TUMUTUGTOG ang isang maganda at romantikong musika sa loob ng malaki at buong simbahan. Magarang-magara ang buong paligid at puno ng magagandang bulaklak ang bawat sulok niyon. Isa-isa ng naglalakad sa gitna papunta sa harap ng altar ang mga kasama sa entourage. Habang si Jasmin ay naghihintay ng cue ng wedding coordinator para sa pagpasok niya. Nakasara ang malaking pinto ng simbahan pero mamaya ay bubuksan iyon para sa madrama niyang pagpasok.
Balita hindi lang sa mga diyaryo maging sa buong internet world ang kasal na magaganap sa pagitan nila ni Asher ngayong araw. Ang lahat ay masaya at binabati silang dalawa. Pinupuri siya ng lahat ng tao dahil sa napakaganda niyang itsura. Mula sa gown, make-up, burloloy sa katawan hanggang sa sapatos na hindi naman talaga nakikita. Maganda rin ang pagkakaayos ng kanyang bouquet na gawa sa iba’-ibang uri ng bulaklak. In short. Ang lahat ay masayang-masaya.
Maliban kay Jasmin. Hindi pa niya nakikita si Ash simula kagabi. Binawalan silang magkita. Pero duda rin siya kung kikitain nga siya nito kahit puwede. Sigurado siyang nakipagkita nanaman ito sa babae nito.
Tatlong buwan palang ang nakakalipas simula ng matuklasan niya ang ginagawa nitong pagtataksil. Hindi nasunod ang dapat ay anim na buwan nilang preparasyon para sa kasal dahil sinabi niya sa binata na gusto na niyang maikasal dito sa lalong madaling panahon. Kaya naman tatlong buwan palang ay heto at nasa simbahan na sila. Akala nga niya ay tatanggi ito. Pero umoo kaagad ito na labis niyang ipinagtaka. Iyon pala ay mas mapapadali ang plano nitong paggamit sa kanya kapag kasal na sila. Hindi na niya masyadong hinalukay kung papaano siya nito gagamitin. Ang pagtataksil nito ay sapat na upang mamuhi siya.
Sa loob ng tatlong buwan na iyon ay tinikis niya ang sariling huwag ipaalam dito ang nalalaman. Nagpanggap siyang ayos lang ang lahat. Maging sa set o sa trabaho o sa harapan ng ibang tao ay nanatili siyang nakangiti at nagmukhang masigla. Pero pagdating ng gabi ay iiyak na siya. Ilang linggo din niya iyong ininda. May mga pagkakataon pang napapansin ng mga katrabaho na namumugto ang mga mata niya. Sinasabi nalang niyang nanonood siya ng nakakaiyak na palabas para sa nalalapit niyang teleserye na gagawin. Pero dumating ang isang araw na manhid na siya sa sakit. Ganoon pa man ay itutuloy pa rin niya ang kasal.
Alam niyang nasa loob na si Asher at naghihintay sa kanya. Ilang beses niyang pinag-isipan ang gagawin. Kung itutuloy pa ba niya ang pagpasok sa loob o hindi na. Pero naroroon na siya at kailangan niyang panindigan ang naging desisyon.
Ilang beses din siyang sinabihan ni Ruru na sobrang martir niya kahit gustong-gusto na nitong katayin ang boyfriend niya. Pinakiusapan naman niya sina Nana Kata at Kris na pakisamahan pa rin si Ash para nalang sa kanya kahit gustong-gusto na ng mga ito na basagin ang mukha ng lalaki. Sa huli ay siya pa rin ang nasunod. Hanggang sa huli ay gusto pa rin niyang bigyan ng kasiyahan ang lalaking minamahal.
Mula sa pagbabalik-tanaw sa mga nakalipas na buwan ay kinimbatan na siya ng coordinator na papasok na siya. Tumango siya at itinaas ang noo. Ubos na ang luha sa kanyang katawan kaya naman hindi na siya iiyak pa. Bumukas ang pinto at noon siya nagsimulang humakbang.
Inabot ng ilang minuto ang paglalakad niya sa gitna dahil may kahabaan iyon tapos ay kailangan pa niyang bagalan. Pero ang totoo ay gustong-gusto na niyang makarating sa harap ng altar. Malapit na siya ng makita si Ash. Guwapong-guwapo ito sa suot nitong amerikana. Ngiting-ngiti ito sa mga tao. Bago magtama ang kanilang mata ay may isang tao itong partikular na tiningnan. Hindi na niya iyon sinulyapan pa dahil alam na niya kung sino iyon. Si Yanni ay isa sa mga bisita. Dahil personal niya itong inimbitahan. Gusto niya itong masaktan habang nag-iisang dibdib sila ni Ash.
Pagdating sa harap ng altar ay inilahad ni Ash ang kamay nito. Sa una ay atubili siyang abutin iyon pero baka magtaka ang mga tao. Kunsabagay ay hindi naman masyadong nakikita ang kanyang mukha. Ayos lang kung sumimangot siya.
Sa mga sumunod na sandali ay nagsimula na ang seremonyo. Hanggang sa dumating sa puntong magpapalitan na sila ng ‘I Do.” Mabilis na sumagot si Ash ng mga salitang iyon. Nang siya na ang tanungin ng pari ay hindi kaagad siya nagsalita. Inulit ng pari ang tanong sa kanya pero hindi pa rin siya nagsalita.
“Babe?” untag na sa kanya ni Ash.
Nagkaroon ng bulungan mula sa mga tao.
“Jasmin? Bakit hindi ka sumasagot?” may pagtatakang tanong nito sa kanya. Saglit pa itong sumulyap sa mga tao.
Hindi pa rin siya nagsalita. Sa halip ay itinaas niya ang belo sa kanyang harapan upang lumitaw ang kanyang mukha. Seryosong-seryo ang anyong sinalubong niya ang tingin nito. Malamig na malamig ang ekspresiyon ng kanyang mga mata. Pagkatapos ay marahas niyang inihagis ang hawak na bulaklak sa unahan ng hilera ng mga upuan. Dahil sa ginawa niya ay lalong lumakas ang bulungan. Nasundan ng tingin ni Ash ang bulaklak pagkatapos ay nagtatakang bumaling ulit sa kanya.
“Jasmin, anong ginagawa mo? May problema ba? Bakit ---.”
Hindi na nito naituloy ang mga sasabihin dahil umigkas na ang isang palad niya. Malakas iyong dumapo sa pisngi nito. Pumaling sa direksiyon ng altar ang mukha ng binata. Napangiwi siya. Talagang nasaktan siya dahil malakas iyon. Pero balewala iyon sa kanya kumpara sa sakit na dinulot nito sa kanya.
Umigting ang kanyang panga. Nagsimula nanamang tumaas ang kanyang emosyon. “Ang kapal ng mukha mong tanungin sa akin kung may problema ba.” Mariin at galit niyang sabi rito. Iyon ang unang salitang pinakawalan niya simula ng dumating siya sa simbahan.
Sinapo nito ang pisnging sinampal niya. Dahan-dahan nitong ibinalik ang tingin sa kanya.
“What are you talking about?” mababa at malumanay nitong tanong. Parang wala talaga itong alam sa ginawa nito.
Sarkastikong umismid siya. “What am I talking about? Sigurado ka? Gusto mong malaman kung ano ang tinutukoy ko? Puwes! Manood ka!”
Noon naglapitan ang ilang mga malalapit na kamag-anak sa kanila. Lumapit din si Ruru sa kanya habang kasunod si Nana Kata kasama si Lola Caring. Ang dalawa ang magkasundo at hindi natatapos ang daldalan kapag nagkikita. Malapit ang dalawa sa isa’t-isa. Maging ang mga magulang ni Ash at mga kapatid ay nagsilapitan na rin sa kanila.
“Hija, ano bang ginagawa mo? Ano bang mga sinasabi mo? Bakit mo sinampal ang anak ko?” sunod-sunod na tanong sa kanya ng ina ni Asher. Nasa mukha nito ang pag-aalala. Gayundin ang mga kapatid ni Ash.
Walang emosyon ang mga matang sinalubong niya ang tingin ng ginang. “Malalaman niyo ho sa mga susunod na sandali.” Pagkuwan ay humarap siya sa mga tao at malakas na nagsalita. “Mga minamahal naming manood, narito ho ang isang palabas na siguradong magte-trending nanaman. Kayo na ho ang bahalang humusga.”
“Jasmin. Ano ba itong ginagawa mo? Tigilan mo na ito. Hindi na ako natutuwa.” Mariing sabi sa kanya ni Asher. Madilim na rin ang mukha nito.
Pumiksi siya. “Wala kang karapatang pigilan ako ngayon, gago ka!” hindi na napipigilan ang sariling sinigawan niya ito.Sabay-sabay at malakas na suminghap ang mga tao. Ang iba ay nasapo pa ang dibdib at hindi makapaniwala sa mga binibitawan niyang salita.
Dinuro niya ito at pinagsasalitaan ng hindi maganda. Tumaas-baba ang dibdib niyang sumulyap siya kay Ruru. Tumango naman ito. Pagkatapos ay lumitaw ang isang ‘palabas’ sa isang malaki at puting projector board. May screen projector na gumagana upang makita ang palabas na iyon. Pinasadya niyang maglagay ng ganoon kahit nagtataka ang mga tao kanina kung para saan iyon.
Nagkaingay na ang mga tao ng makita sa palabas sina Asher at Yanni na nagyayakapan at naghahalikan. Paghahalikan na papunta na sa mapusok na tagpo. Marami iyon at tila wala ng katapusan. Ang mga kuhang iyon ay kuha sa mga oras na sinusundan niya ang galaw ng dalawa. Walang kamalay-malay ang mga itong nagpa-plano na siya para pabagsakin ang mga ito.
Pagharap niya kay Asher ay tulala na rin ito habang nakatitig sa screen. Butil-butil na pawis ang sumulpot sa gilid ng mukha nito.
Nakangising hinarap niya ang lalaki. “Goodluck sa career mo. Siguradong sisikat ka nito. Iyon naman talaga ang gusto mo diba? Ang sumikat. Kaya mo naman palang gawin iyon ng hindi ako ginagamit. Bakit kailangang gamitin mo pa ako?” nang-uuyam niyang sabi.
Noon ito tumingin sa kanya. Nakabakas na ang matinding pag-aalala sa mukha nito. “Jasmin... I can explain...” humawak ito sa braso niya pero marahas siyang pumiksi.
Muli niya itong dinuro. “Simula ngayon ay huwag ka ng lalapit sa akin. Tapos na tayo. Gago ka!” sa sobrang galit ay muli niya itong sinampal. Pulang-pula ang kanyang mukha at pinipigilan lang niya ang sariling tadyakan ang bayag nito. Pagkatapos ay nagmartsa siya pababa ng ilang baitang na hagdan. Dire-diretso ang lakad niya patungo sa hilera ng mga upuan kung saan naroroon isang taong noon pa niya gustong-gustong saktan. Nakasunod ang maraming pares ng mga mata sa susunod niyang gagawin.
“Jasmin ---.” Magsasalita pa lamang sana si Yanni nang hablutin na niya ang buhok nito.
Sumigaw ang babae dahil nanggigigil na hinila niya ang buhok nito. Alam niyang nasasaktan ito at iyon talaga ang gusto niya.
“Malandi ka! Ako pa ang gagamitin niyo para sumikat kayo ha! Mga hayop kayo! Mga baboy! Hindi ka pa sikat, babagsak ka na!” galit na galit na sigaw niya habang sinasabunutan ang babae.
Gigil na gigil siya at kahit malagasan na ito ng buhok ay wala siyang pakialam. Ilang mga bisita ang nais na umawat pero mukhang nakisimpatya ang mga ito kaya hinayan siyang gawin ang gusto niyang gawin sa babae. Hanggang sa may isang taong umawat na sa kanya.
“Jasmin! Tama na apo.” Si Lola Caring ang nagsalita. Kasama si Ruru ay inawat na siya.
“Sis, tama na ‘yan. Baka atakehin ka na sa sobrang galit mo.” Sabi naman ni Ruru.
Sina Nana Kata at Kris ay magkatabi. Nakahanda ang huli sa kung anuman ang mangyayari para ipagtanggol siya.
Magulong-magulo na ang itsura ni Yanni ng bitawan niya ito. Humihingal din ito. Hindi rin naman kasi ito nagtangkang lumaban. Ang make-up nito ay kalat-kalat na sa mukha nito. Maging siya ay nasira na rin ang ayos ng buhok. Pero wala siyang pakialam.
“’Yan ang bagay sa iyo. Mang-aagaw! Malandi! Kung sa tingin mo maganda ka, puwes! Gumising ka na! Dahil hindi ka maganda!” hinihingal na sigaw niya. Umiiyak na ito at parang nakakaawa. Pero walang lumalapit dito. Sa halip ay masama ang tingin ng mga tao rito.
Patuloy siyang inawat ng mga kasama. “Halika na apo... umalis na tayo dito.” Hinawakan siya ni Lola Caring sa kamay at inakay palabas ng simbahan.
Patuloy ang ingay sa loob. Nasa gitna na siya ng habulin siya ng ina ni Asher.
“Jasmin. Bakit kailangan mong gawin ito? Bakit kailangang umabot pa sa ganito?” Nasa mga mata nito ang sakit sa ginawa niya. “Itinuring na kitang anak. Pero dahil dito ay sinira mo ang hinaharap ng anak ko.”
Gumuhit ang sakit sa kanyang mga mata. Nasasaktang sinagot niya ang ginang. “Bakit ho? Kung anak niyo ba ako at nalaman niyo ang ginawa sa akin ng lalaking iyan, ganyan din ba ang sasabihin ninyo?” isa-isa niyang tiningnan ang pamilya ni Asher saka muling sinalubong ang tingin ng ginang. “Naiintindihan ko ho kayo Tita. Pero ang anak niyo ho ang tanungin niyo kung bakit niya ginawa iyon sa akin. Ginamit niya ho ako. Sinaktan at dinurog niya ang puso ko. Alam niyo bang nag-quicky pa sila ng babaeng iyan sa loob ng pamamahay ko?” umismid siya ng mabigla ang ginang. “Tama ho. Ganyan ka-baboy ang anak ninyo. Ibinalik ko lang sa kanya ang lahat ng sakit na ibinigay niya.”
Pagkatapos niyon ay tinalikuran na niya ang mga ito. Kasama niyang lumabas ng simbahan sina Ruru, Kris at Nana Kata at Lola Caring. Kasunod din nila ang ilang kamag-anak nila na galing pa sa Baryo Maglinaw.
Dinig pa niya ang malakas na pagtawag sa kanya ni Asher pero wala na siyang pakialam dito. Ang lagay ay ito lang ang marunong maglaro? Siya rin. At nagtagumpay siya.