gusto mo munang kausapin si Ash. Baka sakaling magbago pa siya. O baka naman inakit lang siya ng babaeng iyon. Kailangan muna naming mag-usap na dalawa.” “O e anong gagawin mo kapag nahuli mo silang dalawang magkasama at naghahalikan nanaman?” Napamulagat si Kris. “OMG ulit! Nahuli mo silang naghahalikan Ate Jas?” “Oo! Mga gago ang mga ‘yun! At nag-quicky pa sila sa lanai sa bahay nitong boss mo. Diba ang kakapal ng mukha? Kung ako sa’yo Jas, nginudngod ko sa semento ang nguso ng babaeng iyon eh.” Hindi rin napigilan ni Kris ang mapamura ng sunod-sunod. “Grabe! Hindi ako makapaniwala. Si Kuya Ash, iniputan ka sa ulo sa sarili mong pamamahay. Kay Yanni ay hindi na ako magtataka dahil mukha naman siyang malandi, pero si Kuya Ash --- hay naku! Hindi ko na siya tatawaging Kuya. Gago siya!” Hindi na siya nagsalita. Ayaw na niyang dagdagan ang init ng ulo ng mga kasama. Masamang-masama na ang loob niya. Ayaw na niyang dagdagan pang lalo ang sakit. Ilang minuto pa ang lumipas ng huminto ang sasakyan ni Asher sa harap ng isang mataas na condominium building sa bahagi ng Pasay. Huminto rin ang sasakyan nila hindi kalayuan sa sasakyan nito. Lumabas ang binata at pumasok sa loob ng gusali. Nagkatinginan silang tatlo. “Anong gagawin natin?” si Kris. Hindi siya nagsalita. Sa halip ay isinuot niya ang hood ng kanyang jacket sa kanyang ulo. May suot na siyang sumbrero pero idinoble niya ang hood upang hindi siya makilala. Sumunod na bumaba ng sasakyan ang dalawa na naka-disguise din. Mukhang hindi mahigpit ang guard sa gusali dahil nang pumasok sila doon ay hindi ito msayadong nag-usisa. Kunsagabay ay hindi iyon isang five star class condominium. Naabutan pa nilang sumakay ng elevator si Ash. Hinintay nila kung ano pipindutin nitong floor saka sila sumakay din ng elevator. Nakarating sila sa 15th floor. Tahimik silang naghanap kung saan ito pumunta. Plano na nilang isa-isahin ang pinto roon ng maulinigan nila ang tumatawang babae. “Si Yanni.” Nagmamadaling sabi ni Kris. Mabilis silang nagtago para hindi sila makita ng mga ito. Eksaktong nakapagtago sila sa isang kanto ng floor na iyon ng dumaan si Yanni kasama na si Asher. “OMG nanaman. Sila nga talaga.” Mahinang pahayag ni Kris habang namimilog ang mga mata. Nakaakbay si Asher kay Yanni habang nakapulupot naman ang beywang ng babae sa boyyfriend niya. Tumapat ang mga ito sa elevator at hinintay ang pagbukas niyon. Tahimik ang paligid kaya medyo dinig pa nila ang naging usapan ng mga ito. “Mabuti naman at pinuntahan mo ako ngayon. Anong nangyari sa babaeng iyon pagkatapos ng pagkahimatay niya kagabi?” si Yanni. Ang haliparot! Parang tuwang-tuwa pang hinimatay siya. Naikuyom niya ang dalawang kamao. Nagkibit-balikat si Asher. “Sabi niya masama pa rin daw ang pakiramdam niya.” “Hindi ba dapat ay mas lalo mo siyang puntahan?” “I don’t mind. Wala akong pakialam sa kanya. Ikaw ang gusto kong makita ngayon.” Idinikit nito ang katawan sa babae at mapusok na naghalikan ang dalawa. Napanganga sina Kris at Ruru. Habang siya ay itinulos na sa kinatatayuan. Walang kasing sakit ang nararamdaman niya ng mga sandaling iyon. Kung gayon ay hindi nga lang siya nananaginip kagabi. Totoong may relasyon ang dalawa at ginagamit lang siya ng nobyo para sumikat ito. Mga hayop! “Pigilan mo ako Jas. Susugurin ko na talaga ‘yang dalawang ‘yan.” Humakbang si Ruru at akmang susugod na. Pinigil naman ito ni Kris. “Ate, maghunos-dili ka. Hayaan mong si Ate Jasmin ang sumugod sa kanila.” Napatingin siya sa dalawa ng humawak ang mga ito sa braso niya. “Ano Ate Jas? Susugurin na ba natin? Kayang-kaya natin ‘yang dalawa ‘yan.” Ani Kris na inilislis pa ang magkabilang manggas ng suot na t-shirt. Medyo boyish itong kumilos. “Kaming bahala kay Asher ikaw kay Yanni.” Malamig ang anyo na ibinalik niya ang tingin sa dalawang naglalampungan pa rin. “Hayaan niyo sila.” Iyon ang lumabas sa bibig niya. “Anong ibig mong sabihin?” Napatanga sa kanya si Ruru. “Hayaan niyo sila sa ginagawa nila. Diyan sila masaya. Susuporthan ko sila.” Sabi niya habang titig na titig sa dalawang nagtutukaan na kulang nalang ay maghubad doon. Niyugyog siya ni Kris. “Ate. Sigurado ka ba riyan?” Tumango siya. “Hintayin natin silang umalis. Tapos ay saka tayo aalis. Siyanga pala, iyong bilin ko kanina na kailangan n’yong gawin, gawin niyo na ngayon.” Nagkatinginan ang dalawa. Natuon naman na ang atensiyon niya sa mga ito. Nang mga sandaling iyon ay gustong-gusto na niyang sugurin ang dalawang taksil. Pero matinding pagpipigil ang ginawa niya. Ayaw niyang saktan si Ash pero gustong-gusto niyang saktan si Yanni. Gusto niyang patayin ang dalawa. Hindi na niya masyadong matandaan kung papaano sila nakaalis sa lugar na iyon at nakarating sa isang video oke bar. Doon niya sinabing gustong pumunta ng tanungin siya ni Ruru kung ihahatid na ba sila pauwi. Nagrenta sila ng isang private room at nag-concert siya roon ng nagconcert. Uminom din sila ng uminom at hinayaan siya ng dalawa. Sinamahan siya ng mga ito kahit iyak na rin siya ng iyak. “Itutuloy ko ang kasal!” malakas niyang sabi pagkatapos ng isang nakakaiyak at birit na kanta. Hilam sa luha ang kanyang mukha. “Sigurado ka ba?” si Ruru na bagamat nag-aalala sa kanya ay nasa mukha nito ang di makapaniwala sa desisyon niya. Humikbi siya na nadinig pa sa mic na hawak niya. “Oo. Mahal na mahal ko siya. At hindi ko siya hahayaang mawala sa akin. Kung kailangang akitin ko siya para magustuhan niya talaga ako ay gagawin ko. Pero hindi ko siya pakakawalan. Akin lang si Asher!” Naaawang napatingin nalang sa kanya ang dalawa. “Uminom pa tayo!” sabi niya sa mic saka tumunga ng alak. Hinidi na niya alam ang mga sumunod na nangyari ng bigla nalang siyang bumagsak.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD