Paubaya
Marami ang uri ng pagpapaubaya.
Mayroong paubaya na pinaubaya mo yung mahal mo sa kaibigan mo, dahil mahal din ng kaibigan mo yung mahal mo.
Mayroong paubaya na, pinaubaya mo yung mahal mo sa taong mas mahal niya, kaysa sa 'yo, para sumaya na siya sa taong totoong gusto at mahal niya.
Mayroon din na paubaya na, pinaubaya mo yung laruan mo na gustong-gusto mo sa kapatid mo, pero dahil gusto rin ito ng kapatid mo. Ibinigay mo sa kaniya ito.
Marami ang uri ng pagpapaubaya, pero iisa lang ang ibig sabihin nito. 'Yon ang mapasaya mo ang taong pinaubayaan mo. Nagsakripisyo ka, para mapasaya mo lang siya. Dahil mahal mo siya, kahit na masakit, nagpaubaya ka pa rin.
Hindi madali magpaubaya. Lalo na kung yung pinapaubaya mo ay ang taong mahal na mahal mo. Pero wala ng saysay ang pagsasama niyo, kung hindi na ikaw ang mahal niya. Kaya para hindi na siya malungkot at para na rin hindi ka na masaktan. Ipaubaya mo nalang siya.
Napakatapang mo kung nagawa mong magpaubaya.
Napakatapang ko.
Nakakalalungkot lang.
Ako yung nauna kay Sandra. Ako yung naunang nakilala niya. Ako yung unang taong minahal niya, bukod sa pamilya niya. Pero hindi ako ang naunang minahal niya. Bilang isang kasintahan.
Ako nga yung naunang minahal niya. Bilang isang kaibigan nga lang.
Si Sandra lang yung babaeng minahal ko. Ang babaeng ginusto kong maging kasama habang buhay. Siya lang at wala ng iba.
Nakilala ko si Sandra noong ako ay bata pa lamang. Kaklase ko na siya noong kami ay kinder pa lamang. Simula noong makita ko siya, nasabi ko na sa sarili ko na siya na ang babaeng papakasalan ko. Kahit bata pa lamang ako, alam kong siya na. Siya na yung itinadhana sa 'kin.
Noong kami ay grade one. Inaaway siya ng kaklase kong lalaki. Malaki yung kakalse ko na 'yon, kaya alam kong wala akong laban sa kaniya sa suntukan. Kaya ang ginawa ko, tinasahan ko ang aking lapis, hanggang sa ito ay tumulis. Nilapitan ko si Sandra at yung kaklase kong nang-aaway sa kaniya.
"Walang magulang! Walang magulang! Kawawa ka naman, Sandra! Hahaha!" Pang-aasar ng kaklase ko kay Sandra.
Nakayuko lamang si Sandra. Halatang pinipigilan niyang huwag umiyak. Sinamaan ko ng tingin yung kaklase kong nang-aasar kay Sandra at mabilis ko siyang sinaksak ng lapis sa braso, na dahilan kung bakit napasigaw siya dahil sa sakit. Susugurin sana ako ng kaklase ko na sinaksak ko ng lapis, ngunit napahinto siya nang saksakin ko siya ulit ng lapis. Umiyak siya at pumunta kay teacher para isumbong ako.
Nginitian ko si Sandra. "Ayos ka lang ba?"
Nang iangat niya yung ulo niya ay nakita kong tumutulo na yung luha niya, mula sa kaniyang mga mata.
"M-May m-magulang naman a-ako. Kinuha lang ako nila lola sa kanila, kasi palagi silang nag-aaway," utal na sambit niya, habang siya ay umiiyak.
Kinuha ko ang panyo ko at pinunasan ko ang mga luha niya. "Huwag ka na umiyak. Ang sabi sa 'kin ni mommy, dapat iiyak lamang ang isang tao dahil sa sobrang saya. Hindi dahil sa sobrang lungkot."
"S-Salamat, Neon."
Nginitian ko siya. "Walang anuman."
"Sa 'yo na itong panyo ko. Para kapag umiyak kang muli, may pang punas ka na sa luha mo," sambit ko, habang inaabot ko sa kaniya ang panyo ko. Tinanggap niya ang panyo ko at muli siyang nagpasalamat sa 'kin.
Simula noong araw na 'yon, palagi na kaming magkasama ni Sandra. Si Sandra lang yung naging kaibigan ko noong elementary kami. Wala kasing gustong makipagkaibigan sa 'kin, bukod sa kaniya. Kalat na kasi sa school namin na nang saksak ako ng lapis.
Nagtataka si Sandra kung bakit palagi kaming magkaklase. Hindi niya alam, hindi nagkataon lang na maging magkaklase kami. Ginamit ko yung koneksyon ng pamilya ko para palagi kaming maging magkaklase.
Noong mag grade one kami. Binigyan ko si Sandra ng kuwintas. Kuwintas na napakahalaga sa aming pamilya.
Ang kuwintas na ibinigay ko sa kaniya ay kalahati lamang. Ang kalahati nito ay nasa akin. Solar eclipse ang kuwintas na 'yon. Nasa akin ang buwan at na kay Sandra naman ang araw. Gusto ko nga niya na sa kaniya ang buwan, ngunit hindi ko sa kaniya ibinigay ang buwan na kuwintas. Ipinagpilitan ko sa kaniya ang araw.
Ang sabi sa akin ni mama, ang araw raw na kuwintas ay dapat sa babae.
"Neon, ibigay mo ang araw na kuwintas sa babaeng mahal mo," sambit ni mommy.
"Why mommy? What if, she want the moon necklace? What will i do?" I asked.
"Ibigay mo pa rin sa kaniya ang araw na kuwintas. Ang araw ay sumisimblo sa sentro. Dapat ang pagbibigyan mo ng araw na kuwintas na ito ay maging sentro ng buhay mo. Dapat sa kaniya umikot ang buhay mo. Pero tandaan mo, ibibigay mo lamang ang kuwintas na ito sa babaeng mahal mo at mahal ka."
Tradisyon na ng Angkan ng Alfaro, na ibigay sa panganay na lalaki ng pamilya ang solar eclipse necklace. Ibibigay nila ang araw na kuwintas sa babaeng mahal nila. Mabubuo lamang muli ang solar eclipse necklace kapag sila ay kinasal na, sa babaeng pinagbigyan nila ng araw na kuwintas. Maghihiwalay lamang ito ulit, kapag binigay na nila ito sa panganay na anak nilang lalaki.
"Sandra, dahil ikaw ang unang naging kaibigan ko ay may regalo ako sa 'yo," nakangiting sambit ko.
"Ano ang regalo mo sa 'kin? Pagkain ba? Kung reregaluhan mo ako ng pagkain gusto ko cake. Yung cake sa red ribbon yung gusto ko," masayang sambit niya.
Napakamot ako sa aking batok. Hindi naman pagkain ang ireregalo ko sa kaniya. "Hindi pagkain ang reregalo ko sa 'yo."
"Hindi pagkain. Sayang. Nagugutom na pa naman ako," sambit niya at ngumuso siya. "Ano ba 'yung reregalo mo sa 'kin?" tanong niya.
Ngumiti ako. "Kuwintas." Ipinakita ko sa kaniya ang kuwintas na hawak ko. Magkadikit na crescent moon at araw ang kuwintas na hawak ko. Ipinaghiwalay ko ang araw at buwan na kuwintas. "Sa 'yo yung araw. Sa 'kin yung buwan."
"Ayoko ng araw. Gusto ko buwan. Mahilig kasi ako sa moon," wika niya.
"Hindi puwede. Dapat sa 'yo yung araw," sambit ko.
"Ayaw."
"Sige na, Sandra."
Tinaasan niya ako ng kilay. "Gold ba 'yang araw na 'yan?"
Tumango ako, "Oo. Sabi sa akin ng mommy ko. Gold daw yung kuwintas araw na ito." Sabi sa 'kin ni mommy black gold daw yung araw na kuwintas na ito.
Mabilis niyang kinuha ang kuwintas na araw sa kamay ko. "Dapat kanina mo pa sa 'kin sinabi na gold 'yan."
Muli akong napakamot sa batok ko. Hindi naman kasi siya nagtanong. "Ngayon mo lang naman kasi tinanong sa 'kin, e."
"Neon, may kuto ka ba?"
Kumunot ang noo ko. Palagi ako naliligo. Tuwing naliligo ako ay gumagamit ako palagi ng shampoo at conditioner. "Wala, bakit?"
Tumango-tango siya. "Wala lang."
"Sandra, kapag may problema ka at kailangan mo ng tao na maipaglalabasan ng loob. Kapitan mo lang ang kuwintas na araw na 'yan nang mahigpit at tawagin mo ang pangalan ko. Pangako. Darating agad ako sa tabi mo," sambit ko.
Gusto ko nang sabihin kay Sandra yung nararamdaman ko sa kaniya, pero nahihiya ako. Saka naisip ko na baka hindi pa siya handa. Masiyado pa kaming bata. Siguro kapag college na kami, saka ko na sasabihin sa kaniya na mahal ko siya, higit pa sa isang kaibigan.
Dumating ang araw na kinakatakutan ko. Mayroong lalaking nanligaw kay Sandra. Si Lucas.
Naiinis ako sa sarili ko.
Sana hindi ako naging duwag. Sana nilakasan ko yung loob ko na magpatapat sa kaniya, nang nararamdaman ko. Nang masabi ko sa kaniya na mahal ko siya, higit pa sa kaibigan. Para bang gumuho yung mundo ko nang sagutin niya si Lucas.
Noong maging sila ni Lucas. Walang araw na hindi ako nagdadasal sa diyos na sa magkahiwalay silang dalawa ni Lucas. O kaya sana, maaksidente at mamatay na si Lucas. Para wala ng epal sa amin ni Sandra.
Masama ba ako? Kung palagi kong pinagdadasal na maghiwalay si Sandra at Lucas? Masama ba ako? Kasi gusto ko pa rin na maging akin si Sandra, kahit na may nagmamay-ari na sa kaniya?
Dati, isang planeta lang yung umiikot sa araw ko. Ngayon nadagdagan na ito at para bang ako si Pluto at si Lucas naman si Mercury. Mas malapit siya sa araw ko, kaya mas nabuhos ng araw ko yung liwanag niya, yung pagmamahal niya kay Lucas. Dahil malayo ako sa kaniya, hindi na ako nasisinagan ng pagmamahal niya.
Habang sila Lucas at Sandra ay magkasama, unting-unti na lumalayo ang loob ni Sandra sa 'kin. Gaya ni Pluto na unting-unti na rin na lumalayo sa Araw, ganoon din ako. Unting-unti na akong lumalayo kay Sandra.
Dahil naubos na ni Sandra yung pagmamahal niya kay Lucas, hindi ko namalayan na lumabas na pala ako sa solar system niya. Silang dalawa nalang ang natira sa solar system niya.
Ako, si Pluto. Nagpaubaya na. Umalis na ako sa solar system ng araw ko. Pinaubaya ko na kay Mercury ang pagbabantay sa araw ko.
Noong kami ay magtatapos na pag-aaral sa college. Doon na ako sumuko ng tuluyan. Nakipag-usap sa 'kin si Lucas, gusto na niyang yayayain na ng kasal si Sandra.
"Neon, tulungan mo ako mamaya. Yayayain ko na si Sandra na magpakasal," wika niya.
"Ang bata niyo pa. Hindi pa kayo ready na magpakasal." Hindi pa ako ready na tuluyang iwan si Sandra.
Hindi pa ako handa tuluyang lisanin ang araw ko. Kahit na lumabas na ako sa solar system niya ay nakanataw pa rin ako sa kaniya. Sa malayo.
"Hindi pa naman kami magpapakasal agad-agad. Hindi lang talaga ako makapag hintay na mag propose sa kaniya," sambit niya.
"Sige. Papayag ako," saad ko.
Kahit na hindi naman ako pumayag na hindi siya tulungan kay Sandra na mag propose, sa huli, magiging sila pa rin. Mahal nila yung isa't isa, e. Samantalang ako, ako lang yung nagmamahal sa 'min ni Sandra. Mahal ko siya, mahal naman niya si Lucas na mahal din siya. Ano bang laban ko sa dalawang taong nagmamahalan? Sino ba ako sa buhay ng mahal ko, para pigilan siyang mahalin si Lucas at piliting siyang ako nalang ang mahalin niya. Kaibigan niya lang naman ako. Kaibigan lang.
"Talaga? Salamat, Neon!" masayang sambit niya.
"Sa isang kondisyon," ani ko.
Kumunot ang noo niya. "Ano yung kondisyon mo?"
"Huwag mong papaiyakin si Sandra. Huwag mo siyang sasaktan. Huwag siyang iiwanan. Kapatid na ang turing ko kay Sandra, kaya nag-aalala ako para sa kaniya." Nag-aalala ako sa kaniya kasi mahal ko si Sandra. Hindi bilang kaibigan at lalong hindi bilang kapatid. Mahal ko siya bilang isang kasintahan. Gusto kong siya ang makasama ko hanggang sa pumuti na ang aking buhok. Hanggang sa maging makakalimutin na ako. Pero hanggang dito nalang yung pangarap ko na 'yon. Dahil yayayain na siya ng kasal ng lalaking mahal na mahal niya.
Habang pinagmamasdan ko sila Lucas na mag propose kay Sandra, hindi ko mapigilan na umiyak. Ako dapat 'yan. Ako dapat yung nagpopropose kay Sandra. Kasi ako naman yung unang nakilala niya, ako yung unang minahal niya.
"Okay ka lang? Neon?" Napatingin ako kay Ian, nang tanungin niya ako.
Nginitian ko siya. "Okay lang ako."
"Kung okay ka lang, bakit ka umiiyak?" tanong niya pa ulit.
"Masaya lang ako, kaya ako ay umiiyak. Masaya ako para kay Sandra at Lucas."
Hindi ako masaya.
Pero sana, maging masaya na rin ako. Kahit tuluyan nang lumayo ang araw ko sa 'kin.
Kasalukuyan akong nasa bar. Umiinom na naman ako ng alak. Taon na ang lumipas simula noong maging fiancè ni Sandra si Lucas. Akala ko sumuko na ako, pero hanggang ngayon ay lumalaban pa rin pala yung puso ko. Si Sandra pa rin ang sinisigaw at hinahanap-hanap ng puso ko.
Napatigil ako sa pag-inom nang alak, nang makita ko si Lucas at ang mga kaibigan niya. Aalis na sana ako kasi akala ko si Sandra, yung babaeng kasama ni Lucas. Dahil kamukhang kamukha ito ni Sandra. Nang titigan kong mabuti yung babae ay napagtanto kong hindi siya si Sandra. Napatayo ako sa aking kinauupuan nang makita ko yung sunod na nangyari. Hinalikan ni Lucas yung kamukha ni Sandra sa labi.
Pilit kong pinigilan yung sarili ko na huwag sugurin si Lucas. Gamit ang aking selpon, kinuhaan ko sila ng litrato. Kailangan makita ito ni Sandra.
Tang ina.
Pinagkatiwalaan kita, Lucas. Pero bakit mo nagawang lokohin si Sandra. Alam kong hindi ko na mapipigilan ang aking sarili na suntukin si Lucas, kapag nanatili pa ako sa bar. Umalis na ako sa bar at umuwi sa bahay namin.
Kinabukasan. Agad akong nakipagkita kay Sandra, para ibigay sa kaniya ang litrato ni Lucas na may kahalikang babae. Alam ko naman na hindi siya maniniwala sa text ko sa kaniya. Na niloloko siya ni Lucas. Kailangan niya ng konkretong ebidensya para maniwala siya sa 'kin, masiyado na kasi siyang nabulag sa pag-ibig kay Lucas.
Hindi talaga ako pinapabayaan ng diyos. Mukhang malapit na niyang tuparin yung dasal ko na sana maghiwalay si Sandra at Lucas.
Mataas ang posisyon ko sa Arch Dream. Kahit na may project kami sa Pilipinas ay sinabi ko kay Sandra na sa Japan lang yung available ngayon. Sa Japan lang yung hiring ng Architect ngayon sa Arch Dream. Sa totoo lang, hindi talaga hiring ngayon sa Arch Dream. Mahirap makapasok sa Arch Dream. Ginamit ko lang ang posisyon at koneksyon ko para makapagtrabaho si Sandra sa Arch Dream. Kaya pinili kong sa Japan kami magtrabaho kasi alam kong kapag nakita niya yung binigay kong picture sa kaniya ay kakailanganin niyang magpalamig at lumayo muna. Para rin naman sa kaniya yung ginawa ko, mas makakapag-isip siya ng maayos kapag malayo siya kay Lucas.
Tinanggap ni Sandra yung inalok ko sa kaniyang trabaho. Agad din kaming pumunta sa Japan. Isang Taon lang ang lumipas ay umuwi na siya agad sa Pilipinas. Naintindihan ko naman siya kung bakit gusto niyang umuwi ng Pilipinas. Na stroke ang lolo niya. Matanda ang lola niya, hindi na nito maaalagaan ang kaniyang lolo. Kaya gusto niyang siya nalang ang mag-alaga sa lolo at lola niya.
Pag-uwi ko sa Pilinas ay pumunta muna akong coffee shop ni Aling Fely. Naalala ko kasi noong huling punta namin dito ni Sandra ay siya na naman ang nagbayad sa kape ko. Gusto ko siyang bilhan ng kape, siguradong stress 'yon ngayon, dahil sa kalagayan ng sa lolo niya.
Pagpasok ko sa coffee shop ni Aling Fely ay napahinto ako sa paglalakad. Nakita ko si Sandra na nakapikit at umiiyak. Kapit niya ang araw na kuwintas na ibinigay ko sa kaniya noong kami ay bata pa. Mabilis akong lumapit sa kaniya.
"Neon, please dumating ka. Kailangan na kailangan kita," wika niya.
Kahit hindi pa sinasabi sa 'kin ni Sandra ang problema niya ay ramdam ko na sobra siyang nasaktan. Niyakap ko siya.
"Shh. Huwag ka na umiyak. Nandito na ako," sambit ko.
Niyakap niya ako pabalik. "N-Neon..."
"Tahan na, Sandra."
"N-Neon, h-hindi ko kayang pigilan ang luha ko na tumakas sa aking mga mata," umiiyak na sambit niya.
Mas lalo ko pang hinigpitan ang pagkakayakap ko sa kaniya. "Handa akong makinig sa problema mo. Ilabas mo sa 'kin ang lahat ng sama ng loob mo at makikinig ako. Nakakagaan sa pakiramdam kapag nalabas mo yung sama ng loob mo na nagpapapigat sa loob mo."
Hindi muna si Sandra nagsalita. Umiyak lamang siya muna nang umiyak, habang yakap ko siya.
Nang kumalma na siyan ay humiwalay na ako sa pagkakayakap kaniya.
"Okay ka na? Handa ka na bang sabihin sa 'kin ang problema mo?" tanong ko.
"Mukha seryoso ang pag-uusapan niyo." Napatingin kami kay Aling Fely nang magsalita siya. "Ito na ang order mo, Sandra." Inilapag niya ang kape ko sa may lamesa at nginitian niya si Sandra. "Kung kailangan mo ng makakausap nandito lang ako. Handa akong makinig sa 'yo. Parang anak ko na rin kayong dalawa ni Neon."
Nginitian ni Sandra si Aling Fely. "Salamat po."
"Walang anoman, Sandra." Sambit niya at bumalik na siya sa front desk.
"Neon ang sakit," wika niya.
"Akala ko nagbago na siya. Nangako kasi siya sa 'kin na hindi na niya uulitin yung ginawa niyang pang bababae noon. Neon, pumunta ako sa condo namin para bigyan ko siya ng ulam para pang peace offering ko sa kaniya kasi lately, hindi ko siya nabibigyan ng atensyon."
"Pagpasok ko sa condo namin may nakita akong mga damit na nakakalat sa lapag at may narinig akong u-ungol sa kuwarto namin. Nang sumilip ako sa kuwarto namin ay nakita ko si L-Lucas n-na... N-Nakikipagtalik sa ibang babae."
"Damn him! Napakagago niya! Paano niya nagawa sa 'yo 'yon?"
Bigla na lamang akong nag-umapaw sa galit, nang marinig ko ang sinabi ni Sandra. Tang ina niya talaga. Sinaktan na naman niya si Sandra. Dapat talaga hindi na ako nagpaubaya sa kaniya. Dapat hindi ko na ipinagkatiwala si Sandra sa kaniya.
Kinagat ko niya ang kaniyang ibabang labi. "H-Hindi ko alam. Binigay ko naman ang lahat ko sa kaniya. Kaya hindi ko alam kung saan ako nagkulang. Pati nga lahat ng pagmamahal ko ay ibinigay ko na sa kaniya, wala na akong itinira sa sarili ko. Mahal na mahal ko siya, Neon."
Sandra, sa 'kin ka nalang kasi. Para hindi ka na masaktan pa.
Seryoso ko siyang tinignan. "Ano ang desisyon mo? Makikipaghiwalay ka ba o hindi?"
Please, makipaghiwalay ka na. Kahit na hindi ako ang piliin mo pagkatapos mong makipaghiwalay sa kaniya. Okay lang. At least, hindi na siya masasaktan pa ni Lucas.
Ang gusto ko lang naman ay sumaya si Sandra. Kaya nga kahit na ang sakit ay pinaubaya ko pa rin si Sandra kay Lucas. Kasi alam kong mas masaya siya kay Lucas, kaysa sa 'kin.
"H-Hindi ko alam. Gusto kong makipaghiwalay na ayoko. Sabi ng isip ko, makipaghiwalay na ako kay Lucas. Kasi nagawa niya akong lokohin ng dalawang beses, kaya hindi na imposibleng lokohin niya ako ulit. Ang sabi naman ng puso ko, huwag ko siyang hiwalayan. Kasi magbabago pa siya."
"Sandra, kapag lumaban ka ay mahirap nang umatras sa laban. Pag-isipan mong mabuti ang magiging desisyon mo."
"Dalawa lang 'yan. Kapag nanalo ka sa laban, liligaya ka ng sobra sa piling niya, kapag natalo ka naman ay masasaktan ka ng sobra. Ano? Lalaban ka pa ba?"
Ako kasi yung ginawa ko ay umatras agad ako sa laban. Hindi pa ako sumusugod sa laban ay umatras na agad ako. Naging duwag ako. Hindi ko man lang nasabi kay Sandra na mahal ko siya.
Hindi ako nanalo, hindi rin ako natalo. Pero ako ay sumaya, sumaya ako kasi nakita kong masaya si Sandra. Kahit hindi ako ang dahilan kung bakit siya masaya. Nalungkot ako, kasi nagsisisi ako. Hindi ko man lang ginawa yung lahat ko. Sumuko agad ako sa laban. Hindi ko pinaglaban yung pagmamahal ko kay Sandra.
Nakakalungkot lang.
Ako yung kayakap ni Sandra kapag may problema siya, pero hindi ako ang mahal niya. Hindi ako ang nasa isip niya.
Huminto ako sa pagtatrabaho nang mamatay ang lolo at lola ni Sandra. Alam kong sa panahon na ito, ako ang kailangan niya. Ang kaibigan niya. Kapag umalis ako ay baka hindi na kayanin ni Sandra.
Kaya kahit na ang sakit-sakit na makitang nasasaktan siya sa taong mahal niya, na hindi ako. Tiniis ko pa rin na samahan siya, hanggang sa maging okay siya.
Hindi ko alam kung magiging masaya ba ako o magiging malungkot noong nakunan si Sandra. Pero labis akong nasaktan noong makita ko siyang nakatulala na lamang at humihikbi. Wala nang lumalabas na luha sa mga mata niya. Naubos na siguro ang luha niya dahil sa kakaiyak niya. Nauubos din pala yung luha. Lahat talaga ay may katapusan. Sa tingin ko ito na ang katapusan ng pagmamahalan nila Sandra at Lucas.
Tinawagan ko si Lucas na pumunta sa hospital. Nanggigil na kasi talaga ako sa kaniya. Hindi ko na matiis yung galit ko sa kaniya. Kaya noong lalapit na sana siya kay Sandra, hindi ko na napigilan ang sarili ko na sapakin siya sa mukha. Binuhos ko na sa kaniya yung naipon kong galit.
Pinapunta ko lang talaga siya sa hospital para masapak ko yung nakakairita niyang mukha.
Sumama ako kay Sandra sa Palawan. Ayoko siyang iwanan. Baka bigla nalang niya lunurin yung sarili niya dahil sa sobrang lungkot. Sino ba ang hindi malulungkot kung namatay yung lolo at lola mo na nag-alaga sa 'yo, simula noong ikaw ay bata, kung nakabuntis yung ex fiancè mo at ate mo pa ang nabuntis niya, tapos yung dahilan mo kaya mo pinaubaya mo sa ate mo yung mahal mo, kasi buntis yung ate mo, ikaw hindi. Tapos malalaman mong buntis ka rin pala, ang masakit pa roon, nalaman mo lang na buntis ka rin pala noong ikaw ay nakunan. Noong malaglag yung sanggol na ipinagbubuntis mo. Kaya ayaw kong iwanan si Sandra. Baka bigla nalang niyang kitilin ang buhay niya.
Noong nasa big lagoon kami ni Sandra. Gusto niyang sumisisid. Pero ang sabi ko sa kaniya ay hindi ako marunong sumisid. Baka kasi kapag sumisid siya, hindi na siya umahon pa. Kaya nagkunwari ako na hindi ako marunong lumangoy. Ang sabi niya sa 'kin ang tanda ko na raw, pero hindi pa rin ako marunong lumangoy at sumisid. Gusto ko sanang sabihin sa kaniya na magaling akong sumisid. Dahil sa sobrang galing ko, pati siya, kaya kong sisirin. Pero para hindi masira yung magandang mood niya. Hindi ko na sinabi 'yon. Baka bigla niya akong lunurin.
"Sana lahat, pinili," wika niya.
"Mali ka," saad ko, kaya napatingin siya sa 'kin.
"Lahat naman ng tayo ay pinili. Ang malas lang talaga ng iba sa 'tin. Dahil pinili silang saktan at iwan. Hindi sila ang piniling kasama panghabang buhay ng kanilang mahal," sambit ko.
Gaya ko. Pinili mo akong saktan nang hindi mo alam, noong piliin mo si Lucas bilang kasama mo habang buhay.
Ang tanga rin nito ni Sandra. Kung ako pinili niya, edi sana hindi siya nasasaktan ngayon. Sana may marami na kaming anak ngayon. Ninong na sana si Lucas ng isa sa mga anak namin ngayon. Sayang.
Narito kami ngayon ni Sandra sa Puerto Princesa. Sa Subterranian, sa loob ng underground river. Nakasakay kami ni Sandra sa bangka. Ito na ang huling araw namin ni Sandra sa Palawan. Ito na rin ang araw na ipagtatapat ko sa kaniya yung nararamdaman ko. Sasabihin ko na sa kaniya na mahal ko siya, higit pa sa isang kaibigan.
"Alam mo ba na may alamat ang Puerto Princesa, Sandra?" tanong ko sa kaniya.
Umiling siya. "Hindi."
"Hindi talaga Puerto Princesa ang pangalan ng lugar na ito. Mayroong hari at reyna rito noon. Ang kanilang anak ay si Princess Asuncion. Maagang namatay si Princess Asuncion, dahil sa sobrang pagmamahal ng hari at reyna sa anak nila, kinuha nila ang pangalanan ng lugar nito sa pangalan ng kanilang anak. Pinangalan nila ang lugar na ito na Puerto de la Princesa. Na kalaunan ay naging Puerto Princesa," kuwento ko sa kaniya.
"Kawawa naman sila, maagang namatay yung anak nila," sambit niya.
"May isa pa akong alam na alamat sa Puerto Princesa," wika ko.
"Ano naman 'yon?" tanong niya.
"Ang alamat ng kuweba ng subterranian. Ang dahilan kung bakit dito nanirahan sa Puerto Princesa ang mga Magulang ni Princess Asuncion ay dahil sa kuweba na ito. Dito sa kuweba na ito, sinabi ni Haring Francisco ang nararamdaman niya kay Reyna Isabella. May paniniwala na kapag sa loob ng kuweba na ito, sinabi mo ang pagmamahal mo sa taong mahal mo, malaki ang tiyansa na kayo ay magkakatuluyan," sambit ko.
"Naniniwala ka roon?" tanong niya.
Ngumiti ako. "Oo naman. Dito kasi sinabi ng lolo ko ang pagmamahal niya kay lola, kaya sila ay nagkatuluyan. Dito rin sinabi ni daddy ang pagmamahal niya kay mommy, kaya sila ay nagkatuluyan."
Nanlaki ang mga mata niya. "Talaga? Hindi ko alam 'yan. Hindi mo sa 'kin kinuwento 'yan!"
"Hindi ko talaga kinuwento sa 'yo 'yan. Kasi gusto kong sabihin sa 'yo 'yan, kapag sasabihin ko na yung pagmamahal ko sa 'yo," sambit ko.
Tinitigan ko siya sa kaniyang mga mata. "Alam kong hindi ka pa handang magmahal ulit. Pero hindi na ako makapaghintay na sabihin ito. Ayoko nang maunahan ulit sa 'yo. Sandra, mahal kita. Higit pa sa isang kaibigan."
"Neon..."
"Alam ko. Alam kong hindi ka pa ready. Kaya ko namang maghintay. Simula noong unang beses na nagkita tayo, naghintay na ako sa 'yo. Ang malas ko lang. Naunahan ako ni Lucas sa 'yo."
"Hintayin mo ako, Neon. Sana hindi ka mapagod sa paghihintay mo sa 'kin."
Bumilis ang t***k ng puso ko nang marinig ko ang sagot niya sa sinabi ko sa kaniya. Ibig bang sabihin niyan ay may pag-asa ako? Gusto niyang hintayin ko siya? Kung hintayan lang pala yung usapan ay magaling ako roon. Hinintay ko na siya, simula kinder palang kami, hanggang ngayon ay patuloy ko pa rin siyang hinihintay.
Ngumiti ako. "Kailanman, hindi ako mapapagod hintayin ang babaeng mahal ko."
Hinding-hindi ako mapapagod na hintayin ka Sandra. Hinding-hindi ako mapapagod na mahalin at alagaan ka.
Simula noon, hanggang ngayon, hanggang dulo, ikaw lang ang mamahalin ko.
Niyakap niya ako. "Salamat, Neon. Salamat kasi hindi mo ako iniwan. Salamat kasi hanggang ngayon ay nandito ka pa rin sa tabi ko. Salamat sa lahat."
Salamat din. Salamat sa diyos, dinig na niya ang panalangin ko. Nagkaroon na ako ng pag-asa kay Sandra. May pag-asa nang matupad ang pangarap na ikasal kami.
Tama nga talaga si mama. Kapag sa babae naming mahal ibinigay yung araw na kuwintas, kahit na anong mangyari, sa huli, kami pa rin ang magkakatuluyan.
Siguro kung naging matapang lang ako noong simula, hindi na sana kailangan pang masaktan ni Sandra ng sobra. Siguro dapat ay masaya na kaming nagsasama, tulad nang ngayon. Masaya na kaming nagsasama ni Sandra. Nakatitig ako kay Sandra, habang ibinabahagi niya ang aming istorya, sa mga kabataan na nasawi sa pag-ibig.
"Ang palagi niyo lang tandaan, kung para sa inyo, para sa inyo. May taong nakalaan para sa 'yo, huwag mo na siyang hanapin, dahil kung hahanapin mo siya, mas lalo mo lamang siyang hindi makikita," sambit ni Sandra at tumingin siya sa direksyon ko. "Malay niyo, dahil sa kakahanap niyo sa taong itadhana sa inyo, hindi niyo napapansin na matagal na nasa tabi niyo nalang pala ang taoang nilaan ng diyos para sa 'yo."
Maraming taon na rin ang lumipas simula noong naging kami ni Sandra. Simula noong ikasal at magkaroon kami ng anak. Maayos na ang relasyon ni Sandra at ni Lucas. Matagal na niyang napatawad si Lucas. Ninong nga si Lucas ng panganay na anak namin ni Sandra.
Nang matapos si Sandra sa pagbabahagi sa istorya naming dalawa ay lumapit ako sa kaniya at kinapitan ko ang kamay niya.
"Ang galing mo kanina," sambit ko.
"Mas magaling ka. Nagawa mo akong mahintay nang napakatagal," wika niya.
"Mahal ko naman kasi yung hinihintay ko. Kaya hindi ako napagod hintayin siya," nakangiting saad ko.
Napahinto kami sa paglalakad ni Sandra nang may humarang na binata sa aming harap.
"Lolo Neon, ano-ano po yung ginawa niyo noong hinihintay mo si Lola Sandra?" tanong ng binata na humarang sa amin.
Nginitian ko siya. "Bakit mo naman gusto malaman 'yon? May hinihintay ka rin ba? May kasintahan din ba yung hinihintay mo?"
Napakamot siya sa kaniyant batok. "Opo."
"Alam mo iho, kung para sa 'yo talaga ang babaeng 'yan, para sa 'yo talaga siya. Kung totoong mahal mo siya, hindi ka mapapagod sa paghihintay sa kaniya," sambit ko.
"Mahal ko po talaga siya. Hihintayin ko po siya, kahit na anong mangyari."
Nilapitan ko siya at binulungan.
"Ang ginawa ko noon habang hinihintay si Sandra ay nanalig ako sa diyos. Araw-araw akong nagdadasal na sana maghiwalay sila ng kasintahan niya. O kaya naman, sana maaksidente at mamatay yung kasintahan niya," bulong ko sa kaniya at lumayo ako sa kaniya.
"Iho, manalig ka lang sa diyos," nakangiting saad ko.
Ngumiti at tumango siya sa 'kin, "Maraming salamat po sa advice mo po! Simula ngayon, gagawin ko na 'yon!" masayang sambit niya at umalis na siya sa harap namin.
"Anong sinabi mo sa bata?" tanong ni Sandra.
Nginitian ko siya. "Huwag mo na alamin."
Mayroon talagang sikreto na dapat pinapanatiling sikreto na lamang.