VINCE
Hindi ko maiwasang makaramdam ng pagkahabag para sa lola ko nang maabutan ko siyang nakaupo sa stool na malapit sa sirang jeep na nagsisilbing tulugan namin. May hawak siyang gunting at balat ng tsitsirya na ginugupit niya nang maliliit at gagawin niya raw unan.
Nagmano ako kay lola at pagkatapos ay inabot sa kanya ang plastic na naglalaman ng mga mangga. “Pasalubong ko sa `yo, `la,” nakangiting sabi ko sa kanya.
“Naku, maraming salamat apo,” natutuwang sagot ni lola. Tumayo siya at dahan-dahang umakyat ng jeep bitbit ang mga manggang dala ko. Tahimik na pinagmamasdan ko siya habang maingat niyang nilalagay sa basyong lata ng Bear Brand ang mga mangga.
Mayamaya lang ay tinawag ako ni lola. Mabilis namang lumapit ako sa kanya. “Ano `yon, `la?”
May inaabot siyang fifty pesos sa `kin. “Bumili ka ng Siopao bukas. Kahit `yon na lang ang handa ko,” aniyang pinilit ngumiti.
Parang may pumiga sa puso ko pagkarinig sa sinabi niya. Eightieth birthday nga pala ni lola bukas. At wala man lang siyang handa. Naramdaman kong nagsisimulang mag-init ang paligid ng mga mata ko pero agad ko ring sinupil ang nag-aambang pamumuo ng mga luha ko. Ibinalik ko kay lola ang pera na binigay niya at saka ngumiti sa kanya.
“Ako na po ang bahala bukas, `la. May pera pa naman po ako,” pagsisinungaling ko. Pero ang totoo’y said na ang naipon ko dahil kelan lang ay nagkasakit si lola at maraming gamot ang kinailangan kong bilhin. Pero ayos lang, didiskarte na lang ako mamaya.
Mabait ang Diyos. Alam ko, makakahanap ako ng paraan para makapaghanda bukas sa birthday ni lola.
Pilit pa ring binabalik ni lola ang pera sa `kin. “Sige na, ipandagdag mo na `yan sa pera mo. Alam kong marami kang nagastos nitong mga nakaraang araw.”
“`La, ayos lang. Sige na po, itabi mo na lang `yan para kung sakaling may dadaang nagba-banana cue, may pambili ka.”
Hindi na nakipagtalo si lola at kinuha na rin pabalik ang pera. Nagpaalam naman ulit ako sa kanya na may aasikasuhin ako.
Bumaba ako ng jeep at naglakad papunta sa bahay na hindi naman kalayuan sa lumang jeep kung saan nga kami natutulog ni lola. Ang bahay na `yon ang totoong bahay namin. Pero mula nang mamatay si tatay two years ago at mag asawang muli ang nanay ko, sa jeep na kami natutulog ni lola dahil may kasamaan ang ugali ng bagong kinakasama ni nanay.
Masyado na raw masikip ang bahay kung doon pa kami titira ni lola. Dalawa lang kasi ang kwarto sa bahay namin. `Yong isa, gamit nina nanay at bagong kinakasama niya habang `yong isa naman—na originally ay kwarto ko—pinagamit sa anak ni Lucio.
Ayaw naman ni Lucio na sa sala kami matulog ni lola dahil magulo raw tignan. Kaya sa huli, sa lumang jeep na dating pinapasada ni tatay na lang kami nag-stay ni lola. Gustuhin ko mang umalma noon, masyado pa akong bata at wala rin naman akong karapatan dahil anak lang ako.
“Oh, bakit ka nandito?” agad na tanong sa `kin ni nanay nang makita niya `kong pumasok ng sala. “`Pag dumating si Lucio at makitang nandito ka, lagot ka na naman,” inis na dugtong ni nanay habang nagsasalin ng alak sa basong hawak niya. Simula nang mamatay si tatay, halos araw-araw na siyang umiinom ng alak. Mas lumala pa nga ngayong nag-asawa ulit siya. Paano’y malakas ring lumaklak ng alak si Lucio.
“Hihingi lang po sana ako ng pera. Birthay kasi ni lola bukas,” lakas-loob na sabi ko bagama’t may duda na akong hindi siya maglalabas ng pera kahit na may nakatabi pa siyang pera. At hindi nga ako nagkamali.
“Wala akong pera! Saka ano naman kung birthday ng matandang `yon bukas? Jusko sa tanda niyang `yon kailangan pa ba niyang mag-party?”
“Hindi naman magpa-party, `nay. Gusto ko lang maghanda kahit konti,” mahinahon pa ring sagot ko kahit alam kong hopeless `tong ginagawa ko. Pero ewan ko ba, siguro umaasa pa rin ako na may kabutihan pang natitira sa puso ng nanay ko.
“Lintik! Sinabi nga kasing walang pera! Kita mo nga’t walang trabaho `yong tatay-tatayan mo. Tapos manghihingi ka pa sa `kin ng pera lintik ka,” pagtatalak pa niya. “Ikaw Vince, umayos ka nga. Hindi ka nag-iisip, eh.”
Laglag ang balikat na lumabas ako ng bahay at naglakad palayo. Hihiram na lang muna siguro ako kay ma’am Ellaine na pinagta-trabahuan ko tuwing Sabado at Linggo. Pero pagdating ko sa bahay nina ma’am Ellaine ay mas lalong nalaglag ang balikat ko nang makita kong nakasara ang bahay nila at halatang walang tao.
“Umalis silang lahat. Magbabakasyon daw sa Baguio,” sabi ng kapitbahay nina ma’am.
Paano ko maipaghahanda si lola bukas? tanong ko sa sarili ko. Sa halip na umuwi ay nagpasya akong tumambay muna sa park para mag-isip kung paano ako makaka-delihensiya ng pera. Malapit nang kumagat ang dilim.
Ilang minuto pa lang akong nakaupo sa bench nang may lumapit sa `kin—si sir Marjon na teacher ko noong high school. Binabae si sir at matagal nang may crush sa `kin. Noong fourth year ako at scouting namin, bigla na lang siyang pumasok sa tent namin habang mag-isa lang ako at nagpapalit ng damit. At nagulat pa `ko nang bigla na lang niyang dakmain ang hinaharap ko. Mabuti na lang at bumalik rin kaagad `yong mga ka-grupo ko kaya hindi natuloy `yong pangmomolestiya ni sir sa `kin noon.
Pero hindi nagtapos doon ang pagyayaya sa `kin ni sir. Hanggang maka-graduate na lang ako ay lagi pa rin niya akong niyayaya sa bahay niya. Bibigyan niya raw ako ng pera kapalit ng bagay na gusto niyang mangyari. Pero lagi ko rin iyong tinatanggihan.
“Kumusta ka na Vince? Lalo kang guma-gwapo, ah?”
“Ayos lang sir,” tipid na sagot ko.
“Ba’t nga pala mag-isa ka lang dito?”
“Nag-iisip lang po kung paano magkakapera,” tugon ko na nakatingin sa mga mata niya. Nang oras na `yon, alam kong si sir Marjon na lang ang paraan ko para magkapera. “Baka pwedeng mangutang sa `yo, sir?”
“Alam mo Vince, hindi mo naman kailangang mangutang. Ikaw lang, eh, hindi ka pumupunta ng bahay,” aniyang malagkit ang tingin sa `kin.
Lumunok muna ako bago muling nagsalita. “Pwede po bang pumunta sa inyo ngayon, sir?”
Sa sinabi ko ay agad na nagliwanag ang mukha ng baklang teacher. “Oo naman.”
“Sige mauna ka. Sunod ako after five minutes,” sabi ko.
“Sure `yan, ha?”
“Opo.”
Tumayo na siya at akmang tatalikod na nang may maalalang itanong. “Teka, magkano nga pala?”
“1k.”
“Ang mahal naman. Five hundred na lang.”
Umiling ako. “Kung hindi niyo po kaya ng 1k, huwag na lang,” sabi ko.
Agad naman niya akong pinigilan nang akmang tatalikod na `ko. “Oo na, sige na. Naku, kung hindi lang talaga kita type, Vince.” Naglakad na siya palayo habang naghintay naman ako ng limang minuto bago naman ako umalis sa park na `yon. Ilang saglit pa ay nasa harap na ako ng bahay ni sir Marjon. Mag-isa lang siya dahil nasa abroad ang parents at mga kapatid niya.