8

2172 Words
NATULALA si Agatha pagbukas niya ng pinto kinabukasan. Papasok na sila sa eskuwelahan at tangan na niya ang mga kamay ng dalawang anak. Kaagad kumabog nang malakas ang kanyang dibdib. Nakadama siya ng takot na nahaluan ng kaunting pananabik. Ang dahilan ng kanyang pagkaligalig? Si Jaco. Nakangiti ang binata. May pag-aalinlangan sa ngiting iyon ngunit naroon din ang pananabik habang nakatingin sa dalawang bata. “Hi,” bati ni Jaco na tumingin sa kanya. “Ano na naman ang ginagawa mo rito?” tugon niya sa malamig na tinig. Binitiwan muna niya ang mga kamay nina Xena at Yogo at ikinandado ang pinto ng apartment. Nang matapos ay muli siyang kumapit sa mga anak. Kailangan niyang humugot ng lakas mula sa mga ito. “Gusto ko kayong makita,” ani Jaco, hindi nabubura ang ngiti sa mga labi. “Puwede ko ba kayong ihatid sa school?” “Malapit lang ang eskuwelahan, kaya naming lakarin,” aniya, habang hinihila ang dalawang bata. Lalampasan na sana nila si Jaco ngunit maagap na hinarangan ng lalaki ang daraanan nila. “Puwede ko ba kayong sabayan sa paglalakad?” Malamig niya itong pinagmasdan. “Bakit? Wala ka namang maaaring gawin sa eskuwelahan.” “Please, Agatha,” samo ni Jaco, maging ang mga mata ay nakikiusap sa kanya. “Bigyan mo naman ako ng pagkakataon. Kahit na sa mga munting bagay lang.” Napatingin ang binata kay Xena. Nakita niya ang paghahangad at pananabik sa mga mata ni Jaco. Nakasulat din sa mga iyon ang sinseridad. Pinilit ni Agatha na huwag magpadaig sa awa. Sinikap niyang maging matigas. Natiis ni Jaco ang maraming taon na hindi nakikita at nakakasama ang anak. Matagal na panahon nitong kinaligtaan ang mga obligasyon. Walang karapatan si Jaco na magkaganoon. Hindi siya nito maaaring pilitin. Ngunit habang-buhay na yatang may soft spot sa puso niya ang lalaking pinanood na natutulog sa lilim ng puno habang yakap ang gitara. Hindi niya matiis ang ganoong klase ng ekspresyon ng mukha. Kinaiinisan niya ang sarili dahil sa kahinaan na iyon. “Mama?” nagtatakang tanong ni Xena. Nagtatanong ang mga matang nakatingala sa kanya. Napabuntong-hininga si Agatha. “Sige. Pero hanggang sa gate ka lang.” Isinaisip ni Agatha na pumayag siya hindi dahil lumambot na ang puso at napapatawad na niya si Jaco. Lalong hindi iniisip na pumayag siya para sa sarili, dahil tila may munting bahagi sa kanyang puso na nais itong makasama. Itinimo niya sa isip na para kay Xena ang pagpayag, na kahit pagbali-baliktarin ang mundo, si Jaco pa rin ang ama. Kahit na ano man ang kanyang sabihin, may karapatan pa rin ang binata kay Xena. Mahirap tanggapin ngunit hindi rin naman niya maaaring patuloy na lokohin ang sarili. Napangiti si Jaco at tila biglang nakahinga nang maluwag. “Thank you so much, Agatha.” Hindi na siya sumagot. Nagpatiuna na lang sila sa paglalakad. Ramdam niya ang pagsunod ni Jaco. Ramdam din niya ang pagtataka sa dalawang bata. Nais marahil magtanong ng mga ito ngunit hindi magawa dahil nasa malapit lamang si Jaco. Hindi niya alam kung uubra pa rin ang sagot na “ipapaliwanag ang lahat pagsapit ng mga ito sa tamang edad” kapag nasolo na siya ng mga bata at nagtanong.   “`MA, NANDITO na naman `yong mama.” Napatingin si Agatha sa direksiyon ng tingin ni Xena. Nasa gate sila ng eskuwelahan nang hapong iyon. Uwian na nila. Matiwasay naman niyang nairaos ang maghapon sa kabila ng pagkaligalig kaninang umaga. Walang iba kundi si Jaco ang tinutukoy ni Xena na “mama.” Nakatayo ang binata sa hindi kalayuan at tila sadya silang inaabangan. Nang makita silang nakatingin ay kaagad gumuhit ang matamis na ngiti sa mga labi nito. Kinawayan pa sila. “Sino po siya, `Ma?” nagtatakang tanong ni Xena. Hinawakan niya ang kamay ni Xena at sinimulan na nila ang paglalakad pauwi. “K-kaibigan siya ni Mama noong college.” “Bakit po siya sunod nang sunod sa atin?” Lumingon ang bata sa likuran nila. “Nakasunod na naman siya, `Ma.” “Huwag mo na lang pansinin. Deretso lang ang lakad.” “Magkagalit ba kayo? Parang galit po ikaw sa kanya. Bakit po kayo nagalit sa kanya? Ano ang nagawa niyang kasalanan?” “Wala, `nak.” Totoo naman ang bagay na iyon. Walang ano mang nagawa si Jaco sa kanya. Kung alam lang ng anak na hindi siya ang sinusundan ng lalaki kundi ito. “Agatha.” Hindi niya pinansin ang pagtawag ni Jaco. Tuloy-tuloy lang sila ni Xena sa paglalakad na patuloy sa paglingon-lingon sa likuran. “Agatha, please.” Nangako siya sa sarili na hindi na magpapaapekto sa pagsamo ni Jaco. Kung magpapadaig siya, siya ang mawawalan sa bandang huli. Siya ang talo. “`Ma!” Nakaramdam ng resistance si Agatha mula kay Xena. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makitang hawak ni Jaco ang kabilang braso ng bata. Tila hindi naman nasasaktan si Xena, lumabis lang ang pagtataka. Titig na titig ang bata kay Jaco. Hindi naman natatakot sa nakahawak na lalaki, curious lang. “Ano ang ginagawa mo?” galit na bulalas ni Agatha. Marahas niyang inalis ang kamay ni Jaco na nakahawak kay Xena. Hindi niya gustong nakikitang hawak ng binata ang anak. Tila mas lumalago ang takot sa kaibuturan niya. Kung tutuusin ay madaling makukuha ni Jaco sa kanya si Xena. Kung makikipagtagisan siya ng lakas, alam ni Agatha na matatalo siya. Tumingin sa kanya si Jaco. “Agatha, please... H-huwag mo naman sana akong pagdamutan.” Hinila niya si Xena sa binata. “Wala akong ginagawa sa `yo, Jaco. Ikaw ang nanggugulo ng tahimik naming buhay. Umalis ka na lang. Doon ka naman magaling, hindi ba?” Napatingin si Jaco kay Xena, pagkatapos ay ibinalik ang mga mata sa kanya. “That’s unfair.” “Wala akong pakialam.” Hinila niyang muli si Xena at ipinagpatuloy ang paglalakad. “You can’t do this to me forever,” ani Jaco. “You can’t get rid of me that easily. Hindi ako basta-basta na lang susuko, Agatha.”              Hindi tumigil si Agatha, itinuloy-tuloy niya ang paglalakad palayo. May pangako sa tinig ni Jaco na lubha niyang ikinatakot. Ngunit hindi siya basta-basta na lang magpapatalo, hindi rin basta-basta susuko.   NANG sumunod na apat na araw ay tinupad ni Jaco ang mga salitang binitiwan. Sa umaga, paglabas ni Agatha kasama ng mga bata ay nakaabang na ang lalaki. Kahit na anong taboy ang gawin niya ay nakasunod pa rin si Jaco sa kanila sa pagpasok sa eskuwelahan. Sa hapon ay nakaabang na rin si Jaco sa uwian. Habang lumilipas ang mga araw ay lalong naguguluhan ang dalawang bata. Bago matulog sa gabi ay pinuputakti siya ng mga tanong. Hindi makontento sina Xena at Yogo sa mga matipid niyang sagot. Nararamdaman ng dalawang bata na may itinatago siya. Pagsapit ng araw ng Sabado ay hindi na malaman ni Agatha ang gagawin. Kailangan niyang umalis ng bahay. Kailangan niyang mag-tutor. Malaking bagay ang naitutulong ng pagtyu-tutor niya sa kanilang mag-iina. Marami siyang kailangang bayaran kaya hindi siya maaaring lumiban. Kadalasan ay iniiwan niya sina Xena at Yogo kay Manang Luisa, ngunit ngayong alam na nasa paligid lamang si Jaco ay labis siyang nag-aalala. Natatakot siya na baka pag-uwi niya mamayang hapon ay hindi na madatnan doon si Xena. Pagbukas pa lang niya sa pinto ay mukha na ni Jaco ang bumungad sa kanya. Nakangiti ang loko. “Hi!” masigla nitong bati. “Ano na naman ang ginagawa mo rito?” Hindi nabura ang ngiti sa mga labi ni Jaco. “Hindi ka pa ba nagsasawang itanong sa `kin `yan sa tuwina? Alam na alam mo naman ang sagot sa tanong na `yan.” Bago pa man siya makatugon ay niyuko na ni Jaco ang dalawang bata na nakakapit sa mga kamay niya. “Hi, kids.” Nginitian naman ng dalawang bata si Jaco. Nasanay na ang dalawa na palaging may “mama” na nakabuntot sa kanila. Minsan ay tila naaaliw na lang ang magkapatid sa kanila ni Jaco. “Umalis ka na.” Tiningala siya ni Jaco. “Alam mong hindi ko `yan gagawin. Dapat alam mo na ngayon na hindi ko kayo basta-basta na lang lulubayan.” Ibinalik nito ang tingin sa mga bata pagkasabi niyon. “Ano ba talaga ang gusto mo, Jaco?” “Ang gusto ko lang naman ay mag-usap tayo pero dahil alam kong paalis ka, sasamahan ko na lang ang mga bata. Ako na muna ang magbabantay sa kanila habang wala ka.” Hindi ito tumitingin sa kanya habang nagsasalita. “Sa palagay mo ay hahayaan kong makasama mo ang mga anak ko?” Nababaliw na si Jaco kung naiisip na may posibilidad na mangyari ang bagay na iyon. Iniunat ni Jaco ang katawan. Ngayon ay si Agatha na ang nakatingala sa lalaking may nakasulat na masidhing determinasyon sa buong mukha. May tinig na nagsasabi na hindi niya basta-basta na lang maitataboy ang lalaki—dahil hindi ito magpapaubaya at hindi na mananahimik sa isang tabi. Tila hinahamon siya ng mga mata ni Jaco na nakatunghay sa kanya. Ngunit nakakagulat ang pagiging banayad ng tinig nito nang magsalita. “You know you can trust me, Agatha. Hindi ko itatakas ang mga bata. All I want is a little time to be with them. Kailangan ko lang makasama ang mga naiwang alaala ni Shine.” “Hindi kita pinagkakatiwalaan.” Ibinaling niya sa ibang direksiyon ang mga mata. Ayaw niyang magpaapekto kay Jaco. Hindi siya maaaring bumigay at magtiwala. “This is me being nice, Agatha. Huwag mong hintayin na magawa ko ang mga bagay na hindi mo magugustuhan, mga bagay na kinatatakutan mo. Huwag mong sasagarin ang pasensiya ko.” Banayad pa rin ang tinig ni Jaco ngunit malinaw na nakarating sa kanya ang pagbabanta. “Sa palagay mo ay natatakot ako sa `yo?” “Sa palagay ko ay dapat kang matakot sa `kin.” Magsasalita pa sana si Agatha ngunit tumunog na ang kanyang cell phone. Kinuha niya ang aparato sa bag at tiningnan kung sino ang tumatawag. Muntik na siyang mapaungol nang malakas nang mabasa ang pangalan ng nanay ng tuturuan. May kasungitan ang ginang ngunit ito ang pinakamalaking magbayad sa lahat ng mga nanay na kumukuha sa serbisyo niya bilang tutor. Ang ginang din ang nagpapautang sa kanya tuwing nagigipit siya. Hindi niya maaaring hindi sagutin ang tawag. “Hello, Ma’am,” sagot niya. Nakita niyang yumuko uli si Jaco at kinausap ang dalawang bata. “Bakit wala ka pa rito? Ano’ng oras na? Sayang ang ibinabayad ko sa `yo. Exam na sa susunod na linggo. May project ka ring kailangang gawin.” “Paalis na po ako ng bahay, Ma’am. Pasensiya na po.” Ang totoo ay masyado pang maaga. Masyado lang obsessed ang ginang sa pag-aaral ng anak. Nais nitong palaging nangunguna ang anak sa klase. “Sige, bilisan mo. Kung hindi, babawasan ko ang suweldo mo. Malaki pa ang utang mo sa `kin, Agatha.” Bago pa siya makatugon ay pinutol na ng ginang ang koneksiyon. Napapabuntong-hininga na ibinalik ni Agatha sa bag ang cell phone at napatingin sa mga anak na kausap pa rin ni Jaco. Nakangiti si Yogo ngunit si Xena ay salubong na salubong ang mga kilay. Hindi niya maaaring isama ang dalawa sa kanyang pupuntahan. Hindi rin naman siya maaaring lumiban dahil sa mga utang. Hindi tuloy niya alam ang gagawin. Napatingin sa kanya si Jaco. “Iwan mo na lang uli sila sa landlady mo,” anito sa malumanay na tinig. “I won’t bother them so much. I promise. We’re just going to talk, get to know each other.” Pinakatitigan ni Agatha si Jaco. Ayaw niyang magtiwala. Hindi niya maaaring ipaubaya ang mga anak. “Wala akong gagawin na hindi mo magugustuhan. Tatambay lang ako sa harap ng tindahan. Kaunting pagkakataon lang ang hinihingi ko mula sa `yo.” Marahas na napabuga ng hangin si Agatha. Dinala niya ang dalawang bata kay Manang Luisa saka nagbilin kay Xena. “Alagaan mo ang kapatid mo. Huwag kayong magpapasaway kay Manang Luisa. Huwag masyadong maglilikot. Gawin na ninyo ang mga homework ninyo. Tulungan mo ang kapatid mo. Itse-check ko mamaya.” Tumango si Xena. “Opo, Mama.” “At huwag kayong masyadong makikipag-usap sa mga taong hindi ninyo kilala. Huwag kayong tatanggap ng ano man—candy o kahit na anong pagkain. Huwag na huwag kayong sasama sa kanya kapag niyaya niya kayong umalis. Naiintindihan?” Tumango uli si Xena. “Opo, Mama.” Niyakap nang mahigpit ni Agatha ang dalawang anak. Panay ang usal ng panalangin na sana ay naroon pa ang mga ito pag-uwi niya mamaya. Sana ay hindi siya nagkamali ng desisyon. Sana ay hindi niya pagsisihan ang kaunting tiwala na ibinigay kay Jaco. Habang nasa jeep, paulit-ulit niyang tinanong ang sarili kung bakit sa kabila ng lahat, may tiwala pa rin siya kay Jaco. Hindi niya maintindihan. Inis na inis siya sa sarili.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD