Chapter 1
Sachzna's POV
Sabi nila, ang pagpapaka-puta o pagiging pokpok raw ang pinakamatagal nang propesyon sa mundo. Bata pa lang ako, mulat na ako sa trabahong ito. Hindi ko ito nabasa lang sa libro, hindi rin ito isang kuwento mula sa kapitbahay. Araw-araw, ito mismo ang nakikita ko. Isang bayarang babae ang ina ko. Hindi tulad ng ibang propesyon na nangangailangan ng diploma, kurso, o sertipiko, hindi mo kailangan ng ganoon para makapasok dito. Ang kailangan mo lang ay hubarin ang pagkatao mo, isantabi ang damdamin, at hayaan ang laman mong katawan ang magsilbing bagay na nagbibigay-aliw sa mga banyaga at mga lokal na uhaw sa bisyo ng laman.
Ako si Sachzna, panganay sa aming tatlong magkakapatid. Iba-iba ang aming mga ama, iba-ibang kuwento ng panandaliang pag-ibig ng aming ina. Naanakan siya ng isang Briton at ako ang naging bunga. Ang sumunod sa akin ay si Tsuki, na ang ama ay isang regular na kostumer ng nanay namin noong nagtrabaho siya sa Japan. At ang bunso namin ay si Ismé, nag-iisang lalaki, na anak naman ng isang Pilipino. Pero gaya ng nakagawian ng aming ina, hindi rin nagtagal ang relasyon niya sa tatay ni Ismé. Bago pa siya ipanganak, naghiwalay na ang dalawa.
Kahit ganoon, masasabi kong maayos pa rin ang pagpapalaki ng nanay ko sa amin. Ginawa niya ang lahat para mabigyan kami ng pagkain, tirahan, at kahit papaano’y edukasyon. Ang problema lang, mahina siya pagdating sa usaping pag-ibig. Tanga-tanga talaga siya minsan. Madali siyang maniwala, mabilis umasa, at palaging nauuwi sa panlilinlang ng mga lalaking dumadaan sa buhay niya.
“Hoy, Sachzna! Ano ba yang sinusulat mo?” tanong ng bakla kong ninang na si Jodie, habang nakaarkong nakatingin sa akin mula sa pintuan.
“Wala ’to!” mabilis kong sagot sabay lukot ng papel at tapon sa basurahan.
“Baka naman sinusulatan mo na naman yang tatay mong Briton!” singit ng nanay ko na abala sa pagpipintura ng mukha niya sa harap ng salamin.
Naghahanda siya para sa trabaho niya ngayong gabi. Nakaupo siya sa maliit naming aparador, nakabukas ang maliit na bombilya, at kitang-kita ko ang bawat guhit ng eyeliner na inilalapat niya.
“Huwag ka nang umasang sasagot iyon,” dagdag pa niya, tumaas ang kilay habang sinusuklay ang buhok. “Nagsasayang ka lang ng pera sa pagpapadala ng sulat sa ibang bansa. Baka nga tegi-bang-bang na yung hudas na yun!”
“Paano ko naman susulatan iyon? Eh hindi naman ako marunong mag-Ingles. Hindi rin naman siya nakakaintindi ng Tagalog,” sagot ko, sabay sindi ng sigarilyo at malalim na hithit.
Napalingon si Nanay. “Hoy! Hindi ba sabi ko sa’yo pwede kang magsigarilyo pero huwag na huwag sa harap ko? Wala kang galang! Nanay mo pa rin ako, no!” Mabilis niyang kinuha ang sigarilyo mula sa daliri ko.
“Nay!” angil ko, ngunit bago pa ako makatanggi, hinampas niya ang likod ng ulo ko.
“Ano’ng Nay! Hindi ba sabi ko Mammy ang itawag mo sa akin? Ma-My! Baka akalain ng mga makakarinig sa’yo naghihirap na tayo!”
Napairap ako. “Totoo naman, eh. Mammy, hindi ka na kasing fresh at bata tulad ng dati. Humihina na ang negosyo natin.”
“Ay, Sachzna, ginaganyan ka ng anak mo? Ma-thunders ka na daw o!” hagikgik ni Ninang Jodie.
“Ikaw, maldita kang bata ka, mag-ingat ka sa pinagsasabi mo,” sagot ni Mammy, sabay irap.
“Mammy, kailangan ko ng singkwento pesos. Gagawa kami ng project sa science. Kailangan kong magbigay sa group namin,” sabat ni Ismé, nakatingin na parang kawawang pusa.
“Ay ako din, Mammy,” dagdag ni Tsuki. “Kailangan ko ng money. Project din sa school. One hundred pesos lang, okay na.”
Dumukot si Mammy mula sa wallet niya. Isa-isang tiningnan ang gusot na mga perang papel. Inilabas niya ang isang singkwenta. “O, ayan na lang ang pera ko ngayon. Paghatian niyo na lang!”
“Mammy naman! Kulang ’to!” reklamo ni Tsuki.
“Ano’ng magagawa ko? Yan lang ang pera ko ngayon. Hintayin niyo ako mamayang gabi. Hindi ako uuwi ng bahay ng walang naiuuwing pera,” sagot niya, sabay lagay ng blush-on.
“Siya nga pala, Mammy,” dagdag ni Tsuki, “may dumating na sulat sa apartment. Kapag hindi daw tayo nakapagbayad ng kuryente at tubig ngayong linggo, puputulan na daw. Tapos yung landlady, nangungulit na naman. Dalawang buwan na tayong hindi nakakapagbayad. Tinataguan na nga namin ni Ismé tuwing kumakatok.”
Napailing ako. “Hay naku! Buhay nga naman talaga. When it rains, it’s four!”
“Mali, ate,” singit ni Ismé. “When it rains, it pours.” Napakamot siya ng ulo.
“Ganun na din yun. Keep your mouth shock!” balik kong sagot.
“Shut, ate!” sagot niya ulit.
Sa aming tatlo, si Ismé ang pinakamatalino. Palagi siyang may award, palaging top one. Pero kahit ganoon, hindi ibig sabihin na ligtas siya sa hirap ng buhay na meron kami.
“Tumahimik ka na. Baka nakakalimutan mo, ako nagbibigay ng baon mo,” iritadong sagot ko. Tapos, humarap ako kay Nanay. “Mammy, maliit lang ang kita sa pagwawaitress ko sa karinderya ni Aling Simang. Baka naman pwede mo akong ipasok dito sa cabaret. Mas kikita ako dun. Pagkakaguluhan ang beauty ko.”
Bigla akong tiningnan ng nanay ko, matalim ang kanyang mga mata. “Hindi ka magtatrabaho sa cabaret.”
“Huwag kang gumaya sa nanay mo, inaanak,” sabat ni Ninang Jodie. “Tingnan mo siya ngayon, la ocean deep na ang beauty.”
Hinaplos niya ang buhok ko habang nakatitig ako sa salamin. “Ingatan mo yang virginity mo. Mataas ang value niyan sa market. Hahanapan kita ng mayamang buyer.”
“Habang wala ka pang nahahanap, ’Nang, baka pwede muna akong magsayaw-sayaw sa cabaret. Ang daming bayarin. Kailangan kong kumita,” sagot ko.
“Mababastos ka lang dun. Hindi ka marunong sumayaw. Baka mawalan lang ng kostumer ang cabaret. Tumahimik ka na lang sa carinderia,” sagot ni Mammy.
“Mammy, nakikita ko moves mo! Nagpapractice ako!” balik ko.
“Ay, tamang-tama!” biglang sabi ni Ninang Jodie. “May raket ako sa’yo!”
“Anong raket na naman yan, Jodie? Baka mabastos yang anak ko. Iniingatan ko ’yan. Maganda si Sachzna at virgin pa. Hahanapan ko ’yan ng mayamang mapapangasawa,” singit ni Mammy, nakataas ang kilay.
“Gigiling-giling lang siya ng konti. No touch!” sagot ni Ninang. “High class ang lugar, VIP ang mga kliyente. Baka may magkainteres sa beauty ni Sachzna.”
“Ay game ako d’yan, Nang!” mabilis kong sabi. Tumingin ako kay Nanay. “Payagan mo na ko, Nay. Sasayaw lang naman ako.”
Hindi siya kumibo. Nagpatuloy siya sa paglagay ng blush-on. Lumapit ako at yumakap mula sa likod. “Mammy, payagan mo na ko.”
“Ay naku! Bahala ka, maldita ka. Basta ha, huwag kang magpapahawak sa mga lalaki. Kapag nahawakan ka na ng mga yan, tuloy-tuloy na ’yan.” Irap niya sa akin.
“Yes, Mammy,” sagot ko, nakangiti ng malapad.
Nagkatinginan kami ni Ninang Jodie, parehong may ngiti ng sabwatan. Kahit ganoon si Mammy—mahirap, palaban, minsan nakakaasar—hindi ko maikakaila na mabuti siyang ina. Ginawa niya ang lahat para mapalaki kami. Siguro iba ang buhay namin kumpara sa iba, pero hindi ibig sabihin na masama kaming tao. Ginagawa lang namin ang lahat para makaraos sa bawat araw.
Ito ang normal namin. Ang Lola ko, nanay ng nanay ko, binuhay siya sa parehong trabaho. Nang lumaki siya, ganoon din ang naging kapalaran niya. At ako… alam ko na ako na ang susunod sa yapak nila. Doon ako namulat. At iyon na ang buhay na nakasanayan ko.
Ang paglubog ng araw ang siyang hudyat ng pagbukas ng ilaw. Para silang mga gamo-gamo na lumalapit sa nakakaakit na liwanag, hindi alintana ang panganib na maaaring sumalubong. Sa bawat kislap ng ilaw sa mga kalsada, sa bawat sindi ng neon signs, nagbubukas din ang mga pintuan ng mga gabi kung saan ang dilim at aliw ay magkahalong bumabalot sa paligid. Sa gitna ng kadiliman ay may mga taong naghahanap ng apoy na maalab, isang init na panandalian ngunit kayang magpuno sa pagkukulang ng kanilang mga pusong uhaw sa atensyon. At sa isang yakap, kahit bayad, nakakahanap sila ng init na hindi maibigay ng totoong mundo.