WALA pang alas nuebe ng gabi nang dumating ang tatlong kaibigan. Si Miguel ang bumaba para sunduin sina Sofia, Lenna at Annie sa lobby ng condo building. Hindi na sumama si Lara. Naghintay na lang siya may pinto. Ilang minuto lang, narinig na ni Lara ang ingay pagkalabas pa lang ng mga kaibigan sa elevator.
Napangiti ang dalaga. Halos two years na rin na hindi niya narinig ang ganoong tawanan. Naging busy na kasi sila sa kanya-kanyang buhay. Na-miss niya bigla ang mga late night group study nila noon na chips at soda lang ang karamay.
“Girl!” Si Sofia ang naunang lumapit. Shorts, sleeveless at jacket pa rin ang suot—paboritong suotin nito noon. Cropped pa rin ang buhok, light brown na ang kulay at may highlights na parang blonde. Nag-beso sila at niyakap siya nito. “Hindi ka pa ba nabubuntis ni Miguel?” Kasunod ang nang-aasar na tawa. Sa tatlo, si Sofia ang laging nambubuyo sa kanila ni Miguel.
“Hindi pa, eh. Wala nang buhay sa sperm ni Mig—”
“May bigote na ang egg cells ng kaibigan mo, Sophie.”
Sabay pa sila ni Miguel na sumagot sa sinabi nito. Mas tumawa si Sofia. Pareho rin sila ni Miguel na nang-aasar ang tingin sa isa’t isa.
Sumunod sina Annie at Lenna sa pagpasok. Si Annie, girl na girl pa rin ang dating sa dress na hanggang sakong. Parang indian woman sa itim na itim na buhok na hanggang gitna ng likod, dark eyes at oval shape na mukha.
Si Lenna naman, hanggang balikat na lang ang dating hanggang gitna ng likod na buhok. Hindi na wavy lang, curled na talaga. Jeans and shirt pa rin ang suot nito. Napansin ni Lara na parang walang masyadong changes sa mga kaibigan.
May kanya-kanyang bitbit ang tatlo. Nahuhulaan na ni Lara na pagkain at alak ang dala ng mga ito. Susulitin nila ang isang gabing iyon ng bonding.
“Wala pa rin kayong plan na maghiwalay?” si Annie pagkapasok nilang lahat sa unit.
“Or magpakasal?” si Lenna naman.
“Wala pa,” walang anuman na sagot ni Miguel. “Nagpa-deliver na ako ng dinner,” dugtong nito. “Kumain muna tayo.”
“Pero soon,” si Lara naman, gaya ni Miguel, parang natural na ang pagsagot nila sa mga ganoong hirit ng mga kaibigan. Sa tagal ba naman nilang imina-match sa isa’t isa, alam na alam na nila pareho ang mga ganting hirit.
“How soon?” si Sofia. “Ang tagal na niyang pagnanasa n’yo sa isa’t isa!” Kasunod ang tawa.
“Mga bukas!”
Sabay na sabay sila ni Miguel, ni hindi tiningnan ang isa’t isa.
“Grabe kayo, ha? Sabay na sabay!” si Sofia.
“Connected na pati utak?” si Annie.
“Mas close na sila ngayon,” si Lenna naman. “Sa simbahan talaga ang ending n’yo, sure na ako. I hate you both!”
Deadma na sila ni Miguel. Siya at dumiretso sa kitchen para ihanda ang mesa na paglalagyan nila ng pagkain.
Si Miguel naman ay may sinagot na tawag. May kausap pa ito sa cellphone nang nag-excuse at lumabas ng unit. Pagbalik ng lalaki, kasama na ang delivery boy na may dala ng pagkain nila.
Na-extend ang tawanan hanggang sa dinner. Ang topic nila ay ang mga kalokohan nila noong college, mga ‘cheating gone wrong moments’, mga failed attempt na maakit ang crush, mga pinagsisihang dates, hanggang sa masusungit na instructors na stress nila hanggang sa pagtulog.
Buhay na buhay ang kuwentuhan at tawanan.
Pagkatapos nilang kumain, extended ang kuwentuhan. May alak na silang kaharap.
“Who’s driving home?” tanong ni Mig sa gitna ng kuwentuhan.
“Me!” si Lenna, itinaas ang wine glass. “May sundo sila.”
“Drink moderately, Len—”
“Why don’t you take me home na lang, baby?” si Lenna na ang tamis ng ngiti kay Miguel, nakanguso pa.
Pinigil ni Lara ang matawa. Mukhang hindi pa rin nakaka-move on ang tsinita nilang kaibigan sa feelings kay Miguel. Feelings na nailalabas lang nito kapag nalalasing. Third year sila nang mag-confess si Lenna. Fourth year naman sinabing naka-move on na. Sa tingin nito ngayon kay Miguel, parang hindi pa.
“Ahm, sorry, chinky-eyed,” si Miguel kay Lenna. “Deadline ng revised script ko bukas. Ako na’ng iinom ng share mo,” at inabot nito ang wine glass pero inilayo ni Lenna. Inirapan si Miguel saka inubos ang natitirang alak.
Walang alam si Miguel sa feelings ni Lenna pero laging ganoon ito kahit noon—umiiwas. May mga dates lagi ito noon pero silang apat, parang hindi ‘babae’ sa tingin nito. Pagkatapos ng confession ni Lenna na silang mga babae lang ang nakakaalam, naitanong niya kay Miguel kung naisip ba nitong i-date isa man sa tatlo nilang kaibigan—in-exempt niya ang sarili bilang best friend nito. “Ang kaibigan, kaibigan” ang sagot ni Miguel.
Hindi tuloy niya maiwasang sumulyap sa best friend. Wala itong deadline. Next week pa ang mga deadlines nito. May ideya yata sa feelings ni Lenna at umiiwas lang.
“If you want, I’ll drive you home, Lenn,” si Lara sa kaibigan kahit inaasahan na niyang tatanggi ito.
Sumimangot si Lenna at inirapan si Miguel. “No, thanks, Lara. Baka may hinahabol ka ring deadline,” sobrang diin sa deadline, halatang nagpaparinig kay Miguel.
Wala namang pakialam ang lalaki, sa wine glass na hawak busy. Nag-eenjoy sa pag-sip ng wine.
Tuloy-tuloy ang kuwentuhan nila sabay nang paglipas ng oras.
“Hindi ba kayo nalulungkot, guys?” mayamaya ay sabi ni Sofia. “This could be our last night together…”
Natigilan si Lara, napatingin sa kaibigan. Sinabi ni Sofia ang isang linyang iyon na parang may kakaibang lungkot. Hindi man dapat pero iba ang epekto sa kanya. Ramdam ni Lara na parang nilamig siya. Tumayo ang mga balahibo niya sa batok.
Gustong isipin ni Lara na siya lang ang nakaramdam nang kakaiba pero nang tingnan niya si Miguel, nakatingin din ito sa kanya na parang pareho sila nang iniisip.
Lumunok si Miguel, binawi ang tingin at inubos ang laman ng sariling wine glass.
“Magkikita-kita pa tayo, Sophie!” si Lara na pinasigla ang boses. “Magiging friends pa nga ang mga anak natin, eh. ‘Di ba?” Bumaling siya sa mga kaibigan. “`Di ba, guys?”
“Yeah... yeah, whatever!” si Annie na halatang tinamaan na ng alak.
Si Lenna ay deadma lang, nakatingin kay Miguel. Parang gustong magtanong kung bakit ayaw nitong maghatid.
“Lara’s right,” sabi naman ni Miguel. “Kaya ‘wag kang magsasalita na parang mamamatay ka na bukas, Sophie!” sinundan nito iyon ng tawa pero hindi naging convincing. Nakita ni Lara na nawala agad ang ngiti ni Miguel, nag-refill ng wine at uminom uli.
“What if...” bulong uli ni Sofia, nag-pause saka huminga nang malalim.
“Stop it, Sophie!” mariing agaw na ni Lara. Kinilabutan na talaga siya.
Tumingin sa kanya si Miguel bago ibinalik kay Sofia ang tingin. “Mahaba ang ears mo,” magaang sabi nito. “Sign ‘yan na hindi ka agad kukunin ni Lord, Sophie,” dagdag nito, tumayo at nagtungo sa kuwarto. Nang magbalik ay dala na ang paboritong camera.
Ang sumunod na mga eksena ay kuha na nang kuha ng photos si Miguel.
“Take care of her, Mig. Mahal ko `yan si Lara,” sabi ni Sofia nang tumigil na si Miguel sa pagkuha ng pictures.
Napalunok si Lara. Hindi niya alam kung bakit pero may kakaiba siyang naramdaman nang tumingin sa kanya si Sofia at ngumiti. Si Miguel agad ang tiningnan niya—na tumingin din pala sa kanya kaya nagtama ang mga mata nila. Inabot niya ang pack ng chips at magaang hinampas si Sofia. “Tama na, ha? Ang creepy na, Sophie!”
Tumawa lang ito, sige lang sa pag-inom.
“Oo nga,” si Annie naman. “Don’t spoil the moment, friend! Mas mabait kaya ako sa ‘yo. Kung kukunin ka man ni Lord, sure na mas una ako!” and she giggled.
“Right,” sang-ayon naman ni Lenna na tumawa rin. “Ako ang pinakamabait kaya ako muna, ‘di ba?”
Nagtawanan ang tatlo.
Sila lang ni Miguel ang hindi tumawa.
Hanggang makarating na sila sa lobby para ihatid ang mga kaibigan, hindi pa rin mawala sa dibdib ni Lara ang kakaibang kaba. Pamilyar ang kabog na iyon ng puso niya. Three years ago, ganoon lagi ang pakiramdam niya.
Laging may takot.
Walang katahimikan.