"Kinakabahan ako, Graza," kagat-labing sambit ni Emrys sa mababang tinig ng kaniyang boses.
Nakaharap siya sa malaking salamin. Mataman siyang nakatitig sa sariling repleksyon habang mabagal na isinusuot ang hand bag sa kaniyang kanang balikat. Napansin niya agad ang bahagyang pagkalukot ng kaniyang maskara kaya naman maagap niya iyong inayos. Ang suot niyang iyon ay gawa sa manipis na bulaklaking tela. Puti ang kulay niyon. Nakatabing sa ibabang parte ng kaniyang mukha at hanggang leeg ang haba ng tabas.
"Aba’y kumusta naman ako, Emrys?" sarkastikong tanong sa kaniya ni Graza, ang kaniyang nakatatandang kapatid.
Salubong ang kilay na tinapunan niya ito ng tingin. Nakalapat sa dibdib ang kanang kamay nito habang prenteng nakasandig sa likod ng pinto ng kaniyang kuwarto si Graza. Ganun na ganun ito kapag tensyonado. Hindi niya napigilan ang mapaglarong ngiti na sumilay sa gilid ng kaniyang mga labi.
Tuloy ay napabunghalit siya ng isang malakas na tawa kapagdako nang pagtakahan ito. "Para ka namang timang, Graza," hindi nakatiis na pagpuna niya rito habang naiiling.
Nakasimangot na umayos agad ito ng tayo saka ibinagsak ang kamay sa bandang baywang. "Halika na. Huwag mo akong paghintayin sa baba," bigla'y bilin nito sa kaniya. Pinagmasdan niya ang pagsarado ng pinto pagkalabas ni Graza.
Maang siyang napasulyap sa orasan na nakasabit na pader. Nakahinga siya ng maluwag. Quarter to six pa lang naman pala. Kumunot ang kaniyang noo. Handa na rin naman siyang umalis.
Napahugot siya ng isang malalim na buntong-hininga at ibinalik ang tingin sa salamin upang mapagmasdan nang maayos ang sariling repleksyon. Ngayon ang unang beses na papasok silang dalawa sa paaralan ni Graza. Mula elementarya ay hanggang home-schooling lamang sila nito magkapatid. Ngunit iba na ngayon. Kolehiyo na sila. Ang sabi ng Pinunong Salya sa kanilang mga magulang ay mahihirapan sila maghu-home schooling pa rin sila hanggang ngayon. Alam niyang naiintindihan naman nila iyon kapwa magkapatid. Hindi maaaring ikulong na lamang nila palagi ang kanilang mga sarili sa loob ng malawak na mansion. Higit na mas malawak pa ang mundong nasa labas. Ayaw niyang ikumpara ang sarili sa ibang tao ngunit minsa’y hindi niya maiwasang isipin na napakalayo na ng narating ng mga ito habang heto siya’t nakakulong lamang sa loob ng apat na malawak na pader na lupain mismo ng Arison.
Mariin siyang napapikit pagkabitbit niya ng sariling bag. "Sana'y maging maayos ang lahat sa araw na ito," taimtim niyang dasal sa halos pabulong na tinig. Iyon talaga ang ipinagdarasal niya simula pa kagabi. Na sana’y walang mangyaring hindi maganda.
"Sabay na tayo," mahinang bulong niya kay Graza na ngayo'y blangko lamang ang ekspresyon. Nasa tapat na sila ng kanilang paaralan. Handa na silang pumasok.
Hinintay niya itong mauna sa paglakad saka siya tahimik na sumunod sa likuran nito. Luna College. Basa niya sa isang malaking karatula na nasa may pinakaitaas na parte ng gate. Ngunit hindi pa sila tuluyang nakakapasok ay huminto ito bigla mula sa paglakad. Tuloy ay tumama siya sa likod nito. "A-Aray!" gulat niyang angil sa kapatid.
Hindi naman siya nasaktan o napaano. Nagulat lang talaga siya at pakiramdam niya’y medyo exaggerated ang kaniyang pag-angil doon.
Napapailing ito nang sulyapan siya. Nanatiling blangko naman ang kaniyang ekspresyon.
"B-Bakit ba naman kasi bigla-bigla ka na lamang hihinto, Graza?" sinisi niya ito.
Naiiling na ipinag-krus nito ang dalawang kamay sa ibabaw ng dibdib bago siya sinagot. "Ang sabi mo kasi sabay tayo ngunit bakit ka naman nagtatago riyan sa likuran ko ngayon?" nanliit ang mga matang tanong nito sa kaniya sa huli.
Kagat-labi siyang napamaang. Nahuli na siya nito. Gayunpama’y wala siyang aaminin. "Sino bang nagtatago?" pagmamang-maangan niya saka lakas-loob na siyang nauna sa paglakad.
Malapit na siya sa gate nang lingunin niya ito. "Oh." Napaangil siya nang mapagtanto na hindi pa rin ito nakakaalis sa puwesto nito kanina. "Ano pang hinihintay mo, Graza? Aba'y ayaw kong ma-late," sambit niya na ikinangisi lamang nito.
Tumakbo ito palapit sa kaniya at inakbayan siya. Agad siyang napangiti dahil sa ginawa ng kapatid. "Better," masayang bulong niya rito.
Hinarang sila ng kalbong lalaki pagkarating nila sa tapat ng gate. Maang silang nagkatinginan dalawa ni Graza.
"Good morning, Uncle Huso!" nakangiting bati ng mga estudyanteng sumunod sa kanila. Maang silang napalingon sa mga ito.
Nagpakita lamang ang mga ito ng I.d. at kapagdako’y nakangiti naman itong pinalagpas ng kalbong lalaki na guwardiya naman pala ng kanilang paaralan.
Hinayaan niyang si Graza na mismo ang kumausap sa guwardiya. Bahagya niya itong siniko at agad naman nitong nahulaan ang ibig niyang ipahiwatig.
"Good morning po!" paunang bati nito. Himalang malawak ang pagkakangiti nito ngayon. "Nasa registrar pa po ang I.d. namin at kukunin pa lamang po sana namin ngayon," magalang na paliwanag nito sa guwardiya.
Ngunit seryosong tingin lamang ang iniukol nito sa kanilang dalawa. Lalo na sa kaniya.
"Bawal ang maskara," turo nito sa kaniya, "pakitanggal nalang bago ka pumasok." Nanlaki ang mga mata niya dahil sa utos nito. Nagulat talaga silang dalawa ni Graza sa sobrang kaistriktuhan ng kalbo.
Kabado siyang napasulyap kay Graza. Imposible ang sinasabi ng guwardiya sapagkat hindi niya maaaring tanggalin ang takip sa mukha. Hinila siya ni Graza at sinadya siya nitong itago sa mismong likuran nito. Awtomatiko ang pagtapang ng mukha ng kaniyang kapatid at maging ang pagka-protective nito sa kaniya. Kahit papaano'y bahagyang napawi ang kaniyang pag-aalala. Alam niyang hindi siya nito pababayaan.
"Mawalang galang na po ngunit hindi po maaari ang sinasabi niyo," matigas na sambit nito.
Sumama ang ekspresyon ng kalbong guwardiya dahil sa narinig at agad na nagsalubong ang kilay. "Idi huwag," nagtitimping sambit nito. "Makakapasok ka na," utos nito kay Graza.
Sinulyapan siya ni Graza at tinanguan siya saka siya hinila papasok ngunit hinarang siyang muli ng guwardiya. "Puwera ka," tukoy nito sa kaniya. Matalim ang tingin.
"Pero—" hindi naituloy ni Graza ang sasabihin dahil agad itong pinutol ng guwardiya.
"Madali lamang akong kausap. Tumatakbo rin naman ang oras kaya puwede ba? Kayong dalawang pasaway na estudyante, huwag niyong sinasayang ang oras ko na para bang mas matalino pa kayo kaysa sa mga alituntunin ng paaralang ito," sarado ang isip na saad nito.
Naisip niya na agad na mahihirapan sila nitong dalawa na kumbinsihin ang guwardiya. Base pa naman sa napakatigas na ekspresyon ng mukha nito ngayon at pananalita nito’y tila ba kahit anong gawin nila’y hindi sila nito mapagbibigyan. Gayunpama’y mas lalong hindi niya ito mapagbibigyan sa ipinag-uutos nito.
Bumalik muli si Graza sa tabi niya at mahigpit na hinawakan ang kaniyang kanang kamay. "Hindi po kasi talaga maaaring tanggalin ang maskara niya. Wala po siyang gagawin na masama dahil 'di hamak na estudyante lamang siya sa paaralang ito na kailangan mong papasukin," nauubusan na ng pasensiya ngunit nanatiling magalang na paliwanag nito sa guwardiya.
Pinagtitinginan na sila ng iba pa na mga estudyante. Ang iba'y nagbubulungan na rin. Pakiramdam niya’y anumang oras ay lulubog na siya mula sa kaniyang kinatatayuan dahil sa pagkailang.
Hindi niya na talaga alam ang gagawin kapag hindi pa rin ito pumayag na papasukin siya.
Matigas na umiling ang guwardiya. "Magkapatid ba kayo?" biglang tanong nito sa kanila.
"O-Oo," alanganing sambit ni Graza. Madalas ay hindi nito naiiwasan na mag-alinlangan sapagkat inampon lamang ito ng kaniyang mga magulang nang apat na taon pa lamang ito. Gayunpama'y itinuri nila ang isat-isa na higit pa sa tunay na magkapatid. Mahal na mahal niya ito.
"Kaya pala," makahulugang bulong nito na hindi nakaligtas sa kaniyang pandinig.
"Pakitanggal na lang ang maskara ha para makapasok na kayong magkapatid. Huwag na kayong mag-inarte, puwede ba? Wala akong pakialam kung ano ang itinatago mo sa likod ng maskarang 'yan, iha. Kung kapangitan man 'yan, pasensiya na ngunit hindi ko na kasalanan kung bakit ipinanganak kang pangit. Pinapahirapan niyo lamang lalo ang trabaho ko," reklamo nito na puno ng panlalait sa kaniya.
Mas lalong lumakas at dumami ang bulong-bulungan sa paligid.
Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman dahil sa narinig. Simula pagkabata nasanay na siya sa mga haka-hakang kumakalat tungkol sa kaniya. Natutunan niya na lamang na balewalain ang mga iyon. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit mas pinili ng kaniyang mga magulang na mag-home schooling na lamang siya. Sa huli, gumaya rin si Graza dahil ayaw nitong magkahiwalay silang dalawa sa isat-isa.
Kalaunan ay tinatawanan na lamang niya ang masasakit na mga panlalait na ibinabato ng mga ito sa kaniyang likuran. Kesyo ipinanganak daw siyang pangit. Isinumpa raw siya. Ubod raw siya ng kapangitan at kaya siya nagsusuot siya ng maskara ay upang pagtakipan iyon.
Iba pa rin pala talaga kapag ikaw na mismo ang nakarinig. Nasaktan siya sapagkat harap-harapan siyang nakatanggap ng panlalait mula sa mas kalait-lait sa kaniya.
Mariin niyang naikuyom ang kaniyang mga kamao. Itinaas niya ang kaniyang kamay at hinawakan ang tali ng maskara sa kaniyang tainga. Gusto niyang tanggalin ang suot na maskara para matapos na ito. Kating-kati na siyang tanggalin iyon ngunit meron pa ring parte niya ang nag-aalangan. Hindi niya puwedeng suwayin ang utos ng Pinuno at ng kaniyang mga magulang.
Kagat-labi siyang bumalik sa katinuan nang hawakan ni Graza ang kaniyang kamay. Umiling ito sa kaniya nang magtama ang kanilang paningin. Naiintindihan niya. Hindi maaari. Tumango siya rito upang ipaabot rito na naiintindihan niya.
Aalis na lamang sila. Sasabihin niya sa kaniyang mga magulang ang nangyaring ito. Sigurado namang magagawan ng mga ito iyon agad ng paraan.
Akmang hihilain niya na si Graza paalis nang may isang pamilyar na boses ang sumulpot sa kaniyang likuran.
"Emrys!"
Nanlalaki ang kaniyang mga mata pagkakita sa sinuman na tumawag sa kaniyang pangalan. Walang iba kundi ang kaniyang Ninang Salya. Mukhang nakikiayon ang langit ngayon sa kanila pagkatapos silang mapahiya.
"Pinunong Salya!" Sabik niyang niyakap ito at agad na nakalimutan ang pagkaimbyerna sa guwardiya.
"Graza," nakangiting bati ng pinuno sa kaniyang kapatid. Nahihiyang yumuko si Graza rito tanda ng paggalang. Agad niyang ginaya ang ginawa ng nakakatandang kapatid.
"Magandang araw po sa inyo, mahal na pinuno," magalang na pagbati nito sa babaeng lider ng kanilang buong pack. Natutuwa namang hinaplos ng kanilang lider ang buhok ni Graza.
Maang itong napatitig sa kanila pagkatapos. "Anong oras na, bakit hindi pa kayo pumapasok sa loob?" puno ng pagtataka ang himig nito.
Sabay silang napalingon sa kinaroroonan ng kalbong guwardiya. Naka-rehistro sa mukha nito ngayon ang pagkabahala. "P-Pinunong Salya," tensyonadong tawag nito sa kanilang lider.