"Amber, without you, my life has no meaning." Nakatingin sa akin si Darwin habang binibigkas ang mga katagang iyon bilang bahagi ng kaniyang pangako sa akin. Kita ko ang pangingilid ng kaniyang mga luha. Nakangiti naman ako sa kaniya habang panay ang agos ng aking mga luha.
Ito ang araw ng aming kasal pagkatapos naming magdesisyon na magtanan. Hindi naging madali ang lahat sa relasyon namin lalo na at ayaw ng mga magulang ko sa kaniya. Nag-iisang anak ako at tagapagmana ng aming garments factory samantalang si Darwin ay anak sa pagka-dalaga. Isang dancer sa bar ang kaniyang ina noong kabataan nito at nakatira sila sa squatters area. Ngunit hindi iyon ang tiningnan ko sa kaniya. Minahal ko siya kung ano siya at ipinaglaban ko iyon kaya kami nasa harapan ng judge ngayon para magpakasal.
"Ikaw ang nagbigay ng kulay sa madilim kong mundo. Ikaw ang nagbigay ng ngiti sa aking mga labi. Ikaw ang dahilan ng lahat ng aking pagsusumikap. Ikaw ang inspirasyon ko. Kaya walang paglagyan ang kaligayahan na aking nararamdaman ngayon na sa wakas ay matatawag na kitang asawa. I promise to love you, respect you and make you the happiest wife in this world. Mahal kita, Amber Gonzaga - Montecillo."
Isang mahigpit na yakap ang naging tugon ko kay Darwin. Ang sarap pakinggan ng kaniyang mga I pinangako sa akin na labis kong pinapaniwalaan na kaniyang gagawin dahil iyon din naman ang gagawin ko. Kahit anong mangyari ay mananatili ako sa kaniyang tabi - sa tabi ng aking asawa.
"Miss Gonzaga, you can now have your vow," sabi ng Judge sa akin na napatigil sa aking pag-iisip.
Kumalas na ako sa pagkakayakap kay Darwin. Kinuha ko ang isang pirasong papel na inipit ko sa aking bouquet. Isinulat ko iyon kagabi ngunit kaagad ko ring ibinalik. Naisip kong sabihin sa kaniya kung ano ang nasa puso at isipan ko ng mga oras na iyon.
"Darwin, my love, I know it's not easy to love me. It's not easy to fight for me pero hindi kita nakitaan ng pag-aalinlangan na mahalin ako at iparamdam sa akin ang wagas mong pagmamahal. You've been through a lot pero hindi ka sumuko. Kaya heto na ako, bilang premyo mo dahil panalo ka na."
Nagtawanan ang lahat nang marinig ang sinabi ko. Nakita ko rin ang pagngiti ni Darwin habang nagpupunas ng kaniyang mga luha. Masayahin kasi akong tao at hindi sanay sa mga kadramahan sa buhay. Ipinagpatuloy ko na ang aking pangako sa kaniya.
"Kaya pangako ko sa'yo na habambuhay kang mamahalin. I'll stand and stay beside you forever. I love you, my husband!"
"I now pronounce you, husband and wife. You may now kiss the bride," wika ni Judge sa amin pagkatapos ng aming wedding vows sa isa't-isa.
Nagtinginan muna kami ni Darwin sa isa't isa saka sinilyuhan namin ng isang matamis na halik sa labi ang aming mga pangako. Nagpalakpakan naman ang mga naroon. Si Nicole na aking best friend ang isang naging witness at si Gerald naman na matalik ding kaibigan ni Darwin ang isa pa.
Pinapirma muna kami ni judge ng aming marriage contract bago kami nagpakuha ng litrato.
"Are you happy?" bulong sa akin ni Darwin habang kinukunan kami ng larawan.
"Sobra!" maiksi kong tugon. "Ikaw?" tanong ko rin sa kaniya.
"Sobrang saya ko rin, Babe. Sa wakas ay asawa na kita," tugon niya.
"Oy mamaya na 'yang bulungan. Mukhang nag-uusap na kayo kung saan ang first night niyo ah?" pabirong sabi ni Gerald.
"Paano mo nalaman?" pabirong ring tanong ni Darwin.
"Kilala kita, Bro."
Nagtawanan kami sa biruan ng magkaibigan. Pagkatapos ng kasalan ay tumuloy kami sa isang fast food chain. Sa totoo lang ay wala kaming pera maliban sa naitabi kong allowance na siyang ginagamit namin para makatawid sa araw-araw at makapagpakasal. Si Nicole at Gerald na ang sumagot sa aming reception ngunit ninais ng ina ni Darwin na sa kanila na maghahandaan kaya ibinigay na namin ang sampung libo sa kaniya.
"Pasensiya na kayo at dito lang namin kaya kayong pakainin," sabi ko kina Nicole at Gerald.
"Ano ka ba, best? Okay na sa akin ang ganito. What's important is kasal na kayo," ani Nicole at niyakap ako ng mahigpit.
"Thank you," madamdamin kong pahayag sa kaniya.
"Tama na ang drama natin at siguradong magkakaiyakan tayo rito," ani Nicole sabay punas ng kaniyang mga luha. Maging ako ay napaiyak na rin.
Labis ang pasasalamat ko kay Nicole dahil siya lang ang tanging nakakaunawa sa akin. Kahit na sa isang exclusive school kami nag-aaral ay hindi siya makitaan ng kaartehan hindi katulad ng mga kaklase namin. Halos pareho kasi kami ng ugali. Kahit na ipinanganak akong mayaman ay malapit ako sa mga tauhan namin sa pabrika maging sa mga kasambahay namin sa mansiyon. Paano kasi ay madalas akong naiiwan sa kanila sa bahay at abala sina Mommy at Daddy sa negosyo.
"Sigurado bang hindi na kayo sasama sa amin sa bahay?" tanong ni Darwin sa dalawa habang kumakain kami.
"Hindi na, Bro! May exams pa kami bukas kaya kailangang mag-review," sagot ni Gerald sa kaibigan.
Nakita kong bahagyang lumamlam ang mga mata ni Darwin nang marinig ang sinabi ni Gerald. Pareho na kasi kaming napatigil sa pag-aaral nang magtanan kaming dalawa. Pinilit ko pa siyang pumasok ngunit umayaw na siya. Naisip niya na baka mapaaway lang siya sa school kapag nakarinig ng hindi magandang salita sa mga kaklase namin. Sayang pa naman at nasa huling taon na kami sa koliheyo. Lalong nakakapanghinayang si Darwin. Eskolar siya sa aming eskwelahan dahil sa nagtapos siyang Valedictorian. Hindi pa naman madaling makapasok sa Westley University dahil sa napakamahal na tuition fee. At masuwerteng maituturing si Darwin ngunit buo na ang kaniyang desisyon na magsama kami at kahit anong pangungumbinsi ko sa kaniya ay tila wala ng kuwenta.
Pilit na kasi kaming pinaghihiwalay nina Mommy at Daddy nang malaman nilang isang mahirap ang aking boyfriend. Ang nais kasi nila ay si Nicolo na anak ng isang Kongresista na kaibigan ni Daddy. Ngunit hindi nila kayang diktahan ang nararamdaman ko. Aksidente ko pang narinig na inaayos na nila ang papeles ko para ipadala ako sa America. Iyon ang naisip nilang paraan para paghiwalayin kami ni Darwin. Kaya muling nanariwa sa aking isipan ang naging pagtatalo namin ni Mommy.
"Ano ba ang nakita mo sa lalaking iyon ha? Dahil ba sa guwapo siya? Anong maipapakain sa'yo ng itsura niya? Mag-isip ka naman, Amber. Matalino ka pero bobo pagdating sa pag-ibig," sumbat sa akin ni Mommy.
"Si Darwin po ang mahal ko, Mommy. At wala po akong pakialam kung ano ang estado niya sa buhay. Lahat ng masipag at mataas ang pangarap ay umaasenso rin naman. Kaya 'wag niyo po sanang maliitin si Darwin."
Pilit pa rin akong nagpapakahinahon sa kabila ng mga pang-iinsultong naririnig ko kay Mommy. Ngunit tumawa lamang siya nang pagak saka nameywang pa.
"Aasenso? Huwag mo nga akong pagsabihan ng ganiyan, Amber. Tumanda na ako rito sa mundo at kailan man ay wala pa akong nakitang tao na umasenso na gaya ng sinabi mo. Baka kahit kumayad pa ng buong araw si Darwin ay hindi ka man lang niya mabilhan ng isang pirasong panty."
"Tama na po, Mommy! Nagmamahalan po kami ni Darwin at iyon po ang mahalaga sa akin. Wala po akong gusto kay Nicolo at hindi ko po kayang diktahan ang puso ko."
"Matutunan mo rin siyang mahalin, Amber. Mabait na bata si Nicolo. Mahal ka niya. Siya ang nararapat sa'yo at hindi ang hampaslupang si Darwin."
Hindi ko na pinansin ang sinabi ni Mommy. Alam ko na ang mangyayari kapag sumagot pa ako. Kahit anong paliwanag ko ay wala rin namang silbi dahil sarado na ang isipan nila ni Daddy. Tumalikod na ako at nagtungo sa aking kuwarto ngunit naririnig ko pa rin ang mga pang-aalispusta ni Mommy sa pagiging mahirap ni Darwin kaya tinakpan ko na lamang ang aking tainga.
Alam kong mali ang ginawa namin ni Darwin na pagtatanan at kailan man ay hindi ko iyon ipapayo sa iba. Ngunit iyon lamang ang nakita naming solusyon para maipaglaban ang aming pagmamahalan. Naisip din namin na matatanggap din kami nina Mommy at Daddy pagdating ng panahon. Hindi rin naman siguro nila ako matitiis lalo at nag-iisa lang nila akong anak.
"Babe, anong iniisip mo?" tanong sa akin ni Darwin na nagpabalik ng aking alaala.
"Naku, excited lang 'yan na magtabi na kayong matulog mamaya," ani Nicole sabay bitaw nang mapanuksong mga tingin.
"Tsee!" tugon ko kay Nicole sabay irap.
Nagkatawanan lamang sila. Inihilig ko naman ang aking ulo sa balikat ni Darwin. Sa totoo lang ay puno rin ng pag-aalala ang aking isipan kung ano ang magiging buhay namin bilang mag-asawa gayong pareho pa aking hindi makakapagtapos ng pag-aaral. Ngunit ayaw ko namang sirain ang masayang araw na iyon ng aming buhay kaya isinantabi ko na muna ang mga alalahanin ko.
Pagkatapos naming kumain ay nagpaalam na kami sa dalawa. Sumakay kami ng jeep pauwi kina Darwin. Ito ang unang beses kong makarating sa kanilang lugar dahil nanatili muna kami sa boarding house niya sa siyudad. Pagdating namin doon ay nagulat ako sa aking nakita. Totoo ngang squatters area ang lugar dahil sa mga barong-barong na nakatirik sa gilid ng isang creek. Dagdagan pa ng masangsang na amoy na galing sa mga basurang nakakalat. Mabuti na lamang ang kinatitirikan ng bahay nila Darwin ay nasa b****a kaya hindi ko mararanasan ang dumaan sa kawayang sahig na siyang nagdudugtong sa mga kabahayan. Sa tingin ko pa naman ay babagsak na iyon ano mang oras.
"O mga kapitbahay, narito na pala ang aking napakaguwapong anak at ang aking napakagandang manugang. Ano, naniniwala na ba kayo sa akin? Saka mayaman ang manugang ko," sigaw ng isang babae na may hawak na isang bote ng beer sa isang kamay at sigarilyo naman sa kabila. Makapal din ang make-up nito sa mukha ngunit maganda ito.
"Siya marahil ang inay ni Darwin," sabi ko sa aking isipan.
Hindi ko pa kasi nakikita ng personal ang pamilya niya. Tanging sa cellphone ko lamang sila nakakausap sa tuwing tinatawagan niya si Darwin para humingi ng pera. May kasama kasing allowance ang scholarship ni Darwin. Walang inilihim sa akin si Darwin at iyon ang unang hinangaan ko sa kaniya. Hindi siya nagpanggap na kung sino man at umasta na parang mayaman sa Westley University kahit hindi mahalata sa kaniyang itsura ang pagiging mahirap. Mapagkakamalan pa nga siyang mayaman dahil sa taglay niyang kaguwapuhan.
"Inay, nasaan na po ang handaan? Bakit puro alak lang po ang nandito?" tanong ni Darwin sa babaeng sumigaw.
"Anak, kung ibibili natin ng pagkain ay kulang ang sampung libo. Kaya mas pinili ko na lamang ang alak at pulutan. Mag-i-enjoy pa ang mga kapitbahay natin. Hindi ba mga pare at mare?"
"Oo nga naman, Darwin. Masaya kami at nakapag-asawa ka ng maganda na mayaman pa. At salamat sa masarap na pulutan," sabi naman ng isang lalake na halatang lasing na.
Hinawakan ni Darwin nang mahigpit ang isa kong kamay saka hinila niya ako papasok sa isang pinto na gawa sa kawayan. Isinara niya iyon saka niyakap ako nang mahigpit.
"I'm sorry, Babe! Alam kong hindi ito ang inaasahan mo. I'm so sorry."
Ramdam ko ang galit na nararamdaman ni Darwin sa kaniyang Inay. Marahil ay nahihiya siya sa akin kaya nginitian ko na lamang siya.
"It's okay, Babe. Nakita mo naman na masaya sila, 'di ba? Para naman talaga sa kanila ang handaan dito sa inyo kaya hayaan mo na. Ngumiti ka na, okay?"
Pilit kong pinapakalma ang aking asawa kahit sa totoo lang ay na-shock din ako sa aking nakita.
"Thank you for understanding the situation, Babe."
Hinalikan niya ako sa labi. Naging banayad ang mga halik ni Darwin hanggang sa naging mapusok na iyon. Alam ko na kung saan patungo ang aming halikan. Bubuhatin na sana niya ako para ipasok sa kaniyang silid ngunit narinig namin ang katok sa pinto.
"Nasaan na kayong dalawa? Lumabas muna kayo rine at hinahanap kayo ng mga bisita," tawag ng Inay ni Darwin na siyang biyenan ko na.
"Let's go, Babe. Mamaya na natin ito itutuloy," pabulong kong sabi kay Darwin.
Huminga na lamang siya nang malalim saka ako mabilis na hinalikan sa labi. Magkahawak ang aming mga kamay na lumabas ng kanilang bahay at humarap sa magiging mga kapitbahay ko na rin.