Paper Bag
Weena's POV
TUWANG-TUWA AKO dahil sa naibenta ni Andoy ang aking paninda at ubos pa kaya nama'y sobrang saya ko. Bumili na rin ako ng mga gamot ni Tita Elly. Pagkauwi ko sa bahay ay naabutan ko si Tita Elly na nanonood ng paborito niyang K-Drama.
"Tita, kumain na po ba kayo? Mamaya'y nagpapalipas kayo r'yan ng gutom sa pinapanood niyong K-drama? Hindi naman po kayo susubuan ng Oppa niyo ng pagkain," saad ko. Mahilig kasi siyang manood mula sa Pirated CD ng mga K-Drama.
"Naku! syempre naman hindi pa 'ko kumakain, Anak. Tatapusin ko muna ang Episode 15 nito kasi masyadong maganda para gumalaw pa 'ko. Hindi ko mapapanood ang bed scene. Magpalit ka muna ng damit para makakain na tayo kaysa sa sermonan mo pa 'ko. Hindi ko na nga maintindihan ang pinagsasabi ng Oppa ko tapos raratratin mo pa," palatak niya na ikinailing ko naman. Huling-huli na hindi pa siya kumakain.
Napabuntonghininga naman ako dahil sa pagigijg pasaway ng aking Tita Elly. Basta't K-Drama ay nakakalimutan na kumain at minsan pa'y maligo.
Umakyat na lang ako sa 'ming de-kahoy na hagdan na malapit nang bumigay kapag tumalon ang dalawang baboy. Napalingon ako sa mga gamit ko na kakarampot at walang kakulay-kulay. Naalala ko ang sinabi kanina ng babae sa 'kin. Totoo naman na mahirap lang kami pero hindi ko kayang magsalita nang masakit sa taong hindi ko naman kilala.
Nagpalit ako ng damit kaya binuksan ko ang aking lumang baul. May nakita akong makintab na nasa gilid kaya naman'y kinuha ko 'yon. Tinignan ko ito nang maiigi at isa pa lang porselas na yari sa diyamante at may nakaukit na, 'W.C.V.' Initials 'yon ng aking pangalan. Ibinigay sa 'kin ito ni Tatay no'ng ako'y tatlong taong gulang bago pa man atakihin ito sa puso na ikinamatay naman nito. Hindi ko isinusuot ito masyado dahil baka manakaw pa. Ibinigay ito sa 'kin ni Nanay no'ng isang taong gulang pa lang ako at mismong kaarawan ko pa 'yon. Napatitig ako at kahit na hindi sinasabi sa 'kin ni Tatay kung ano ba talaga'ng rason kung bakit hindi ko kapiling si Nanay ay lagi nitong sinasabi sa 'kin dati na, "Si Nanay mo 'y nasa malayo at kapag malaki ka na'y magkakatagpo kayo ng landas. Masaya na si Tatay kapag nagkasama na kayo sa hinaharap."
Magulo at maraming katanungan sa 'king isipan pero ipinagkibit-balikat ko na lang. Ibinalik ko na muli ang porselas ko at inilagay sa maliit na supot para hindi madumihan. Nagbihis na lang ako at para makapaghanda na ng makakain.
---
"ANAK, balita ko'y magkakaroon ng enrollment do'n sa gusto mong paaralan na Celestina Academy," sabi ni Tita Elly na ikinamaang ko naman.
Noon pa ma'y pangarap ko na talagang makapag-aral sa Celestina Academy ngunit kapos kami pinansiyal kaya't hanggang pangarap na lang ako. Dati kasing kasambahay si Tita Elly ng isang pamilya sa bayan. Sinasamahan namin si Deborah na magpa-enrol at namangha ako dahil sobrang ganda sa Celestina Academy. Napakaganda ng mga istruktura at dekalidad din ang mga gamit dahil panay mga mayayamang anak na babae lang ang nakakapasok do'n.
"Kaso nga lang ay wala pa ring scholarship do'n. Siguro do'n ka na lang magpa-enrol sa Colegio de Santisimo dahil hindi aabot sa budget natin ang pag-aaral mo sa pangarap mong pasukan na esko," malungkot niyang turan.
Alam niya na pangarap kong magkolehiyo sa magandang Unibersidad dahil kapag maghahanap na 'ko ng trabaho ay hindi na 'ko mahihirapan. Pampubliko na paaralan ang Colegio de Santisimo at marami na ring balita na bagsakan ito ng mga magugulo kaya nama'y medyo natatakot din akong pumasok do'n.
"Hayaan niyo na po, Tita. Kakayanin ko na lang po. Parehas naman po silang eskwelahan at sisiguraduhin ko pong makakapagtapos po 'ko ng aking pag-aaral." Ngumiti lang ako pero sa loob-loob ko'y malungkot ako. Hinawakan naman niya ang aking balikat.
"May awa ang diyos, Anak. Huwag kang mawawalan ng pag-asa at malay mo'y matupad ang hiling mo." Tumango naman ako.
Sana nga'y magdilang anghel ka, Tita Elly. Gusto ko rin na may mangyaring himala at matupad ang pangarap ko.
---
"BENTE PO LAHAT, ATE." sabi ko sa 'king suki sa mais at mani at inabot nito ang pera sabay alis. Pawis na pawis ako habang nasa bangketa ako ng University Belt ng aming lungsod. Dagsa ang mga tao kaya't malaking swerte 'yon sa negosyo. Umupo muna ako saglit para paypayan ang aking sarili gamit ang karton na may mukha ng kurakot na konsehal.
"Pabili nga po ng dalawang supot ng mani," sambit ng mamimili kaya naman napalingon ako rito. Nakita ko ang isang matandang lalaki na may dalang paper bag. Ngumiti naman ako at kinuha ang bibilhin nito at isinilid sa plastik sabay abot dito.
"Kwarenta lang po, Tay." Kinuha naman nito ang wallet pero kapa lang ito nang kapa.
"May problema po ba, Tay?" tanong ko at tila naman nalulungkot naman ito.
"Mukhang nawawala ang aking pitaka, Ineng. Naku! Paborito pa naman ng aking may bahay at anak 'yan kaso nga lang ay mukhang hindi na 'ko mabibili n'yan," malungkot nitong sagot sabay iling ng ulo. Naawa naman ako rito kaya nama'y ibinigay ko rito 'yon na ikinagulat naman nito.
"Ahh, Ineng wala kong-" Hindi ko na pinatapos itong magsalita at nginitian ko na lang.
"Libre ko na po 'yan, Tay. At saka mukhang malayo pa po ata kayo. Heto po ang isang daan baka makatulong po sa pag-uwi niyo." Tila natuwa naman ito sa maliit kong tulong.
"Maraming salamat, Ineng. Kaawaan ka ng Diyos sa pagiging mabuting bata mo,"
saad nito at panay ang yuko sa 'kin at natutuwang kinawayan ko ito. Inayos ko ang aking side car ngunit nagtaka naman ako nang makita ko ang paper bag na naiwan. Binuksan ko 'yon at binasa ang sulat. Baka makatulong kung paano ko maisasauli ito sa may-ari.
Maraming salamat! Nakapasa ka sa pagsubok. Pakitawagan ang numero para makuha mo ang i'yong premyo.
P.S Hindi ito scam, ako ang tinulungan mong mukhang matanda, pero sa katunayan ay nagpanggap lang ako. Mangyaring tawagan mo 'ko at para mapuntahan kita at makausap muli.
Napasinghap naman ako at naguguluhan sa nabasa. Wala naman sigurong mangyayaring masama kung susubukan ko, hindi ba?