Chapter 2: New Beginning (Amber)

2060 Words
"Ito na ba ang manugang mo, Carina?" tanong ng isang babae na may edad na at puno ng kumikinang na alahas ang katawan sa aking biyenan habang tinitingnan ako nito mula ulo hanggang paa. Nginitian ko naman ito pagkatapos kong yumukod nang bahagya bilang paggalang. "Oho, Aling Azon. Nakita mo naman 'di ba kung gaano kaganda ang manugang ko," pagmamalaki pang tugon ng aking biyenan habang nakatingin siya sa akin. "Tagapagmana 'yan ng pabrika kaya ang galing talaga pumili ng anak ko," pabulong naman niyang sabi ngunit dinig ko iyon. Gusto ko sanang itama ang sinabi ni Inay para maiwasan ang misconception sa katayuan ko sa buhay ngunit pinisil ni Darwin ang aking kamay. Sinulyapan ko siya. Tumango siya at naintindihan ko ang ibig niyang sabihin kaya huminga na lamang ako nang malalim pero nakangiti pa rin. Sinabi na kasi niya sa akin ang ugali ng kaniyang Inay. Ayaw daw nito na kinukontra ang gusto. Naisip ko rin na baka mapahiya pa ito kapag pinagsabihan ko. "Kakausapin ko na lamang siya na kaming dalawa lang," sabi ko sa aking isipan. "Bueno, ako ay napadaan lamang para iabot itong regalo ko sa inyo. Congratulations and best wishes sa inyong dalawa," sabi ni Aling Azon sabay abot ng isang sobre ngunit mabilis ang mga kamay ni Inay at siya ang kumuha. Napakunot ang noo ko sa inasal ni Inay. Magri-react sana ako ngunit muli ko na namang naramdaman ang pagpisil ni Darwin sa aking kamay. "Maraming salamat po, Aling Azon," wika ni Darwin sa matandang babae. "Maraming salamat po," sabi ko rin naman saka ngumiti ako ng sapilitan na. Kung makikita ko lang siguro ang mukha sa salamin ay puno ng kaplastikan iyon. Pero dahil sa kasal nga namin ngayon at hindi talaga ako ma-drama ay mabilis kong inalis sa aking isipan ang ginawa ni Inay. Kaya inayos ko na ang aking pagkakangiti lalo na at nakatingin sa amin ang mga mata ng mga naroon. Umalis na ang babae kasunod ng isang kasambahay na nakauniporme. Naisip ko na marahil ay taga-bayan iyon dahil halata naman na may kaya ito sa buhay. Habang si Inay naman ay bumalik na sa kinauupuan nito at nagpatuloy sa pakikipag-inuman. "Iyon si Aling Azon. Utangan ng lahat ng tagarito. May malaking tindahan siya sa Bayan pero sa pagpapautang siya yumaman ng husto," ani Darwin na tila nababasa ang nasa isip ko. Tumango-tango naman ako habang nakikinig sa kaniya. "Uy Darwin, ang ganda naman ng napangasawa mo. Ang puti at ang kinis pa ng balat. Ang swerte mo pa at balita ko eh, tagapagmana siya ng isang pabrika," sabi ng isang babae na nakasuot ng duster. May kalusugan ang katawan nito at maiksi ang buhok na parang panlalake ang gupit. May katabi pa itong dalawang babae na nakaduster din. Ang tantiya ko ay mahigit kuwarenta lang ang edad ng mga ito. Tiningnan din nila ako mula ulo hanggang paa. Pakiramdam ko tuloy ay tila hinuhubaran ako ng mga ito. "Salamat po," tanging tugon lamang ni Darwin na hindi na naman itinama ang sinabi ng mga ito. Nais ko na naman sanang itama ang sinabi nito na tagapagmana ako ng isang pabrika ngunit sinulyapan ako ni Darwin. Muli ko na namang naintindihan kong ano ang ibig niyang sabihin. Totoo ngang tagapagmana ako dahil sa nag-iisa lang naman akong anak. At tama rin na may pabrika kami. Ngunit ang lahat ng iyon ay nawala na sa akin simula nang magtanan kami ni Darwin. Tuluyan na kasi akong itinakwil ng aking mga magulang. Masakit man isipin pero tinanggap ko na rin dahil mas pinili ko si Darwin. "Babe, dito ka lang at makipag-usap ka sa kanila. Doon muna ako sa mga lalake at tinatawag nila ako," paalam sa akin ni Darwin sabay turo sa mesa na sinasabi niya. "Sige, Babe!" Nakita kong nagtungo siya sa mesa ng may mga lalaking nag-iinuman. Hinayaan ko na lamang si Darwin kahit na sa totoo lang ay ayokong iwan niya ako dahil nga sa nahihiya pa ako pero kailangan kong makisama. Baka kasi sabihin ng lahat na kill joy ako. Niyaya naman ako ng tatlo na maupo sa isang gilid na may nakahilerang mga upuan. Nasulyapan ko naman si Inay na abala na sa paglalaro ng bingo kasama ang iba pa nilang kapitbahay. Binitawan na rin nito ang hawak na bote ng alak at sa sugal naman nagpakaabala. Muli na naman akong napahinga ng malalim. Nakita kong nagtinginan ang tatlong babae at nagsikuhan pa. Alam kong may ibig sabihin ang mga iyon pero hindi ko na pinansin pa. "Kasalan ba ito o lamayan?" tanong ko sa aking isipan. Sa totoo lang ay dismayado ako sa aking nadatnan ngunit hindi na lamang ako nagpapahalata. Ayaw ko rin kasi na magtalo pa si Inay at si Darwin. Baka ako pa nga ang sisihin ni Darwin dahil sa pumayag ako na ibigay kay Inay ang pera at iyon ang ayokong mangyari. Gusto kong palagi kaming masaya sa kabila ng kahirapan na meron kami. "Miss, ano ba ang sabon mo at bakit ganiyan kainis ang iyong balat?" tanong sa akin ng isang babaeng katamtaman lang ang laki ng katawan. Lumapit pa siya ng husto at bahagyang idinikit ang braso niya sa akin. "Ah, natural skin ko po ito. Saka dalawang beses po ako kung maligo araw-araw," pabirong sagot ko sa kanila. Napagatanto ko kasi na kailangan ko ring sakyan ang ganitong mga usapan gaya ng mga napapanood ko sa mga teleserye. Nagtawanan naman ang mga kasamahan nito nang marinig ang naging sagot ko. "Naku, Gina, sinasabi ko na nga ba sa'yo. Maligo ka kasi araw-araw para kuminis-kinis naman iyang balat mo at lalong gaganahan si Pareng Fred sa pagtabi sa'yo. Hindi iyong puro bote na lang ng alak ang katabi niya," sabi ng babaeng unang nakipag-usap kay Darwin. "Ay hindi po iyan ang ibig kong sabihin. Para sa akin lang po 'yon," kaagad kong depensa sa aking sarili. Baka kasi ma-misinterpret ng mga ito ang sinabi ko. "Biro lang din namin iyon," tugon naman ng isang babae at muli silang nagkatawanan. Nakitawa naman ako ng hilaw sa kanila. "Alam n'yo magpakilala kaya tayo sa kaniya para hindi siya mailang sa atin," sabi ni Aling Gina sa mga kasamahan. "Tama! Ako nga pala si Marites. Diyan lang ako nakatira sa unahan pero madalas mo akong makita riyan sa isang tindahan. Iyan ang tambayan namin. Minsan naman kapag may pera eh, kasama namin ang biyenan mo sa pagbibinggo o kaya tong-it's. Iyon kasi ang libangan namin dito," pagpapakilala ng babaeng may kalusugan ang katawan. Sa pandinig ko ay proud na proud pa siya habang sinasabi ang mga bagay na iyon. "Ako naman si Susan. Diyan lang din ako nakatira sa bandang kaliwa ng bahay niyo. Madalas ay makikita mo kaming tatlo na magkakasama. Kilala kasi kami rito na Tres Marias. Lahat ng latest na balita at impormasyon ay alam namin at walang nakakalagpas na tsismis sa amin. Kaya kung may gusto kang malaman kahit sekreto pa ng mga kapitbahay ay alam mo na kung sino ang lalapitan mo," pagpapakilala naman ng isang babaeng may kapayatan ang katawan sabay kindat sa akin. "Tres Marias? Baka tsismosang mga kapitbahay," sabi ko sa aking isipan habang nakangiti pa rin sa kanila ng pilit na para bang natutuwa akong malaman ang mga pagkatao nila. "At ako naman si Gina. Nasa bandang likuran n'yo lang din ang bahay namin. Sa aming tatlo ako ang may pinakamaraming tama na sinasabi kaya mas makinig ka sa akin kesa sa dalawang 'yan," sabi nito sabay nguso sa dalawang kasama. Natawa na lamang ako nang pilit. "Oh, Lord! Please help me at mukhang napapaligiran pa ako ng mga tsismosang kapitbahay," sabi ko sa isipan at bahagya pa akong tumingala sa langit. "Ayan tayo, Gina eh. Nilalaglag mo na naman kami ni Marites," sabi ni Aling Susan sabay irap kay Aling Gina. "Oo nga. Pare-pareho lang tayo rito kaya walang ganiyanan," sabi naman ni Aling Marites habang sinasang-ayunan ni Aling Susan. "Oo na. Biro ko lang naman iyon," tugon ni Aling Gina sabay tingin sa akin. Hindi ko alam kung matutuwa ako sa kanila ngunit inisip ko na lamang na mas mabuting marami na kaagad akong kapalagayang loob sa lugar na ito lalo at magiging mundo ko na rin ito. Napag-usapan kasi namin ni Darwin na roon muna kami maninirahan habang naghahanap pa siya ng mapapasukang trabaho. "Ano nga uli ang pangalan mo?" tanong sa akin ni Aling Marites habang mataman namang nakikinig ang dalawa na para bang ayaw nilang may makaligtas na impormasyon sa kanilang pandinig. Maingay kasi sa paligid at nagsama ang ingay ng videoke at boses ng mga nagbi-bingo. "Amber po." "Naku pangalan pa lang halatang maganda at mayaman na." Napapalatak pa siya na para bang big deal ang pangalan ko. "Totoo ba ang sinabi ni Aling Carina na may pabrika ang pamilya n'yo?" pabulong na tanong ni Aling Susan sabay sulyap kay Inay. "Opo pe___." "Kaya pala ang yabang ng biyenan mo. Pinangalandakan niya sa amin na milyonarya raw ang napangasawa ni Darwin. Pero bakit balita ko rito kayo titira?" ani Aling Marites na hindi na pinatapos ang sasabihin ko at halatang kuryos na malaman ang kasagutan. Lalo pa silang lumapit sa akin na para bang ayaw nilang may makaligtaan sila sa isasagot ko. "Itinakwil ka ba ng mga magulang mo kaya ka nandito?" prangkang tanong ni Aling Gina na kaagad namang sinaway ng dalawa. Dahil sa ayaw ko naman na magkasamaan kami ng loob ni Inay kapag kinontra ko ang mga pinagsasabi niya at naisip ko rin na mga tsismosa ang kausap ko ay gumawa na lamang ako ng ibang kuwento. "Hindi naman po sa gano'n. Choice ko po at pinagbigyan naman nila ako. Simple lang naman po kasi ang pamilya ko kahit na may negosyo kami. Gusto rin nila na maranasan ko ang buhay ni Darwin," puno ng kompiyansa ako habang nagpapaliwanag sa kanila para maniwala sila sa akin. "Ikaw talaga, Gina napaka-judgemental mong tao. Sabi ko naman sa'yo na walang mayaman na titira sa lugar nating ito. Talagang masuwerte lang itong si Darwin sa napangasawa niya. Mayaman pero walang arte sa katawan," sabi ni Aling Marites sabay siko kay Aling Gina. "Pero ikaw naman ang malas sa biyenan," pabulong naman na sabi niya sa akin. Napatingin naman ako sa kaniya habang nakakunot ang aking noo. "Atin-atin lang 'to ha? 'Wag na 'wag mong babanggitin kay Aling Carina at baka sugurin n'ya ako dahil itsinismis ko siya sa'yo. Sugarol at lasenggera kasi iyan. Palibhasa galing sa bar kaya ganiyan kung umasta. Tingnan mo ang itsura at pananamit. Hindi 'yan lumalabas ng bahay na hindi naka-make-up. Saka palaging laman iyan ng sugalan dito. Kaya mag-ingat ka riyan sa biyenan mo," wika ni Aling Gina na may himig pang warning sa akin. Gusto ko sanang sabihin sa kanila na alam ko at sinabihan na ako ng aking asawa. "Napasubo pa ata ako sa mga tsismosang ito," sabi ko sa aking isipan. Kung hindi ako aalis sa umpukan naming iyon ay baka abutan na kami ng araw sa kakatsismis. Kaya naisip ko na kailangan kong gumawa ng paraan para makaalis na hindi masyadong halata na iniiwasan ko sila. Sigurado kasing ako na naman ang laman ng kanilang mga bibig pagkatalikod ko. "Ah, pasensiya na po pero kailangan ko pong mag-cr muna. Hindi ko na po kasi mapigilan at lalabas na," pagsisinungaling ko at inilagay ko pa ang aking kamay sa puson sabay ngiwi. "Sige at 'wag kang magpigil sa pag-ihi baka magkakasakit ka pa niyan," wika ni Aling Marites na tila concern pa sa akin. Nakaramdam ako ng ginagawa nang makaalis na ako sa kanila ngunit narinig ko na tuloy pa rin sila sa pagtsitsismisan. Tiningnan ko si Darwin at nakita kong nakikipag-inuman na siya. Nagpasya na lamang akong pumasok sa loob ng bahay. Tinext ko na lamang siya na mag-aayos na ako ng aming mga damit. "Grabe! Kakayanin ko kaya ang tumira sa ganitong environment?" tanong ko sa aking isipan. "This is not what I used to pero I don't have a choice. I chose this kaya dapat kong panindigan," sabi ko pa sa aking sarili habang nakasalampak ako sa sahig na yari sa kawayan. Semento ang sahig sa sala at kusina nila Darwin ngunit kawayan ang sa kuwarto. "Nagsisimula ka pa lang, Amber sa buhay na pinili mo kaya 'wag ka munang magreklamo," paala-ala naman ng aking isipan at sinagot ko na lamang ng isang buntong-hininga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD