"My decision is final James! Gusto kong pakasalan mo si Nadine. Sa lahat ng babae ay siya lang ang gusto kong pakasalan mo," walang kangiti-ngiting sabi ni Kyle sa anak. Bumalik ulit siya sa pagkakaupo pagkatapos nakahalukipkip ang braso na nakatingin kina James at Nadine.
"Pero daddy bakit siya? E tingnan mo nga ang itsura niyan napakamanang manamit. Isa pa hindi ako interesado sa kanya. Bakit ba gusto ninyong magpakasal na ako?" sunod-sunod na sabi ni James habang hinahampas ang kanang palad sa lamesa ni Kyle.
Agad namang nag-isang linya ang kilay ni Kyle dahil sa inaasal ni James sa harap niya. Animo'y parang bata itong hindi naibigay ang gusto kaya nagdadabog. Sinulyapan naman niya si Nadine na hindi pa rin nawawala ang pagkatulala't pagkabigla.
"Hija, are you okay? I'm sorry if I made this decision without asking you," nag-aalalang tanong ni Kyle sa inaanak.
Ayaw man niyang magmukhang masama sa paningin nito ngunit wala na siyang magagawa dahil hangga't may ilang buwan o linggo pa siyang nalalabi ay kailangan niya ng madaliin ang kasal ng mga ito. Kung may papakasalan man ang kanyang anak ay mas mapapanatag siya na si Nadine ang makakasama nito dahil may maayos na pamilya, at maayos ang mapapangasawa ng kanyang mapapangasawa.
"A-ayos lang naman po pero bakit po ba gusto ninyong magpakasal kami ni Sir James? Katulad nga po ng sabi ng anak ninyo e hindi niya ako gusto dahil manang ako kung manamit. Isa pa po wala po sa isip ko ang magpakasal dahil kailangan ko pong magtrabaho para sa pamilya ko," sagot ni Nadine.
Simula nang pumasok si Nadine bilang Real Estate Agent ay si James lang ang lalaking bukod tanging hinangaan niya sa taglay nitong galing sa pakikipag-deal at usap sa mga kliyente nito. Nasasaktan man siya sa sinasabi ni James at lantarang pagtanggi nito na pakasalan siya ay mas nananaig ang kagustuhan niya na hindi magpakasal dahil may pamilya pa siyang dapat na buhayin.
"Ayaw mo rin namang magpakasal di ba Nadine? Puwede bang sabihin mo kay dad na ayaw mong magpakasal," nangungumbinsing sabi ni James.
Hinawakan pa niya ang kamay ni Nadine at niyugyog-yugyog para pilitin itong magsalita pero binawi naman nito ang kanyang mga kamay upang iwasan ang pangungulit nito.
"James!" bantang suway ni Kyle. "Nakausap ko na ang magulang mo Nadine tungkol dito. Pumayag sila pero nasa 'yo pa rin ang desisyon. Kapag nagpakasal ka sa anak ko ang kalahati sa mga ari-arian ko ay ibibigay ko sa 'yo. Tiwala ako na hindi masasayang ang lahat ng pinaghirapan namin ng namayapa kong asawa. Sana ay tanggapin mo ang alok ko sa 'yo," paliwanag ni Kyle.
"Daddy, ano ba 'tong kalokohang 'to? May sakit ba kayo kaya gusto na ninyo akong magpakasal?" naguguluhang sabi ni James. Kung kanina ay inis siya sa nangyayari ngayon ay nag-aalala siya dahil sa klase ng pagsasalita ng kanyang ama ay parang pupunta ito kung saan.
"Kung sasabihin ko bang oo? Papayag na ba kayong dalawa?" sagot ni Kyle kay James. "I have stage 4 lung cancer. Ang sabi ng doktor ay may ilang linggo o buwan na lang ang itatagal ko. Kaya bago pa ako mawala ipinagawa ko na ang last will ko kay Attorney Jarred."
Natigilan naman sina Nadine, at James. Nanlalaki ang mga mata, at awang ang mga bibig na nakatingin sila kay Kyle.
"Kailan mo pa 'to nalaman dad? Sinabihan ko na kayo na itigil ang paninigarilyo niyo. 'yan na nga ang sinasabi ko sa inyo, hindi kasi kayo nakikinig sa akin," nag-aalalang sabi ni James sa ama. Kung kanina ay inis ang makikita sa kanyang mukha ngayon ay agad na lumambot ito.
Tinitigan niyang maigi ang mukha ng kanyang ama. Kita niya ang panlalalim at medyo pangingitin sa palibot ng mata nito. Kung dati ay matikas ang katawan nito ngayo ay medyo bumagsak na rin dahil siguro sa iniindang sakit. Ngunit di pa rin nawawala ang kakisigan nitong taglay habang nakasuot ng itim na suit.
"Noong nakaraang buwan ko lang nalaman ang tungkol dito," sagot ni Kyle. "Ikaw James, dahil nag-iisang anak lang kita, at alam kong wala ka pa ngayong nakikitang babae para maging kasintahan mo simula noong iwan ka ng dati mong kasintahan ay hinihiling ko na pumayag kang maging asawa mo si Nadine. Bukod sa mga ari-arian ko ay atomatiko na ikaw ang papalit sa puwesto ko bilang CEO. Gusto kong si Nadine ang mapangasawa mo wala ng iba."
Kitang-kita ni James ang determinasyon sa mata ng kanyang ama. Kilala niya ito mula pagkabata. Kung anong gusto nitong mangyari ay hindi na ito magbabago. Isa pa sa hiling ng kanyang ama wala namang sinabi itong mahalin niya si Nadine. Ang mahalaga para sa kanya ay tuparin ang hiling ng ama at pumalit sa puwesto nito bilang CEO ng kanilang kompanya dahil alam niyang wala ng iba pang dapat magmana nito kung hindi siya lang. Ayaw niyang mapunta ito sa kanyang tiyuhin na isang sakim. Baka imbes na lumago ang kanilang negosyo ay malugi pa.
"Okay dad, pumapayag na ako sa gusto ninyo," sagot ni James. "Pero si Nadine papayag din ba?"
Nang marinig ni Nadine ang dahilan ng kanyang ninong kung bakit gusto niyang ipakasal ang kanyang anak na lalaki sa kanya ay medyo naliwanagan siya. Ngunit handa na ba siyang pumasok sa pag-aasawa?
Ni sa panaginip ay hindi niya pinangarap ang mag-asawa at lalo na ang isang katulad ng kanyang boss na pinapangarap ng lahat. Alam niya ang mangyayari kung sakaling tanggapin niya ang alok ng kanyang ninong na ipakasal siya kay James. Maaaring ang lahat ng mga empleyado sa kompanyang ito ay isiping gold digger siya dahil pumatol siya sa mayaman. Siya na kung bansagan ay manang o Betty Lafea sa kanilang opisina.
Hindi man bulgaran ang pangungutya sa kanya ng mga ito pero sa bulungan, tinginan at tawanan nila habang nakatingin sa kanya tuwing siya ay nasa kanyang cubicle ay alam na niyang siya ang pinag-uusapan ng mga ito. Pero wala siyang pakialam hangga't may iniuuwi siyang pera pangtustos sa pangangailangan ng pamilya niya.
"Bukas po ay sasabihin ko ang aking sagot. Pasensya na po pero kailangan kong pag-isipan ang iniaalok ninyo. Sige po babalik na po muna ako sa cubicle ko," sagot ni Nadine kina Kyle at James. Pagkatapos ay agad na siyang naglakad palabas ng opisina ni Kyle.