“Bakit sa dami kong pwedeng bagsakan ay doon pa ako napunta.” Kasalukuyan akong nagpapagpag ngayon ng aking katawan dahil na din sa mga duming kumapit sa akin gawa ng pagsabog. Hindi ko akalain na lilikha ng pagsabog ang aking pagpunta sa mundo ng mga tao.
Saglit akong natigilan nang maalala ang hitsura ng lalaking nakita ko kanina. Hindi ko akalain na may gwapong nilalang pala sa mundo ng mga tao. Hinawakan ko ang aking dibdib at naramdaman ko na tila kakaiba ang pagtibok nito.
“Anong nangyayari sa’yo.” Para akong baliw na kinakausap ngayon ang aking puso. Tila ngayon lamang ito tumibok ng ganito. Bakit parang nais nitong kumawala sa aking dibdib.
“Huwag mong sabihin na nagkagusto ka sa mortal na iyon?” Muli kong kausap sa aking puso na panay pa din ang tila nagwawalang pagtibok nito. Marahas kong inalis ang aking kamay na nakapatong sa aking dibdib.
“Tumigil ka nga.” Bulyaw ko muli sa aking puso. Ngunit natauhan ako bigla dahil sa aking sinabi.
“Ang ibig kong sabihin ay bumalik ka sa dati dahil kapag tumigil ka ay baka mawalan ako ng buhay.” Hindi pa din ako tumitigil sa pakikipag-usap dito. Ito ang hirap kapag wala akong kasama dahil hindi ko mapigilan ang aking sarili na hindi magsalita.
Gayunpaman ay hindi ako makapaniwala na nagustuhan ko ang lalaking iyon kahit sa unang pagkikita lamang. Inaamin ko na nagkagusto ako sa kanya dahil iyon naman talaga ang aking nararamdaman. Ako kasi yung tipo na hindi ipinagkakait sa sarili kung ano ang nagpapasaya sa akin.
“Bakit ba kasi ako nagtago hindi ko tuloy nalaman kung ano ang kanyang pangalan.” Nanghihinayang na kausap ko sa sarili. Naalala ko pa ang aking hitsura kanina sa likod ng punongkahoy dahil sa kagustuhan na maikubli ang sarili. Gayun din ang pagpipigil ko sa aking boses dahil matagal din akong tinawag ng lalaki.
Nakalimutan ko na takot nga pala ako sa mga mortal na tao at hindi pa ako handang makihalubilo sa kanila kaya ko nagawang magtago ng wala sa oras. Hindi ko naman kasi alam na may lalapit sa akin kung saan nangyari ang pagsabog. Pero dapat ay nakipagkilala pa din ako sa kanya dahil baka hindi ko na s’ya muling makita.
Ipinilig ko ang aking ulo dahil ang dami ko na agad iniisip samantalang kararating ko pa lamang dito sa mundo ng mga tao. Isa pa ay hindi pag-ibig ang aking ipinunta dito kundi dapat kong mahanap si Althaia. Naisip ko lang na hindi pala nasabi sa akin ni Ama kung ano ang sunod kong gagawin matapos na mahanap ang sinasabi n’yang kapatid ko.
Muli kong ipinilig ang aking ulo dahil pakiramdam ko ay sumasakit na iyon dahil sa aking pag-iisip. Hindi ko nais na matulad sa nararamdaman ng aking Ama kaya huminga muna ako ng malalim at nagsimulang kumalma. Ipinagpatuloy ko na din ang paglilinis sa sarili gamit ang aking kapangyarihan upang hindi ako paghinalaan ng mga mortal na tao.
Pagkatapos kong mag-ayos ng sarili ay lumabas na ako sa aking pinagtataguan upang makihalubilo sa kanila. Namangha ako sa aking nakikita at hindi ko akalain na ganito pala kaganda sa mundo ng mga tao. Madaming tao sa paligid at lahat sila ay nakangiti indikasyon na masasaya.
Ang totoo ay hindi ko naiintidihan ang ilan sa kanilang ginagawa pero nasisiguro kong maayos ang kanilang mga buhay dito sa kanilang mundo.
“Sana ay ganito din kami sa aming kaharian.” Mahinang bulong ko sa sarili. Wala kasi kaming oras sa mga ganitong bagay kaya walang ganito sa aming kaharian. Kadalasan ang mamamayan sa Elysian ay nagiging mandirigma o kaya ay mga nagpapakadalubhasa sa paggamit ng kanilang kakayahan.
Napailing ako dahil hindi ko maaaring ipagkumpara ang aming mga buhay. Mortal na tao lamang sila at wala silang kakayahan. Hindi sila kagaya namin na kayang gawin ang mga bagay na aming naisin dahil sa taglay na kakayahan.
Ipinagpatuloy ko ang aking paglalakad at bahagya akong natitigilan kapag may nadadaanan akong tindahan na nagbebenta ng magagandang gamit. Nakakalungkot lang dahil wala akong hawak na salapi dahil ito pa lang ang unang araw ko dito.
Muli akong natigilan sa paglalakad hindi dahil may nakita akong magandang bagay kundi dahil may naisip akong magandang paraan. Naalala ko na kaya ko nga pala gumawa ng sarili kong pero dahil sa aking kakayahan. May limitasyon iyon ngunit makakatulong pa din sa akin kahit papaano.
Muli akong lumapit sa isang tindahan kung saan may magbabayad ng kanyang pinamili. Mabilis kong tinitigan ang salaping iyon at agad na pinagana ang sariling kapangyarihan. Hindi nagtagal ay may sarili na akong salapi na magagamit ko upang bumili ng mga bagay na gusto ko.
Sobrang saya ko dahil ang dami kong pinamiling gamit. Tila nakawala ako mula sa matagal na pagkakakulong. Kung alam ko lang na ganito kaganda sa mundo ng mga tao ay hindi na sana ako nagdalawang isip pa na magtungo ditto. Gayunpaman ay hindi pa din ako masyadong lumalapit sa kanila dahil hindi ko pa din tiyak ang kanilang mga ikinikilos.
Hindi ko nais maging kampante dahil unang araw ko pa lang naman ditto. Nais kong malaman muna ang kanilang mga kilos at kilalanin kung sino ang maaari kong pagkatiwalaan at hindi ako magagawang saktan.
Medyo dumidilim na at patuloy pa din ako sa aking pagliliwaliw sa mga pamilihan. Bigla akong natigilan nang maisip na hindi ko pa nga pala alam kung saan ako tutuloy ngayong gabi at sa mga susunod na araw. May natitira pa akong pera kaya tumigil na ako sa pamimili ng kung ano dahil kailangan kong humanap ng pwede kong tuluyan.
Hindi ko alam kung paano ako makakahanap dahil hindi ko alam kung ano ang kailangan kong gawin. Natatakot pa din ako na magtanong sa mga mortal na tao tungkol sa aking problema. Gayunpaman ay walang mangyayari sa akin kung hindi ako kikilos.
Minabuti ko na lumapit muli sa isang tindahan upang doon magtanong. Siguradong hindi ako mapapahamak kapag doon ako nagtanong dahil may kasama akong namimili. Napansin ko naman na hindi nila ako pinghinalaan dahil kanina pa ako nagliliwaliw sa lugar na ito.
Nagtungo na ako kung saan ang lugar na kanilang sinabi para makapagpahinga na din. Naramdaman ko na ngayon ang pagod dahil sa walang tigil na pagliliwaliw ko sa mga tindahan. Wala akong magagawa dahil ngayon ko lamang ito naranasan sa aking buhay. Sa tingin ko ay matutuwa akong manatili ditto sa mundo ng mga tao basta huwag lamang nila akong gagawan ng kung anong ikapapahamak ko.
“Ito po ba yung lugar kung saan pwede akong manuluyan?” Agad kong tanong sa isang babae na tila nagbabantay sa buong kabahayan. Mataas ang lugar kaya tiyak kong madaming silid ang nandito na para sa mga tulad kong walang tahanan.
“Oo ito nga, nais mo ba kumuha ng isang silid?” Nagsisiguradong tanong nito sa akin. Agad naman akong tumango bilang sagot sa kanyang tanong. Sinenyasan naman agad ako nito na sumunod sa kanya upang puntahan kung anong silid ang ibibigay nito sa akin.
Mukhang maayos naman ang lugar at isa pa ay tahimik din ang paligid. Sa tingin ko ay magiging panatag naman ang aking kalooban na manatili sa tahanan na ito. Tama nga ang aking naisip dahil malinis din ang kabuuan ng silid nang buksan nito ang pintuan. Kumpleto na din iyon sa gamit maliban sa mga pansariling gamit. Tinulungan pa ako nitong ayusin ang ilang bagay na nasa loob ng silid.
“Tawagin mo lamang ako kapag may kailangan ka pa.” Wika nito sa akin dahilan para muli akong tumango bilang sagot sa kanyang sinabi. Nagpaalam pa s’ya bago tuluyang lumabas ng silid. Nang masigurong wala na ang tagapagbantay ay agad na din akong humiga upang makapagpahinga. Bukas ko na lamang aayusin ang mga bagay na aking pinamili kanina. Kailangan ko din pala bumili ng aking sariling gamit na gaya sa mga tao upang hindi nila ako paghinalaan.
Bukas ay sisimulan ko na din ang aking misyon at agad na magsisimulang hanapin si Althaia. Sana talaga ay palarin ako upang makilala ko agad s’ya. Hiling ko n asana ay maramdaman ko agad ang kanyang kakayahan upang mabilis ko s’yang matunton.
Nararamdaman ko na ang aking antok at tila ineenganyo na ako nitong matulog. Isa pa ay busog na din ako dahil sa kung anu-anong pagkain na aking tinikman kanina habang nag-iikot sa sentro. Umayos na ako ng aking pagkakahiga bilang paghahanda sa aking pagtulog.
Napatitig ako sa kisame ng wala sa oras dahil muli kong naalala ang napakagwapong mukha nung lalaki kanina. Hiling ko din na sana ay magkaroon ako ng pagkakataon na muling makita ang mortal na iyon. Nais kong malaman ang kanyang ngalan maging ang kanyang pagkatao kung kinakailangan. Literal akong tinamaan sa karisma ng lalaking iyon kaya sisiguraduhin kong malalaman ko ang tungkol sa kanya at makikipagkilala.
Napansin ko na lamang na nakangiti na ako dahil sa aking iniisip. Dala ng sobrang pagod kanina at antok ay kusa nang nagdikit ang aking mga talukap. Hinayaan ko na ito at hindi na nilabanan ang antok na nararamdaman dahil may misyon pa akong kailangan gawin bukas.
“Hanggang sa muli nating pagkikita.” Yung lalaking nakakita sa akin ang aking tinutukoy at hindi si Althaia. Kailangan ko lang naman kilalanin si Althaia dahil sa utos ng aming Ama. Kung hindi dahjil sa kanya ay malamang wala ako dito sa mundo ng mga tao.