PAG-ALALA

2013 Words
“Ahh!” Nararamdaman ko na naman ngayon ang kakaibang sakit sa aking ulo na hindi ko maintindihan kung bakit nangyayari. Ang totoo ay ilang araw ko na itong nararamdaman pero hindi ko alam kung bakit tila mas lumalakas ito ngayon. Kung ano man ito ay siguradong may kinalaman s’ya sa aking sarili. Ang malaking tanong ay paano ko iyon malalaman. Hindi ko na kaya ang sakit na aking nararamdaman kaya tuluyan na akong napa-upo sa aking trono. Napansin naman agad ng isang serbida ang aking kalagayan kaya agad itong lumabas upang tawagin marahil ang aking anak. Sa tagal ng panahon ay ngayon ko lamang ito naramdaman kaya nahihirapan akong matukoy ang sanhi nito. Tama nga ang aking naisip sa ginawa ng serbida dahil maya-maya lang ay bumalik na itong kasama si Avarice. Bakas sa kanyang mukha ang pag-aalala sa aking kalagayan. “Bakit hindi ka nagsasabi sa akin tungkol sa iyong nararamdaman.” Nag-aalalang sumbat nito sa akin at agad hinawakan ang aking kanang kamay. Napangiti ako sa aking anak dahil hindi ko nais na mag-alala s’ya ng ganito kaya hindi ko sinabi ang tungkol sa aking nararamdaman. “Ayos lamang ako kaya huwag kang mag-alala.” Ang totoo ay ilang beses ko ng sinubukan na pagalingin ang sarili ngunit nakakapagtaka na hindi iyon nangyayari. Kahit anong mahika ang aking gamitin ay balewala lamang. “Hindi ka naman mukhang maayos, halika at pagagalingin kita.” Hindi na ako tumutol sa nais gawin ni Avarice dahil gusto kong malaman kung magagawa akong pagalingin nito. Hinawakan nito ang magkapareho kong kamay at agad na pumikit. Maya-maya lamang ay binalot na ng nakakasilaw na liwanag ang buong katawan ng aking anak. Nagmulat ito at bumungad sa akin ang nakakasilaw nitong mga mata. Kung hindi lamang ako hari ng Elysian Kingdom ay tiyak na masisilaw ako sa aking anak. Naramdaman ko ang napakainit na kapangyarihan ng aking anak. Mainit ito pero masarap sa pakiramdam dahil sa kakayahan nitong magpagaling. Gayunpaman ay tiyak kong walang nagbago sa aking nararamdaman. Marahil ay naramdaman din iyon ni Avarice kaya agad nitong itinigil ang kanyang ginagawa. “Anong nangyayari bakit hindi kita magawang pagalingin?” Tila nagduda pa ito sa kanyang kapangyarihan dahilan para tignan ang dalawang palad. Tuluyan ng naglaho ang nakakasilaw na liwanag sa kanyang buong katawan. “Huwag kang mag-alala Avarice dahil nasisiguro kong maayos ang iyong kakayahan. Ang totoo ay sinubukan ko na din pagalingin ang aking sarili ngunit nakakapagtaka na hindi ko din iyon nagawa.” Pag-amin ko sa aking anak. “Kung ganun ay ano kaya ang problema sa iyong katawan at bakit mo nararamdaman ang sakit na yan?”Bumalik na naman ang pag-aalala sa kanyang mukha. Hindi ko sinagot ang kanyang tanong dahil hindi ko din naman alam kung ano ang aking sasabihin. Nag-iisip ako ngayon ng posibleng dahilan kung bakit ako nagkakaganito. Ano ba ang maaaring maging sanhi ng aking nararamdaman? Ano ba ang mga bagay na posibleng may kinalaman sa akin? “Magpahinga ka muna at ako na ang bahala dito sa kaharian.” Natigil ako sa pag-iisip nang marinig ang sinabi ni Avarice. Siguro nga ay dapat muna akong magpahinga upang makapag-isip din ako ng ayos at malaman kung ano ang ugat ng nangyayari sa akin. “Oh sige tawagin mo na lamang ako kung may kailangan ka sa akin.” Bilin ko sa kanya at nagpasya ng tumayo sa aking trono. Tumango lamang si Avarice at nagpasama na ako sa isang serbida upang magtungo sa aking silid.  Hindi talaga ako mapalagay kaya siguradong hindi ako makakapagpahinga ngayon. Pilit kong inaalala kung may ginawa ako noon na maaaring may kinalaman sa akin ngayon. Kanina pa ako palakad-lakad sa aking silid. Tatayo tapos maya-maya lamang ay uupo na ulit. Mag-iisip at kapag sumakit ang ulo ay hihiga muna ng saglit. Kapag nawala na ulit ang nararamdaman ay muling uupo upang simulan ulit ang paglalakad sa silid ng pabalik-balik. "Ano ba ang nangyayari sa akin?" Iritableng tanong ko sa sarili. Pakiramdam ko ay napagod na ang aking sarili sa kung anong ginagawa ko ngayon kaya nagpasya akong magpahinga na lang muna. Humiga na ako at kinalimutan kung ano ang aking iniisip. Kailangan kong makatulog para paggising ko mamaya ay baka sakaling may maalala ako. Dala ng sobrang pagod ay tuluyan na akong nilamon nito dahilan para makatulog. Naalimpungatan ako at labis akong nagtaka kung bakit nakaupo ako sa aking trono. Sa aking pagkakatanda ay nagpahinga ako at hinayaan si Avarice na mangalaga muna sa buong kaharian. Tumayo ako at dumungaw sa balkonahe ng palasyo. Napakatahimik ng paligid at mararamdaman ang sariwang hangin. Tanging mahihinang higikgik ng aking anak ang maririnig na naglalaro sa labas ng palasyo. Napakasarap nilang tignan. Wala silang problema sa buhay at wala silang inaalalang digmaan. Hindi nila kailangan maglaan ng oras sa pagsasanay upang ihanda ang mga sarili kung sakaling pumutok na naman ang digmaan laban sa mga kampon ng kadiliman. Ang Elysian Kingdom ang aming tahanan at lahat ng nilalang dito ay mayroong kapangyarihan. Ang pinakamalakas sa lahat ay ang kakayahan namin na magpagling kaya malalakas halos lahat ng aking nasasakupan. Ngunit dahil madalas magdeklara ng laban ang kampon ng kadiliman kaya nagdesisyon kami na palakasin ang aming kakayahan kung saan ay maaari namin gamitin kapag may digmaan. Sa ilang beses na paglalaban namin ay madalas ang mga mortal na tao ang laging napapahamak. Gayunpaman ay wala akong pakialam dahil mas importante sa akin ang kaligtasan ng aking nasasakupan lalo na ng aking pamilya. Muli akong napatingin sa baba at patuloy pa din sa paglalaro ang aking mga anak. Ang sasaya nila at tila naramdaman nila na pinagmamasdan ko sila kaya magkasabay pa silang tumingala upang tignan ako sa balkonahe. Una kong napansin ay si Avarice dahil s'ya ang unang tumingala. Ganun na lamang ang pagsakit ng aking ulo nang makita ang mukha ng pangalawang batang babae. Alam kong anak ko din s'ya pero bakit tila hindi ko s'ya maalala. Sa sobrang pag-iisip ay lalong sumakit ang aking ulo at tila nais pumutok ang aking mga ugat sa utak.Hindi ko na kaya ang nararamdaman kaya madiin kong hinawakan ang ulo upang pilit alisin ang nararamdaman. Gaya ng ginagawa kong paggamot sa sarili ay wala din itong epekto sa akin.Hindi ko na kaya hanggang sa tuluyan na akong mawalan ng malay. Napabalikwas ako ng bangon at napakabilis ng pagtaas baba ng aking dibdib dahil sa sobrang hingal. Hindi ko matukoy ang nangyari sa aking panaginip. Tila totoo ito sa aking pakiramdam. Muli kong inalala ang mukha ng batang babae na kasama ni Avarice. Sino ang batang iyon at bakit s'ya nagpakita sa aking panaginip. Malakas ang aking pakiramdam na anak ko ang batang iyon pero nasaan s'ya ngayon? Hindi kaya ito ang sagot sa hinahanap kong dahilan ng kung anong nangyayari sa akin? Napahawak ako sa aking ulo dahil muli kong naramdaman ang pagkirot nito. Sigurado akong may kinalaman ang aking panaginip sa sagot na aking hinahanap. Kung ganun ang dapat kong gawin ay alamin ang tungkol doon upang malaman ang sagot sa aking katanungan. Muli akong pumikit at pilit inalala ang tungkol doon at ininda ang kirot sa aking ulo na nararamdaman. Una kong inisip ay ang posibleng pangalan ng bata. Kahit anong pilit ko sa aking sarili ay hindj talaga maalala ang pangalan nito. Dahil doon ay inisip ko naman kung ano pa ang ibang pangyayari buhat sa aking nakaraan na posibleng may kinalaman sa batang babae. Tulad sa nauna ay ganun din ang resulta dahil hindi ko din yun maalala. Walang batang babae sa aking nakaraan maliban kay Avarice. Hindi ako maaaeing tumigil dahil kahit wala akong maalala tungkol doon ay nararamdaman kong malalaman ko ang bagay na yun. Hanggang sa napadako ang aking isip tungkol sa nakaraang digmaan na umubos sa halos lahat ng aking nasasakupan. Ito yung digmaan na labis kinatakutan ng aking kaharian dahil sa pangyayaring hindi inaasahan. Gaya sa sinabi ko nung una ay madalas mortal na tao ang laging napapahamak dahil ginagamit sila ng kampon ng kadiliman dahilan para gawin din namin iyon laban sa kanila. Hindj nagtagal ay tuluyan na namin sinakop ang mundo ng mga tao gaya ng aming kalaban. Nang panahong iyon ay nagbago ang lahat dahil sa hindi inaasahang pangyayari. Ang digmaan laban sa aming mga kaharian ay pilit na hinadlangan ng ------- Hindi ko alam bakit hindi ko maalala ang kasunod sa nangyaring yun. Sigurado akong may humadlang sa digmaan noon. Muli akong napahawak sa aking ulo dahil sobrang sakit nito. Hindi ko alam na dadaan si Avarice sa.aking silid at laking gulat nito ng makita ang aking kalagayan. "King Ghodo anong nangyayari sa'yo?" Inalalayan agad ako nito upang tulungan na maihiga ng ayos dahil kasalukuyan na akong nakasalampak sa sahig ng aking silid. Hawak ko pa din ang aking ulo dahil sobrang sakit ng aking nararamdaman. Maging si Avarice ay natataranta na din at hindi nito matukoy kung ano ang kanyang dapat gawin. "Ama?" Mangiyak-ngiyak nitong pagtawag sa akin at patuloy akong binantayan. Napapikit ako sa sobrang sakit at hindi na halos marinig ang mahinang pag-iyak ng aking anak. Pakiramdam ko ay nag-echo sa aking utak ang salitang anak dahilan upang muling maalala ang tungkol sa isang batang babae. Pumikit ako ng mariin dahil patuloy akong umaasa na maaalala iyon sa kabila ng aking nararamdaman. Tila mawawalan ako ng malay dahil sa aking ginagawa ngunit hindi pa din ako tumigil sa ginagawang pag-iisip. Ganun na lamang ang pagkagulat ni Avarice nang biglang magmulat ang aking mga mata. Nawala na ang kirot na kaninang nagpapasakit sa akin. Tila bumalik na din ang aking lakas. "Althaia!" Mahinang bulong ko dahilan para tanungin ni Avarice ang aking kalagayan. "Maayos na ba ang iyong kalagayan Ama?" Muli s'yang lumapit sa akin at sinipat pa ang aking noo. Labis ang kanyang pag-aalala na gumuhit sa napakagandang mukha nito. Tinitigan ko lamang ang aking anak at doon ko napagtanto na magkahawig sila ng kapatid nito.  "Avarice, nagbalik na ang iyong kapatid." Hindi ko sinagot ang kanyang tanong at sa halip ay ibinalita sa kanya ang aking natuklasan. Bahagyang natigilan si Avarice dahil hindi nito matukoy kung anong ibig kong sabihin. "Anong ibig mong sabihin saka sinong kapatid?" Kumunot pa ang noo nito dahil sa sobrang pagtataka. Muli nitong hinawakan ang aking ulo sa pag-aakalang may kung anong nangyri sa akin.  "Maayos na ang aking kalagayan at wala na ang sakit na aking nararamdaman." Tinanggal ko pa ang kanyang kamay upang hawakan iyon.  "Kung ganun ay sino ang sinasabi mong kapatid ko na nagbalik?" Hindi ako sigurado kung naniniwala si Avarice sa aking sinabi o nais lamang nitong sakyan ang aking sinasabi. "Makinig ka sa akin anak dahil totoo ang aking sinasabi. May kapatid ka at parehong hindi natin s'ya maalala ngunit dahil sa aking pag-iisip ay natuklasan ko ang tungkol sa kanya." Pagpapaliwanag ko sa anak. Hindi pa din nagbabago ang kanyang reaksyon pero hindi ako maaring panghinaan ng loob. Sigurado akong malalaman din nito ang tungkol kay Althia pagdating ng tamang panahon.  "Naniniwala ako sa iyong sinasabi Ama kaya nais kong malaman kung ano ang kanyang ngalan." Seryosong wika nito sa akin. Tama hindi ko pa nga pala nasasabi sa kanya ang pangalan ng kapatid. "Althaia, iyon ang kanyang ngalan." Masayang sagot ko sa kanya pero tila magkaiba kami ng nararamdaman ni Avarice. Gayunpaman ay ipinagwalang bahala ko na lamang iyon dahil sigurado akong naguguluhan pa ang babae. "Althaia." Pag-ulit lamang nito sa pangalan ng kapatid at tumango-tango pa na tila inaalala ang tungkol sa babae. Hindi ako maaaring magkamali dahil naaalala ko na ngayon kung anong nangyari noon. Si Althaia ng dahilan kung bakit tila kumakawala ang aking kapangyarihan. Tiyak kong natuklasan na nito ang tungkol sa kanyang kakayahan. Dahil sa hitsura ni Avarice ngayon ay tila nakaisip ako ng paraan kung paano nito makikilala ang nakalimutang kapatid. Sigurado akong nasa mundo ngayon ng mga mortal na tao ang aking anak. Gayunpaman ay hindi palagay ang aking loob sa mga mortal na tao dahil sa nangyari noong nakaraang digmaan kaya kailangan kong malaman ang kalagayan ng aking anak.  "Pangako, hahanapin kitang muli anak."  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD