9

2069 Words
PINAGMASDAN ni Jaco sina Xena at Yogo na naglalaro sa harap ng tindahan ni Manang Luisa. Kaagad mapapansin ng sino man na malapit sa isa’t isa ang magkapatid. Inaalagaan ng ate ang nakababata nitong kapatid. Palagi namang nakikinig ang batang lalaki sa ate nito. Naaalala niya kay Xena ang sariling ate, si Ate Noreen. Bata pa lang sila ay ang ate na niya ang mas responsable sa kanilang dalawa. Hindi siya nito pinababayaan, she spoiled him. Si Ate Noreen ang naging nanay niya mula nang pumanaw ang kanilang ina. Kahit na noong nagloloko pa ay hindi siya pinabayaan ng kapatid. Ang ate niya ang nagbibigay ng allowance sa kanya tuwing wala na siyang panggastos. Ngayon ay ang ate pa rin ang katu-katulong niya sa pagsasaayos ng kanyang buhay. She was the only one who believed in him. Ayon sa private investigator na ang ate talaga niya ang umupa, si Xena ang kanyang anak. Tuwing nakikita ang batang babae, hindi niya mapigilan ang paglobo ng dibdib sa pagmamalaki. Xena was not like him. She was responsible and smart. She was so adorable. Alam ni Jaco na maraming tanong ang bata. Alam niya na nais nitong malaman kung sino talaga siya. Nais niyang malaman ni Xena na siya ang ama nito, ngunit ayaw rin naman niya itong biglain. Alam niya na hindi siya basta-basta na lang maaaring sumali sa buhay ng mga ito. Kahit na ang kanyang ate ay nagbigay ng babala. “Pag-isipan mong maigi ang mga susunod mong gagawin, Jaco. Hindi ka maaaring magpadalos-dalos. Hindi mo maaaring madaliin ang lahat. Hindi na ganoon kasimple ang mga bagay-bagay. May anak ka na. Kailangan mo na talagang isaayos ang buhay mo. Hindi na dapat pulos salita, Jaco. Kailangan mo nang kumilos. Kailangan mo na talagang patunayan kay Dad na kaya mong maging responsable. You have to grow up fast for your daughter.” Naisip ni Jaco na hindi marahil siya masyadong mag-aalinlangang lumapit nang husto sa anak kung mas maayos ang estado ng kanyang buhay. Nahihiya siya kay Xena kaya hindi maipakilala ang sarili. Wala siyang maipagmalaki. Natatakot din siya sa mga magiging tanong ng bata. Pinakatitigan ni Jaco si Xena. Kamukha nito ang ina, ngunit nakuha ang kanyang mga mata. Katulad na katulad ng kay Sunshine ang ngiti ng bata. Naiibsan ang bigat ng kanyang dinadala tuwing nakikita ang anak. Iyon ang dahilan kung bakit palagi na lang siyang nakabuntot kahit na hindi talaga nakakausap ang mga bata. Tumigil sa paglalaro si Yogo at nagsimulang lumapit sa kanya. Tinatawag ito ng ate nito ngunit tila ayaw makinig ng bata. Titig na titig sa kanya ang inosenteng mga mata ng bata. Noong una lang natakot si Yogo, nang masanay na sa kanyang presensiya ay nginingitian na siya. Naupo si Yogo sa kanyang tabi at nginitian siya. Gumanti siya ng ngiti. The kid was also adorable. Ayon sa PI, anak din ni Sunshine ang bata. Hindi na niya gaanong aalamin kung paano nagkaanak si Sunshine sa ibang lalaki. Noon pa man ay alam na niya ang tungkol sa pagkakaroon nito ng isa pang anak. Hindi na niya hahayaan ang sarili na magalit. Mas pinili niya na huwag nang magtanong. Hindi na rin niya hinayaan ang sarili na masaktan. Tapos na ang lahat—nasa nakaraan na at hindi na nila mababago ang mga nangyari. “Hello po,” nakangiting bati ni Yogo. “Hi.” Nais sana ni Jaco na haplusin ang ulo nito, ngunit ramdam niya ang mga mata ni Manang Luisa na nakatitig sa kanya. “Friend po kayo ni Mama, `di ba?” tanong ni Yogo. Tumango siya. “Oo. Friend ako ng mama n’yo.” Hindi sila naging malapit ni Agatha kahit na noong nasa kolehiyo pa lang sila, ngunit itinuring niyang kaibigan ang dalaga. “May Harry Potter po ba sa cell phone ninyo?” “Ha?” “Harry Potter.” “Harry Potter? The movie Harry Potter?” Hindi maalala ni Jaco kung napanood niya ang pelikula. Hindi ba, marami iyon? Inilabas niya ang cell phone mula sa bulsa. “Wala, eh. Pero I can download the movie for you.” Binuksan niya ang data connection ng cell phone. Saan nga ba nakakapag-download ng mga pelikula? Umiling si Yogo. “Ayoko pa pong panoorin ang movie. Hindi ko pa po kasi natapos basahin.” “W-what?” Natigil siya sa pagpindot sa cell phone. “It was a book?” “Yogo! Hindi ka dapat nakikipag-usap sa mga taong hindi mo kilala!” Napatingin si Jaco kay Xena na hindi namalayang nakalapit na sa kanila. Hinawakan ni Xena ang kamay ng nakababatang kapatid at pilit na hinihila, ngunit ayaw magpahila ni Yogo. “Kilala ko kaya siya. Friend siya ni Mama,” sabi ni Yogo sa ate. “Parang si Tito Cedric na friend din ni Mama.” “Hindi sila friends! Galit kaya si Mama sa kanya.” “Hindi kaya! Tinanong ko kagabi. Sabi ni Mama, hindi. Friends sila.” “Huwag ngang matigas ang ulo mo.” “Sabi ni Mama dapat nakikipag-friends tayo sa iba!” “Kids, kids,” saway niya sa dalawa ng bata. “Calm down. Huwag mag-aaway. Bilin `yon ni Mama, hindi ba?” Parehong nanahimik ang dalawa. Hindi malaman ni Jaco ang susunod na gagawin at sasabihin, kaya pinagtuunan muna niya ng pansin ang cell phone. D-in-ownload niya ang Harry Potter books. Nang matapos sa ginagawa ay nakitang salubong na salubong ang mga kilay na nakatitig sa kanya si Xena. Humalukipkip ang bata at pinasadahan ng tingin ang kabuuan niya na labis na ikina-conscious ni Jaco. “Manliligaw ka po ba ni Mama?” Napatanga si Jaco, hindi kaagad nakatugon sa tanong ni Xena. “W-what?” Nilapitan siya ni Xena, seryosong-seryoso ang mukha. Tila kinikilatis nito ang buo niyang pagkatao. “Hindi po puwede basta-basta na lang ligawan si Mama.” “Oh. O-okay.” Paano niya pakikitunguhan ang sitwasyon na ito? “Ano po ang work ninyo?” tanong uli ni Xena. “Ha?” “Hindi n’yo po puwedeng ligawan ang mama namin kung wala kayong work. Kailangan din po malaki ang suweldo ninyo para hindi na kailangang magtrabaho at mahirapan ni Mama. Kailangan n’yo rin po kaming tanggapin ng kapatid ko. Kung ayaw n’yo pong maging papa namin, huwag na rin po kayong mag-abala.” Napatitig si Jaco sa anak. May kung anong humaplos sa kanyang puso. He was proud of her. He had a very good daughter. Nginitian niya si Xena. “I will look for a job,” pangako niya sa anak. “I will be worthy, darling.”   NAGMAMADALING umuwi si Agatha sa bahay pagkatapos ng kanyang session sa mga tinuturuang estudyante. Tinulungan niyang mag-review at gumawa ng mga assignment at project ang mga estudyante. Nasa tindahan pa si Manang Luisa nang umuwi siya. Binabantayan nito ang dalawang bata na kasama pa rin si Jaco. Napatigil siya sa paglalakad at pinagmasdan ang tatlo. Nakaupo sa kandungan ni Jaco si Yogo na nakatuon ang buong atensiyon sa binata. Nakayuko si Jaco at tila may binabasa nang malakas mula sa cell phone. Si Xena ay nakaupo sa ibayo ng dalawa. Bahagyang nakasimangot ang mukha at mukhang masungit ang panganay, ngunit tila nakikinig din sa ano mang binibigkas ni Jaco. Noon ay buo sa isip ni Agatha na hindi na nangangailangan ng ama ang dalawang anak, ngunit ngayon ay tila nais niyang magbago ng isipan. Bakit tila napakagandang tanawin ang kanyang nakikita? Mas magiging masaya ba ang dalawang bata kung may ama ang mga ito, kung mas kompleto ang kanilang pamilya? Napatingin sa direksiyon ni Agatha si Xena kaya biglang napangiti ang bata. “Mama!” Mabilis itong tumayo at tumakbo palapit sa kanya. Yumuko siya at niyakap ang anak. Maging sina Jaco at Yogo ay nakatingin na sa kanya. Bumaba si Yogo mula sa kandungan ni Jaco at lumapit din sa kanya. “Mama, binabasahan ako ng Harry Potter ni Tito Jaco,” ani Yogo bago siya hinagkan at niyakap. “Mama, malapit ko nang matapos.” “Mama, ang kulit-kulit niyang si Yogo,” pagsusumbong ni Xena bago pa man niya mabigyan ng pansin ang sinabi ni Yogo. “Sinabi nang huwag masyadong makikipag-usap sa hindi kakilala, ayaw pong makinig. Ang kulit-kulit po niya.” “Hindi kaya,” ani Yogo, tila handa nang makipag-away sa ate. “Behave ako, Mama. Hindi ako nagpasaway. Saka sinasabi ko kay Ate na friends kayo ni Tito Jaco, ayaw maniwala. `Di ba tinanong kita kagabi, sabi mo po, friends kayo.” Nasapo ni Agatha ang noo. Tipikal na magkapatid sina Xena at Yogo ngunit madalang na madalang kung mag-away ang dalawa. Hindi naman niya maaaring pagalitan ang mga ito dahil kung tutuusin ay kasalanan naman niya. Nililito niya ang dalawang bata sa pakikitungo kay Jaco. Nakikita at naririnig ni Xena ang bawat pag-uusap nila ni Jaco. Tuwing tinatanong naman siya kung sino ang lalaking laging nakasunod sa kanila ay sinasabing kaibigan niya samantalang kabaliktaran naman niyon ang pakikitungo niya. “Huwag na kayong mag-away,” sabi na lang niya. “Okay lang makipag-friends kay Tito Jaco.” Mahirap para sa kanya na sabihin ang huling pangungusap, ngunit napagtanto na panahon na upang harapin ang sitwasyon. Hindi na siya maaaring umiwas dahil hindi siya lulubayan ni Jaco. At ayaw na niyang palagi na lang matatakot dahil walang mareresolba sa kanyang ginagawa. “Pumasok na kayo sa loob,” utos niya sa magkapatid. Napatingin siya kay Jaco. “Isama ninyo ang Tito Jaco n’yo. Bibili lang ako ng merienda kay Manang.” Umabot yata hanggang sa tainga ang pagkakangiti ni Yogo. “Sabi ko sa `yo, Ate, eh. Ayaw mong maniwala.” Hindi na nito hinintay na may makapagsalita sa kanila. Binalikan na ni Yogo si Jaco, hinawakan ang kamay, at hinila papunta sa apartment. “Mama, talaga po ba?” paniniguro ni Xena. Hinaplos niya ang buhok nito. “Friends kami ni Tito Jaco. Okay lang kahit na magustuhan mo siya.” Unti-unting sumilay ang ngiti sa munting mga labi ni Xena. “Bili ka na ng merienda, `Ma, para maituloy na namin ang Harry Potter reading.” Masasabi ni Agatha na nagustuhan ng dalawang bata si Jaco. Kahit na paano ay nakaramdam siya ng kaunting kaligayahan sa kanyang kaibuturan. Ngunit mas naghahari pa rin ang takot. Hindi na rin niya maikaila na nakakaramdam na siya ng kaunting selos. Sandali lang nakasama ni Jaco ang mga bata, ngunit nahuli na kaagad nito ang loob ng dalawa. Ngunit naisip din niya na baka naman masyadong sabik lang sina Xena at Yogo sa ama. Pinuntahan na lang niya ang tindahan ni Manang Luisa upang bumili ng merienda. Nagpasalamat na rin siya sa ginang sa pagtingin-tingin nito sa mga anak. “Walang anuman. Alam mo naman na mahal ko na kahit paano ang dalawang bata. Hindi naman pala gaanong masama ang lalaking `yon, Agatha. Matiyaga sa mga bata kahit na mahahalatang hindi siya gaanong sanay. Pogi pa. Masarap sa mata. Kanina ay tinanong ni Xena kung manliligaw mo siya.” Namilog ang mga mata ni Agatha at nag-init ang buong mukha. Kahit na hindi nakikita ang mukha, alam niya na namumula iyon. Teka, bakit ba siya namumula? Natawa si Manang Luisa habang iniaabot ang dalawang bote ng RC Cola. “Tinanong pa ng panganay mo kung ano ang trabaho niya. Kailangan daw ay malaki ang suweldo para makatulong sa `yo. Naku, Agatha, mahal na mahal ka talaga ng mga anak mo. Manliligaw mo ba talaga `yon?” Nginitian lang ni Agatha si Manang Luisa. Hindi pa niya nasasabi sa landlady kung sino si Jaco kahit na maraming beses na rin nitong nakikita sa paligid ang lalaki. Ang isang bagay na talagang nagustuhan niya sa landlady ay hindi ito usisera. Hinihintay nitong kusa siyang magsabi at maglabas ng saloobin. Nagpaalam na siya at hindi na sinagot ang tanong ni Manang Luisa. Nadatnan niya ang tatlo sa munting sala ng apartment. Nakaupo na uli sa kandungan ni Jaco si Yogo at seryosong nakikinig sa binabasa ng binata. Si Xena ay naupo sa munting upuang plastic na nasa tapat ng mesita at nakikinig din. Nagpunta siya sa kusina at inihanda ang inumin. Bakit tila natural na natural ang presensiya ni Jaco sa munting bahay nila, sa buhay nila? Mas may idudulot bang mabuti sa mga anak kung ganap na niyang patutuluyin sa buhay nila si Jaco?  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD