“Anong sabi mo?” Napatayo ako nang marinig ang sinabi ng aking Ama na si King Ghodo. Hindi ko alam kung nasa tamang pag-iisip ang aking Ama. Sa tingin ko naman ay maayos na ang kalagayan nito dahil nararamdaman iyon ng aking presensya. Hindi na s’ya katulad kanina na parang namumutla dahil sa kung anong nararamdaman nito sa katawan.
Sigurado akong wala na ang sakit na iniinda nito sa kanyang ulo. Gayunpaman, una sa lahat ay hindi ko alam kung anong sinasabi nito. Hindi ko matukoy kung saan nangagaling ang kanyang mga sinasabi. Gusto kong paniwalaan iyon pero hindi ko kayang kumbinsihin ang aking sarili sa hindi ko malamang dahilan. Saglit na oras ko lamang s’yang hindi nakita kaya nakakapagtaka na may sinasabi na s’yang kung anu-ano lalo pa at tungkol iyon sa nilalang na hindi ko naman kilala.
“Nais kong magtungo ka sa mundo ng mga mortal na tao upang alamin ang kalagayan ng iyong kapatid na si Althaia. “ Pag-ulit ng aking Ama sa kanyang sinabi kanina. Narinig ko naman yun kanina pero dahil nga nahihirapan akong tanggapin sa sarili ang sinabi nito kaya muli n’ya itong inulit.
“Pero Ama alam n’yo naman na hindi pa ako kailanman nakapunta sa mundo ng mga tao.” Pagtutol ko sa nais nitong ipagawa sa akin. Kahit kalian ay hindi ako nangahas na magtungo sa mundo ng mga mortal na tao. Hindi sa takot ako pero nais ko lang mag-ingat dahil hindi ko hangad na mapahamak ang aking sarili.
“Alam ko kaya huwag kang mag-alala dahil bibigyan kita ng proteksyon upang hindi ka paghinalaan ng mga mortal na tao kapag ikaw ay kanilang nakita.” Desidido talaga ang hari sa nais nitong ipagawa sa akin. Ano ba ang mayroon sa Althaia na yun at kailangan kong alamin ang kanyang kalagayan. Isa pa ay hindi ko naman alam ang hitsura nito kaya paano ko s’ya makikilala.
Hindi ko talaga gustong sundin ang nais ng aking Ama ngunit alam ko din na wala akong magagawa dahil kahit tumutol ako ay pilit pa din akong papupuntahin nito sa mundo ng mga tao. Hindi na lamang ako nagsalita at nanatiling tahimik sa tabi ng hari. Bahala na kung anong mangyayari sa akin sa pupuntahang lugar.
Hiling ko na sana ay may mapala ako sa gagawin kong misyon na ito. Hangad ko din na magawa ko ito sa mas mabilis na paraan upang makabalik agad dito sa Elysian. Kung tutuusin ay madali lang naman ang kailangan kong gawin ang hindi ko lamang gusto ay ang makalapit sa mga mortal na tao.
Bakit ba naman kasi sa lahat ng lugar na pwedeng mapuntahan ni Althaia ay doon pa s’ya napadpad. Ang ipinagtataka ko din ay kung paano s’ya naging anak ni King Ghodo dahil hindi ko talaga s’ya matandaan. Isang malaking palaisipan iyon para sa akin.
"Nais ko na magtungo ka agad doon bukas." Nanlaki na naman ang aking mga mata dahil sa kanyang sinabi. Pumayag na nga ako sa nais nitong magtungo sa mundo ng mga mortal pero hindi ko akalain na bukas ko agad iyon gagawin.
Sa aking pagkakaalam ay madami pa akong trabaho na ginagawa dito sa palasyo. Madaming bagay pa akong tinatapos kaya nabigla ako na agad akong pinapaalis nito. Kailangan ko pa tapusin ang lahat ng aking mga ginagawa upang mapanatag ang aking loob sa gagawing pag-alis. Ako kasi yung tipo na hindi mapalagay kapag hindi ko natapos ang isang bagay na kailangan kong gawin.
"Ngunit Ama hindi pa tapos ang aking mga trabaho at madami pa akong kailangan tapusin dito sa palasyo." Mahahalata sa aking boses ang pagkairitable dahil hindi ko nagugustuhan ang nangyayari. Kung pwede lang talagang tumutol sa aking Ama ay iyon ang nais kong gawin ngayon.
"Ako na ang bahala doon, ang tanging kailangan mong intindihin sa ngayon ay ang pagkilala kay Althaia." Bahagya akong natakot dahil sa pagkaseryoso ng mukha nito. Tiyak kong hindi na ako maaaring magdahilan sa kanya para tutulan ang gusto nito. Baka kung ano pa ang sumunod na mangyari kapag ipinilit ko ang aking gusto.
"Kung ganun ay paano ko malalaman na s'ya si Althaia." Ito ang importanteng tanong na dapat kong malaman ang kasagutan dahil baka iba ang maging tingin sa akin ng mga mortal na tao kapag walang tigil akong magtatanong sa kanila. Mahalaga din ang bagay na ito para magawa ko sa mas mabilis na paraan ang aking misyon.
Bahagyang napaisip ang hari at intinukod pa nito ang kanyang kamay sa baba. Sa tingin ko ay hindi nito alam kung ano ang hitsura ng babae na dapat kong kilalanin. Muntik kong masapo ang sariling noo dahil sa inaasal nito. Kapag nagkataon ay mukhang hindi magiging madali ang aking trabaho.
"Pasensya na Avarice ngunit hindi ko alam kung ano ang kanyang hitsura." Nanlulumong sagot nito sa akin dahilan para mapabuntunghininga na lamang ako. Tama nga ang aking naisip kanina. Paano ko kaya makikilala si Althaia kung maging ang sarili kong Ama ay hindi alam ang hitsura nito.
Saglit na naging tahimik ang paligid namin at tila nag-iisip ang aking Ama kung ano pa ang ibang bagay na maaari kong pagbasehan upang madaling makilala si Althaia. Bakit kaya hindi si Althaia ang maghanap sa amin upang mas madali para hindi na s’ya nahihirapan sa apg-iisip at ako naman ay hindi na magsasayang ng oras na magtungo sa mundo ng mga tao.
"Base sa aking nararamdaman ngayon ay tila kumawala na ang kanyang kakayahan." Hindi ko na naman maintindihan kung ano ang punto ng hari. Napapansin ko na tila may sariling mundo kung minsan ang mahal na hari na lalo kong ipinag-aalala sa kanya.
"Anong ibig mong sabihin Ama?" Nakakunot ang noo na tanong ko sa kanya. Dapat pala ay hindi na ako dumaan dito kanina dahil kung nagkataon ay siguradong tulog na ako ngayon sa aking silid. Iwan ko na kaya ang hari at hayaan s’yang mag-isip muna ulit ng ibang paraan.
"Magkapatid kayo ni Althaia kaya sigurado akong parehas lamang kayo ng kakayahan.” Itinuro pa nito ang aking mga palad na madalas kong ginagamit kapag nagpapalabas ng kakayahan.
“Ano naman po ang koneksyon nun upang makilala ko s’ya?” Tila napakabagal ng aking utak ngayon kaya hindi ko agad masundan kung anong nais ipahiwatig ng aking Ama.
“Ang kakayahan nay an ang magiging basehan mo upang makilala ang iyong kapatid.” Parang wala lang na sabi nito. Madaling sabihin pero tiyak na mahirap gawin. Napakaraming mortal na tao sa lugar nay un at ang alam namin ay may ilan na din sa kanila ang nagtataglay ng kapangyarihan dahil sa nangyaring digmaan noon kung saan sila ang ginagamit ng parehong kaharian.
"Kailangan kong hanapin kung sino sa kanila ang kapareho ko ng kakayahan?" Nagsisiguradong tanong ko sa aking Ama.
"Oo at huwag kang mag-alala dahil nararamdaman ko na nag-iisa lamang s'ya sa mundo ng mga mortal kaya hindi ka mahihirapan na hanapin s'ya." Nakangiti pa itong tinapik ang aking balikat. Hindi na ako sumagot at nanatiling tahimik lamang.
Naisip ko na kahit mag-isa lamang si Althaia na may ganung kakayahan ay tiyak na mahihirapan pa din ako lalo at wala akong alam tungkol sa lugar na iyon. Maya-maya ay tumayo na ng tuluyan ang aking Ama at lumabas na ng silid. Sigurado akong magtutungo na ito sa kanyang trono. Sumunod na din akong lumabas upang magtungo naman sa aking silid.
Nakangiti na ngayon ang hari at wala na nga ang sakit na nararamdaman nito kanina dahil maayos na ang kanyang pagkilos. Nagpaalam na din ako sa kanya na mananatili muna sa aking silid upang tapusin ang iba kong trabaho bago umalis kinabukasan. Nang makapasok sa aking silid ay agad koi tong isinara at humiga sa aking higaan.
"Bakit ako pa ang kailangan na magtungo sa lugar na iyon?" Para akong bata na nagdadabog ngayon dahil hindi ko gusto ang ipinapagawa ng aking magulang. Hindi ko talaga nais na magtungo sa lugar na yun kaya labas sa aking loo bang kailangan kong gawin.
Bakit nga ba ako ang dapat na kumilala sa babaeng iyon? Siguro ayos na din na ako ang kailangan na maghanap sa kanya nang sa ganun ay malaman ko din kung bakit s'ya hinahanap ng hari kahit pa nga nakalimutan na s'ya nito.
Humiga na ako sa aking higaan upang magpahiga. Tila sumakit ang aking ulo dahil sa kailangan kong gawin. Kailangan ko talagang magpahinga ngayon dahil magtutungo na ako kinabukasan sa mundo ng mga mortal.
Ibinuka ko ang aking pakpak at doon napagtanto kung paano ko iyon itatago sa mga tao. Ang ganda pa naman ng aking mga pakpak para itago lamang. Sinipat ko pa ang napakagandang balahibo nito upang masigurong maayos ang akong pakpak. Kung anong pag-aalaga ang ginagawa ko sa aking buhok ay tila ganun din ang ginagawa ko para sa aking pakpak upang mapanatili ang ganda nito. Gayunpaman ay kailangan kong gumamit ng mahika upang itago ang magaganda kong pakpak.
Tinigilan ko na ang aking pag-iisip at baka sumakit lamang ang aking ulo katulad ng nangyari sa aking Ama. Hindi nagtagal ay tuluyan na nga akong nilamon ng antok at nakatulog.
*******
Naalala ko na ang tungkol kay Althaia pero hindi pa din ako mapalagay sa aking trono. Alam ko din na hindi gusto ni Avarice ang aking pinapagawa sa kanya pero wala akong magagawa dahil hindi ko iyon maaaring ipagkatiwala sa iba.
May pakiramdam ako na may bagay akong ginawa noon na hindi ko matandaan ngayon at siguradong may kinalaman iyon kay Althaia dahilan para mawala at makalimutan ko ang aking anak. Kahit anong gawin kong pag-iisip ay hindi ko talaga iyon matandaan. Sana ay hindi iyon masakit na ala-ala upang makalimutan ko ng ganito katagal.
Kaya nais kong kilalanin ni Avraice ang kanyangkapatid upang mapagtugma ko ang mga pangyayari. Hindi ako matatahimk hangga't hindi ko nalalaman ang tungkol sa bagay na iyon. Pakiramdam ko ay araw-araw akong magiging ganito kapag hindi ko iyon muling naalala.
Nararamdaman ko na medyo sumasakit na naman ang aking ulo sa sobrang pag-iisip kaya tinigilan ko muna ang aking ginagawa. Gaya ng sabi ko ay hindi ako matatahimik hangga't hindi ko nalalaman ang tungkol sa aking nakaraan na may kinalaman din kay Althaia.
Nagpasya akong magtungo sa balkonahe upang pagmasdan ang labas ng palasyo. Nais kong namnamin ang masarap na simoy ng hangin upang makatulong din sa pagkalma ng aking isip dahil sa walang tigil kong pag-iisip sa nangyari noon.
Napansin kong malaki na ang ipinagbago ng buong kaharian ngayon. Kakaiba na s'ya sa dating hitsura ng kaharian. Dahil sa napakaraming digmaan na nagdaan ay naging patuloy ang paglaki ng aking mga mandirigma na gumagamit ng iba't-ibang kakayahan. Hindi ako makapapayag na patuloy kaming wasakin ng kalaban. Kahit ilang digmaan pa ang muling dumating ay hindi ako titigil at hahayaan na mapunta lamang sa wala ang lahat ng aking pinaghirapan para sa Elysian.
Nagawi ang aking tingin kung saan ko nakita ang isang batang babae sa aking panaginip. Hindi ko akalain na makakasama ko s'yang muli pag nagkataon. Sana ay mahanap agad s'ya ni Avarice upang malaman ko ang kanyang kalagayan. Nasasabik akong malaman ang tungkol sa kanya.
Napakabilis ng oras at hindi ko man lang namalayan na oras na pala ng aking pagtulog. Madilim na sa buong paligid kaya nagpasya na akong pumasok sa aking silid. Naglinis na din ako ng aking katawan upang makapagpahinga at muling makapag-isip bukas ng tungkol sa nangyari noong nakaraan.
Agad na akong bumalik sa aking silid upang makapagpahinga. May kakaibang galak akong nararamdaman ngayon na hindi ko mawari ang dahilan. Gaya ng aking sjnabi ay ipinahinga ki na ang aking isip upang makatulog din agad. Kailangan kong magising ng maaga bukas upang basbasan at bigyan ng proteksyon su Avarice sa pagtungo nito sa mundo ng mga mortal na tao.
Umayos na ako ng aking pagkakahiga at saglit na tumitig sa kisame upang magpaantok. Saglit na oras lamang ay nararamdaman ko na ang pagdidikit ng aking mga talukap hudyat na inaantok ako. Hindi ko na pinigilan ang nararamdaman at hinayaan ang sarili na tuluyang makatulog.
Medyo madilim pa ang paligid pero gising na ako. Hindi ako makapaghintay sa pag-alis ni Avarice ngayon patungo sa mundo ng mga tao. Nagagalak akong malaman agad kung ano ang kalagayn ng aking anak. Sana ay maayos ang kanyang kalagayan. Siguradong naghihirap s'ya ngayon kung paano kokontrolin ang sariling kapangyarihan kaya dapat mahanap agad s'ya ni Avarice upang tulungan.
Nag-ayos ako ng aking sarili upang magtungo na sa hapagkainan. Dahil sa aking pag-iisip kahapon ay ngayon ko lang napagtanto na hindi ako naghapunan.
Pagdating sa pagkain ay halos kapareho lamang namin ang mga mortal. Ang tanging pagkakaiba lang ng aming mga lahi ay may taglay kaming kakayahan. Sulit marami na ang nakasaksi na ang ilan sa mga mortal ay mayroon na din kapangyarihan kaya nagagawa na nilang protektahan ang kanilang kaharian laban sa mga kaaway na kampon ng kadiliman.
Napakadaming bagay na ang nagbago sa paglipas ng panahon. May mga bagay ngayon na hindi ko inaakalang kayang gawin ng mga mortal na tao. Ito ang dahilan kung bakit patuloy kami sa aming mga pagsasanay kahit matagal na panahon ng walang digmaan. Sana nga ay hindi na ulit iyon maulit dahil tiyak na madami ang muling masasaktan.
Ipinilig ko ang aking ulo dahil kung anu-ano na naman ang aking iniisip. Hindi maaari na lagi akong ganito dahil madami akong responsibilidad para sa aking kaharian.
Napangiti na lamang ulit ako nang maisip na malalaman ko na ang kalagayan ni Althaia sa lalong madaling panahon. Nagmadali na ako upang makapag-umagahan na.
Nasa kalagitnaan ako ng aking pagkain nang dumating si Avarice upang kumain din. Muli akong napangiti at tinapos na ang aking pagkain.