Chapter 2: I still love him (Hazel)

2290 Words
Alas syete na ng gabi at nakaramdam na ako ng matinding gutom. Mahigit dalawang oras din akong nakahiga at nagmukmok. Paulit-ulit na inalala ko ang nakaraan namin ni Jake at ang sakit na ibinigay niya sa akin. Paraan ko na rin iyon para paalalahanan ang sarili ko na hindi na uli magpapaloko sa kaniya. Bumangon na ako at nagtungo sa banyo. Tiningnan ko ang aking sarili sa salamin. Namumugto na ang aking mga mata sa kakaiyak. "Nagbakasyon ako para ma-relax pero stress lang ang inabot ko," sabi ko sa aking sarili. Huminga muna ako ng malalim bago nagtungo sa kusina. Tiningnan ko ang loob ng refrigerator at nakita ko na wala akong gustong kainin sa mga naroon. "Kailangan kong pumunta sa restaurant. Sayang naman itong VIP pass ko kung dito lang ako sa loob ng Villa. Pero paano kung makasalubong ko uli si Jake? Anong gagawin ko?" tanong ko sa aking sarili. Napaupo na lamang ako sa sofa out of my frustration. Hindi ko kasi alam kung ano ang gagawin ko. Gulong-gulo ang isipan ko. "Lalabas o hindi?" paulit-ulit ko na tanong sa aking isipan. Napabuntong-hininga ako. Ipinikit ko ang aking mga mata at isinandal ang ulo ko sa sandalan ng sofa. Minasahe ko ang aking sintido. Nagsimula na naman kasing sumakit ang aking ulo sa kakaisip ngunit ayaw din magpatalo ng aking sikmura. Dinig ko na ang ingay ng mga bituka ko na nagwawala. "Sh*t! Lalabas ako at wala na akong pakialam kung makikita ko siya. Wala naman siyang magagawa kong ayaw ko siyang kausapin. He can't force me to talk to him. VIP guest ako rito at siguradong isang sigaw ko lang ay may tutulong na kaagad sa akin," sabi ko pa sa aking sarili. "VIP ka pero siya ay VVIP, " sabi ng isang bahagi ng aking utak. Natawa na lamang ako sa aking sarili. Tama nga naman lalo at may shares sa kompaniya ng may-ari ng Isla El Cielo si Jake at mga kaibigan niya. "Mababaliw na ata ako sa kakaisip at sa gutom. Bahala na nga! Basta, iiwasan ko siya hanggat kaya ko pero uunahin ko munang pakainin ang mga bituka ko. Baka mabutas na sila." Tumayo na ako at pumasok sa loob ng kuwarto. Tiningnan ko uli sa salamin ang aking itsura. Inayos ko ang nagulo kong buhok. Naglagay ako ng kaunting polbo at lip gloss. Ang putla ko na kasi at ayoko naman na magmukhang atsay sa mga naroon. Nang makuntento na ako sa aking itsura ay dinampot ko na ang aking bag. Lumabas ako ng villa. Nakahinga ako ng maluwag nang masigurong wala na nga roon si Jake. "Baliw naman siguro siya kung maghihintay siya ng gano'n katagal," sabi ko sa aking sarili. Naglakad na ako at nagtungo sa isang restaurant na malapit lang sa tinutuluyan ko. Pagpasok ko ay marami na ang taong naroon para kumain. Kaagad akong nilapitan ng waiter. Ipinakita ko naman sa kaniya ang VIP card ko. "This way, Ma'am," aniya at itinuro sa akin ang bahagi ng restaurant na napapaligiran ng salamin na dingding. Nakita ko na may nakasulat na malaking letra na VIP. Pinili ko ang isang mesa na pandalawahan na nasa bandang sulok ng silid na iyon. Hindi pa naman iyon puno kaya nakapamili pa ako ng mauupuan. "Here's our menu, Ma'am," wika ng babaeng waiter at iniabot sa akin ang menu book. Binuksan ko iyon at nalula ako sa mga pagkain at presyong naroon. Ang hirap na nga i-pronounce ginto pa ang presyo. "Mas mahirap mas mahal siguro," natatawa kong sabi sa aking isipan. Ngunit hindi ako nagpahalata. Ayoko na masira ang pangalan ng mga kaibigan ko. Kahit papaano ay madalas na akong nakakakain sa mamahaling restaurants sa Maynila dahil kina Mira at Sir Nicholas. Palagi akong third wheel sa mga date nilang mag-asawa kaya may idea na ako kung paano sila mag-order. "One grilled Angus T-bone steak, parmesan spaghetti with black truffles, clam chowder and iced tea please." Lihim akong natawa sa aking sarili matapos kong sabihin ang aking order. Paano ba naman at inartehan ko ang pagkakasabi ko sa mga pagkain. "Hindi naman siguro halatang gutom na gutom ako sa dami ng in-order ko," sabi ko sa aking isipan. "Okay po, Ma'am," sabi ng waiter pagkatapos niyang mailista at mai-confirm sa akin ang order ko. "Ah, Miss, ilang minuto ang kailangan kong hintayin?" halos pabulong na tanong ko sa waiter habang nakatingin sa paligid. Baka kasi may makarinig sa akin. "Fifteen minutes po, Ma'am," nakangiti niyang sagot. Napapikit na lamang ako nang marinig ang sinabi ng waiter. Gutom na gutom na talaga ako at hindi ko alam kung kakayanin kong maghintay ng gano'n katagal. "Can I have a glass of water? Samahan mo na lang ng anything sweets," mahina pa rin ang boses na sabi ko. Iyon na lang kasi ang naisip kong paraan at baka himatayin na ako. "Okay po, Ma'am." Napahawak ako sa aking sikmura nang makaalis ang waiter. Habang naghihintay ay kinuha ko uli ang aking libro sa bag saka ako nagbasa para maukopa ang aking isipa sa iba at hindi pagkain ang nasa isip ko. "Can I sit here?" tanong ng isang pamilyar na boses. Ibinaba ko ang hawak kong libro saka itinaas ko ang aking paningin. Hindi nga ako nagkakamali. Si Jake ang nasa harapan ko. Hindi ako sumagot at nagpatuloy lang ako sa pagbabasa na parang hindi ko siya nakita ngunit hinila niya ang upuan sa tapat ko at naupo roon. "As far as I know I'm a VIP customer here. Wala ka bang makitang ibang mapwestuhan at bakit mo isinisiksik ang sarili mo rito?" mataray kong tanong sa kaniya. Muli kong ibinaba ang hawak kong libro at pinagtaasan pa siya ng kilay. Kailangang maipakita ko sa kaniya na galit ako para lumayo na siya sa harapan ko. "I'm sorry but all the seats are taken. And I'm a VIP too," casual niyang sagot. Halatang ayaw niya akong patulan. At subukan niya lang dahil hindi ko siya uurungan. Iginala ko ang aking paningin sa paligid at nakita kong punuan na nga ang lahat ng mesa. "I don't care if puno na. Eh 'di lumipat ka ng ibang restaurant. Or else you can stay outside at hintayin mong makatapos kaming kumain at magkaroon ng bakante," pagtataray ko uli sa kaniya. Hindi ko maitago ang galit na nararamdaman ko sa kaniya kahit na maraming tao sa paligid. Habang nakikita ko kasi siya ay bumabalik lang ang sakit ng nakaraan. "Hazel, it's been a year. Hindi mo pa rin ba ako napapatawad?" tanong niya habang mataman na nakatingin sa akin. "I'm not here to talk about the past. Kung wala ka ng ibang sasabihin ay puwede ka ng umalis. Gusto kong kumain na mag-isa at mag-enjoy sa bakasyon ko. Huwag mo sanang sirain," mariin kong sabi sa kaniya. Akmang kakawayan ko sana ang waiter para tawagin at makapagreklamo ngunit mabilis na hinawakan ni Jake ang aking kamay. "What are you doing?" pabulong ngunit galit kong tanong sa kaniya sabay hila ng aking kamay. "Alam ko kung anong binabalak mo, Hazel. Kapag itinuloy mo 'yan ay matatanggal siya sa trabaho," aniya sabay sulyap sa babaeng waiter. "How come na matatanggal siya? Irereklamo lang naman kita para umalis ka na," sabi ko habang nakakunot ang noo. "They have rules here. Batas dito ang salita ng mga VIP customers. Kapag nagreklamo ka at makarating sa management ano sa tingin mo ang mangyayari sa kaniya? Kaya sana ay pagbigyan mo na ako," tugon niya. "Anong klaseng rules 'yan?" usal ko at muli ko na naman siyang inirapan. "Gusto ko rin naman na maka-move-on na sa nakaraan natin. Ngunit hindi iyon mangyayari kung hindi mo ako hahayaan na maipaliwanag ang side ko. Please, hayaan mo akong makapagpaliwanag sa'yo. Alam kong nasabi na ni Nicholas sa'yo ang totoo pero kulang pa iyon, Hazel. Please, I'm begging you, " pagsusumamo niya sa akin. Huminga ako nang malalim at inisip ko ang sinabi niya. Tama nga siya. Siguro nga ito na ang tamang panahon para maayos na ang lahat sa amin at ng matapos na. Pagod na akong takasan ang nakaraan namin. "Okay! But let me eat first," sambit ko na hindi man lang siya magawang tingnan. Nakita ko kasi na parating na ang pagkain kong in-order. Muli ko na naman naramdaman ang pagrebelde ng aking mga bituka. "Here's your food, Ma'am." Napapalunok ako habang isa-isang nilalapag ng waiter ang pagkain sa mesa. Napansin ko namang napapangiti si Jake habang nakatingin sa akin. Inirapan ko na naman siya at ibinaling ko na sa pagkain ang paningin ko. Ayaw ko kasing mawalan ako ng gana gayong gutom na gutom na ako. "Thank you!" sabi ko sa waiter nang mailapag na niya ang lahat ng pagkain. Nagsimula na akong kumain. Hindi ko man lang inalok si Jake dahil sa wala rin naman akong balak na bigyan siya. "What?" mataray na tanong ko sa kaniya nang makita kong tinititigan niya ako habang kumakain ngunit nagkibit-balikat lamang siya kaya pinagtaasan ko siya ng kilay. Nagpatuloy na ako sa pagkain. Ilang saglit lang ay dumating uli ang waiter at may dala itong pagkain na kapareho ng in-order ko. Napakunot ang aking noo habang tinitingnan ang paglagay niya ng pagkain sa mesa. "Bakit kaya doble ang ibinigay nila sa akin. Bongga pala kapag VIP," sabi ko sa aking isipan sabay sila'y ng isang ngiti. Ngunit nawala ang ngiti ko nang makitang kinakain ni Jake ang pagkain na inilagay ng waiter. "What are you doing? Bakit mo kinakain ang pagkain ko?" mataray na tanong ko sa kaniya. "Pagkain mo? This is mine!" "What? Eh kapareho 'yan ng in-order ko ah?" "I know! I ordered the same food as yours." Napalunok ako ng aking laway nang marinig ang kaniyang sinabi. Nakaramdam ako ng pamumula ng aking pisngi at napahiya ako. "Pahiya ka no?" tanong ng isang bahagi ng aking utak. "Sh*t! Bakit nga ba hindi ko naisip 'yon?" tanong ko sa aking isipan. Kung puwede nga lang magmura sa inis ay ginawa ko na. Huminga na lang ako ng malalim saka ipinagpatuloy ko na lamang ang aking pagkain. Nilabanan ko ang aking sarili na sulyapan man lang si Jake. Pakiramdam ko tuloy ay hindi ako matutunawan sa aking nakain. "I'll just wait for you outside," sabi ko nang maubos ko na ang aking pagkain saka tumayo na ako. Nagtungo ako sa tabing-dagat. Nais ko kasing makalanghap ng hangin dahil biglang sumikip ang aking mundo habang kaharap si Jake. Sa loob ng isang taon ay nagpanggap akong masaya. Hindi ko pinapakita sa iba na nasasaktan pa rin ako sa nangyari sa relasyon namin. Ngunit kapag ako lang mag-isa ay binabalot ng kalungkutan ang puso ko. Pakiramdam ko kasi ay kahapon lang nangyari ang lahat. Pinahid ko ang mga luha na bumagsak sa aking mga mata. Ayaw kong ipakita kay Jake na apektado pa rin ako ngunit pagpihit ko ay nakita ko siyang nakatayo habang nakatingin sa akin. Nakapamulsa siya. At bigla na lamang kumabog ang aking dibdib gaya nang unang beses kaming nagkita sa airport. Iniwas ko ang aking paningin ngunit nakita ko sa sulok ng aking mga mata ang kaniyang paglapit. "I'm sorry if until now ay pinapaiyak pa rin kita. I was so stupid way back then. Sana noon pa kita sinuyo," malumanay ang boses na sabi niya sa akin. "Wala rin naman akong balak na kausapin ka noon kahit anong gawin mo. Kahit sino siguro na malaman na ginamit lang sila ay gagawin din ang ginawa ko," sabi ko naman. "I know. Pero totoong minahal kita, Hazel. Naging in-denial lang ako sa harapan ni Nicholas dahil sa may pinapagawa siya sa akin. Pinagsisihan ko na ang lahat. Hanggang ngayon kasi ay ikaw pa rin ang laman ng puso ko. Isang taon na akong pinaparusahan dahil sa ginawa ko sa'yo. It's been a torture for me. Please give me a second chance, Hazel. This time, I'll prove to you kung gaano kita kamahal." Puno ng pakiusap ang kaniyang boses at ramdam ko ang bawat salita na lumalabas sa kaniyang bibig dahil kung maging tapat lamang ako sa aking sarili ay pareho lang naman kami ng nararamdaman. Muling umagos ang luha sa aking mga mata. Hindi ko na iyon kayang pigilin pa. Tuluyan ng lumapit sa akin si Jake at mahigpit akong niyakap. Sinubukan ko siyang itulak ngunit wala na akong lakas. Napahagulgol na ako habang sinusuntok ko ng kanang kamay ang kaniyang dibdib. "Sige lang. Iiyak mo lang 'yan, Hazel. Kailangan mong ilabas lahat ng galit mo sa akin. Kailangan nating pagdaanan ito para tuluyan na tayong makawala sa sakit na dala ng ating nakaraan," aniya habang hinahaplos ang aking likuran. Dining ko rin ang pagpiyok ng kaniyang boses. Nang mahimasmasan ako at tumigil na sa pag-iyak ay nagpasya na akong bumalik sa aking Villa. "Gusto ko ng magpahinga," sabi ko sa kaniya. "Sasamahan na kita." "Hindi na kailangan." Hindi na siya nagpumilit. Inihakbang ko na ang aking mga paa ngunit bigla akong nakaramdam ng pagkahilo kaya napasuray ako sa paglakad. Mabilis naman ang mga kamay ni Jake at kaagad niya akong inalalayan. "Please, hayaan mo na akong ihatid ka," puno ng pakiusap na sabi niya sa akin. Tumango na lamang ako dahil sa wala rin naman akong choice. Inalalayan ako ni Jake papunta sa aking Villa. Pagpasok ko ay iniupo niya ako sa sofa. Nagtungo siya sa kusina at kumuha ng tubig na maiinom at ibinigay iyon sa akin. "Thanks!" Ininom ko na iyon at muling ibinigay sa kaniya nang maubos ko ang laman ng baso. "Okay ka lang ba na mag-isa rito?" tanong niya sa akin nang madala na niya sa lababo ang baso. Hindi ako kaagad nakasagot. Nagtatalo kasi ang aking puso at isipan. Ipinikit ko ang aking mga mata bago nagsalita. "Can you stay with me?" tanong ko sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD