Mistress 7

1221 Words
GAYA ng inaasahan, naging viral hindi lang sa buong Pilipinas kundi maging sa ibang panig ng Asia ang eksenang nangyari sa dapat ay kasal ni Jasmin at Ash. Marami ang talagang nabigla na magagawa iyon sa kanya ng nobyo – dating nobyo pala. Ang mga gigs nito, TV guestings, at iba pang commitment nito sa pagkanta ay agad na nawala. Habang si Yanni ay halos hindi na lumalabas sa lungga nito sa sobrang kahihiyang dinaranas. Sa lahat ng nangyaring iyon, sa kabila ng pagpipilit ng mga reporters na gusto siyang kapanayamin ay nanatiling tikom ang kanyang bibig. Sapat na ang ipinakita at ginawa niya sa araw dapat ng kanilang kasal. Ilang beses pa siyang tinangkang kausapin ni Asher pero hindi na niya ito hinarap pa kahit kailan. Sinabi niyang ipapadampot niya ito sa mga pulis kapag nagpumilit pa ito kaya naman tinigilan na siya nito pagkalipas ng ilang araw. Pagkatapos din ng insidenteng iyon ay pinili niyang manatili lamang sa loob ng kanyang bahay. Sa una ay ilang mga paparazzi at reporters ang nakaabang sa labas ng gate subalit dahil alam niyang makakaabala ang mga ito hindi lang sa kanya kundi sa mga kapitbahay niya ay nagsabi na siya sa mga guwardiya palang ng subdibisyon na huwag magpapapasok ng kagaya ng mga ito. Tumigil din muna siya sa trabaho at pagharap sa camera. Tumanggi siyang tanggapin ang interview ng ilang channels. Wala na siyang ibang sasabihin pa. Sapat na ang nakita ng mga ito. Gusto na niyang magmove-on. Ayaw na niyang ungkatin pa ang nangyari kahit kaliwa’t-kanan ang balita tungkol roon. Kaya iniwasan muna niyang tumingin sa mga social media sides, sa telebisyon at kung saan pa niya maaaring makita ang balita. Tapos na rin siya sa pag-iyak-iyak. Nagtataka nga siya sa sarili dahil ang totoo niyan, hindi na niya maramdaman na ganoon kalalim ang pagmamahal niya para sa lalaki. Oo at nasasaktan pa rin siya subalit pakiwari niya ay dahil nalang iyon sa kanyang pride. Dahil sa tingin niya ay hindi niya deserve ang lokohin at masaktan. Hindi rin siya nasasabik sa binata hindi kagaya dati na gustong-gusto niya itong palagi na nakikita. At bago sumapit ang dapat ay araw ng kasal nila ay tuluyan na siyang nawalan ng amor dito. Nagpapanggap nalang siya sa harap nito at para magawa ang balak na pagpapahiya nito sa madla. Bonus nalang iyong nagastusan ito ng hindi birong halaga para sa mga gastusin sa kanilang kasal. Ito kasi ang sumagot sa lahat ng gastos. Dagdag sa mga bagay na gusto niyang bumawi rito. Totoong minahal niya ito subalit marahil ay hindi nga iyon ganoon kalalim o sadyang sinaktan nito ng labis ang kanyang damdamin kaya madaling nawala ang nararamdaman niya para rito. Higit sa lahat, wala na siyang pakialam sa lalaki. Kahit ano pa ang gawin nito sa buhay nito. At wala na rin itong pakialam sa buhay niya kahit ano pa ang gawin niya. Ang gusto niya ngayon ay magpahinga at magkaroon sandali ng payapang kapaligiran. Para magawa iyon ay nnaisip niyang umuwi muna sa kanilang probinsiya. Sa Baryo Maglinaw. Isang linggo matapos ang pangyayari sa simbahan ay nagpaalam siya kay Mommy Candy na gusto muna niyang magpahinga sa trabaho. Humingi siya ng ilang buwang pahinga. Dahil isang teleserye palang naman ang pinirmahan niyang kontrata at pipirma palang ulit siya sa kanyang mga commitments – kasama na roon ang ilang pelikula, endorsements, TV guestings ay nagawan iyon ng paraan ng kanyang manager. Kahit ito ay naaawa sa nangyari sa kanya. Sa tingin nga nito ay kailangan niya ng pahinga. Kaya naman sa umagang iyon ay naghanda siya para sa isang mahabang biyahe. Mag-isa lang siyang uuwi ngayon dahil nauna na si Lola Caring na umuwi noong nakaraang linggo pa. Ayaw sana siya nitong iwan pa pero nagpauna na siya rito na susunod siya roon. Kaunti lang ang dala niyang gamit dahil marami siyang gamit sa bahay nila sa Baryo Maglinaw. Alas siyete palang iyon ng umaga at gusto niyang maagang umalis dahil ilang oras din ang magiging biyahe niya. Kalalagay ni Kris ang isang maliit na maleta sa trunk ng gagamitin niyang sasakyan. Ang luma niyang kotse ang gagamitin niya dahil ayaw niyang makilala siya ng mga paparazzing nag-aabang sa labas ng subdibisyon. Ayaw niyang makakuha ng atensiyon ngayong aalis siya. “Mag-iingat ka roon anak ha. At huwag mong kalilimutang tumawag paminsan-minsan dito sa amin.” Bilin sa kanya ni Nana Kata. Nasa labas na sila ng bahay at nakahanda na ang lahat para sa kanyang pag-alis. “Siyempre naman ho Nana. Palagi ko kayong kukumustahin. Ilang buwan lang naman ho akong mawawala.” Malambing niyang sabi rito. Masasabi niyang maayos na ang kanyang itsura. Hindi na namumugto ang kanyang mga mata at kahit papaano ay nakakatulog na siya ng maayos. Kailangan niyang bumawi sa ilang linggong pagkawala sa sarili ng matuklasan niya ang panloloko sa kanya ni Ash. “Magpahinga kang mabuti roon. Ikumusta mo ulit ako kay Caring. Kapag nagkaroon ng pagkakataon ay ako naman ang bibisita roon. Alam mo na, hindi ko maaaring iwan itong bahay.” “Maraming salamat ho Nana. Mag-iingat ho kayo parati dito. Itawag niyo kaagad sa akin kapag may kailangan kayo.” Bilin pa niya sa matanda. Naiiyak na niyakap siya nito. Simula kasi ng pumasok ito sa kanya ay ngayon lang siya lalayo ng matagal-tagal. Sumunod si Kris na nagpaalam sa kanya. “O, huwag kung ano-anong ginagawa mo ha. Babalik pa ako.” Kunwa’y seryoso niyang bilin rito. Inayos nito ang suot na sumbrero. “Ate naman eh... uuwi lang din ako sa probinsiya.” Nang sabihin niyang uuwi siya sa Baryo Maglinaw ay tinanong kaagad nito sa kanya kung isasama niya ito. Nagdesisyon siyang huwag na itong isama para naman makauwi rin ito sa probinsiya nito. Na pinagayan naman niya. “Pero tatawag ka sa akin kapag may problema. At tandaan mo, babalik pa tayo sa trabaho.” “Oo Ate Jas. Tsaka, salamat nga pala sa bonus ha. Malaking bagay ‘yun para sa pamilya na uuwian ko.” Tiga Bicol ito. Bukas naman ang biyahe nito. Ibinigay niya ang buong sahod nito sa mga buwan na mawawala siya at dinagdagan pa niya iyon para naman sa pag-uwi nito ay madala pa itong mga pasalubog. “Wala iyon. Siya. Kailangan ko ng umalis dahil mahaba-haba pa ang biyahe ko.” “E bakit kasi ayaw mo pang magpahatid kay Atong?” tukoy ni Nana Kata sa driver nila. “Para hindi ka na mapagod.” “Hindi na ho Nana. Gusto ko rin ho talagang mag-drive at magbiyaheng mag-isa. Alam niyo na, makapagmuni-muni sandali at magsolo.” Nangingiting wika niya. “O sige. Lumarga ka na at baka gabihin ka sa daan.” Muli siyang yumakap sa dalawa at nagpaalam na. Sumakay na siya sa kotseng gagamitin niya. Tahimik siyang nakalabas ng subdibisyon. Nadaanan pa niya ang ilang paparazzi na nakikipag-usap sa mga guwardiya para papasukin ang mga ito. Nakilala siya ng guard na nadaanan niya. Sumaludo ito sa kanya at bahagyang tumango. Alam niyang hindi sasabihin ng mga itong nakaalis na siya. Sinipat niya ang mga nag-aabang sa kanya sa gate sa sideview mirror nang makalampas ang kanyang minamanehong sasakyan. Umismid siya. “Manigas kayo riyan. Masyado kayong mga tsismosa.” Isinuot niya ang dark sun glasses at prente ng umupo. Handa na siya sa isang mahabang joyride.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD