1:

1048 Words
Pumasok ang malapit nang magtatlong-taon na batang si Galena. Maingay na nagtatakbo ito papasok sa loob na gumambala sa pananahimik ng silid. “Papa!” masiglang sambit nito at tumakbo palapit sa nabigla nitong ama na si Lukas. “Galena,” nakangiting sambit nito. Binuhat nito ang anak na awtomatikong naglambitin sa leeg ng ama. Nakalimutang suwayin ni Lukas ang pagkapasaway ng anak. “Sino po siya?” tukoy nito kay Emrys na karga karga ng Pinuno. “Siya si Emrys. Anak siya ng Ninang Calope at Ninong Luki mo,” mahinahong sagot ni Lukas sa anak. Ngunit awtomatikong umasim ang mukha ni Galena. “Ayo’ko nga,” mariing tutol nito. “Akin lang ang Ninong Luki at Ninang Calope ko. Akin lang din si Pinunong Salya!” biglang pang-aangkin nito na ikinalaki ng mga mata ng lahat. Sumumpong na naman ang kamalditahan nito na kinaayawan ng ilang mga bata sa buong Aswun. Iyon ang balitang kumakalat ngunit hindi inaasahan ni Salya na totoong may hindi kanais-nais na ugali ang batang si Galena. Ang inaasahan pa naman nito’y tunay na napakabait, napakalambing at napakamaintindihin nito. “Galena!” nanlalaki ang mga matang saway ni Winona sa anak na babae. Nanghihina itong pumasok at mukhang pinatakbo na naman ito ng malayo ni Galena. “Winona!” sabay na sambit nina Salya at Calope sa may sakit na babae. Mahina ang katawan ni Winona kaya naman limitado na lamang ang mga gawain na nakakaya nitong tapusin. Inis na lumapit si Lukas sa asawa at pinagsabihan ito. “Sinabi ko naman kasi sa’yong bantayan mo nang maigi itong si Galena,” inis na paninisi nito pagkakita sa asawa. Nahihiyang tingin ang iniukol ni Winona sa pinuno. “Pasensiya na po kayo, mahal na pinuno.” “Maupo ka muna sa gilid,” nag-aalalang utos ni Salya rito. Ipinaghila ni Lukas ng upuan ang asawa. Umupo naman si Galena sa gilid ng ina nito. “Napakagandang bata,” sambit ni Winona. Maganda si Winona. Hindi maitatago ang kagandahan nito sa likod ng nanghihinang katawan at maputlang mukha. Inis na sumimangot si Galena dahil sa sinabi ng ina. Ipinagsiklop nito ang magkabilang braso. “Hmp!” paungol na angil nito. “Sino ang mas maganda sa’min ni Emrys nang sanggol pa lang din ako, Pinunong Salya?” biglang tanong ni Glena na ikinalunok ni Winona nang malapot. Maging ito man minsan ay nagugulat sa mga pinagsasabi ng sarili nitong anak. Madalas sa labas si Galena at pag-uwi nito’y napakadami na nitong nasasagap na masamang ugali na ikinakagulat ni Winona. Hindi naman nito mapagbawalan na lumabas ang anak dahil nag-aaral ito. Makahulugang ngiti ang sumilay sa labi ni Salya at inabot ang buhok ni Galena upang haplusin nang marahan. “Ang bawat ganda ay may angking kariktan,Galena. Sana’y palagi mong tandaan ‘yan… Hanggang sa magdalaga ka. Hindi mo kailangang ikumpara ang kagandahan mo sa kagandahan ng iba…” mahabang paliwanag nito sa bata. Sumilay ang napakagandang ngiti sa gilid ng mga labi ni Galena dahil sa narinig. Nagustuhan nito ang sinabi ng Pinuno. “Tatandaan ko po ‘yan,” natutuwang sang-ayon nito. Nasisiyahang hinaplos ni Winona ang buhok ng anak. Kung mapagsasabihan ay madali naman itong makaintindi. “Hindi ba’t sinabi ko sa’yong bantayan mo nang maigi ‘yang anak mo nang hindi makagawa ng kalokohan?” malakas ang boses na singhal ni Lukas sa asawang si Winona pagkapasok na pagkapasok nila sa loob ng kanilang tahanan. Nanlalaki sa gulat ang mga mata ni Galena. Takot na takot ito nang makitang sakalin ng ama nitong si Lukas ang nanghihinang ina. Nag-uunahan sa pagdaloy ang mga luha mula sa mata nito. Sa murang edad, alam nitong nasasaktan ng ama ang ina nitong si Winona. Nagtatalon na pilit na pumagitna si Galena sa mga ito. Hindi lingid sa kaalaman nito na palaging nag-aaway ang mga magulang ngunit ito ang unang pagkakataon na nasaksihan nito ang gano’n kalalang senaryo. “Pa!” takot na pagsisigaw nito. “H-Huwag po!” Umiling-iling itong nakiusap sa galit na galit na ama. Nanlilisik ang mga mata na sinulyapan ni Lukas ang anak na si Galena. “Pumasok ka sa loob ng kuwarto mo kung ayaw mong pati ikaw ay masaktan ko, Galena!” bulyaw nito sa anak. Mas nasindak tuloy ang kawawang si Galena. Matigas na umiling si Galena. “Pa! Huwag po!” patuloy na pakiusap nito sa ama. “A-Anak, sundin mo ang p-papa mo,” pilit na sambit ni Winona sa nahihirapang boses. Ayaw man ay napipilitang sundin ni Galena ang ina nito. Binuhat ito ni Winona at ikinulong sa loob ng kuwarto nito. Natatakot ito ngunit wala itong magawa kundi umiyak nang umiyak. Mula sa loob ng kuwarto nito’y naririnig pa rin nito ang sigawan ng mga magulang. Nanginginig itong umiyak. “Ano bang problema mo, Lukas?” galit na tanong ni Winona sa asawa. Hindi nito lubos maisip kung alin ang ipinagpuputok ng butsi ni Lukas. “Nagagalit ako dahil wala kang kuwentang ina, Winona! Naiintindihan mo?” sumbat nito sa asawa na ikinalaki lamang ng mga mata ni Winona. Nasaktan ito sa sinabi ng asawa nito. “Ano pa ba ang kulang sa’kin, Lukas? Ha? Ginagawa ko ang lahat para sa pamilya natin pero bakit kailangang durugin mo ako palagi?” umiiyak na sambit nito sa nanghihinang boses. “Talaga ba, Winona? Sabihin mo nga sa akin kung paano mo ginagawa ang lahat? Kahit kailan, hindi naging sapat ang lahat mo, Winona!” mariing sambit ni Lukas sa asawa. “Hindi!” Tila nababaliw na humalakhak si Winona. “Ano ngayon, Lukas?” sarkastikong sambit nito sa asawa. “Ikaw ba ay may ginawang tama para sa pamilyang ito? Huwag kang magmalinis dahil kahit kailan puro pasakit lamang dulot mo sa’kin! Kahit na hindi ako kasingganda at kasinggaling ni Calope ay hindi iyon naging problema ni minsan… Alam mo kung ano ang problema? Iyon ay ang katotohanang kahit na kailan, alam kong siya lang ang minahal mo sa umpisa! Pero Lukas naman! Wala kang karapatan na ikumpara ako sa kaniya dahil ni minsang hindi kita ikinumpara kay Luki!” tuluyan nang sumabog ang hinanakit sa dibdib nito. Isang malakas na pagdabog ang namayani. Kung ano man iyon ay tanging ang mag-asawa lamang ang nakakaalam. Naiwang nakatulala si Galena. Narinig nito lahat iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD